Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 216

897 2021-01-01

Ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay nagsimula sa paglikha ng mundo, at ang tao ang nasa sentro ng gawaing ito. Masasabi na ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay ay para sa kapakanan ng tao. Dahil ang gawain ng Kanyang pamamahala ay umaabot nang libu-libong taon at hindi ginagawa sa loob lamang ng ilang minuto o segundo, o sa isang kisapmata, o isa o dalawang taon, kinailangan Niyang lumikha ng iba pang mga bagay na kinakailangan para mabuhay ang sangkatauhan, tulad ng araw, buwan, lahat ng uri ng nilikhang may buhay, pagkain, at isang kawili-wiling kapaligiran. Ito ang simula ng pamahahala ng Diyos.

Pagkatapos, ipinasa ng Diyos ang sangkatauhan kay Satanas, at namuhay ang tao sa ilalim ng sakop ni Satanas, na unti-unting humantong sa gawain ng Diyos sa unang kapanahunan: ang kuwento ng Kapanahunan ng Kautusan…. Sa loob ng ilang libong taon sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sangkatauhan ay nasanay sa paggabay ng Kapanahunan ng Kautusan at hindi ito pinahalagahan. Unti-unti, iniwan ng tao ang pangangalaga ng Diyos. Kaya nga, habang sumusunod sa batas, sumamba rin sila sa mga diyos-diyosan at gumawa ng masama. Wala silang proteksyon ni Jehova, at namuhay lamang sa harap ng altar sa templo. Sa katunayan, ang gawain ng Diyos ay matagal na silang iniwan, at kahit sumunod pa rin sa kautusan ang mga Israelita, at sinambit nila ang pangalan ni Jehova, at buong pagmamalaki pang naniwala na sila lamang ang mga tao ni Jehova at ang mga hinirang ni Jehova, ang kaluwalhatian ng Diyos ay tahimik na lumisan sa kanila …

Kapag ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, palagi Niyang tahimik na nililisan ang isang lugar at marahang isinasagawa ang bagong gawaing sinisimulan Niya sa ibang lugar. Tila hindi ito kapani-paniwala sa mga tao, na naging manhid. Palagi nang pinahahalagahan ng mga tao ang luma at kinapopootan at kinaiinisan ang bago at di-pamilyar na mga bagay. Kaya nga, anumang bagong gawain ang ginagawa ng Diyos, mula simula hanggang wakas, ang tao ang huli, sa lahat ng bagay, na nakakaalam nito.

Gaya ng palaging nangyayari, matapos ang gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, sinimulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain ng ikalawang yugto: ang pagkakaroon ng katawan—ang magkatawang-tao bilang tao sa loob ng sampu o dalawampung taon—at pagsasalita at paggawa ng Kanyang gawain sa gitna ng mga mananampalataya. Subalit walang eksepsyon, walang nakaalam dito, at iilang tao lamang ang kumilala na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao matapos ipako sa krus at mabuhay muli ang Panginoong Jesus. … Nang makumpleto ang pangalawang yugto ng gawain ng Diyos—pagkaraan ng pagpapako sa krus—naisakatuparan ang gawain ng Diyos na bawiin ang tao mula sa kasalanan (ibig sabihin, bawiin ang tao mula sa mga kamay ni Satanas). Kaya nga, mula sa sandaling iyon, kinailangan lamang tanggapin ng sangkatauhan ang Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas, at mapapatawad na ang kanyang mga kasalanan. Sa madaling salita, ang mga kasalanan ng tao ay hindi na isang hadlang sa pagkakamit niya ng kaligtasan at pagharap sa Diyos, at hindi na batayan ng pag-akusa ni Satanas sa tao. Iyon ay dahil ang Diyos Mismo ay nagsagawa na ng tunay na gawain, naging wangis at patikim ng makasalanang laman, at ang Diyos Mismo ang naging handog para sa kasalanan. Sa ganitong paraan, ang tao ay bumaba mula sa krus, at tinubos at iniligtas sa pamamagitan ng katawang-tao ng Diyos—ang wangis nitong makasalanang laman. Kaya nga, matapos mabihag ni Satanas, nakalapit nang isang hakbang ang tao palapit sa pagtanggap ng Kanyang pagliligtas sa harap ng Diyos. Mangyari pa, ang yugtong ito ng gawain ay mas malalim at mas maunlad kaysa sa pamamahala ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan.

Ganyan ang pamamahala ng Diyos: para ipasa ang sangkatauhan kay Satanas—isang sangkatauhang hindi nakakaalam kung ano ang Diyos, kung ano ang Lumikha, kung paano sambahin ang Diyos, o kung bakit kailangang magpasakop sa Diyos—at tulutan si Satanas na gawin siyang tiwali. Sa paisa-isang hakbang, saka binabawi ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, hanggang sa lubos na sambahin ng tao ang Diyos at tanggihan si Satanas. Ito ang pamamahala ng Diyos. Maaaring para itong isang kuwentong kathang-isip, at maaaring tila nakakalito ito. Pakiramdam ng mga tao ay para itong isang kuwentong kathang-isip dahil wala silang kamalay-malay kung gaano na karami ang nangyari sa tao sa nakalipas na ilang libong taon, lalong hindi nila alam kung ilang kuwento na ang nangyari sa kalawakan at sa kalangitan. At bukod pa riyan, iyon ay dahil hindi nila mapahalagahan ang mas kahanga-hanga at mas nakakatakot na mundong umiiral sa kabila ng materyal na mundo, ngunit pinipigilan sila ng kanilang mortal na mga mata na makita ito. Parang mahirap itong maunawaan ng tao dahil hindi nauunawaan ng tao ang kabuluhan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o ang kabuluhan ng gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi nauunawaan kung ano ang nais ng Diyos na kahinatnan ng sangkatauhan sa huli. Iyon ba ay ang hindi ito lubos na magawang tiwali ni Satanas, na kagaya nina Adan at Eba? Hindi! Ang layunin ng pamamahala ng Diyos ay para matamo ang isang grupo ng mga tao na sumasamba sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya. Bagama’t nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga taong ito ay, hindi na nila itinuturing si Satanas bilang kanilang ama; nakikilala nila ang kasuklam-suklam na mukha ni Satanas at tinatanggihan ito, at humaharap sila sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Nalalaman nila kung ano ang pangit at kung paano ito naiiba roon sa banal, at kinikilala nila ang kadakilaan ng Diyos at ang kasamaan ni Satanas. Ang isang sangkatauhang tulad nito ay hindi na gagawa para kay Satanas, o sasamba kay Satanas, o iidolohin si Satanas. Ito ay dahil sila ay isang grupo ng mga tao na tunay nang nakamit ng Diyos. Ito ang kabuluhan ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Sa panahon ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa panahong ito, ang sangkatauhan ang pakay kapwa ng pagtitiwali ni Satanas at ng pagliligtas ng Diyos, at ang tao ang produktong pinag-aawayan ng Diyos at ni Satanas. Habang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, unti-unti Niyang binabawi ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, kaya nga ang tao ay lalo pang napapalapit sa Diyos …

At pagkatapos ay dumating ang Kapanahunan ng Kaharian, na siyang mas praktikal na yugto ng gawain, subalit ito rin ang pinakamahirap para sa tao na tanggapin. Iyon ay dahil habang mas napapalapit ang tao sa Diyos, mas napapalapit ang tungkod ng Diyos sa tao, at mas malinaw na nahahayag ang mukha ng Diyos sa tao. Kasunod ng pagtubos sa sangkatauhan, opisyal na bumabalik ang tao sa pamilya ng Diyos. Akala ng tao ay ngayon na ang oras para sa kasiyahan, subalit isinasailalim siya sa isang harap-harapang paglusob ng Diyos, na ang mga katulad ay hindi pa nakini-kinita ng sinuman: Lumalabas na ito ay isang pagbibinyag na kailangang “ikagalak” ng mga tao ng Diyos. Sa ilalim ng gayong pagtrato, walang pagpipilian ang mga tao kundi ang huminto at isipin sa kanilang sarili, “Ako ang tupang nawala nang maraming taon na labis na pinaggugulan ng Diyos upang maibalik, kaya bakit ako tinatrato ng Diyos nang ganito? Ito ba ang paraan na pinagtatawanan ako ng Diyos, at inilalantad ako? …” Pagkaraan ng ilang taon, nabugbog ng panahon ang tao, nakaranas na ng hirap ng pagpipino at pagkastigo. Bagama’t nawala sa tao ang “kaluwalhatian” at “pagmamahalan” ng mga panahong nakaraan, hindi niya namalayan na nauunawaan na niya ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, at nagkaroon na siya ng pagpapahalaga sa ilang taon ng debosyon ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Unti-unting nagsimulang kasuklaman ng tao ang sarili niyang kabangisan. Nagsisimula siyang kamuhian kung gaano siya kabangis, lahat ng maling pagkaunawa niya sa Diyos, at ang di-makatwirang mga kahilingang nagawa niya sa Kanya. Hindi maibabalik ang mga kamay ng orasan. Ang nakaraang mga kaganapan ay nagiging malulungkot na alaala ng tao, at ang mga salita at pagmamahal ng Diyos ang nagtutulak sa tao na magbagumbuhay. Ang mga sugat ng tao ay naghihilom araw-araw, nagbabalik ang kanyang lakas, at tumatayo siya at tumitingin sa mukha ng Makapangyarihan sa lahat … para lamang matuklasan na palagi Siyang nasa tabi niya, at na ang Kanyang ngiti at Kanyang magandang mukha ay lubha pa ring nagpapasigla. May malasakit pa rin Siya sa Kanyang puso para sa sangkatauhan na Kanyang nilikha, at mainit at makapangyarihan pa rin ang Kanyang mga kamay tulad noong simula. Para bang ang tao ay nagbalik sa Halamanan ng Eden, subalit sa pagkakataong ito ay hindi na nakikinig ang tao sa mga panunukso ng ahas at hindi na tumatalikod palayo sa mukha ni Jehova. Lumuluhod ang tao sa harap ng Diyos, tumitingala sa nakangiting mukha ng Diyos, at nag-aalok ng kanyang pinakamahalagang sakripisyo—O! Panginoon ko, Diyos ko!

Ang pagmamahal at habag ng Diyos ay nanunuot sa bawat isang detalye ng Kanyang gawain ng pamamahala, at nauunawaan man ng mga tao ang mabubuting layon ng Diyos, walang-pagod pa rin Niyang ginagawa ang gawaing itinakda Niyang tuparin. Gaano man nauunawaan ng mga tao ang pamamahala ng Diyos, maaaring pahalagahan ng lahat ang tulong at mga pakinabang na hatid ng gawain ng Diyos sa tao. Marahil, sa araw na ito, hindi mo pa nadama ang alinman sa pagmamahal o buhay na ipinagkaloob ng Diyos, ngunit hangga’t hindi mo tinatalikuran ang Diyos, at hindi mo isinusuko ang iyong determinasyong hangarin ang katotohanan, darating ang araw na mahahayag sa iyo ang ngiti ng Diyos. Sapagkat ang layunin ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para bawiin ang mga taong nasa ilalim ng sakop ni Satanas, hindi para talikuran ang mga taong nagawang tiwali ni Satanas at lumalaban sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Mag-iwan ng Tugon