Si Hesukristo Ba ay Anak ng Diyos o Ang Diyos Mismo?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko. Kung Ako’y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon Siya’y inyong mangakikilala, at Siya’y inyong nakita. Sinabi sa Kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita Mo sa amin ang Ama, at sapat na ito sa amin. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong Ako’y inyong kasama, at hindi Mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita Mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin? Ang mga salitang Aking sinasabi sa inyo’y hindi Ko sinasalita sa Aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa Akin ay gumagawa ng Kaniyang mga gawa. Magsisampalataya kayo sa Akin na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin: o kundi kaya’y magsisampalataya kayo sa Akin dahil sa mga gawa rin” (Juan 14:6–11).
“Ako at ang Ama ay iisa” (Juan 10:30).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang “pagkakatawang-tao” ay ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao; gumagawa ang Diyos sa gitna ng nilikhang sangkatauhan sa larawan ng katawang-tao. Kaya para magkatawang-tao ang Diyos, kailangan muna Siyang magkaroon ng katawang-tao, katawang-taong may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkatawang-tao, naging isang tao.
Hinango mula sa “Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging isang tao, ibig sabihin, ang Diyos ay nagiging tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay ang gawain ng Espiritu, na nagiging totoo sa katawang-tao, ipinapahayag ng tao. Walang sinuman maliban sa laman ng Diyos ang makakatupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos; ibig sabihin, tanging ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang normal na pagkataong ito—at wala nang iba—ang maaaring magpahayag ng banal na gawain. Kung, noong una Siyang pumarito, hindi nagtaglay ang Diyos ng normal na pagkatao bago Siya nag-edad dalawampu’t siyam—kung noong Siya ay isilang ay agad Siyang nakagawa ng mga himala, kung noong Siya ay matutong magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung noong una Siyang tumapak sa lupa ay nakaya Niyang hulihin ang lahat ng makamundong bagay, mahiwatigan ang mga iniisip at layunin ng bawat tao—hindi maaaring natawag ang taong iyon na isang normal na tao, at hindi maaaring natawag ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung nangyari ito kay Cristo, mawawalan ng kahulugan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang pagtataglay Niya ng normal na pagkatao ay nagpapatunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao sa laman; ang katotohanan na sumasailalim Siya sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapamalas na Siya ay isang normal na tao; bukod pa riyan, ang Kanyang gawain ay sapat nang patunay na Siya ang Salita ng Diyos, ang Espiritu ng Diyos, na naging tao.
Hinango mula sa “Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Yamang nagkatawang-tao ang Diyos, napagtatanto Niya ang diwa Niya sa loob ng Kanyang katawang-tao, na sapat ang katawang-tao Niya upang isagawa ang Kanyang gawain. Samakatuwid, ang lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos ay pinalitan ng gawain ni Cristo habang nasa panahon ng pagkakatawang-tao, at ang nasa kaibuturan ng lahat ng gawain sa buong panahon ng pagkakatawang-tao ay ang gawain ni Cristo. Hindi ito maaaring maihalo sa gawain mula sa anumang ibang kapanahunan. At yamang nagiging katawang-tao ang Diyos, gumagawa Siya sa pagkakakilanlan ng Kanyang katawang-tao; yamang dumarating Siya sa katawang-tao, tinatapos Niya sa gayon sa katawang-tao ang gawaing dapat Niyang gawin. Espiritu ng Diyos man ito o si Cristo man ito, kapwa Sila ang Diyos Mismo, at ginagawa Niya ang gawain na dapat Niyang gawin at ginagampanan ang ministeryong dapat Niyang gampanan.
Hinango mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay ang Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Langit” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos ay umiiral para sa kapakanan ng Kanyang pisikal na diwa; hindi maaaring magkaroon ng katawang-tao nang walang pagkatao, at ang isang taong walang pagkatao ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang pagkatao ng laman ng Diyos ay isang tunay na pagmamay-ari ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing “kapag naging tao ang Diyos lubos Siyang banal, at hindi talaga tao,” ay kalapastanganan, sapagkat wala talagang ganitong pahayag, at lumalabag ito sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. Kahit matapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo, namumuhay pa rin Siya sa Kanyang pagka-Diyos na may katawan ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; kaya lamang, sa panahong iyon, ang Kanyang pagkatao ay para lamang sa layuning tulutan ang Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na katawang-tao. Kaya ang kumakatawan sa gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang gumagawa, subalit ang pagka-Diyos na ito ay nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; sa totoo lang, ang Kanyang gawain ay ginagawa ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi ng Kanyang pagkatao. Ngunit ang nagsasagawa ng gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Masasabi ng isang tao na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagkat ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao, may katawan ng tao at diwa ng tao ngunit mayroon ding diwa ng Diyos. Dahil Siya ay isang tao na may diwa ng Diyos, nangingibabaw Siya sa lahat ng taong nilikha, nangingibabaw sa sinumang taong makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may katawan ng taong kagaya ng sa Kanya, sa lahat ng nagtataglay ng pagkatao, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Bagama’t lahat sila ay may pagkatao, walang ibang taglay ang mga tao maliban sa pagkatao, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao hindi lamang Siya may pagkatao kundi, ang mas mahalaga, mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagkatao ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawan at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, ngunit ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap mahiwatigan. Dahil naipapahayag lamang ang Kanyang pagka-Diyos kapag Siya ay may pagkatao, at hindi higit-sa-karaniwan na tulad ng iniisip ng mga tao, napakahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon, hirap na hirap ang mga tao na arukin ang totoong diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Kahit matapos Akong magsalita nang napakahaba tungkol dito, inaasahan Ko na isa pa rin itong hiwaga sa karamihan sa inyo. Sa katunayan, napakasimple ng isyung ito: Dahil naging tao ang Diyos, ang Kanyang diwa ay isang kumbinasyon ng pagkatao at ng pagka-Diyos. Ang kumbinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, Diyos Mismo sa lupa.
Hinango mula sa “Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Inihayag ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang pagka-Diyos ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao at ipinarating ang kalooban ng Diyos sa sangkatauhan. At sa pamamagitan ng Kanyang pagpapahayag sa kalooban at disposisyon ng Diyos, ibinunyag rin Niya sa mga tao ang Diyos na hindi nakikita o nahahawakan na nananahan sa espirituwal na dako. Ang nakita ng mga tao ay ang Diyos Mismo sa anyong nahahawakan, na gawa sa laman at dugo. Kaya ginawa ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang mga bagay tulad ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, katayuan, imahe, disposisyon ng Diyos, at ng kung anong mayroon at kung ano Siya, na kongkreto at nagawang makatao. Bagaman mayroong ilang limitasyon ang panlabas na kaanyuan ng Anak ng tao hinggil sa imahe ng Diyos, ang Kanyang diwa at ang kung anong mayroon at kung ano Siya ay lubos na kayang kumatawan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo—mayroon lang ilang pagkakaiba sa anyo ng pagpapahayag. Hindi natin maitatanggi na kinatawan ng Anak ng tao ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo, kapwa sa anyo ng Kanyang pagkatao at sa Kanyang pagka-Diyos. Sa panahong ito, gayunpaman, gumawa ang Diyos sa pamamagitan ng katawang-tao, nagsalita mula sa pananaw ng katawang-tao, at tumayo sa harapan ng sangkatauhan nang may pagkakakilanlan at katayuan ng Anak ng tao, at ito ang nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na makaharap at maranasan ang tunay na mga salita at gawain ng Diyos sa sangkatauhan. Pinahintulutan din nito ang kabatiran ng mga tao sa Kanyang pagka-Diyos at sa Kanyang kadakilaan sa gitna ng pagpapakumbaba, gayundin ang magkamit ng isang paunang pagkaunawa at pakahulugan sa pagiging-tunay at realidad ng Diyos. Bagaman ang gawaing natapos ng Panginoong Jesus, ang Kanyang mga paraan ng paggawa, at ang pananaw kung saan Siya nagsasalita ay naiiba sa tunay na persona ng Diyos sa espirituwal na dako, ang lahat tungkol sa Kanya ay tunay na kumatawan sa Diyos Mismo, na hindi pa kailanman nakita ng sangkatauhan noon—hindi ito maitatanggi! Ibig sabihin, sa anumang anyo nagpapakita ang Diyos, sa alinmang pananaw Siya nagsasalita, o sa anumang imahe Niya hinaharap ang sangkatauhan, walang ibang kinakatawan ang Diyos kundi Siya Mismo. Hindi Siya maaaring kumatawan sa sinumang tao, ni sa sinuman sa tiwaling sangkatauhan. Ang Diyos ay ang Diyos Mismo, at hindi ito maitatanggi.
Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Nang tawagin ni Jesus ang Diyos sa langit sa pangalang Ama nang Siya ay manalangin, ginawa lamang ito mula sa pananaw ng isang taong nilikha, dahil lamang sa nakadamit ang Espiritu ng Diyos ng isang ordinaryo at normal na katawan at may panlabas na panakip ng isang nilalang. Kahit nasa loob Niya ang Espiritu ng Diyos, ang Kanyang panlabas na anyo ay sa isang normal na tao pa rin; sa madaling salita, Siya ay naging “Anak ng tao” na binanggit ng lahat ng tao, maging ni Jesus Mismo. Dahil Siya ay tinawag na Anak ng tao, Siya ay isang tao (lalaki man o babae, ano’t anuman ay isang may panlabas na balat ng isang tao) na isinilang sa isang normal na pamilya ng mga ordinaryong tao. Samakatuwid, ang pagtawag ni Jesus sa Diyos sa langit sa pangalang Ama ay katulad ng pagtawag ninyong Ama sa Kanya noong una; ginawa Niya iyon mula sa pananaw ng isang taong nilikha. Naaalala pa ba ninyo ang Panalangin ng Panginoon na itinuro ni Jesus na isaulo ninyo? “Ama namin na nasa langit….” Hiniling Niya sa lahat ng tao na tawagin ang Diyos sa langit sa pangalang Ama. At yamang tinawag Niya rin Siyang Ama, ginawa Niya iyon mula sa pananaw ng isang nasa isang katayuang kapantay ninyong lahat. Yamang tinawag ninyo ang Diyos sa langit sa pangalang Ama, nakita ni Jesus ang Kanyang Sarili na kapantay ninyo, at bilang isang tao sa lupa na hinirang ng Diyos (ibig sabihin, ang Anak ng Diyos). Kung tinatawag ninyong “Ama” ang Diyos, hindi ba dahil kayo ay isang nilalang? Gaano man kadakila ang awtoridad ni Jesus sa lupa, bago Siya ipinako sa krus, isa lamang Siyang Anak ng tao, na pinamamahalaan ng Banal na Espiritu (ibig sabihin, ng Diyos), at isa sa mga nilalang sa lupa, sapagkat hindi pa Niya natatapos ang Kanyang gawain. Samakatuwid, ang pagtawag Niya sa Diyos sa langit na Ama ay dahil lamang sa Kanyang pagpapakumbaba at pagsunod. Gayunman, ang Kanyang pagtawag sa Diyos (ibig sabihin, ang Espiritu sa langit) sa gayong paraan ay hindi nagpapatunay na Siya ang Anak ng Espiritu ng Diyos sa langit. Sa halip, iba lamang talaga ang Kanyang pananaw, hindi dahil iba Siyang persona. Ang pag-iral ng magkakaibang mga persona ay isang kamalian! Bago Siya ipinako sa krus, si Jesus ay isang Anak ng tao na nakatali sa mga limitasyon ng katawang-tao, at hindi Niya lubos na taglay ang awtoridad ng Espiritu. Kaya nga maaari lamang Niyang hangarin ang kalooban ng Diyos Ama mula sa pananaw ng isang nilalang. Katulad iyon ng tatlong beses Niyang ipinanalangin sa Getsemani: “Huwag ang ayon sa ibig Ko, kundi ang ayon sa ibig Mo.” Bago Siya inilagay sa krus, isa lamang Siyang Hari ng mga Judio; Siya si Cristo, ang Anak ng tao, at hindi isang niluwalhating katawan. Kaya nga, mula sa pananaw ng isang nilalang, tinawag Niyang Ama ang Diyos. Ngayon, hindi mo masasabi na lahat ng tumatawag sa Diyos na Ama ay ang Anak. Kung nagkagayon, hindi ba lahat kayo ay magiging ang Anak nang ituro sa inyo ni Jesus ang Panalangin ng Panginoon? Kung hindi pa rin kayo kumbinsido, sabihin ninyo sa Akin, sino ang tinatawag ninyong Ama? Kung ang tinutukoy ninyo ay si Jesus, sino naman ang Ama ni Jesus para sa inyo? Nang lumisan si Jesus, ang ideyang ito ng Ama at ng Anak ay nawala na. Ang ideyang ito ay angkop lamang sa mga taon nang si Jesus ay naging tao; sa ilalim ng lahat ng iba pang sitwasyon, ang relasyon ay sa pagitan ng Panginoon ng paglikha at ng isang nilalang kapag tinawag ninyong Ama ang Diyos.
Hinango mula sa “Umiiral Ba ang Trinidad?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
May mga iba na nagsasabi na, “Hindi ba malinaw na sinabi ng Diyos na si Jesus ay ang Kanyang sinisintang Anak?” Si Jesus ang sinisintang Anak ng Diyos, na lubos Niyang kinalulugdan—tiyak na sinambit ito ng Diyos Mismo. Iyon ang Diyos na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili, ngunit mula lamang sa ibang pananaw, yaong sa Espiritu sa langit na nagpapatotoo sa Kanyang sariling pagkakatawang-tao. Si Jesus ang Kanyang pagkakatawang-tao, hindi ang Kanyang Anak sa langit. Nauunawaan mo ba? Hindi ba ang mga salita ni Jesus na, “Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin,” ay nagpapahiwatig na Sila ay iisang Espiritu? At hindi ba dahil sa pagkakatawang-tao kaya Sila nagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa? Ang totoo, Sila ay iisa pa rin; kahit ano pa, ito ay ang Diyos lamang na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili. Dahil sa pagbabago sa mga kapanahunan, sa mga kinakailangan ng gawain, at sa magkakaibang yugto ng Kanyang plano ng pamamahala, ang pangalang itinatawag sa Kanya ng tao ay nag-iiba rin. Nang Siya ay pumarito upang isagawa ang unang yugto ng gawain, maaari lamang Siyang tawaging Jehova, na Siyang pastol ng mga Israelita. Sa ikalawang yugto, ang Diyos na nagkatawang-tao ay maaari lamang tawaging Panginoon, at Cristo. Ngunit noon, sinabi lamang ng Espiritu sa langit na Siya ang sinisintang Anak ng Diyos at hindi binanggit ang Kanyang pagiging bugtong na Anak ng Diyos. Hindi ito talaga nangyari. Paano magkakaroon ng kaisa-isang anak ang Diyos? Kung gayon ay hindi ba naging tao ang Diyos? Dahil Siya ang pagkakatawang-tao, tinawag Siyang sinisintang Anak ng Diyos, at, dito nagmula ang relasyon sa pagitan ng Ama at Anak. Dahil lamang iyon sa pagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa. Nanalangin si Jesus mula sa pananaw ng katawang-tao. Yamang nakabihis Siya ng isang katawang-tao ng gayong normal na pagkatao, sinabi Niya mula sa pananaw ng katawang-tao: “Ang Aking balat ay yaong sa isang nilalang. Yamang nakabihis Ako ng katawang-tao upang makaparito sa lupa, napakalayo Ko ngayon mula sa langit.” Dahil dito, maaari lamang Siyang manalangin sa Diyos Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ang Kanyang tungkulin, at ito yaong dapat ipagkaloob sa Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi masasabi na hindi Siya Diyos dahil lamang sa nanalangin Siya sa Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Bagama’t tinawag Siyang sinisintang Anak ng Diyos, Diyos pa rin Siya Mismo, sapagkat Siya ay pagkakatawang-tao lamang ng Espiritu, at ang Kanyang diwa ay Espiritu pa rin.
Hinango mula sa “Umiiral Ba ang Trinidad?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang unang nakita ng tao ay ang Banal na Espiritu na bumababang parang isang kalapati kay Jesus; hindi ito ang Espiritung tanging para kay Jesus, kundi sa halip ay ang Banal na Espiritu. Kung gayon maihihiwalay ba ang Espiritu ni Jesus mula sa Banal na Espiritu? Kung si Jesus ay si Jesus, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay ang Banal na Espiritu, paano Sila maaaring maging isa? Ang gawain ay hindi maisasagawa kung gayon. Ang Espiritu sa loob ni Jesus, ang Espiritu sa langit, at ang Espiritu ni Jehova ay iisa lahat. Tinatawag itong Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritung pinatindi nang makapitong beses, at ang Espiritung sumasalahat. Maisasagawa ng Espiritu ng Diyos ang maraming gawain. Nagagawa Niyang likhain ang mundo at wasakin ito sa pagpapabaha sa lupa; kaya Niyang tubusin ang buong sangkatauhan, at bukod pa riyan, kaya Niyang lupigin at lipulin ang buong sangkatauhan. Ang gawaing ito ay isinasagawang lahat ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng alinman sa mga persona ng Diyos para sa Kanya. Ang Kanyang Espiritu ay maaaring tawagin sa pangalang Jehova at Jesus, at maaari ring tawaging Makapangyarihan sa lahat. Siya ang Panginoon, at Cristo. Maaari rin Siyang maging Anak ng tao. Siya ay nasa kalangitan at nasa lupa rin; Siya ay nasa kaitaasan sa ibabaw ng mga sansinukob at nasa piling ng maraming tao. Siya ang tanging Panginoon ng kalangitan at ng lupa! Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, ang gawaing ito ay naisagawa na ng Espiritu ng Diyos Mismo. Gawain man ito sa kalangitan o sa katawang-tao, lahat ay isinasagawa ng Kanyang sariling Espiritu. Lahat ng nilalang, sa langit man o sa lupa, ay nasa palad ng Kanyang makapangyarihang kamay; lahat ng ito ay ang gawain ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng sinuman para sa Kanya. Sa kalangitan, Siya ang Espiritu ngunit ang Diyos din Mismo; sa piling ng mga tao, Siya ay katawang-tao ngunit nananatiling Diyos Mismo. Bagama’t maaari Siyang tawagin sa libu-libong pangalan, Siya pa rin iyon Mismo, ang tuwirang pagpapahayag ng Kanyang Espiritu. Ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapako sa Kanya sa krus ay tuwirang gawain ng Kanyang Espiritu, at gayundin ang pagpapahayag sa lahat ng bansa at lahat ng lupain sa mga huling araw. Sa lahat ng oras, matatawag lamang ang Diyos na ang makapangyarihan sa lahat at nag-iisang tunay na Diyos, ang Diyos Mismo na sumasalahat. Walang magkakaibang persona, lalo nang wala itong ideya ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Iisa lamang ang Diyos sa langit at sa lupa!
Hinango mula sa “Umiiral Ba ang Trinidad?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Matuto nang higit pa sa pahina Si Jesus ay Diyos: