Ang Kaugnayan sa Pagitan ng Pagpasa ng Diyos kay Job Papunta kay Satanas at ang Mga Layunin ng Gawain ng Diyos
Kahit na karamihan sa mga tao ngayon ay kumikilala na si Job ay perpekto at matuwid, at siya ay may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, ang pagkilalang ito ay hindi nagbibigay sa kanila ng mas mataas na kaunawaan ng layunin ng Diyos. Kasabay ng pagkainggit sa pagkatao at hangarin ni Job, tinatanong nila ang mga sumusunod na katanungan sa Diyos: Si Job ay lubos na perpekto at matuwid, minamahal siyang lubos ng mga tao, kung gayon, bakit siya ibinigay ng Diyos kay Satanas at isinailalim sa ganoong paghihirap? Ang ganitong mga tanong ay umiiral sa mga puso ng maraming tao—o kaya, ang pagdududang ito ang tanong na nasa puso ng maraming tao. Dahil nililito nito ang napakaraming tao, kailangan nating ilatag at ipaliwanag nang maayos ang tanong na ito.
Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil ang lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Natural lamang na ang gawaing ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos. Sa madaling salita, kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang nilalayon, ang layunin ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang layunin ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, mga kinakailangan ng Diyos, at ang kalooban ng Diyos para sa tao, Sa madaling salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pagkaunawa sa puso ng Diyos at pagkaintindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa kanya na sundin ang dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at nang sa gayon ay magkaroon ng daan upang matamo ng tao ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspeto ng layunin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspeto ay, dahil si Satanas ang hambingan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang makita ng mga tao ang kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at pag-atake nito, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala ang mga bagay na negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unti nilang mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa pamamahala ni Satanas, at mula sa mga paratang, pakikialam, at pag-atake nito—hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, ang kanilang kaalaman at pagsunod sa Diyos, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos at takot sa Kanya, ay magdala sa kanila ng tagumpay laban sa mga pag-atake at paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa nasasakupan ni Satanas. Ang paglaya ng mga tao ay nangangahulugan na si Satanas ay natalo, ito ay nangangahulugan na hindi na sila pagkain sa bibig ni Satanas—na sa halip na lunukin sila, pinakawalan sila ni Satanas. Ito ay sa kadahilanang ang mga taong ito ay matuwid, may pananampalataya, masunurin, at may takot sa Diyos, at dahil tuluyan silang kumakawala kay Satanas. Nagdadala sila ng kahihiyan kay Satanas, ginagawa nilang duwag si Satanas, at tuluyan nilang tinatalo si Satanas. Ang kanilang matibay na paniniwala sa pagsunod sa Diyos, at ang pagsunod at takot nila sa Diyos ang tumatalo kay Satanas, at nagiging dahilan kung bakit ganap silang isinusuko ni Satanas. Ang mga taong tulad nito lamang ang tunay na nakamtan ng Diyos, at ito ang tunay na layunin ng Diyos sa pagligtas sa tao. Kung nais nilang mailigtas, at nais nilang ganap na makamit ng Diyos, ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay dapat humarap sa mga maliliit at malalaking tukso at pag-atake na galing kay Satanas. Ang mga taong mangingibabaw sa mga tukso at pag-atake na ito at nagagawang ganap na talunin si Satanas ay ang mga nailigtas ng Diyos. Ibig sabihin, ang mga tao na nailigtas ng Diyos ay iyong mga sumailalim sa mga pagsubok ng Diyos, at ang mga tinukso at inatake ni Satanas nang hindi mabilang na pagkakataon. Nauunawaan ng mga taong nailigtas ng Diyos ang kalooban at mga hinihingi ng Diyos, at nagagawa nilang sumunod sa dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi nila itinatakwil ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa gitna ng mga panunukso ni Satanas. Ang mga taong nailigtas ng Diyos ay nagtataglay ng katapatan, sila ay may mabubuting puso, napaghihiwalay nila ang pag-ibig at poot, may pagkakaunawa sila sa katarungan at sila ay makatuwiran, at nagagawa nilang pangalagaan ang Diyos at pahalagahan ang lahat ng sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay hindi naigagapos, namamanmanan, napararatangan, o naaabuso ni Satanas. Sila ay ganap na malaya, sila ay ganap na napalaya at napakawalan na. Si Job ay isang tao ng kalayaan, at ito ang tiyak na kahulugan kung bakit ipinasa siya ng Diyos kay Satanas.
Si Job ay inabuso ni Satanas, ngunit nakakuha rin siya ng walang hanggang kalayaan at pagpapalaya, at nagkamit ng karapatan na hindi na kailanman muling mapasailalim sa katiwalian, pang-aabuso, at mga paratang ni Satanas, at sa halip ay mabuhay sa liwanag ng pagsang-ayon sa Diyos nang malaya at walang hadlang, at ang mabuhay sa gitna ng mga pagpapala ng Diyos sa kanya. Walang maaaring mag-alis, o sumira, o kumuha ng karapatang ito. Ito ay ibinigay kay Job kapalit ng kanyang pananampalataya, determinasyon, at pagsunod at takot sa Diyos; nagbayad si Job ng kanyang buhay upang ipanalo ang kagalakan at kaligayahan sa lupa, upang mapanalunan ang karapatan at pagiging karapat-dapat, gaya ng itinakda ng Langit na siya namang kinilala sa lupa, upang sumamba sa Lumikha nang walang hadlang bilang isang tunay na nilalang ng Diyos sa lupa. Ito rin ang pinakamalaking kinalabasan ng mga tukso na tiniis ni Job.
Kapag ang mga tao ay ililigtas pa lamang, ang mga buhay nila ay madalas na pinanghihimasukan, at maaaring pinamamahalaan, ni Satanas. Sa madaling salita, ang mga tao na hindi pa naililigtas ay mga bilanggo ni Satanas, sila ay walang kalayaan, hindi pa sila binibitawan ni Satanas, sila ay hindi naaangkop at walang karapatan na sumamba sa Diyos, at sila ay labis na tinutugis at nilulusob nang matindi ni Satanas. Ang ganitong mga tao ay walang kaligayahan na masasabi, wala silang karapatan sa isang karaniwang buhay na masasabi, at higit pa rito, wala silang dangal na masasabi. Tanging kung ikaw ay maninindigan at makikipaglaban kay Satanas gamit ang iyong pananampalataya at pagsunod sa Diyos, at takot sa Diyos, bilang iyong mga sandata na gagamitin para sa isang buhay-at-kamatayan na pakikipaglaban kay Satanas, kung saan sukdulan mong matatalo si Satanas na magiging dahilan ng pag-urong ng buntot nito at pagiging duwag sa tuwing makikita ka, upang tuluyan na nitong itigil ang mga paglusob at paratang laban sa iyo—saka ka lang maililigtas at magiging malaya. Kung ikaw ay determinadong lumaya nang lubusan mula kay Satanas, ngunit wala kang mga sandatang tutulong sa iyo upang talunin si Satanas, ikaw ay manganganib pa rin; at sa paglipas ng panahon, kapag ikaw ay lubhang napahirapan na ni Satanas na wala nang natitirang lakas sa iyo, ngunit hindi mo pa rin magawang magpatotoo, hindi pa rin tuluyang napapalaya ang iyong sarili sa mga paratang at paglusob ni Satanas laban sa iyo, magiging maliit lamang ang pag-asa na maililigtas ka. Sa huli, kapag ipinapahayag na ang konklusyon ng gawain ng Diyos, nasa mahigpit na pagkakahawak ka pa rin ni Satanas, kung saan hindi mo magawang palayain ang iyong sarili, at dahil dito hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataon o pag-asa. Kung gayon, ang ipinapahiwatig nito ay magiging ganap na mga bihag ni Satanas ang ganitong mga tao.
Tanggapin ang mga Pagsubok ng Diyos, Pagtagumpayan ang mga Panunukso ni Satanas, at Hayaan ang Diyos na Makamit ang Iyong Buong Pagkatao
Sa panahon ng gawain ng Kanyang walang hanggang pagtutustos at suporta sa tao, sinasabi ng Diyos ang kabuuan ng Kanyang kalooban at mga hinihingi sa tao, at ipinakikita Niya ang Kanyang mga gawa, disposisyon, at kung anong mayroon Siya at kung ano Siya sa tao. Ang layunin ay upang maihanda ang tao sa pamamagitan ng tayog, at pahintulutan ang tao na makamit ang iba’t ibang katotohanan mula sa Diyos habang sumusunod sa Kanya—mga katotohanan na siyang mga sandatang ibinibigay ng Diyos sa tao upang labanan si Satanas. Kapag nabigyan na ng sandata, dapat harapin ng tao ang mga pagsubok ng Diyos. Ang Diyos ay maraming paraan at sistema para sa pagsubok ng tao ngunit bawat isa sa mga ito ay nangangailangan ng “kooperasyon” ng kaaway ng Diyos: Si Satanas. Ibig sabihin, matapos bigyan ang tao ng mga sandata upang labanan si Satanas, ibinibigay ng Diyos ang tao kay Satanas at hinahayaan si Satanas na “subukin” ang tayog ng tao. Kung makakalabas ang tao mula sa mga hanay ng pakikipaglaban ni Satanas, kung kaya niyang tumakas mula sa teritoryo ni Satanas at manatiling buhay, ang tao ay makakapasa sa pagsubok. Ngunit kung ang tao ay mabigong umalis sa mga hanay ng pakikipaglaban ni Satanas, at nagpasakop kay Satanas, hindi siya makakapasa sa pagsubok. Anumang aspeto ng tao ang sinusuri ng Diyos, ang mga pamantayan ng Kanyang pagsusuri ay kung magpapakatatag o hindi ang tao sa kanyang patotoo kapag inatake siya ni Satanas, at kung itatakwil niya o hindi ang Diyos at susuko at magpapasakop kay Satanas habang nasa bitag ni Satanas. Maaaring sabihin na ang pagkaligtas o hindi sa tao ay nakasalalay sa kung kaya niyang mapagtagumpayan at talunin si Satanas, at ang kakayanan niya na makamtan ang kanyang kalayaan ay nakasalalay sa kanyang kakayahang buhatin, nang mag-isa, ang mga sandatang ibinigay sa kanya ng Diyos upang mapagtagumpayan ang pagkakabihag ni Satanas, upang ganap na mawalan ng pag-asa si Satanas at iwan siyang mag-isa. Kung mawawalan ng pag-asa si Satanas at magpapalaya ng isang tao, ang ibig sabihin nito ay hinding-hindi na nito muling susubukan na kunin ang taong ito mula sa Diyos, hinding-hindi na muling pararatangan at gagambalain ang taong ito, hinding-hindi na sila muling pahihirapan nang walang-pakundangan o aatakihin; tanging ang ganitong tao lamang ang tunay na nakamit ng Diyos. Ito ang buong proseso kung paano nakakamit ng Diyos ang tao.
Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao