Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi sila minamahal ng Diyos, at wala silang masyadong maaasahan. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang partikular na punto, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. Kung minamahal mo Siya, lahat ng uri ng pagdurusa ay sasapit sa’yo—at kung hindi naman, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan, at dahil ang iyong tayog ay napakaliit ikaw ay pipinuhin; bukod dito, wala kang kakayahang mapalugod ang Diyos, at lagi mong madarama na napakatayog ng kalooban ng Diyos, na hindi ito kayang abutin ng tao. Dahil sa lahat ng ito ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa iyong kalooban, at marami ang walang kakayahang mapalugod ang kalooban ng Diyos, pipinuhin ang iyong kalooban. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Kapag ikaw ay tinutukso ni Satanas, dapat mong sabihin: “Ang aking puso ay pag-aari ng Diyos, at nakamit na ako ng Diyos. Hindi kita mapapalugod—kailangan kong ilaan ang lahat ng kaya ko sa pagpapalugod sa Diyos.” Kapag lalo mong pinalulugod ang Diyos, lalo kang pagpapalain ng Diyos, at lalong lalaki ang pagmamahal mo sa Diyos; kaya, gayundin, magkakaroon ka ng pananampalataya at paninindigan, at madarama mo na walang mas mahalaga o makabuluhan kaysa sa isang buhay na ginugol sa pagmamahal sa Diyos. Masasabi na kung mahal ng tao ang Diyos, hindi siya malulungkot. Bagama’t may mga pagkakataon na nanghihina ang iyong laman at naliligiran ka ng maraming totoong kaguluhan, sa mga panahong ito tunay kang aasa sa Diyos, at sa kalooban ng iyong espiritu ikaw ay aaliwin, at madarama mo ang katiyakan, at na mayroon kang isang bagay na maaasahan. Sa ganitong paraan, madaraig mo ang maraming sitwasyon, kaya nga hindi ka na magrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa dalamhating dinaranas mo; nanaisin mong umawit, sumayaw, at manalangin, makipagtipon at makipagniig, isipin ang Diyos, at madarama mo na lahat ng tao, usapin, at bagay sa paligid mo na isinaayos ng Diyos ay angkop. Kung hindi mo mahal ang Diyos, lahat ng makikita mo ay makakayamot sa iyo, walang magiging kaaya-aya sa iyong mga mata; hindi ka magiging malaya sa iyong espiritu kundi magiging api-apihan ka, laging magrereklamo ang puso mo tungkol sa Diyos, at lagi mong madarama na napakarami mong pinagdurusahan, at na hindi iyon makatarungan. Kung hindi ka maghahangad na lumigaya, kundi mapalugod ang Diyos at hindi maakusahan ni Satanas, ang gayong paghahangad ay magbibigay sa’yo ng matinding lakas na mahalin ang Diyos. Naisasagawa ng tao ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at lahat ng ginagawa niya ay nagpapalugod sa Diyos—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng realidad. Ang paghahangad na mapalugod ang Diyos ay ginagamit ang pagmamahal sa Diyos upang maisagawa ang Kanyang mga salita; anumang oras—kahit walang lakas ang iba—sa iyong kalooban ay may puso pa ring nagmamahal sa Diyos, na lubhang nasasabik at nangungulila sa Diyos. Ito ay tunay na tayog. Ang laki ng iyong tayog ay nakasalalay sa laki ng iyong pagmamahal sa Diyos, kung nagagawa mong maging matatag sa oras ng pagsubok, kung nanghihina ka kapag sumasapit ka sa isang partikular na sitwasyon, at kung kaya mong manindigan kapag inayawan ka ng iyong mga kapatid; ang pagdating ng mga katotohanan ay magpapakita kung gaano mo talaga kamahal ang Diyos. Makikita sa marami sa gawain ng Diyos na talagang mahal ng Diyos ang tao, bagama’t hindi pa ganap na mulat ang mga mata ng espiritu ng tao at hindi niya malinaw na nakikita ang marami sa gawain ng Diyos at ang Kanyang kalooban, ni ang maraming bagay na kaibig-ibig tungkol sa Diyos; napakaliit ng tunay na pagmamahal ng tao sa Diyos. Naniwala ka na sa Diyos sa buong panahong ito, at sa ngayon ay pinutol na ng Diyos ang lahat ng paraan ng pagtakas. Sa totoo lang, wala kang magagawa kundi tahakin ang tamang landas, ang tamang landas na naakay kang tahakin ng mabagsik na paghatol at sukdulang pagliligtas ng Diyos. Pagkatapos lamang makaranas ng paghihirap at pagpipino nalalaman ng tao na ang Diyos ay kaibig-ibig. Sa pagdanas nito hanggang sa ngayon, masasabi na nalaman na ng tao ang isang bahagi ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos, ngunit hindi pa rin ito sapat, dahil malaki ang pagkukulang ng tao. Kailangang maranasan ng tao ang iba pa sa kamangha-manghang gawain ng Diyos, at ang iba pa sa buong pagpipino ng pagdurusang itinakda ng Diyos. Saka lamang magbabago ang disposisyon ng tao sa buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos