Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala ang tao, isang nabubuhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Sumunod, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanyang paglaki hanggang sa kanyang pagtanda. Sa prosesong ito, walang nakadarama na lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na lumalaki siya sa ilalim ng mapagmahal na pangangalaga ng kanyang mga magulang, at na ang likas na pag-uugali niya sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng kanyang pag-iral, at na mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, walang anumang naaalala ang tao, kaya nga inaaksaya niya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos…. Wala ni isa sa sangkatauhang ito na pinangangalagaan ng Diyos gabi’t araw ang nagkukusang sambahin Siya. Patuloy lang ang Diyos sa paghubog sa tao, nang walang anumang inaasahan, tulad ng naplano na Niya. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa kanyang panaginip at biglang matatanto ang halaga at kahulugan ng buhay, ang halagang katumbas ng lahat ng naibigay ng Diyos sa kanya, at ang sabik na kahilingan ng Diyos na bumalik ang tao sa Kanya. Wala pang sinumang sumuri sa mga lihim ng pamamahala sa pinagmulan at pagpapatuloy ng buhay ng tao. Diyos lamang, na nakauunawa sa lahat ng ito, ang tahimik na nagtitiis ng pasakit at mga dagok na ibinibigay ng tao, na nakatanggap ng lahat mula sa Diyos ngunit hindi nagpapasalamat. Natural lang na tinatamasa ng tao ang lahat ng idinudulot ng buhay, at, gayundin, “natural lang” na ang Diyos ay ipinagkanulo, kinalimutan, at hinuthutan ng tao. Gayon kaya talaga kahalaga ang plano ng Diyos? Gayon kaya talaga kahalaga ang tao, ang buhay na nilalang na ito na nagmula sa kamay ng Diyos? Ang plano ng Diyos ay siguradong mahalaga; gayunman, ang buhay na nilalang na ito na nilikha ng kamay ng Diyos ay nabubuhay para sa kapakanan ng Kanyang plano. Samakatuwid, hindi puwedeng sayangin ng Diyos ang Kanyang plano dahil sa galit sa sangkatauhang ito. Para sa kapakanan ng Kanyang plano at para sa hiningang inilabas Niya kaya tinitiis ng Diyos ang lahat ng hirap, hindi para sa katawan ng tao kundi para sa buhay ng tao. Ginagawa Niya iyon para mabawi hindi ang katawan ng tao kundi ang buhay na inihinga Niya. Ito ang Kanyang plano.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao