Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Pagkakatawang-tao | Sipi 136

470 2020-06-27

May dalawang bahagi ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Noong una Siyang nagkatawang-tao, hindi Siya pinaniwalaan o kinilala ng mga tao, at ipinako nila si Jesus sa krus. Noong magkatawang-tao Siya sa ikalawang pagkakataon, hindi pa rin naniwala sa Kanya ang mga tao, lalo pa ang kilalanin Siya, at muli nilang ipinako si Cristo sa krus. Hindi ba’t ang tao ang kaaway ng Diyos? Kung hindi Siya kilala ng tao, paano magiging malapit ang tao sa Diyos? At paano siya magiging karapat-dapat magpatotoo sa Diyos? Hindi ba’t pawang mapanlinlang na kasinungalingan ang mga pag-angkin ng tao ng pagmamahal sa Diyos, paglilingkod sa Diyos, at pagluwalhati sa Diyos? Kung itatalaga mo ang iyong buhay sa mga di-makatotohanan at di-praktikal na mga bagay na ito, hindi ba gumagawa ka nang walang kabuluhan? Paano ka magiging malapit sa Diyos kung hindi mo man lamang nakikilala kung sino ang Diyos? Hindi ba ang gayong paghahangad ay malabo at mahirap maunawaan? Hindi ba ito mapanlinlang? Paano ba maaaring maging malapit sa Diyos ang isang tao? Ano ang praktikal na kabuluhan ng pagiging malapit sa Diyos? Maaari ka bang maging malapit sa Espiritu ng Diyos? Makikita mo ba kung gaano kadakila at katayog ang Espiritu? Ang maging malapit sa di-nakikita at di-nahahawakang Diyos—hindi ba iyan malabo at mahirap maunawaan? Ano ang praktikal na kabuluhan ng gayong paghahangad? Hindi ba ang lahat ng ito ay mapanlinlang na kasinungalingan? Ang hinahangad mo ay maging malapit sa Diyos, gayong sa totoo lang ikaw ay masunuring aso ni Satanas, dahil hindi mo kilala ang Diyos, at hinahangad ang di-umiiral na “Diyos ng lahat ng bagay,” na di-nakikita, di-nahahawakan, at bunga ng iyong sariling mga kuru-kuro. Sa walang katiyakang pananalita, ang gayong “Diyos” ay si Satanas, at sa praktikal na pananalita, ito ay ikaw mismo. Hinahangad mo ang maging malapit sa iyong sarili, ngunit sinasabi pa rin na hinahangad mo ang maging malapit sa Diyos—hindi ba iyan isang paglapastangan? Ano ang halaga ng gayong paghahangad? Kung ang Espiritu ng Diyos ay hindi nagkatawang-tao, ang diwa ng Diyos ay isa lamang di-nakikita at di-nahahawakang Espiritu ng buhay, walang anyo at walang hugis, mula sa uring di-materyal, di-nalalapitan at di-nauunawaan ng tao. Paano magiging malapit ang tao sa isang walang-katawan, kamangha-mangha, at di-maarok na Espiritu na gaya nito? Hindi ba ito isang biro? Ang gayong katawa-tawang pangangatuwiran ay walang bisa at hindi praktikal. Ang nilikhang tao ay mula sa isang likas na uri na iba sa Espiritu ng Diyos, kaya paano magiging magkaniig ang dalawa? Kung ang Espiritu ng Diyos ay hindi nabuo sa katawang-tao, kung ang Diyos ay hindi naging tao at ibinaba ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng pagiging isang nilalang, kung gayon, ang taong nilalang ay kapwa hindi karapat-dapat at walang kakayahang maging kaniig Niya, at maliban sa mga mananampalatayang maka-diyos na maaaring magkaroon ng pagkakataong maging mga kaniig ng Diyos matapos na nakapasok sa langit ang kanilang mga kaluluwa, hindi makakaya ng karamihan sa mga tao na maging mga kaniig ng Espiritu ng Diyos. At kung nais ng mga tao na maging mga kaniig ng Diyos sa langit sa ilalim ng gabay ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba sila mga kamangha-manghang hangal na di-tao? Naghahangad lamang ang mga tao ng “katapatan” sa isang di-nakikitang Diyos, at hindi nagtutuon ng bahagya mang pansin sa nakikitang Diyos, sapagkat napakadaling maghangad sa isang di-nakikitang Diyos. Maaari itong gawin ng tao ayon sa kanilang kagustuhan, ngunit ang paghahangad sa nakikitang Diyos ay hindi napakadali. Ang tao na naghahanap sa isang malabong Diyos ay walang pasubaling hindi kayang matamo ang Diyos, sapagkat ang mga bagay na malabo at walang-anyo ay naguguni-guni lamang ng tao, at hindi kayang matamo ng tao. Kung ang Diyos na pumarito sa gitna ninyo ay isang marangal at mataas na Diyos na hindi ninyo maabot, paano ninyo mauunawaan ang Kanyang kalooban? At paano ninyo Siya makikilala at mauunawaan? Kung ginawa lamang Niya ang Kanyang gawain, at hindi nagkaroon ng karaniwang ugnayan sa tao, o walang taglay na normal na pagkatao at hindi malapitan ng mga mortal lamang, kung gayon, kahit na marami Siyang ginawa para sa inyo ngunit wala kayong pakikipag-ugnayan sa Kanya, at hindi nagawang makita Siya, paano ninyo Siya makikilala? Kung hindi dahil sa katawang-taong ito na taglay ang normal na pagkatao, walang magiging paraan ang tao para makilala ang Diyos; dahil lamang sa pagkakatawang-tao ng Diyos kaya ang tao ay karapat-dapat maging kaniig ng Diyos na nagkatawang-tao. Kaya nagiging mga kaniig ng mga tao ang Diyos dahil nakikipag-ugnayan sila sa Kanya, sapagkat nabubuhay silang kasama Siya at sinasamahan Siya, at sa gayo’y unti-unting nakikilala Siya. Kung hindi ganoon, hindi ba ang paghahangad ng tao ay mawawalan ng kabuluhan? Ibig sabihin, hindi lamang dahil sa gawain ng Diyos na nakakaya ng tao na maging malapit sa Diyos, kundi dahil sa pagkatotoo at pagiging karaniwan ng Diyos na nagkatawang-tao. Dahil lamang sa ang Diyos ay nagiging tao kaya ang mga tao ay mayroong pagkakataon upang gampanan ang kanilang tungkulin, at pagkakataon upang sambahin ang tunay na Diyos. Hindi ba ito ang pinakatunay at praktikal na katotohanan? Ngayon, nais mo pa rin bang maging kaniig ng Diyos sa langit? Tanging kapag nagpakababa ang Diyos Mismo hanggang sa isang punto, na ibig sabihin, tanging kapag ang Diyos ay nagkatawang-tao, na ang tao ay maaaring maging kaniig Niya at katiwalang-loob Niya. Ang Diyos ay Espiritu: Paano magiging karapat-dapat ang tao na maging mga kaniig ng Espiritung ito, na napakataas at di-maarok? Tanging kapag bumaba ang Espiritu ng Diyos sa katawang-tao, at nagiging isang nilalang na may parehong panlabas na anyo ng tao, na maaaring maunawaan ng tao ang Kanyang kalooban at talagang matamo Niya. Nagsasalita at gumagawa Siya sa katawang-tao, nakikibahagi sa mga kaligayahan, kalungkutan, at kapighatian ng sangkatauhan, namumuhay sa kaparehong daigdig ng sangkatauhan, pinangangalagaan ang sangkatauhan, ginagabayan sila, at sa pamamagitan nito nililinis Niya ang mga tao, at hinahayaang matamo nila ang Kanyang pagliligtas at Kanyang pagpapala. Matapos matamo ang mga bagay na ito, tunay na nauunawaan ng mga tao ang kalooban ng Diyos, at saka lamang maaari silang maging mga kaniig ng Diyos. Ito lamang ang praktikal. Kung ang Diyos ay di-nakikita at di-nahahawakan ng mga tao, paano sila magiging kaniig Niya? Hindi ba ito isang doktrinang walang laman?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos

Mag-iwan ng Tugon