Ngayon ang panahon kung kailan ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain, at ang panahon na sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bansang Hentil. Higit pa riyan, ito ang panahon na pinagbubukud-bukod Ko ang lahat ng nilalang, inilalagay ang bawat isa sa kanya-kanyang kaukulang uri, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas mabisa. At kaya nga, ang Aking hinihingi pa rin sa inyo ay ang ialay mo ang iyong buong pagkatao para sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa, na malinaw mong mabatid at tiyakin ang lahat ng gawaing Aking nagawa na sa iyo, at ibuhos ang lahat ng iyong lakas tungo sa Aking gawain nang ito ay maging mas mabisa. Ito ang dapat mong maunawaan. Tigilan ang pakikipaglaban sa isa’t isa, ang paghahanap ng daang pabalik, o paghahabol sa mga kaaliwan ng laman, na makakaantala sa Aking gawain at sa iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na pangalagaan ka, ay magdudulot sa iyo ng kapahamakan. Hindi ba kahangalan ito para sa iyo? Iyang buong pag-iimbot mong kinahuhumalingan ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang sakit na iyong pinagdurusahan ngayon ay ang mismong bagay na nangangalaga sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang maiwasang mabiktima ng mga tukso kung saan mahihirapan kang makawala, at iwasang mangapa sa makapal na hamog at hindi makita ang araw. Kapag nahawi ang makapal na hamog, masusumpungan mo ang iyong sarili na nasa paghatol ng dakilang araw. Sa panahong iyon, ang Aking araw ay papalapit na sa sangkatauhan. Paano mo tatakasan ang Aking paghatol? Paano mo matitiis ang nakakapasong init ng araw? Kapag ipinagkakaloob Ko ang Aking kasaganaan sa tao, hindi niya ito pinahahalagahan sa kanyang dibdib, bagkus ay isinasantabi ito sa isang lugar kung saan walang makapapansin dito. Kapag bumaba na ang Aking araw sa tao, hindi na niya matutuklasan ang Aking kasaganaan, o masusumpungan ang mapapait na salita ng katotohanang Aking sinabi sa kanya matagal na panahon na ang nakalilipas. Siya ay tatangis at iiyak, sapagkat nawala na sa kanya ang ningning ng liwanag at nahulog na siya sa kadiliman. Ang inyong nakikita ngayon ay ang matalim na espada lamang ng Aking bibig. Hindi pa ninyo nakikita ang tungkod sa Aking kamay o ang ningas na ipinansusunog Ko sa tao, at kaya kayo ay mapagmalaki at mapagmalabis pa rin sa Aking presensya. Kaya nga nakikipaglaban pa rin kayo sa Akin sa Aking tahanan, pinasusubalian ng dila ng tao yaong sinabi ng Aking bibig. Ang tao ay hindi natatakot sa Akin, at bagaman patuloy siyang nakikipag-away sa Akin hanggang ngayon, wala pa rin siyang takot man lamang. Mayroon kayong dila at mga ngipin ng mga taong di-matuwid sa inyong mga bibig. Ang inyong mga salita at gawa ay katulad niyaong sa ahas na tumukso kay Eba na magkasala. Hinihingi ninyo sa isa’t isa ang mata para sa mata at ngipin para sa ngipin, at nagtutunggali kayo sa Aking presensya para mag-agawan ng puwesto, katanyagan, at pakinabang para sa inyong mga sarili, ngunit hindi ninyo nalalaman na palihim Kong pinagmamasdan ang inyong mga salita at gawa. Bago pa man kayo makarating sa Aking presensya, natunugan Ko na ang kaibuturan ng inyong mga puso. Ang tao ay palaging nag-aasam na tumakas sa pagkakahawak ng Aking kamay at iwasan ang pagmamasid ng Aking mga mata, ngunit hindi Ako kailanman umilag sa kanyang mga salita o gawa. Sa halip, sadya Kong hinahayaan ang mga salita at gawang yaon na makita ng Aking mga mata, upang maaari Kong kastiguhin ang kasamaan ng tao at ipatupad ang paghatol sa kanyang paghihimagsik. Kaya nga, ang lihim na mga salita at gawa ng tao ay laging nananatili sa harapan ng Aking luklukan ng paghatol, at ang Aking paghatol ay hindi kailanman naalis sa tao, sapagkat labis ang kanyang paghihimagsik. Ang Aking gawain ay ang sunugin at dalisayin ang lahat ng salita at gawa ng tao na binigkas at ginawa sa presensya ng Aking Espiritu. Sa ganitong paraan, kapag nilisan Ko na ang daigdig, mapapanatili pa rin ng mga tao ang kanilang katapatan sa Akin, at maglilingkod pa rin sa Akin gaya ng ginagawa ng Aking mga banal na lingkod sa Aking gawain, na nagtutulot sa Aking gawain sa daigdig na magpatuloy hanggang sa araw na maging ganap ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao
Ibigay ang Buong Sarili Mo sa Gawain ng Diyos
I
Gumagawa ng malalaking bagay ang Espiritu ng Diyos. Sinisimulan Niya'ng gawain Niya sa mga Hentil. Upang gumana nang mabilis at epektibo, hinahati Niya'ng lahat ng nilikha sa mga uri. Ialay mo'ng buong sarili sa lahat ng gawain Niya. Alamin lahat ng ginawa Niya para sa'yo. Ibuhos mo'ng iyong lakas, gawing epektibo'ng gawain Niya. Ito'ng dapat mong maunawaan, maunawaan.
II
Huwag makipag-away, tumalikod o maghangad ng kaaaliwan. Umaantala 'to sa gawain Niya, sinisira'ng 'yong kinabukasan, nagdudulot ng pagkawasak sa halip na proteksyon. 'Di ba't hangal ka kung ganyan? Mga bagay na sakim mong tinatamasa ngayon ang sumisira sa kinabukasan mo. Ngunit ang sakit na dinaranas mo ngayon ang nagbibigay proteksyon at kaligtasan sa'yo. Ialay mo'ng buong sarili sa lahat ng gawain Niya. Alamin lahat ng ginawa Niya para sa'yo. Ibuhos mo'ng iyong lakas, gawing epektibo'ng gawain Niya. Ito'ng dapat mong maunawaan, maunawaan.
III
Mag-ingat sa lahat ng mga bagay na 'to, sa gayon 'di ka mahuhulog sa tuksong mahihirapan kang makawala, o mangangapa sa makapal na hamog, at 'di ka na sisikatan ng araw. 'Pag nahawi'ng hamog, nasa dakilang araw ng paghatol ka na. Ialay mo'ng buong sarili sa lahat ng gawain Niya. Alamin lahat ng ginawa Niya para sa'yo. Ibuhos mo'ng iyong lakas, gawing epektibo'ng gawain Niya. Ito'ng dapat mong maunawaan, maunawaan.
Hango sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao