Menu

Ano ba Talaga ang Pagkakatawang-tao?

Tanong:

Ang Panginoong Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao; ito ay hindi mapag-aalinlanganan. Ngayo’y nagpapatotoo ka na ang Makapangyarihang Diyos ang Panginoong Jesus na nagbalik sa katawang-tao, pero sinasabi ng mga relihiyosong pastor at elder na ang pinaniniwalaan mo ay tao lamang, na ikaw ay nalinlang. Hindi namin ito maunawaan. Noong maging tao ang Panginoong Jesus at dumating para gawin ang gawain ng pagtubos, sinabi rin ng mga Judiong Fariseo na Siya ay tao lamang, sinasabi na sinumang naniwala sa Kanya ay nalilinlang. Samakatwid, gusto naming hanapin ang aspetong ito ng katotohanan tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Ano ba talaga ang pagkakatawang-tao, at ano ang diwa ng pagkakatawang-tao? Pakibahagi mo naman ito sa amin.

pagkakatawang-tao

Sagot: Ang inyong paniniwala sa Panginoong Jesus bilang pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi mali. Pero bakit kayo naniniwala sa Panginoong Jesus? Talaga bang naniniwala kayo na ang Panginoong Jesus ang Diyos? Naniniwala kayo sa Panginoong Jesus dahil sa nakatala sa Biblia at dahil sa gawain ng Banal na Espiritu. Pero kahit ano pa ang sabihin ninyo, kung hindi ninyo harapang nakita ang Panginoong Jesus, talaga bang malakas ang loob ninyong sabihin na kilala ninyo ang Panginoong Jesus? Sa paniniwala ninyo sa Panginoon, inuulit lamang ninyo ang mga salita ni Pedro, na nagsabing ang Panginoong Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay, ngunit naniniwala ba kayo na ang Panginoong Jesus ay ang pagpapamalas ng Diyos, ang Diyos Mismo? Lakas-loob ba ninyong sinasabi na nakikilala ninyo ang pagka-Diyos ng Panginoong Jesus? Nangangahas ba kayong garantiyahan na kung sakaling darating muli ang Panginoong Jesus na nagpapahayag ng katotohanan, makikilala ninyo ang Kanyang tinig? Ang paniniwala ninyo sa Panginoong Jesus ay katumbas lamang ng paniniwala sa tatlong salitang “ang Panginoong Jesus.” Naniniwala kayo sa Kanyang pangalan lamang. Hindi ninyo nauunawaan ang banal na diwa ng Panginoong Jesus. Kung nauunawaan nga ninyo, bakit hindi ninyo nakikilala ang tinig ng Espiritu ng Diyos? Bakit hindi ninyo kinikilala na ang katotohanang ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ay nagmumula sa Diyos at ito ang tinig at salita ng Banal na Espiritu? Batay sa nakita ko ngayon, sa paraan ng pagtanggi ninyo sa tinig ng Diyos at sa pagkakaila ng katotohanan na ipinapahayag ng Diyos, natitiyak ko na hindi ninyo kilala ang Diyos na nagkatawang-tao! Kung isinilang kayo dalawang libong taon na ang nakararaan, sa panahon kung kailan nangangaral ang Panginoong Jesus at ginagawa ang Kanyang gawain, tiyak na nakiisa kayo sa mga punong saserdoteng Judio, mga eskriba, at mga Fariseo sa pagtuligsa sa Panginoong Jesus. Hindi ba ganoon iyon? Ang mga punong saserdoteng Judio, mga eskriba, at mga Fariseo ay naniwala sa iisa at tanging Diyos sa loob ng maraming taon, pero bakit hindi nila nakilala ang Panginoong Jesus? Bakit nila Siya ipinako sa krus? Ano ang isyu? Bakit bigo ang mga pastor at elder ng relihiyosong daigdig sa mga huling araw na marinig ang tinig ng Banal na Espiritu? Bakit tinutuligsa pa rin nila ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw? Pag-isipan nga ninyo ito: Hindi ba’t ang taong naniniwala sa Diyos ngunit bigong kilalanin ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay isang anticristo? Kinalaban at tinuligsa ng mga pinunong Judio ang Panginoong Jesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Silang lahat ay mga anticristo na ibinunyag ng gawain ng Diyos. Tungkol naman sa mga pastor at elder ng relihiyosong daigdig sa mga huling araw na kumakalaban at tumutuligsa sa Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba’t sila rin ay mga anticristo na inilantad ng gawain ng Diyos? Malinaw nating nakikita na karamihan sa mga pastor at elder sa relihiyosong daigdig ay kumakalaban at tumutuligsa sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw; nakatingin sila sa gawain ng Makapangyarihang Diyos nang hindi talaga ito nakikita, pinakikinggan nila ang Kanyang mga salita nang hindi talaga nakikinig. Ipinahayag na ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng katotohanan upang dalisayin at iligtas ang sangkatauhan. Siya ay nanlupig, nagligtas, at gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay. Ang ebanghelyo ng kaharian ay lumalaganap sa buong mundo, hindi ito matinag! Posible bang hindi nakikita ng mga pastor at lider ng relihiyosong daigdig ang mga katotohanan ng gawain ng Diyos? Paano pa rin nila nasasabi na, “Ang paniniwala sa Makapangyarihang Diyos ay paniniwala sa isang tao”? Ano ang isyu rito? Ipinakikita lamang nito na marami ang naniniwala sa malabong Diyos ng mataas na kalangitan, ngunit may iilan na may kaalaman tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao. Hindi ba iyan ang totoo? Bakit tinuligsa ng Panginoong Jesus ang mga Fariseong iyon na kumalaban sa Kanya? Dahil naniwala lamang sila sa malabong Diyos ng mataas na kalangitan, ngunit tinuligsa at kinalaban ang Diyos na nagkatawang-tao.

Malinaw na nakita ng mga punong saserdote, eskriba, at Fariseo ang awtoridad at kapangyarihan ng mga salita at gawain ng Panginoong Jesus. Kaya paano nila naaatim na buong pagmamatigas pa ring kalabanin, tuligsain, at lapastanganin ang Panginoong Jesus? Sinabi nila na nagtaboy Siya ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, na pinuno ng mga diyablo, at nagtangkang linlangin ang mga tao, at ipinako pa Siya sa krus nang buhay; ano ang ipinapakita nito? Hindi ba dahil sa karaniwang tao ang tingin nila sa Panginoong Jesus kaya ginawa nila ang lahat ng ito? Tulad ng sinabi nila, “Hindi ba’t ito ang Nazareno, ang anak ng anluwagi?” Sa pagkaintindi ng mga Fariseo, ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao ay dapat magtaglay ng kahima-himalang mga katangian. Dapat ay malaki at matipuno ang katawan Niya, na tila bayani at makapangyarihan ang dating. Dapat ay nakayayanig at nakabibingi ang Kanyang mga salita, dapat itong magdulot ng takot sa puso ng mga tao, para walang maglakas-loob na lumapit sa Kanya. Kung hindi, hindi Siya maaaring ituring na Diyos. Ang totoo, wala sila ni katiting na pang-unawa sa ibig sabihin ng pagkakatawang-tao at hindi nila hinanap ang salita at gawain ng Panginoong Jesus para sa katotohanan, para makita ang disposisyon ng Diyos at lahat ng kung ano ang Diyos at kung ano ang mayroon Siya. Itinuring nilang karaniwang tao ang Panginoong Jesus, at hinatulan at nilapastangan Siya batay sa kanilang mga ilusyon at pagkaintindi. Patunay ito na bagama’t naniwala sila sa Diyos, hindi nila Siya kilala at kinalaban pa Siya. Ngayon, sinasabi ng mga pastor at elder ng relihiyosong daigdig na ang Isang pinaniniwalaan natin ay tao lamang. Wala itong ipinagkaiba sa kung paano tinuligsa ng mga punong saserdoteng Judio, eskriba, at Fariseo ang mga alagad ng Panginoong Jesus. Gaya ng nakikita ninyo, halos lahat ng pastor at elder ng relihiyosong daigdig ay walang ipinakaiba sa mga mapagpaimbabaw na mga Fariseo noong araw: Naniniwala silang lahat sa Diyos samantalang kinakalaban nila Siya. Sila’y mga tampalasan na kumikilala lamang sa malabong Diyos ng mataas na kalangitan samantalang itinatatwa si Cristo Mismo! Ano ang karapatan nila para tuligsain ang mga tumatanggap at sumusunod kay Cristo?

Sa mga huling araw, nagbalik ang Diyos sa laman para ipahayag ang Kanyang salita at gawin ang Kanyang gawain sa mga tao. Dumating Siya sa pagkakataong ito bilang ang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao. Sa Kanyang panlabas na anyo, ang Makapangyarihang Diyos ay tila gaya ng isang karaniwang tao, praktikal na namumuhay kasama ng mga tao, kapiling nila, at nakikibahagi sa kanilang buhay. Ipinapahayag Niya ang katotohanan ayon sa mga pangangailangan ng tao at ginagawa ang gawain ng paghatol simula sa bahay ng Diyos. Sa pagdanas sa gawain ng Makapangyarihang Diyos, narinig ng sarili nating mga tainga ang salita ng Makapangyarihang Diyos. Nakita natin mismong ibinunyag Niya ang mga hiwaga ng plano ng pamamahala ng Diyos, ibig sabihin, ang tunay na kuwento ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos sa pagliligtas ng sangkatauhan, ang layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos, ang hiwaga ng pagkakatawang-tao, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, ang diwa at katotohanan ng pagkatiwali ng tao na gawa ni Satanas, paano dinadalisay, inililigtas, at ginagawang perpekto ng Diyos ang tao, ang kahulugan at layunin ng gawain ng paghatol ng Diyos, sino ang minamahal ng Diyos at sino ang isinusumpa Niya, sino ang maliligtas at sino ang mawawasak, at destinasyon ng tao, ang katapusan ng lahat ng uri ng mga tao, at paano mangyayari ang kaharian ng Diyos sa lupa, atbp. Habang ipinapahayag ang mga katotohanang ito, ang Makapangyarihang Diyos ay humahatol din at inilalantad ang napakasamang disposisyon ng tao at ang kanyang likas na pagkatao at diwa ng pagkalaban sa Diyos, na nagtutulot na makita natin ang diwa at katunayan ng ating lubos na katiwalian na gawa ni Satanas, para makita kung gaano tayo kayabang at kapasikatero, gaano kadaya at kamakasarili, kung paanong wala tayong anumang pagkakatulad sa mga tao, kung gaano tayo hindi marapat na mamuhay sa harapan ng Diyos. Gayunma’y nagkatawang-tao na ang Diyos, buong pagpapakumbabang nagtatago at namumuhay sa piling ng marumi at tiwaling tao, nagpapahayag ng katotohanan upang hatulan, ilantad, at iligtas ang tao. Nadama nating mabuti na ang diwa ng buhay ng Diyos ay napakabait at kagalang-galang. Ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay tunay na tunay! Sa pagdanas ng paghatol ng Diyos sa pamamagitan ng salita, naging mas pamilyar tayo sa matuwid, banal, at di-masusuway na disposisyon ng Diyos, at nadama natin ang awtoridad at kapangyarihan ng salita ng Makapangyarihang Diyos. Lumago ang pagpipitagan sa ating puso para sa Diyos nang hindi natin nalalaman, sinimulan nating hanapin ang katotohanan, at nagsimulang magbago ang ating disposisyon sa buhay. Sa panahong ito natin lubusang natanto na ipinahayag na ng Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao ang lahat ng katotohanan upang dalisayin at iligtas tayo, na nagtutulot sa atin na alisin ang ating kayabangan, kataksilan, at ang ating napakasamang disposisyon, at mamuhay na tulad ng isang matapat na tao. Ang Makapangyarihang Diyos ay namumuhay sa piling natin, pumapasok sa mga iglesia. Sa tingin, Siya ay isang karaniwang tao lamang, subalit ipinapahayag Niya ang katotohanan at ipinakikita ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at lahat ng kung ano ang Diyos at kung ano ang mayroon Siya. Natanggap na ng mga sumusunod sa Kanya at nagdaranas ng Kanyang gawain ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Nakikita nila kung gaano kapraktikal at katalino ang paraan ng paggawa ng Diyos. Nakikita nila kung gaano kamapagpapakumbaba at kahigpit magtago ng Diyos, kung gaano Siya kaibig-ibig, na ang Diyos ay hindi mayabang, ang disposisyon ng Diyos ay hindi tiwali. Ito ay aayon sa katwiran na ang Diyos, ang Kataas-taasan, ay magtataglay Mismo ng isang katawan na matangkad at matipuno, ang uri ng katawan na mapipilitang sambahin ng tao. Ngunit hindi ito ang ginawa ng Diyos. Upang mailigtas ang tiwaling tao, dinamitan ng Diyos ang Kanyang sarili ng isang karaniwang katawan, tinaglay Niya ang hitsura ng isang karaniwang tao at pumarito upang mamuhay sa piling nating mga tiwaling tao. Siya ay nagpapahayag ng mga salita, humahatol at tinutustusan tayo batay sa ating mga pangangailangan. Ang Diyos ay nagkatawang-tao bilang isang taong mahirap at nagdanas na ng maraming insulto at pagdurusa. Bukod dito, naranasan Niya ang paninirang-puri, pagtuligsa, at pagtanggi ng tiwaling sangkatauhan, gayundin ang pagtugis at pag-uusig ng gobyernong CCP, at magkagayunman, nanindigan ang Diyos nang may di-maarok na katatagan ng kalooban na ipahayag ang katotohanan at isagawa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang Diyos ay nagdanas ng matinding hirap upang iligtas ang sangkatauhan! Ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay napakatunay! Dito, nakikita natin kung gaano kabanal at kadakila ang Diyos. Walang mga salitang makapaglalarawan sa Kanya! Mas inilalapit tayo ng Makapangyarihang Diyos sa Diyos, dinadala tayo nang harapan sa Diyos, upang makita natin Siya, makilala Siya, at magkaroon ng tunay na pagmamahal para sa Kanya, at sa paggawa nito, tinutulutan tayong matanggap ang pagpeperpekto ng Diyos, upang tunay nating sambahin at sundin ang Diyos. Kinilala na nating lahat sa ating puso na ang Makapangyarihang Diyos na pinaniniwalaan natin ay ang Panginoong Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Siya ay tao, ngunit Siya rin ay Diyos. Ang Makapangyarihang Diyos ang nag-iisa at tanging Diyos, ang Lumikha ng kalangitan, lupa, at lahat ng bagay! Tinutuligsa tayo ng mga pastor at mga elder ng relihiyosong daigdig, iniisip nila na isang tao lamang ang pinaniniwalaan natin. Ngayon hayaan ninyong itanong ko: Sino sa buong sangkatauhan ang may kakayahang ipahayag ang katotohanan at tinig ng Diyos? Sino sa mga tao ang napaka-praktikal na makapagsasagawa ng gawain ng pagdadalisay at pagliligtas sa sangkatauhan? Sino sa mga tao ang maaaring magpahintulot sa tiwaling tao na maperpekto at maging tunay na mga nakakaalam at sumusunod sa Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng Kanyang gawain? Wala, wala ni isa! Tanging ang Makapangyarihang Diyos ang may kakayahang gawin ang gayong praktikal na gawain. Ang Makapangyarihang Diyos ang pagpapamalas ng Tagapagligtas ng mundo. Siya ang praktikal na Diyos na nagkatawang-tao. Tanging ang Makapangyarihang Diyos ang makapagliligtas at makapaglalaan sa sangkatauhan ng magandang hantungan!

—mula sa Mga Klasikong Tanong at Sagot Tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian

Patungkol sa kung ano ang Diyos na nagkatawang-tao, at ano ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao, masasabing ito ay isang hiwaga ng katotohanan na hindi natin nauunawaan na mga nananampalataya sa Panginoon. Sa loob ng libu-libong taon, kahit alam ng mga nananampalataya na ang Panginoong Jesus ang pagkakatawang-tao ng Diyos, walang makaunawa kung ano ang Diyos na nagkatawang-tao at ang Kanyang diwa. Noon lamang dumating ang Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw nabunyag sa sangkatauhan ang hiwagang ito ng katotohanan. Basahin natin ang ilang talata ng salita ng Makapangyarihang Diyos.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ay na ang Diyos ay nagpapakita sa katawang-tao, at Siya’y napaparito upang gumawa sa gitna ng mga tao na Kanyang nilikha sa larawan ng isang katawang-tao. Kaya, para magkatawang-tao ang Diyos, kailangan muna Siyang magkaroon ng katawan, katawang-tao na may normal na pagkatao; ito ang pinakaunang dapat munang mangyari. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, ang Diyos sa Kanyang tunay na diwa ay nagkakaroon ng katawan, nagiging isang tao(“Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at ang Cristo ay ang katawang pinasukan ng Espiritu ng Diyos. Ang katawang ito ay hindi katulad ng sinumang taong may katawan. Ang pagkakaibang ito ay dahil si Cristo ay hindi nagmula sa laman at dugo kundi pagkakatawang-tao ng Espiritu. Siya ay may kapwa normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Ang Kanyang pagka-Diyos ay hindi taglay ng sinumang tao. Ang Kanyang normal na katauhan ang sumusuporta sa lahat ng Kanyang normal na mga gawain sa katawang-tao, samantalang ang Kanyang pagka-Diyos ang nagsasakatuparan ng gawain ng Diyos Mismo(“Ang Diwa ni Cristo ay Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Kalangitan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Ang Cristo na may normal na katauhan ay isang katawan kung saan ang Espiritu ay naging totoo, nagtataglay ng normal na katauhan, normal na diwa, at pag-iisip ng tao. Ang ibig sabihin ng ‘maging totoo’ ay nagiging tao ang Diyos, ang Espiritu ay nagiging katawang-tao; upang palinawin ito, ito’y kapag ang Diyos Mismo ay nananahan sa isang katawang may normal na katauhan, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang banal na gawain—ito ang ibig sabihin ng maging totoo, o magkatawang-tao(“Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Sapagkat Siya ay isang tao na may diwa ng Diyos, nakakataas Siya sa sinuman sa mga taong nilikha, nakakataas sa sinumang taong makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may balat ng taong kagaya Niya, sa lahat ng nagtataglay ng katauhan, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Kahit lahat sila ay may katauhan, katauhan lamang ang mayroon ang mga taong nilikha, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao hindi lamang Siya may katauhan kundi ang mas mahalaga ay mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang katauhan ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawan at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, nguni’t ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap matalos. Dahil ang Kanyang pagka-Diyos ay naipapahayag lamang kapag Siya ay may katauhan, at hindi kahima-himalang tulad ng palagay ng mga tao, lubhang mahirap para sa mga tao na makita ito. … Yamang ang Diyos ay nagiging tao, ang Kanyang diwa ay kumbinasyon ng pagkatao at pagka-Diyos. Ang kumbinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, ang Diyos Mismo sa lupa(“Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos nakikita natin na ang pagkakatawang-tao ay ang Espiritu ng Diyos na nadaramitan ng katawang-tao, ibig sabihin, ang Espiritu ng Diyos ay nagkatotoo sa katawang-tao na may normal na pagkatao at normal na pag-iisip ng tao, at sa gayon ay nagiging karaniwan at normal na tao na kumikilos at nagsasalitang kasama ng mga tao. Ang katawang ito ay may normal na pagkatao, ngunit mayroon ding ganap na kabanalan. Bagama’t sa panlabas na anyo ay tila karaniwan at normal ang Kanyang katawan, nagagawa Niya ang gawain ng Diyos, naipapahayag ang tinig ng Diyos, at ginagabayan at inililigtas ang sangkatauhan. Ito ay dahil mayroon Siyang ganap na pagka-Diyos. Ang ibig sabihin ng ganap na pagka-Diyos ay lahat ng taglay ng Espiritu ng Diyos—ang likas na disposisyon ng Diyos, ang banal at matuwid na diwa ng Diyos, lahat ng mayroon ang Diyos at kung ano Siya, ang pagka-makapangyarihan at karunungan ng Diyos, at ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos—lahat ng ito’y nagkatotoo sa katawang-tao. Ang katawang ito ay si Cristo, ang praktikal na Diyos na narito sa lupa para gumawa at iligtas ang sangkatauhan. Sa Kanyang panlabas na anyo, si Cristo ay isang karaniwan at normal na Anak ng tao, ngunit malaki ang Kanyang ipinagkaiba sa atin na mga taong nilikha. Ang taong nilikha ay mayroon lamang katauhan, wala siya ni kaunting bakas ng banal na diwa. Gayunman, si Cristo ay hindi lamang mayroong normal na katauhan; ang mas mahalaga, Siya ay may ganap na pagka-Diyos. Kaya, mayroon Siyang diwa ng Diyos, maaari Niyang katawanin ang Diyos nang lubusan, ipahayag ang lahat ng katotohanan bilang Diyos Mismo, ipahayag ang disposisyon ng Diyos at lahat ng mayroon at kung ano ang Diyos, at ipagkaloob sa atin ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Walang taong nilikha na kaya ang gayong mga dakilang gawa. Si Cristo ay gumagawa at nagsasalita, ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos, at lahat ng mayroon at kung ano ang Diyos sa Kanyang katawan. Paano man Niya ipinapahayag ang salita ng Diyos at ginagawa ang gawain ng Diyos, palagi Niyang ginagawa ito ayon sa normal na pagkatao. Siya ay may normal na katawan, walang anumang kahima-himala tungkol sa Kanya. Patunay ito na ang Diyos ay pumasok na sa katawang-tao, naging karaniwang tao na Siya. Ang karaniwan at normal na katawang-taong ito ang nagsakatuparan sa katotohanan ng “Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao.” Siya ang praktikal na Diyos na nagkatawang-tao. Dahil si Cristo ay may ganap na pagka-Diyos, maaari Niyang katawanin ang Diyos, ipahayag ang katotohanan, at iligtas ang sangkatauhan. Dahil si Cristo ay may ganap na pagka-Diyos, maaari Niyang ipahayag nang tuwiran ang salita ng Diyos, hindi lamang basta ihatid o ipasa ang salita ng Diyos. Maaari Niyang ipahayag ang katotohanan anumang oras at saanmang lugar, na tinutustusan, dinidiligan, at pinapatnubayan ang tao, ginagabayan ang buong sangkatauhan. Dahil lang sa may ganap na pagka-Diyos si Cristo, sapat na ito para patunayan na taglay Niya ang identidad at diwa ng Diyos. Kaya nga masasabi natin na Siya ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ang praktikal na Diyos Mismo.

Ang pinakamalaking hiwaga ng pagkakatawang-tao ay halos walang kinalaman sa kung malaki ang katawan ng Diyos o katulad ng sa karaniwang tao. Sa halip ito ay may kinalaman sa katotohanan na ang ganap na pagka-Diyos ay nakatago sa loob ng normal na katawang ito. Walang sinuman sa atin ang may kakayahang matuklasan o makita ang nakatagong pagka-Diyos na ito. Tulad noong dumating ang Panginoong Jesus upang gawin ang Kanyang gawain, kung walang nakarinig noon sa Kanyang tinig at nakaranas ng Kanyang salita at gawain, wala sanang nakakilala na ang Panginoong Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos. Kaya ang pagkakatawang-tao ng Diyos ang pinakamainam na paraan para Siya makababa nang palihim sa ating mga tao. Nang dumating ang Panginoong Jesus, walang sinuman sa atin ang makapagsabi batay sa Kanyang panlabas na anyo na Siya ang Cristo, ang Diyos na nagkatawang-tao, at walang sinuman sa atin ang makakita sa pagka-Diyos na nakatago sa Kanyang pagkatao. Matapos ipahayag ng Panginoong Jesus ang katotohanan at magawa ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan, saka lamang natuklasan ng ilang tao na ang Kanyang salita ay may awtoridad at kapangyarihan, at noon lamang sila nagsimulang sumunod sa Kanya. Nang magpakita ang Panginoong Jesus sa mga tao matapos Siyang mabuhay na mag-uli, saka lamang natanto ng sangkatauhan na Siya ang Cristo na nagkatawang-tao, ang pagpapakita ng Diyos. Kung hindi Niya naipahayag ang katotohanan at nagawa ang Kanyang gawain, wala sanang sumunod sa Kanya. Kung hindi Siya sumaksi sa katotohanan na Siya ang Cristo, ang pagpapakita ng Diyos, wala sanang nakakilala sa Kanya. Sa mga paniwala at imahinasyon ng tao, naniniwala sila na kung Siya talaga ang Diyos na nagkatawang-tao, dapat ay may kahima-himalang mga katangian ang Kanyang katawan: dapat ay higit pa Siya sa karaniwang tao, may malaki at matipunong katawan, at matangkad, hindi lamang Siya dapat magsalita nang may awtoridad at kapangyarihan, kundi dapat din Siyang magpakita ng mga tanda at kababalaghan saanman Siya magpunta—ganito dapat ang Diyos na naging tao. Inisip nila na kung karaniwan ang Kanyang panlabas na anyo, tulad ng iba pang karaniwang tao, at may normal na pagkatao, tiyak na hindi Siya ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Gunitain natin. Nang magkatawang-tao ang Panginoong Jesus upang magsalita at gumawa ng gawain, paano man Niya ipinahayag ang katotohanan at tinig ng Diyos, hindi Siya nakilala ng mga punong saserdote, eskriba, at Fariseo. Nang marinig ang mga patotoo ng mga disipulo sa Panginoong Jesus sinabi pa nilang: Hindi ba’t ito ang anak ni Jose? Hindi ba’t ito isang Nazareno? Bakit ganito magsalita ang mga punong saserdote, eskriba, at Fariseo tungkol sa Kanya? Dahil ang Panginoong Jesus ay nagkaroon ng normal na katauhan sa panlabas na anyo. Siya ay isang normal at karaniwang tao, at hindi Siya malaki at matangkad, kaya hindi nila Siya tinanggap. Ang totoo, yamang Siya ang pagkakatawang-tao, dapat Siyang magkaroon ng normal na katauhan ayon sa depinisyon, kailangan Niyang ipakita sa atin na ang katawang idinaramit ng Diyos sa Kanyang Sarili ay isang karaniwan at normal na katawan, nagpapakita Siya tulad sa isang normal na tao. Kung dinamitan ng Diyos ang Kanyang Sarili sa katawan ng isang higit pa sa karaniwang tao, hindi ng isang taong may normal na katauhan, ang buong kahulugan ng pagkakatawang-tao ay mawawala. Kaya, si Cristo ay kailangang magkaroon ng normal na katauhan. Sa ganitong paraan lamang mapapatunayan na Siya ang Verbo na naging tao.

Basahin natin ang iba pang mga talata sa salita ng Makapangyarihang Diyos: “Ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay na ang isang payak at normal na tao ay ginagawa ang gawain ng Diyos Mismo; ibig sabihin, ginagawa ng Diyos na iyon ang Kanyang banal na gawain sa pagkatao at sa gayo’y nagagapi si Satanas. … Kung, noong una Siyang pumarito, ang Diyos ay hindi nagkaroon ng normal na katauhan bago Siya nag-dalawampu’t siyam na taong gulang—kung noong ipanganak Siya ay agad Siyang nakagawa ng mga himala, kung noong matuto Siyang magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung noong una Siyang tumapak sa lupa ay naunawaan na Niya kaagad ang lahat ng makamundong mga bagay, na nahihiwatigan ang iniisip at mga intensyon ng bawat tao—hindi maaaring tawagin ang taong iyon na isang normal na tao, at hindi maaaring tawagin ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung ganito ang nangyari kay Cristo, nawalan sana ng kahulugan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang pagtataglay Niya ng normal na katauhan ay nagpapatunay na Siya ang totoong Diyos na nagkatawang-tao; ang katotohanan na Siya ay sumailalim sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapakita na Siya ay may normal na katawan; at bukod doon, ang Kanyang gawain ay sapat na patunay na Siya ang Salita ng Diyos, Espiritu ng Diyos, na naging tao. Ang Diyos ay nagkakatawang-tao dahil sa mga pangangailangan ng gawain; sa madaling salita, ang yugtong ito ng gawain ay kailangang isagawa sa katawang-tao, isagawa sa normal na katauhan. Ito ang unang kailangan para sa ‘ang Salita na naging tao,’ para sa ‘ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,’ at ito ang tunay na kuwento sa likod ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos(“Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Kung mula sa sandali ng Kanyang pagsilang ay masigasig na sinimulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang ministeryo, na nagsasagawa ng kahima-himalang mga tanda at kababalaghan, hindi sana Siya nagkaroon ng pisikal na kakanyahan. Samakatuwid, umiiral ang Kanyang katauhan para sa kapakanan ng Kanyang pisikal na kakanyahan; hindi maaaring magkaroon ng katawan kung walang katauhan, at ang isang taong walang katauhan ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang katauhan ng katawan ng Diyos ay tunay na pagmamay-ari ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing ‘kapag naging tao ang Diyos Siya ay ganap na banal, hindi talaga tao,’ ay isang kalapastanganan, dahil imposible itong panindigan, na lumalabag sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. …

… Umiiral ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao para mapanatili ang normal na banal na gawain sa katawan; ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao ay sumusuporta sa Kanyang normal na katauhan at sa lahat ng Kanyang normal na pisikal na gawain. Maaaring sabihin ng isang tao na umiiral ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao upang suportahan ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawan. Kung ang katawang ito ay hindi nagtaglay ng isang normal na isipan ng tao, hindi maaaring gumawa ang Diyos sa katawan, at hindi maisasakatuparan kailanman ang kailangan Niyang gawin sa katawan. … Kaya ang Diyos na nagkatawang-tao ay dapat magtaglay ng isang normal na isipan ng tao, dapat magtaglay ng karaniwang pagkatao, dahil dapat Niyang gampanan ang Kanyang gawain sa katauhan na may normal na isipan. Ito ang diwa ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ang pinakadiwa ng Diyos na nagkatawang-tao(“Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos malinaw nating nakikita na ang Diyos na nagkatawang-tao ay kailangang may normal na pagkatao, dahil kung hindi, hindi Siya magiging pagkakatawang-tao ng Diyos. Sa panlabas na anyo, mukhang karaniwan at normal na tao ang Diyos na nagkatawang-tao, at walang kahima-himala tungkol sa Kanyang pagkatao. Kaya, kung susukatin natin si Cristo gamit ang ating mga pagkaintindi at imahinasyon, hindi natin kailanman kikilalanin o tatanggapin si Cristo. Kadalasa’y kikilalanin lamang natin na isa Siyang propetang isinugo ng Diyos, o isang taong ginagamit ng Diyos. Kung gusto nating talagang makilala si Cristo, kailangan nating pag-aralan ang Kanyang mga salita at gawain para makita kung ang ipinapahayag dory Niya ay ang sariling tinig ng Diyos, kung ang mga salitang ipinapahayag Niya ay mga pagpapamalas ng disposisyon ng Diyos at ng lahat ng mayroon at kung ano ang Diyos, at makita kung ang Kanyang gawain at ang katotohanang ipinapahayag Niya ay makapagliligtas sa sangkatauhan. Saka lamang natin makikilala, tatanggapin, at susundin si Cristo. Kung hindi natin hahanapin ang katotohanan, hindi natin sisiyasatin ang gawain ng Diyos, kahit marinig natin ang mga salita ni Cristo at makita ang mga katotohanan ng gawain ni Cristo, hindi pa rin natin makikilala si Cristo. Kahit kasama natin si Cristo mula umaga hanggang gabi, ituturing pa rin natin Siyang parang karaniwang tao at sa gayo’y lalabanan at tutuligsain natin Siya. Ang totoo, para kilalanin at tanggapin si Cristo, ang kailangan lang nating gawin ay makilala ang tinig ng Diyos at kilalanin na ginagawa Niya ang gawain ng Diyos. Ngunit para malaman ang banal na diwa ni Cristo at sa gayo’y tunay na masunod si Cristo at mahalin ang praktikal na Diyos, kailangan nating matuklasan ang katotohanan sa loob ng mga salita at gawain ni Cristo, makita ang disposisyon ng Diyos at ang lahat ng mayroon at kung ano ang Diyos, makita ang banal na diwa, pagkamakapangyarihan, at karunungan ng Diyos, makita na ang Diyos ay kaibig-ibig at pahalagahan ang Kanyang marubdob na mga intensyon. Sa ganitong paraan lamang natin tunay na masusunod si Cristo at masasamba ang praktikal na Diyos sa ating puso.

Alam nating lahat na mga nananalig na ang landas na ipinangaral ng Panginoong Jesus, ang salitang ipinahayag Niya, ang mga hiwaga ng kaharian ng langit na ibinunyag Niya, at ang mga kahilingan Niya sa tao ay pawang katotohanan, pawang sariling tinig ng Diyos, at pawang pagpapamalas ng disposisyon sa buhay ng Diyos at lahat ng mayroon at kung ano Siya. Ang ginawa Niyang mga himala, gaya ng pagpapagaling sa maysakit, pagpapalayas sa mga demonyo, pagpayapa sa hangin at dagat, pagpapakain sa limang libo gamit ang limang tinapay at dalawang isda, at pagpapabangon sa patay, ay pawang pagpapamalas ng sariling awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, na hindi taglay o makakaya ng sinumang taong nilikha. Nakilala ng mga naghangad sa katotohanan noong panahong iyon, tulad nina Pedro, Juan, Mateo, at Natanael, mula sa salita at gawain ng Panginoong Jesus na Siya ang ipinangakong Mesiyas, kaya nga sumunod sila sa Kanya at tinanggap nila ang Kanyang pagliligtas. Samantalang ang mga Judiong Fariseo, kahit narinig ang mga sermon ng Panginoong Jesus at nakita Siyang gumagawa ng mga himala, ay itinuring pa rin Siyang isang karaniwang tao, na walang kapangyarihan o tayog, kaya nga hindi sila nahiyang mangahas na kalabanin at tuligsain Siya nang wala ni kaunting takot. Sa huli ginawa nila ang pinakamatinding kasalanan sa pagpapako sa Panginoong Jesus sa krus. Ang aral ng mga Fariseo ay nangangailangan ng malalim na pagmumuni! Malinaw na inilalantad nito ang kanilang pagiging likas na anticristo sa pagkamuhi sa katotohanan at sa Diyos, at ibinubunyag ang kahangalan at kamangmangan ng tiwaling sangkatauhan. Sa kasalukuyan, ginagawa ng Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao, tulad ng Panginoong Jesus, ang gawain ng Diyos Mismo na may normal na pagkatao. Ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng katotohanan na kailangan ng tiwaling sangkatauhan upang maligtas, at isinasagawa ang gawain ng paghatol simula sa bahay ng Diyos sa mga huling araw. Hindi lamang Niya hinahatulan at inilalantad ang likas na kasamaan ng tiwaling sangkatauhan at ang katotohanan ng kanilang katiwalian, naibunyag din Niya ang lahat ng hiwaga ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, naipaliwanag ang landas kung saan maaaring makalaya ang sangkatauhan mula sa kasalanan, mapadalisay at mailigtas ng Diyos. Naibunyag Niya ang likas na matuwid na disposisyon ng Diyos, lahat ng mayroon at kung ano ang Diyos, at ang kakaibang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos.… Ang salita at gawain ng Makapangyarihang Diyos ay ganap na pagpapamalas ng identidad at diwa ng Diyos Mismo. Sa mga panahong ito, lahat ng sumusunod sa Makapangyarihang Diyos ay narinig na ang tinig ng Diyos sa salita at gawain ng Makapangyarihang Diyos, nakita na ang pagpapamalas ng salita ng Diyos sa katawang-tao at nakaharap na sa luklukan ng Makapangyarihang Diyos, na tumatanggap ng pagdadalisay at pagpeperpekto ng Diyos. Nagkamali na rin ang mga taong nasa relihiyosong daigdig na tanggihan, kalabanin, at tuligsain pa rin ang Makapangyarihang Diyos tulad ng mga Judiong Fariseo, na itinuturing ang Cristo ng mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos, na tulad ng iba pang karaniwang tao, nang hindi man lang nagsisikap nang kaunti na hanapin at pag-aralan ang lahat ng katotohanang naipahayag ng Makapangyarihang Diyos, sa gayo’y muli nilang ipinapako ang Diyos sa krus at pinapagalit ang disposisyon ng Diyos. Gaya ng makikita, kung kakapit tayo sa ating mga pagkaintindi at imahinasyon, at hindi natin hahanapin at pag-aaralan ang mga katotohanang ipinapahayag ni Cristo, hindi natin makikilala ang tinig ng Diyos na ipinahayag ni Cristo, hindi natin magagawang tanggapin at sundin ang gawain ni Cristo, at hindi natin matatanggap kailanman ang pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw. Kung hindi natin nauunawaan ang katotohanan ng pagkakatawang-tao, hindi natin magagawang tanggapin at sundin ang gawain ng Diyos, tutuligsain natin si Cristo at kakalabanin ang Diyos, at malamang din na tumanggap tayo ng parusa at mga sumpa ng Diyos. Kaya, sa ating pananampalataya, upang maligtas ng Diyos, napakahalaga na hanapin natin ang katotohanan at unawain ang hiwaga ng pagkakatawang-tao!

—mula sa Mga Klasikong Tanong at Sagot Tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian

Mag-iwan ng Tugon