Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 69

694 2020-06-13

Sa loob ng saklaw ng gawain na natapos ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, makikita mo ang isa pang aspeto ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos. Ipinahayag ang aspetong ito sa pamamagitan ng Kanyang katawang-tao, at nagawang makita at pahalagahan ito ng mga tao dahil sa Kanyang pagkatao. Sa Anak ng tao, nakita ng mga tao kung paano isinabuhay ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang pagkatao, at nakita nila ang pagka-Diyos ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ng katawang-tao. Ang dalawang uri ng pagpapahayag na ito ay nagbigay-daan sa mga tao na makita ang isang talagang tunay na Diyos, at nagpahintulot sa kanila na makabuo ng isang naiibang konsepto ng Diyos. Gayunpaman, sa yugto ng panahon sa pagitan ng paglikha ng mundo at ng katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan, ibig sabihin, bago ang Kapanahunan ng Biyaya, ang tanging mga aspeto ng Diyos na nakita, narinig, at naranasan ng mga tao ay ang pagka-Diyos ng Diyos, ang mga bagay na ginawa at sinabi ng Diyos sa isang hindi materyal na dako, at ang mga bagay na Kanyang ipinahayag mula sa Kanyang tunay na persona na hindi maaaring makita o mahawakan. Kadalasan, nagdudulot ang mga bagay na ito sa mga tao ng pakiramdam na napakatayog ng Diyos sa Kanyang kadakilaan na hindi sila makalalapit sa Kanya. Ang impresyon na madalas ibinigay ng Diyos sa mga tao ay na aandap-andap Siya sa kanilang kakayahan na maunawaan Siya, at naramdaman pa nga ng mga tao na ang bawat isa sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay masyadong misteryoso at masyadong mailap na walang paraan para maabot ang mga ito, lalo na ang kahit magtangka na maunawaan at pahalagahan ang mga ito. Para sa mga tao, napakalayo ng lahat ng tungkol sa Diyos—napakalayo na hindi na ito kayang makita, hindi na ito kayang mahawakan ng mga tao. Tila ba nasa kaitaasan Siya ng langit, at tila hindi talaga Siya umiiral. Kaya para sa mga tao, ang pagkaunawa sa puso at isip ng Diyos o sa anuman sa Kanyang iniisip ay hindi kayang makamit, at hindi rin nila maaabot. Kahit na nagsagawa ang Diyos ng ilang kongkretong gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, at nagpalabas din Siya ng ilang partikular na mga salita at nagpahayag ng ilang partikular na mga disposisyon upang tulutan ang mga tao na pahalagahan at makita ang ilang tunay na kaalaman tungkol sa Kanya, subalit sa huli, ang mga pagpapahayag na ito ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay nagmula sa isang hindi materyal na dako, at kung ano ang naunawaan ng mga tao, kung ano ang nalaman nila ay tungkol pa rin sa maka-Diyos na aspeto ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Hindi makapagkamit ang mga tao ng isang kongkretong konsepto mula sa pagpapahayag na ito ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at ang kanilang impresyon ukol sa Diyos ay nananatili pa rin sa loob ng saklaw ng “isang espirituwal na katawan na mahirap malapitan, na aandap-andap sa kanilang kaunawaan.” Sapagkat hindi gumamit ang Diyos ng isang partikular na bagay o imahe na kabilang sa materyal na dako upang magpakita sa harap ng mga tao, nanatili sila na hindi kayang isalarawan Siya gamit ang wika ng tao. Sa mga puso at mga isip ng mga tao, palagi nilang ninais na gamitin ang kanilang sariling wika upang makapagtatag ng isang pamantayan para sa Diyos, upang gawin Siyang nahahawakan at gawin Siyang tao, gaya ng kung gaano Siya katangkad, kung gaano Siya kalaki, kung ano ang Kanyang hitsura, kung ano talaga ang gusto Niya at kung ano ang Kanyang personalidad. Sa katunayan, alam ng Diyos sa Kanyang puso na ganito ang pag-iisip ng mga tao. Napakalinaw Niya sa mga pangangailangan ng mga tao, at mangyari pa ay alam din Niya kung ano ang Kanyang dapat gawin, kaya isinakatuparan Niya ang Kanyang gawain sa naiibang pamamaraan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang ganitong paraan ay kapwa maka-Diyos at nagawang makatao. Sa yugto ng panahon na gumagawa ang Panginoong Jesus, nakikita ng mga tao na maraming pantaong mga pagpapahayag ang Diyos. Halimbawa, nakasasayaw Siya, nakadadalo Siya sa mga kasalan, nagagawa Niyang makipagniig sa mga tao, makipag-usap sa kanila, at magtalakay ng mga bagay kasama nila. Bukod pa riyan, natapos din ng Panginoong Jesus ang maraming gawain na kumakatawan sa Kanyang pagka-Diyos, at mangyari pa na ang lahat ng gawaing ito ay isang pagpapahayag at isang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Sa panahong ito, nang ang pagka-Diyos ng Diyos ay naisakatuparan sa isang karaniwang katawang-tao na maaaring makita at mahawakan ng mga tao, hindi na nila naramdaman na Siya ay aandap-andap sa kanilang kaunawaan o na hindi sila makalalapit sa Kanya. Sa kabaligtaran, masusubukan nilang maintindihan ang kalooban ng Diyos o maunawaan ang Kanyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng bawat pagkilos, sa pamamagitan ng mga salita, at sa pamamagitan ng gawain ng Anak ng tao. Inihayag ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang pagka-Diyos ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao at ipinarating ang kalooban ng Diyos sa sangkatauhan. At sa pamamagitan ng Kanyang pagpapahayag sa kalooban at disposisyon ng Diyos, ibinunyag din Niya sa mga tao ang Diyos na hindi nakikita o nahahawakan na nananahan sa espirituwal na dako. Ang nakita ng mga tao ay ang Diyos Mismo sa anyong nahahawakan, na gawa sa laman at dugo. Kaya ginawa ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang mga bagay tulad ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, katayuan, imahe, disposisyon ng Diyos, at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na kongkreto at nagawang makatao. Bagaman mayroong ilang limitasyon ang panlabas na kaanyuan ng Anak ng tao hinggil sa imahe ng Diyos, ang Kanyang diwa at ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay lubos na kayang kumatawan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo—mayroon lang ilang pagkakaiba sa anyo ng pagpapahayag. Hindi natin maitatanggi na kinatawan ng Anak ng tao ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo, kapwa sa anyo ng Kanyang pagkatao at sa Kanyang pagka-Diyos. Sa panahong ito, gayunpaman, gumawa ang Diyos sa pamamagitan ng katawang-tao, nagsalita mula sa pananaw ng katawang-tao, at tumayo sa harapan ng sangkatauhan nang may pagkakakilanlan at katayuan ng Anak ng tao, at ito ang nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na makaharap at maranasan ang tunay na mga salita at gawain ng Diyos sa sangkatauhan. Pinahintulutan din nito ang kabatiran ng mga tao sa Kanyang pagka-Diyos at sa Kanyang kadakilaan sa gitna ng pagpapakumbaba, gayundin ang magkamit ng isang paunang pagkaunawa at pakahulugan sa pagiging-tunay at realidad ng Diyos. Bagaman ang gawaing natapos ng Panginoong Jesus, ang Kanyang mga paraan ng paggawa, at ang pananaw kung saan Siya nagsasalita ay naiiba sa tunay na persona ng Diyos sa espirituwal na dako, ang lahat tungkol sa Kanya ay tunay na kumatawan sa Diyos Mismo, na hindi pa kailanman nakita ng sangkatauhan noon—hindi ito maitatanggi! Ibig sabihin, sa anumang anyo nagpapakita ang Diyos, sa alinmang pananaw Siya nagsasalita, o sa anumang imahe Niya hinaharap ang sangkatauhan, walang ibang kinakatawan ang Diyos kundi Siya Mismo. Hindi Siya maaaring kumatawan sa sinumang tao, ni sa sinuman sa tiwaling sangkatauhan. Ang Diyos ay ang Diyos Mismo, at hindi ito maitatanggi.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Mag-iwan ng Tugon