Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpapakita at Gawain ng Diyos | Sipi 64

1,010 2020-08-21

Kapag ang mga anghel ay tumutugtog ng musika ng papuri sa Akin, hindi nito mapigilang pukawin ang Aking awa sa tao. Biglang napupuspos ng kalungkutan ang puso Ko, at imposibleng mapawi Ko sa Aking sarili ang masakit na damdaming ito. Sa mga kagalakan at kalungkutan ng mahiwalay at pagkatapos ay makasamang muli ang tao, hindi namin nagawang magpalitan ng mga damdamin. Magkabukod sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba, bihira Kong makatagpo ang tao. Sino ang makakahulagpos sa paggunita sa mga dating damdamin? Sino ang makakapigil sa pag-alaala sa nakaraan? Sino ang hindi aasam sa pagpapatuloy ng mga damdamin ng nakaraan? Sino ang hindi mananabik sa Aking pagbalik? Sino ang hindi aasam na makasama Akong muli ng tao? Labis na nababagabag ang puso Ko, at labis na nag-aalala ang espiritu ng tao. Bagama’t magkapareho sa espiritu, hindi kami maaaring magkasama nang madalas, at hindi namin makikita nang madalas ang isa’t isa. Sa gayon ay puno ng dalamhati at walang sigla ang buhay ng buong sangkatauhan, sapagkat lagi nang nananabik ang tao sa Akin. Para bang ang mga tao ay mga bagay na bumagsak mula sa langit; isinisigaw nila ang Aking pangalan sa lupa, tumitingala sila sa Akin mula sa lupa—ngunit paano nila matatakasan ang mga panga ng gutom na gutom na lobo? Paano sila makakahulagpos mula sa mga banta at panunukso nito? Paanong hindi isasakripisyo ng mga tao ang kanilang sarili dahil sa pagsunod sa pagkakaayos ng Aking plano? Kapag malakas silang nagmamakaawa, inilalayo Ko ang Aking tingin mula sa kanila, hindi Ko na matiis na tingnan pa sila; ngunit paanong hindi Ko maririnig ang kanilang mga pag-iyak? Itatama Ko ang mga kawalang-katarungan sa mundo ng tao. Gagawin Ko mismo ang Aking gawain sa buong mundo, pagbabawalan Ko si Satanas na muling saktan ang Aking mga tao, pagbabawalan Ko ang mga kaaway na muling gawin ang anumang gusto nila. Magiging Hari Ako sa lupa at ililipat Ko ang Aking luklukan doon, papangyayarihin Kong magpatirapa sa lupa ang lahat ng kaaway Ko at paaaminin Ko sa mga krimen nila sa Aking harapan. Sa Aking kalungkutan, na may kahalong galit, tatapakan Ko ang buong sansinukob, na wala ni isang matitira, at sisindakin Ko ang puso ng Aking mga kaaway. Paguguhuin Ko ang buong mundo, at pababagsakin Ko ang Aking mga kaaway sa mga guho, upang mula ngayon ay hindi na nila magawang tiwali ang sangkatauhan. Buo na ang Aking plano, at hindi ito dapat baguhin ng sinuman, maging sino man sila. Habang naglilibot Ako sa maringal na seremonya sa ibabaw ng sansinukob, gagawing bago ang buong sangkatauhan, at lahat ay bubuhaying muli. Hindi na iiyak ang tao, hindi na sila hihingi ng tulong sa Akin. Sa gayon ay magagalak ang Aking puso, at babalik ang mga tao upang ipagdiwang Ako. Magbubunyi ang buong sansinukob, mula itaas hanggang ibaba, dahil sa kagalakan …

Ngayon, sa mga bansa ng mundo, ginagawa Ko ang gawaing naitakda Kong isakatuparan. Naglilibot Ako sa gitna ng sangkatauhan, ginagawa Ko ang lahat ng gawain sa loob ng Aking plano, at pinagwawatak-watak ng buong sangkatauhan ang iba’t ibang bansa ayon sa Aking kalooban. Nakatutok ang pansin ng mga tao sa lupa sa sarili nilang hantungan, sapagkat tunay ngang papalapit na ang araw at hinihipan ng mga anghel ang kanilang trumpeta. Hindi na magkakaroon ng mga pagkaantala, at dahil doon ay magsisimulang magsayawan sa galak ang lahat ng nilikha. Sino ang makapagpapalawig nang kusa sa Aking araw? Isang taga-lupa? O ang mga bituin sa himpapawid? O ang mga anghel? Kapag Ako ay gumagawa ng isang pahayag upang simulan ang pagliligtas sa mga tao ng Israel, nalalapit na ang araw Ko sa buong sangkatauhan. Kinatatakutan ng bawat tao ang pagbalik ng Israel. Kapag nagbalik ang Israel, iyon ang magiging araw ng Aking kaluwalhatian, at sa gayon, iyon din ang magiging araw kung kailan lahat ng bagay ay nagbabago at napapanibago. Sa napipintong pagdating ng matuwid na paghatol sa buong sansinukob, pinanghihinaan ng loob at natatakot ang lahat ng tao, dahil sa mundo ng tao, wala pang nakarinig tungkol sa katuwiran. Kapag nagpakita ang Araw ng katuwiran, magliliwanag ang Silangan, at pagkatapos ay liliwanagan nito ang buong sansinukob, na umaabot sa lahat. Kung talagang maisasagawa ng tao ang Aking katuwiran, ano ang dapat ikatakot? Hinihintay ng Aking mga tao ang pagsapit ng araw Ko, inaasam nilang lahat ang pagdating ng araw Ko. Hinihintay nila Akong maghiganti sa buong sangkatauhan at planuhin ang hantungan ng sangkatauhan sa Aking papel bilang Araw ng katuwiran. Nagkakahugis ang Aking kaharian sa ibabaw ng buong sansinukob, at sinasakop ng Aking luklukan ang puso ng milyun-milyong tao. Sa tulong ng mga anghel, malapit nang magtagumpay ang Aking dakilang gawain. Sabik na hinihintay ng lahat ng Aking mga anak at Aking mga tao ang Aking pagbalik, inaasam na muli nila Akong makasama, upang hindi na muling magkahiwalay kailanman. Paanong hindi mag-uunahan ang napakaraming tao ng Aking kaharian patungo sa isa’t isa sa masayang pagdiriwang dahil makakasama nila Akong muli? Isa kaya itong muling pagsasama na hindi kailangang tumbasan ng anumang halaga? Ako ay marangal sa mga mata ng lahat ng tao, ipinahahayag Ako sa mga salita ng lahat. Bukod pa riyan, sa Aking pagbalik, lulupigin Ko ang lahat ng puwersa ng kaaway. Dumating na ang panahon! Pakikilusin Ko ang Aking gawain, mamamahala Ako bilang Hari sa mga tao! Pabalik na Ako! At paalis na Ako! Ito ang inaasam ng lahat, ito ang kanilang nais. Ipamamalas Ko sa buong sangkatauhan ang pagsapit ng Aking araw, at sasalubungin nilang lahat ang pagdating ng Aking araw nang may kagalakan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 27

Mag-iwan ng Tugon