Ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus ay mga pagkakatawang-tao ng iisang Diyos
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa mga tao, Ako ang Espiritung hindi nila makita, ang Espiritung hindi nila makakasalamuha kailanman. Dahil sa tatlong yugto ng Aking gawain sa lupa (paglikha ng mundo, pagtubos, at pagwasak), nagpapakita Ako sa gitna nila sa iba’t ibang panahon (hindi sa publiko kailanman) upang gawin ang Aking gawain sa mga tao. Ang unang pagkakataon na pumarito Ako sa mga tao ay noong Kapanahunan ng Pagtubos. Mangyari pa, napunta Ako sa isang pamilyang Judio; sa gayon, ang unang nakakita sa pagparito ng Diyos sa lupa ay ang mga Judio. Kaya Ko ginawa nang personal ang gawaing ito ay dahil nais Kong gamitin ang Aking katawang-tao bilang handog dahil sa kasalanan sa Aking gawain ng pagtubos. Sa gayon, ang unang nakakita sa Akin ay ang mga Judio sa Kapanahunan ng Biyaya. Iyon ang unang pagkakataon na gumawa Ako na nasa katawang-tao. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ang gawain Ko ay manlupig at magperpekto, kaya muli Kong ginawa ang gawaing mag-akay na nasa katawang-tao. Ito ang ikalawang pagkakataon Kong magtrabaho na nasa katawang-tao. Sa huling dalawang yugto ng gawain, ang nakakasalamuha ng mga tao ay hindi na ang di-nakikita at di-nahahawakang Espiritu, kundi isang tao na siyang Espiritung nagkatawang-tao. Sa gayon, sa mga mata ng tao, nagiging tao Akong muli, na hindi kamukha ng anyo at pakiramdam ng Diyos. Bukod dito, ang Diyos na nakikita ng mga tao ay hindi lamang lalaki, kundi babae rin, na lubhang kataka-taka at nakalilito sa kanila. Muli’t muli, pinutol na ng Aking pambihirang gawain ang sinaunang mga paniniwalang pinanghawakan sa loob ng napakaraming taon. Nalito ang mga tao! Ang Diyos ay hindi lamang ang Banal na Espiritu, ang Espiritung iyon, ang Espiritung pinatindi nang pitong beses, o ang Espiritung sumasaklaw sa lahat, kundi isang tao rin—isang ordinaryong tao, isang lubhang karaniwang tao. Hindi lamang Siya lalaki, kundi babae rin. Magkapareho sila dahil kapwa Sila isinilang sa mga tao, at magkaiba dahil ipinaglihi ang isa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ang isa naman ay isinilang sa isang tao, bagama’t nagmula mismo sa Espiritu. Magkatulad Sila dahil pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao na nagsasagawa ng gawain ng Diyos Ama, at magkaiba dahil ginagawa ng isa ang gawain ng pagtubos samantalang ang isa naman ay ang gawain ng panlulupig. Parehong kumakatawan sa Diyos Ama, ngunit ang isa ay ang Manunubos, na puno ng kagandahang-loob at awa, at ang isa naman ay ang Diyos ng katuwiran, na puno ng poot at paghatol. Ang isa ay ang Kataas-taasang Pinuno na naglunsad ng gawain ng pagtubos, samantalang ang isa naman ay ang matuwid na Diyos na nagsasakatuparan ng gawain ng panlulupig. Ang isa ay ang Simula, at ang isa naman ay ang Wakas. Ang isa ay walang-kasalanang katawan, samantalang ang isa naman ay katawan na tumatapos sa pagtubos, nagpapatuloy ng gawain, at hindi nagkakasala kailanman. Pareho Silang iisang Espiritu, ngunit nananahan Sila sa magkaibang katawang-tao at isinilang sa magkaibang lugar, at magkahiwalay Sila nang ilang libong taon. Gayunman, lahat ng Kanilang gawain ay nagpupuno sa isa’t isa, hindi kailanman nagkakasalungat, at maaaring banggitin nang sabay. Pareho Silang tao, ngunit ang isa ay isang batang lalaki at ang isa naman ay isang batang babae. Sa loob ng maraming taon na ito, ang nakita ng mga tao ay hindi lamang ang Espiritu at hindi lamang isang tao, isang lalaki, kundi maraming bagay rin na hindi tugma sa mga kuru-kuro ng tao; sa gayon, hindi Ako lubos na naaarok ng mga tao kailanman. Patuloy silang naniniwala at nagdududa sa Akin—na para bang umiiral nga Ako, subalit isa rin Akong ilusyong panaginip—kaya nga, hanggang sa araw na ito, hindi pa rin alam ng mga tao kung ano ang Diyos. Talaga bang maibubuod mo Ako sa isang simpleng pangungusap? Talaga bang nangangahas kang sabihing, “Si Jesus ay walang iba kundi ang Diyos, at ang Diyos ay walang iba kundi si Jesus”? Napakatapang mo ba talaga para sabihing, “Ang Diyos ay walang iba kundi ang Espiritu, at ang Espiritu ay walang iba kundi ang Diyos”? Komportable ka bang sabihing, “Ang Diyos ay isang tao lamang na may katawang-tao”? May tapang ka ba talagang igiit na, “Ang larawan ni Jesus ay walang iba kundi ang dakilang larawan ng Diyos”? Nagagawa mo bang gamitin ang iyong kahusayan sa pagsasalita para ipaliwanag nang lubusan ang disposisyon at larawan ng Diyos? Nangangahas ka ba talagang sabihing, “Mga lalaki lamang ang nilikha ng Diyos, hindi mga babae, ayon sa Kanyang sariling larawan”? Kung sasabihin mo ito, walang babaeng mapapabilang sa Aking mga pinili, lalo nang hindi magiging isang klase ng katauhan ang mga babae. Ngayon talaga bang alam mo kung ano ang Diyos? Tao ba ang Diyos? Espiritu ba ang Diyos? Lalaki ba talaga ang Diyos? Si Jesus lamang ba ang maaaring kumumpleto sa gawaing Aking gagawin? Kung isa lamang ang pipiliin mo sa nasa itaas para ibuod ang Aking pinakadiwa, isa kang napakamangmang na tapat na mananampalataya. Kung gumawa Akong minsan bilang katawang-tao, at minsan lamang, lilimitahan kaya ninyo Ako? Nauunawaan ba ninyo talaga Ako nang lubusan sa isang sulyap lamang? Maibubuod mo ba talaga Ako nang ganap batay sa kung ano ang nalantad sa iyo sa buong buhay mo? Kung pareho ang gawaing ginawa Ko sa Aking dalawang pagkakatawang-tao, ano ang magiging tingin mo sa Akin? Hahayaan mo bang nakapako Ako sa krus magpakailanman? Maaari bang maging kasing-simple ng sinasabi mo ang Diyos?
Hinango mula sa “Ano ang Pagkaunawa Mo sa Diyos?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kami ni Jesus ay nagmumula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming katawang-tao, iisa ang Aming Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng Aming ginagawa at ang gawaing Aming ginagawa ay hindi magkapareho, magkatulad Kami sa diwa; ang Aming katawang-tao ay magkaiba ang anyo, ngunit dahil ito sa pagbabago sa kapanahunan at sa magkakaibang mga kinakailangan ng Aming gawain; hindi magkapareho ang Aming ministeryo, kaya magkaiba rin ang gawaing hatid Namin at ang disposisyong inihahayag Namin sa tao. Kaya nga ang nakikita at nauunawaan ng tao sa araw na ito ay hindi katulad noong araw, na dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Sa lahat ng iyan ay magkaiba Sila sa kasarian at sa anyo ng Kanilang katawang-tao, at hindi Sila isinilang sa iisang pamilya, at lalo nang hindi sa iisang panahon, magkagayunman ay iisa ang Kanilang Espiritu. Sa lahat ng iyan ay hindi magkapareho ang dugo ni ang anumang uri ng pisikal na pagiging magkamag-anak, hindi maikakaila na Sila ay mga nagkatawang-taong laman ng Diyos sa dalawang magkaibang panahon. Hindi mapabubulaanan ang katotohanan na Sila ang mga nagkatawang-taong laman ng Diyos. Subalit, hindi Sila magkadugo at magkaiba ang kanilang wika (ang isa ay lalaki na nagsasalita ng wika ng mga Judio at ang isa naman ay babae na nagsasalita lamang ng Tsino). Ito ang mga dahilan kaya Sila namuhay sa magkaibang bansa upang gawin ang gawaing kinakailangang gawin ng bawat isa, at sa magkaibang panahon din. Sa kabila ng katunayan na Sila ay iisang Espiritu, may magkaparehong diwa, walang ganap na mga pagkakatulad sa panlabas na balat ng Kanilang katawang-tao. Magkatulad lamang Sila sa pagkatao, ngunit pagdating sa panlabas na hitsura ng Kanilang katawang-tao at ang sitwasyon ng Kanilang kapanganakan, hindi Sila magkatulad. Walang epekto ang mga bagay na ito sa kanya-kanyang gawain Nila o sa kaalaman ng tao tungkol sa Kanila, sapagkat, matapos isaalang-alang ang lahat, iisa Silang Espiritu at walang makapaghihiwalay sa Kanila. Bagama’t hindi Sila magkadugo, ang Kanilang buong katauhan ay nasa pamamahala ng Kanilang Espiritu, na naglalaan sa Kanila ng magkaibang gawain sa magkaibang panahon, at ang Kanilang mga katawang-tao ay sa magkaibang linya ng dugo. Ang Espiritu ni Jehova ay hindi ang ama ng Espiritu ni Jesus, at ang Espiritu ni Jesus ay hindi ang anak ng Espiritu ni Jehova: Iisa Sila at pareho ang Espiritu. Gayundin, ang Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon at si Jesus ay hindi magkadugo, ngunit iisa Sila, ito ay dahil iisa ang Kanilang Espiritu. Magagawa ng Diyos ang gawain ng awa at kagandahang-loob, gayundin ang matuwid na paghatol at pagkastigo sa tao, at yaong pagtawag sa mga sumpa sa tao; at sa huli, magagawa Niya ang gawain ng pagwasak sa mundo at pagpaparusa sa masama. Hindi ba ginagawa Niya Mismo ang lahat ng ito? Hindi ba ito ang walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos? Nagawa Niyang parehong magpahayag ng mga batas para sa tao at bigyan siya ng mga kautusan, at nagawa rin Niyang akayin ang mga sinaunang Israelita sa kanilang pamumuhay sa lupa, at gabayan sila sa pagtatayo ng templo at mga altar, habang hawak ang lahat ng Israelita sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Dahil sa Kanyang awtoridad, nabuhay Siya sa lupa sa piling ng mga tao sa Israel sa loob ng dalawang libong taon. Hindi nangahas ang mga Israelita na sumuway sa Kanya; nagpitagan ang lahat kay Jehova at sumunod sa Kanyang mga utos. Gayon ang gawaing ginawa dahil sa Kanyang awtoridad at sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan. Pagkatapos, noong Kapanahunan ng Biyaya, dumating si Jesus upang tubusin ang buong sangkatauhang makasalanan (hindi lamang ang mga Israelita). Nagpakita Siya ng awa at kagandahang-loob sa tao. Ang Jesus na nakita ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay puno ng kagandahang-loob at laging mapagmahal sa tao, sapagkat naparito Siya upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Nagawa Niyang patawarin ang mga tao sa kanilang mga kasalanan hanggang sa ganap na tubusin ng pagpapako sa Kanya sa krus ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Sa panahong ito, nagpakita ang Diyos sa tao na may awa at kagandahang-loob; ibig sabihin, naging isa Siyang handog dahil sa kasalanan para sa tao at ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng tao, upang sila ay mapatawad magpakailanman. Siya ay maawain, mahabagin, matiisin, at mapagmahal. At hinangad din ng lahat ng sumunod kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya na maging matiisin at mapagmahal sa lahat ng bagay. Mahaba ang kanilang pagtitiis, at hindi sila lumaban kailanman kahit sila ay binugbog, isinumpa, o binato. Ngunit sa huling yugto hindi na maaaring maging katulad niyon. Ang gawain nina Jesus at Jehova ay hindi lubos na magkapareho kahit Sila ay iisang Espiritu. Ang gawain ni Jehova ay hindi upang wakasan ang kapanahunan, kundi upang gabayan ang kapanahunan, na sinisimulan ang buhay ng sangkatauhan sa lupa, at ang gawain ng ngayon ay upang lupigin yaong mga nasa bansang Gentil na lubhang nagawang tiwali, at upang akayin hindi lamang ang mga taong hinirang ng Diyos sa Tsina, kundi ang buong sansinukob at buong sangkatauhan. Maaaring sa tingin mo ay sa Tsina lamang ginagawa ang gawaing ito, ngunit sa katunayan ay nagsimula na itong lumaganap sa ibang bansa. Bakit hinahanap ng mga tao sa labas ng Tsina ang tunay na daan, nang paulit-ulit? Dahil nagsimula nang gumawa ang Espiritu, at ang mga salitang sinasambit ngayon ay nakatuon sa mga tao sa buong sansinukob. Dahil dito, kalahati ng gawain ay ginagawa na. Mula sa paglikha ng mundo hanggang sa kasalukuyan, napakilos na ng Espiritu ng Diyos ang dakilang gawaing ito, at bukod dito ay nagawa na ang iba’t ibang gawain sa iba’t ibang kapanahunan at sa iba’t ibang bansa. Nakikita ng mga tao ng bawat kapanahunan ang iba Niyang disposisyon, na likas na nakikita sa pamamagitan ng ibang gawaing Kanyang ginagawa. Siya ang Diyos, puno ng awa at kagandahang-loob; Siya ang handog dahil sa kasalanan para sa tao at ang pastol ng tao; ngunit Siya rin ang paghatol, pagkastigo, at sumpa ng tao. Maaakay Niya ang tao na mabuhay sa lupa sa loob ng dalawang libong taon, at matutubos din Niya ang tiwaling sangkatauhan mula sa kasalanan. Ngayon, nagagawa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, na hindi nakakakilala sa Kanya, at mapagpapatirapa sila sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan, upang lahat ay lubusang magpasakop sa Kanya. Sa huli, susunugin Niya ang lahat ng marumi at di-matuwid sa kalooban ng mga tao sa buong sansinukob, upang ipakita sa kanila na hindi lamang Siya isang maawain at mapagmahal na Diyos, hindi lamang isang Diyos ng karunungan at mga himala, hindi lamang isang banal na Diyos, kundi higit pa rito, isang Diyos na humahatol sa tao. Para sa masasama sa gitna ng sangkatauhan, Siya ay pagsunog, paghatol, at kaparusahan; para sa mga gagawing perpekto, Siya ay kapighatian, pagpipino, at mga pagsubok, isa ring kaaliwan, kabuhayan, pagkakaloob ng mga salita, pakikitungo, at pagtatabas. At para sa mga inaalis, Siya ay kaparusahan at ganti. …
Hindi lamang isang Espiritu ang Diyos, maaari din Siyang maging tao. Bukod pa riyan, Siya ay isang katawang may kaluwalhatian. Si Jesus, bagama’t hindi pa ninyo Siya nakita, ay nasaksihan ng mga Israelita—ang mga Judio noon. Noong una ay isa Siyang katawan na may laman, ngunit matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay naging katawang may kaluwalhatian. Siya ang Espiritung sumasaklaw sa lahat at kaya Niyang gumawa sa lahat ng lugar. Maaari Siyang maging si Jehova, o si Jesus, o ang Mesiyas; sa huli, maaari din Siyang maging Makapangyarihang Diyos. Siya ay katuwiran, paghatol, at pagkastigo; Siya ay sumpa at poot; ngunit Siya rin ay awa at kagandahang-loob. Lahat ng gawaing Kanyang nagawa ay kayang kumatawan sa Kanya. Anong klaseng Diyos ba Siya para sa iyo? Hindi mo maipaliwanag. Kung talagang hindi mo maipaliwanag, hindi ka dapat magsalita nang patapos tungkol sa Diyos. Huwag kang magsalita nang patapos na ang Diyos ay isang Diyos na maawain at may kagandahang-loob magpakailanman dahil lamang sa ginawa Niya ang gawain ng pagtubos sa isang yugto. Masisiguro mo ba na isa lamang Siyang maawain at mapagmahal na Diyos? Kung isa lamang Siyang maawain at mapagmahal na Diyos, bakit Niya wawakasan ang kapanahunan sa mga huling araw? Bakit Siya magpapadala ng napakaraming kalamidad? Ayon sa mga kuru-kuro at kaisipan ng mga tao, ang Diyos ay dapat maging maawain at mapagmahal hanggang sa pinakahuli, upang bawat huling miyembro ng sangkatauhan ay mailigtas. Ngunit, sa mga huling araw, bakit Siya nagpapadala ng gayon katitinding kalamidad tulad ng lindol, salot, at pagkagutom upang wasakin ang masamang sangkatauhang ito, na itinuturing ang Diyos na isang kaaway? Bakit Niya hinahayaang danasin ng tao ang mga kalamidad na ito? Tungkol sa kung anong klase Siyang Diyos, walang sinuman sa inyo ang nangangahas na magsabi, at walang makapagpaliwanag. Nangangahas ka bang sabihin na Siya nga ang Espiritu? Nangangahas ka bang sabihin na Siya ay walang iba kundi ang katawang-tao ni Jesus? At nangangahas ka bang sabihin na Siya ay isang Diyos na nakapako sa krus magpakailanman para sa kapakanan ng tao?
Hinango mula sa “Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Para sa mga tao, ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay tila lubos na hindi kagaya ng sa una, kaya tila walang anumang pagkakatulad ang dalawa, at walang anumang nasa gawain sa una ang makikita sa pagkakataong ito. Bagama’t ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay iba kaysa sa una, hindi niyan pinatutunayan na ang pinagmulan Nila ay magkaiba. Pareho man ang Kanilang pinagmulan ay depende sa likas na katangian ng gawaing ginawa ng mga taong ito, at hindi sa Kanilang panlabas na katawan. Sa tatlong yugto ng Kanyang gawain, dalawang beses nagkatawang-tao ang Diyos, at ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa dalawang kapanahunang ito ay nagpasimula ng isang bagong kapanahunan, nagpahayag ng isang bagong gawain; pinupunan ng mga pagkakatawang-tao ang isa’t isa. Imposibleng masabi ng mga mata ng tao na ang dalawang katawang-tao ay talagang iisa ang pinagmulan. Malinaw na hindi ito maabot ng kakayahan ng mata ng tao o ng isipan ng tao. Ngunit sa Kanilang diwa, Sila ay iisa, sapagkat ang Kanilang gawain ay mula sa iisang Espiritu. Nagmumula man ang dalawang nagkatawang-taong laman sa iisang pinagmulan ay hindi masasabi ng kapanahunan at ng lugar kung saan Sila isinilang, o ng iba pang gayong mga sitwasyon, kundi sa pamamagitan ng banal na gawaing Kanilang ipinahayag. Ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay hindi nagsasagawa ng anuman sa gawaing ginawa ni Jesus, sapagkat ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa nakasanayan, kundi nagbubukas ng isang bagong daan sa bawat pagkakataon. Ang pangalawang pagkakatawang-tao ay hindi nilayong palalimin o patatagin ang impresyon sa isipan ng mga tao tungkol sa unang katawang-tao, kundi upang punan at gawin itong perpekto, palalimin ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos, suwayin ang lahat ng panuntunang umiiral sa puso ng mga tao, at palisin ang mga maling larawan ng Diyos sa kanilang puso. Masasabi na walang indibiduwal na yugto ng sariling gawain ng Diyos ang makapagbibigay sa tao ng lubos na kaalaman tungkol sa Kanya; bawat isa ay nagbibigay lamang ng isang bahagi, hindi ng kabuuan. Bagama’t ipinahayag na ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon, dahil sa limitadong kakayahan ng tao na umunawa, hindi pa rin kumpleto ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Imposible, gamit ang wika ng tao, na ihatid ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos; bukod pa riyan, paano lubos na maipapahayag ang Diyos sa iisang yugto ng Kanyang gawain? Siya ay gumagawa sa katawang-tao sa ilalim ng takip ng Kanyang normal na pagkatao, at makikilala lamang Siya ng isang tao sa pamamagitan ng mga pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos, hindi sa pamamagitan ng Kanyang panlabas na katawan. Nagkakatawang-tao ang Diyos para tulutan ang tao na makilala Siya sa pamamagitan ng Kanyang iba’t ibang gawain, at walang dalawang yugto ng Kanyang gawain ang magkapareho. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ang tao ng lubos na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos sa katawang-tao, nang hindi nakatuon sa iisang aspeto. Bagama’t magkaiba ang gawain ng dalawang nagkatawang-taong laman, ang diwa ng mga katawang-tao, at ang pinagmulan ng Kanilang gawain, ay magkapareho; kaya lamang ay umiiral Sila para isagawa ang dalawang magkaibang yugto ng gawain, at lumitaw sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ano’t anuman, iisa ang diwa at pinagmulan ng mga nagkatawang-taong laman ng Diyos—ito ay isang katotohanan na walang sinumang makapagkakaila.
Hinango mula sa “Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Gayunman, ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw; Ako ang Diyos na bumalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magbibigay-wakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng daigdig, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi Ako nakilala kailanman, at palagi nang walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa tao. Nananahan Siya sa piling ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na minsan na Akong naging handog dahil sa kasalanan para sa tao, ngunit na sa mga huling araw ay nagiging mga ningas din Ako ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at taglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang nagniningas na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos; Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan.
Hinango mula sa “Nakabalik na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang ‘Puting Ulap’” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao