Menu

Ang Pagiging Totoo ng Kontrol at Pamamahala ng Lumikha sa Lahat ng Bagay at mga Buhay na Nilalang ay Nagsasalita Tungkol sa Tunay na Pag-iral ng Awtoridad ng Lumikha

Gayundin, ang pagpapala ni Jehova kay Job ay nakatala sa Aklat ng Job. Ano ang ipinagkaloob ng Diyos kay Job? “Sa gayo’y pinagpala ni Jehova, ang huling wakas ni Job na higit kaysa sa kanyang pasimula: at siya’y nagkaroon ng labing apat na libong tupa, at anim na libong kamelyo, at isang libong tuwang na baka, at isang libong asnong babae” (Job 42:12). Mula sa pananaw ng tao, ano ang mga bagay na ito na ibinigay kay Job? Mga ari-arian ba iyon ng sangkatauhan? Sa mga ari-ariang ito, naging napakayaman na ba ni Job sa panahong iyon? Kung gayon, paano niya nakuha ang mga naturang ari-arian? Saan nanggaling ang kanyang kayamanan? Kahit hindi sabihin, salamat sa pagpapala ng Diyos at natamo ni Job ang mga iyon. Kung paano tiningnan ni Job ang mga ari-ariang ito, at kung paano niya itinuring ang mga pagpapala ng Diyos, ay hindi isang bagay na ating tatalakayin dito. Pagdating sa mga pagpapala ng Diyos, araw at gabing naghahangad ang lahat ng tao na pagpalain ng Diyos, ngunit walang kontrol ang tao kung gaano karaming ari-arian ang kaya niyang matamo sa buong panahon ng kanyang buhay, o kung makakatanggap ba siya ng pagpapala mula sa Diyos—at ito ay isang hindi mapapasubaliang katunayan! May awtoridad ang Diyos, at may kapangyarihan para magkaloob ng anumang ari-arian sa tao, para tulutan ang taong makakuha ng anumang basbas, ngunit may prinsipyo sa mga pagpapala ng Diyos. Anong uri ng mga tao ang pinagpapala ng Diyos? Siyempre, pinagpapala Niya ang mga taong gusto Niya! Parehong pinagpala ng Diyos sina Abraham at Job, ngunit hindi magkatulad ang mga biyaya na kanilang natanggap. Pinagpala ng Diyos si Abraham ng mga inapo na kasingdami ng buhangin at bituin. Nang pinagpala ng Diyos si Abraham, ginawa Niya ang mga inapo ng isang tao, at isang bansa, na maging makapangyarihan at masagana. Dito, pinagharian ng awtoridad ng Diyos ang sangkatauhan, na huminga ng hininga ng Diyos sa lahat ng bagay at buhay na nilalang. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos, lumaganap ang sangkatauhang ito at umiral sa bilis, at sa loob ng saklaw, na ipinasya ng Diyos. Lalo na, ang posibilidad na pananatili ng bansang ito, antas ng paglaki, at haba ng buhay ay bahagi lahat ng pagsasaayos ng Diyos, at ang prinsipyo ng lahat ng ito ay ganap na nakabase sa pangako ng Diyos kay Abraham. Ibig sabihin, kahit ano pa ang mga pangyayari, ang mga pangako ng Diyos ay magpapatuloy nang walang balakid at mangyayari ito sa ilalim ng pangangalaga ng awtoridad ng Diyos. Sa pangakong ginawa ng Diyos kay Abraham, kahit ano pa ang mga kaguluhan ng mundo, kahit ano pa ang kapanahunan, kahit ano pa ang mga pinagdaanang sakuna ng sangkatauhan, hindi haharapin ng mga inapo ni Abraham ang panganib ng pagkalipol, at hindi mamamatay ang kanilang bansa. Ang pagpapala ng Diyos kay Job, gayunpaman, ay lubos na nagpayaman sa kanya. Ang ibinigay ng Diyos sa kanya ay ang maraming nabubuhay at humihingang mga nilalang, na ang mga detalye—ang kanilang bilang, kanilang bilis ng pagdami, antas ng patuloy na pamumuhay, ang dami ng taba na nasa kanila, at iba pa—ay kontrolado rin ng Diyos. Kahit na ang mga buhay na nilalang na ito ay hindi nakakapagsalita, bahagi rin sila ng pagsasaayos ng Lumikha, at ang prinsipyo ng pagsasaayos ng Diyos sa mga ito ay ayon sa pagpapala na ipinangako ng Diyos kay Job. Sa mga pagpapalang ibinigay ng Diyos kina Abraham at Job, bagama’t magkaiba ang ipinangako, ang awtoridad na ginamit para pagharian ng Lumikha ang lahat ng bagay at buhay na nilalang ay pareho. Ang bawat detalye ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay ipinahayag sa Kanyang magkaibang mga pangako at pagpapala kina Abraham at Job, at minsan pang nagpapakita sa sangkatauhan na ang awtoridad ng Diyos ay malayung-malayo sa imahinasyon ng tao. Minsan pang sinasabi ng mga detalyeng ito sa sangkatauhan na kung gusto niyang malaman ang awtoridad ng Diyos, kung gayon ito ay makakamit lamang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at sa pamamagitan ng pagdaranas sa gawain ng Diyos.

Tinutulutan ng awtoridad ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay na makita ng tao ang isang katunayan: Hindi lamang kinakatawan ang awtoridad ng Diyos ng mga salitang “At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng liwanag,’ at nagkaroon ng liwanag, at, ‘Magkaroon ng kalawakan,’ at nagkaroon ng kalawakan, at, ‘Magkaroon ng lupa,’ at nagkaroon ng lupa,” kundi, higit pa rito, ang Kanyang awtoridad ay kinakatawan din sa paraan kung paano Niya ginawang magpatuloy ang liwanag, pinigilang mawala ang kalawakan, at ginawa na magpakailanmang hiwalay ang lupa mula sa tubig, gayundin sa mga detalye kung paano Niya pinagharian at pinamahalaan ang mga bagay na Kanyang nilalang: liwanag, kalawakan, at lupa. Ano pa ang nakikita ninyo sa pagpapala ng Diyos sa sangkatauhan? Malinaw na, matapos pagpalain ng Diyos sina Abraham at Job, hindi huminto ang mga yapak ng paa ng Diyos, dahil kasisimula pa lamang Niyang iunat ang Kanyang awtoridad, at hinangad Niya na gawing realidad ang bawat isa sa Kanyang mga salita, at gawing totoo ang bawat detalye ng Kanyang binigkas, at kaya, sa mga dumating na taon, ipinagpatuloy Niya ang paggawa sa lahat ng bagay na Kanyang nilayon. Dahil may awtoridad ang Diyos, marahil sa paningin ng tao ay nagsasalita lamang ang Diyos, at nang walang pagsisikap, natutupad ang lahat ng pangyayari at bagay. Ang naturang imahinasyon ay talagang katawa-tawa! Kung kukunin mo lamang ang isang panig ng pananaw sa pagtatatag ng Diyos ng kasunduan sa tao gamit ang mga salita, at ang pagtupad ng Diyos sa lahat ng bagay gamit ang mga salita, at hindi mo nakikita ang sari-saring mga tanda at mga totoong impormasyon na ang awtoridad ng Diyos ay namamahala sa pag-iral ng lahat ng bagay, kung gayon ang iyong pagkaunawa sa awtoridad ng Diyos ay walang laman at katawa-tawa! Kung iniisip ng tao na ganoon ang Diyos, kung gayon, kailangang sabihin na ang kaalaman ng tao sa Diyos ay umabot na sa hangganan, at wala nang pupuntahan, dahil ang Diyos na iniisip ng tao ay isa lamang makina na nagbababa ng mga utos at hindi ang Diyos na nagtataglay ng awtoridad. Ano ang nakita mo sa pamamagitan ng mga halimbawa nina Abraham at Job? Nakita mo ba ang totoong aspeto ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos? Matapos pagpalain ng Diyos sina Abraham at Job, hindi nanatili ang Diyos kung nasaan Siya, ni hindi Niya inutusan ang Kanyang mga mensahero habang naghihintay na makita kung ano ang kalalabasan. Kabaligtaran nito, sa sandaling binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita, sa ilalim ng gabay ng awtoridad ng Diyos, ang lahat ng bagay ay nagsimulang sumunod sa gawain na nilayong gawin ng Diyos, at nakahanda na roon ang mga tao, bagay, at layon na hinihingi ng Diyos. Ibig sabihin, sa sandaling binigkas ang mga salita mula sa bibig ng Diyos, pinagagana na ang awtoridad ng Diyos sa buong kalupaan, at nagtakda na Siya ng landas para gawin at tuparin ang mga pangako Niya kina Abraham at Job, habang ginagawa rin ang lahat ng naaangkop na mga plano at mga paghahanda para sa lahat ng hinihingi sa bawat hakbang at bawat mahalagang yugto na plano Niyang isakatuparan. Sa panahong ito, hindi lamang minaniobra ng Diyos ang Kanyang mga mensahero, kundi ang lahat din ng mga bagay na nilikha Niya. Ang ibig sabihin nito ay ang sakop kung saan ay nagamit ang awtoridad ng Diyos ay hindi lamang kinabibilangan ng mga mensahero, kundi maging ng lahat ng bagay, na minaniobra para makasunod sa gawain na nilayon Niyang tuparin; ito ang mga partikular na paraan na ginagamit ang awtoridad ng Diyos. Sa inyong mga guniguni, maaaring mayroon ang ilan ng mga sumusunod na pagkaunawa sa awtoridad ng Diyos: may awtoridad ang Diyos, at may kapangyarihan ang Diyos, at kaya kailangan lamang manatili ang Diyos sa pangatlong langit, o sa isang nakapirming lugar, at hindi kailangang gumawa ng anumang partikular na gawain, at ang kabuuan ng gawain ng Diyos ay nagaganap sa loob ng Kanyang mga iniisip. May mga maaari ring maniwala na, bagama’t pinagpala ng Diyos si Abraham, hindi na kailangang gumawa ng anumang bagay ang Diyos, at sapat na para sa Kanya na bigkasin lamang ang Kanyang mga salita. Ito ba talaga ang tunay na nangyari? Malinaw na hindi! Bagama’t may taglay ang Diyos na awtoridad at kapangyarihan, tunay at totoo ang Kanyang awtoridad, hindi hungkag. Ang pagiging totoo at realidad ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay unti-unting nabubunyag at kinakatawan sa Kanyang paglikha ng lahat ng bagay, at pagkontrol sa lahat ng bagay, at sa proseso kung saan pinangungunahan at pinamamahalaan Niya ang sangkatauhan. Ang bawat paraan, bawat pananaw, at bawat detalye ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sangkatauhan at sa lahat ng bagay, at lahat ng gawain na Kanyang natupad, gayundin ang Kanyang pagkaunawa sa lahat ng bagay—ang lahat ng iyon ay literal na nagpapatunay na ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay hindi hungkag na mga salita. Ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan ay ipinapakita at ibinubunyag nang palagian at sa lahat ng bagay. Ang mga pagpapamalas at pagbubunyag na ito ay nagsasalita tungkol sa tunay na pag-iral ng awtoridad ng Diyos, dahil ginagamit Niya ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan para ipagpatuloy ang Kanyang gawain, at para utusan ang lahat ng bagay, at para pagharian ang lahat ng bagay sa bawat sandali; ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad ay hindi mapapalitan ng mga anghel, o ng mga mensahero ng Diyos. Pinagpasyahan ng Diyos kung anong mga pagpapala ang Kanyang ipagkakaloob kina Abraham at Job—ang Diyos ang dapat na magdesisyon nito. Kahit pa personal na bumisita ang mga mensahero ng Diyos kina Abraham at Job, ang kanilang mga kilos ay naaayon sa mga kautusan ng Diyos, at ang kanilang mga kilos ay nasa ilalim ng awtoridad ng Diyos, at gayundin, ang mga mensahero ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Bagama’t nakita ng tao ang mga mensahero ng Diyos na binisita si Abraham, at hindi nasaksihan ang Diyos na si Jehova na personal na gumawa ng anumang bagay sa mga tala sa Bibliya, sa totoo lang, ang Nag-iisang tunay na gumamit ng kapangyarihan at awtoridad ay ang Diyos Mismo, at hindi nito tinatanggap ang pagdududa ng sinumang tao! Bagama’t nakita mo na ang mga anghel at mga mensahero na nagtataglay ng matinding kapangyarihan, at nakagawa na ng mga himala, o nagawa na nila ang ilang bagay na inutos ng Diyos, ang mga pagkilos nila ay para lamang sa pagtupad ng utos ng Diyos, at ang mga ito ay walang-dudang hindi pagpapakita ng awtoridad ng Diyos—dahil walang tao o bagay ang mayroon, o nagtataglay, ng awtoridad ng Lumikha para lumikha ng lahat ng bagay at pagharian ang lahat ng bagay. Kaya walang tao o bagay ang makakagamit o makakapagpakita ng awtoridad ng Lumikha.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Mag-iwan ng Tugon