Bago isinagawa ni Jesus ang gawain, namuhay lamang Siya sa Kanyang normal na pagkatao. Walang sinumang makapagsabi na Siya ang Diyos, walang sinumang nakaalam na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao; kilala lamang Siya ng mga tao bilang isang ganap na ordinaryong tao. Ang Kanyang lubos na ordinaryo at normal na pagkatao ay patunay na ang Diyos ay nagkatawang-tao sa laman, at na ang Kapanahunan ng Biyaya ang kapanahunan ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ang kapanahunan ng gawain ng Espiritu. Patunay ito na ang Espiritu ng Diyos ay ganap na nagkatotoo sa katawang-tao, na sa kapanahunan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isasagawa ng Kanyang katawang-tao ang lahat ng gawain ng Espiritu. Ang Cristong may normal na pagkatao ay isang katawang-tao kung saan naging totoo ang Espiritu, at nagtataglay ng normal na pagkatao, normal na diwa, at pag-iisip ng tao. Ang “maging totoo” ay nangangahulugan na ang Diyos ay nagiging tao, ang Espiritu ay nagiging tao; para mas malinaw, ito ay kapag nanahan ang Diyos Mismo sa isang katawang may normal na pagkatao, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang banal na gawain—ito ang ibig sabihin ng maging totoo, o magkatawang-tao. Sa una Niyang pagkakatawang-tao, kinailangan ng Diyos na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, dahil ang Kanyang gawain ay tumubos. Upang matubos ang buong lahi ng tao, kinailangan Niyang maging mahabagin at mapagpatawad. Ang gawaing Kanyang ginawa bago Siya ipinako sa krus ay ang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, na nagbadya ng Kanyang pagliligtas sa tao mula sa kasalanan at karumihan. Dahil ito ang Kapanahunan ng Biyaya, kinailangan Niyang pagalingin ang maysakit, sa gayon ay nagpapakita Siya ng mga tanda at himala, na kumatawan sa biyaya noong panahong iyon—sapagkat ang Kapanahunan ng Biyaya ay nakasentro sa pagkakaloob ng biyaya, na isinasagisag ng kapayapaan, kagalakan, at materyal na mga biyaya, lahat ay palatandaan ng pananampalataya ng mga tao kay Jesus. Ibig sabihin, ang pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, at pagkakaloob ng biyaya ay mga likas na abilidad ng katawang-tao ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga ito ay gawain ng Espiritung naging totoo sa katawang-tao. Ngunit habang nagsasagawa Siya ng gayong gawain, namuhay Siya sa katawang-tao, at hindi nangibabaw sa katawang-tao. Anumang mga pagpapagaling ang Kanyang isinagawa, taglay pa rin Niya ang normal na pagkatao, namuhay pa rin ng normal na buhay ng tao. Kaya Ko sinasabi na sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isinagawa ng katawang-tao ang lahat ng gawain ng Espiritu, ay dahil anumang gawain ang Kanyang ginawa, ginawa Niya iyon sa katawang-tao. Ngunit dahil sa Kanyang gawain, hindi itinuring ng mga tao na ang Kanyang katawang-tao ay nagtataglay ng ganap na pisikal na diwa, sapagkat ang katawang-taong ito ay kayang gumawa ng mga himala, at sa tiyak na espesyal na mga sandali ay kayang gumawa ng mga bagay na nangibabaw sa laman. Siyempre, lahat ng pangyayaring ito ay naganap pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo, gaya ng pagsubok sa Kanya sa loob ng apatnapung araw o pagbabagong-anyo sa bundok. Kaya kay Jesus, ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi natapos, kundi bahagi pa lamang ang natupad. Ang buhay na Kanyang ipinamuhay sa katawang-tao bago Siya nagsimula sa Kanyang gawain ay lubos na normal sa lahat ng aspeto. Matapos Niyang simulan ang gawain, pinanatili lamang Niya ang panlabas na katawan ng Kanyang laman. Dahil ang Kanyang gawain ay isang pagpapahayag ng pagka-Diyos, nahigitan nito ang normal na mga tungkulin ng laman. Kunsabagay, ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay iba sa mga taong may laman at dugo. Siyempre, sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, kinailangan Niya ng pagkain, damit, tulog, at tirahan, kinailangan Niya ang lahat ng normal na pangangailangan, at nagkaroon Siya ng pakiramdam ng normal na tao, at nag-isip na gaya ng normal na tao. Itinuring Siya ng mga tao na isang normal na tao, kaya lamang ay higit-sa-karaniwan ang gawaing Kanyang ginawa. Ang totoo, anuman ang Kanyang ginawa, nabuhay Siya sa isang ordinaryo at normal na pagkatao, at sa ganang pagsasagawa Niya ng gawain, ang Kanyang diwa ay lalo nang normal, ang Kanyang mga kaisipan lalo na ay malinaw, nang higit kaysa sa sinupamang normal na tao. Kinailangan ng Diyos na nagkatawang-tao na magkaroon ng gayong pag-iisip at pakiramdam, sapagkat ang banal na gawain ay kinailangang ipahayag ng isang katawang-tao na ang pakiramdam ay normal na normal at ang mga kaisipan ay napakaliwanag—sa ganitong paraan lamang maaaring ipahayag ng Kanyang katawang-tao ang banal na gawain. Sa buong tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon na nabuhay si Jesus sa lupa, pinanatili Niya ang Kanyang normal na pagkatao, ngunit dahil sa Kanyang gawain noong panahon ng Kanyang tatlo’t kalahating taon ng ministeryo, inakala ng mga tao na Siya ay lubhang nangingibabaw, na Siya ay lalo pang higit-sa-karaniwan kaysa rati. Ang totoo, ang normal na pagkatao ni Jesus ay nanatiling di-nagbabago bago at pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo; ang Kanyang pagkatao ay pareho hanggang katapusan, ngunit dahil sa pagkakaiba bago at pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo, dalawang magkaibang pananaw ang lumitaw tungkol sa Kanyang katawang-tao. Anuman ang isipin ng mga tao, pinanatili ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang orihinal at normal na pagkatao sa buong panahon, sapagkat mula nang magkatawang-tao ang Diyos, namuhay Siya sa katawang-tao, ang katawang-taong may normal na pagkatao. Isinasagawa man Niya noon ang Kanyang ministeryo o hindi, hindi maaaring mabura ang normal na pagkatao ng Kanyang katawang-tao, sapagkat ang pagkatao ang pangunahing kakanyahan ng laman. Bago isinagawa ni Jesus ang Kanyang ministeryo, nanatiling ganap na normal ang Kanyang katawang-tao, na sumasali sa lahat ng ordinaryong aktibidad ng tao; kahit bahagya ay hindi Siya nagmukhang higit-sa-karaniwan, hindi nagpakita ng anumang mahimalang mga tanda. Noon, isa lamang Siyang napaka-karaniwang tao na sumamba sa Diyos, bagama’t ang Kanyang pagsisikap ay mas matapat, mas taos-puso kaysa kaninuman. Ganito Niya naipakita na lubos na normal ang Kanyang pagkatao. Dahil wala Siyang ginawang anumang gawain bago Niya tinanggap ang Kanyang ministeryo, walang sinumang nakabatid sa Kanyang pagkakakilanlan, walang sinumang makapagsabi na ang Kanyang katawang-tao ay naiiba sa lahat ng iba pa, sapagkat hindi Siya gumawa ng kahit isang himala, hindi Siya nagsagawa ng kahit katiting na sariling gawain ng Diyos. Gayunman, matapos Niyang simulang isagawa ang Kanyang ministeryo, pinanatili Niya ang panlabas na katawan ng normal na pagkatao at namuhay pa rin nang may normal na pangangatwiran ng tao, ngunit dahil sa nasimulan na Niyang gawin ang gawain ng Diyos Mismo, tanggapin ang ministeryo ni Cristo at gawin ang gawaing hindi kaya ng mortal na mga nilalang, mga taong may laman at dugo, inakala ng mga tao na wala Siyang normal na pagkatao at hindi isang ganap na normal na tao, kundi isang di-ganap na tao. Dahil sa gawaing Kanyang isinagawa, sinabi ng mga tao na Siya ay isang Diyos sa katawang-tao na walang normal na pagkatao. Mali ang gayong pagkaunawa, sapagkat hindi maintindihan ng mga tao ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang maling pagkaunawang ito ay umusbong mula sa katotohanan na ang gawaing ipinahayag ng Diyos sa katawang-tao ay ang banal na gawain, na ipinahayag sa isang katawang-tao na nagkaroon ng normal na pagkatao. Ang Diyos ay nakabihis sa katawang-tao, nanahan sa loob ng katawang-tao, at ang Kanyang gawain sa Kanyang pagkatao ay nagpalabo sa normalidad ng Kanyang pagkatao. Dahil dito, naniwala ang mga tao na ang Diyos ay walang pagkatao kundi pagka-Diyos lamang.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos