Mag-subscribe

Menu

Ang Ikatlong Sugpungan: Pagsasarili

Matapos dumaan ang isang tao sa pagiging bata at kabataan at unti-unti at di-maiiwasang marating ang kahustuhan ng pag-iisip, ang susunod na hakbang ay ang ganap na pamamaalam niya sa kanyang kabataan, pagpapaalam niya sa kanyang mga magulang, at pagharap sa kinabukasan bilang isang nagsasariling may sapat na gulang. Sa puntong ito, kailangan niyang harapin ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na kailangang harapin ng isang taong may sapat na gulang, harapin ang lahat ng bahagi ng kanyang kapalaran na hindi magtatagal ay haharap sa kanya. Ito ang ikatlong sugpungan na kailangang mapagdaanan ng isang tao.

Ang Ikatlong Sugpungan

1. Matapos Makapagsarili, Nagsisimulang Maranasan ng Isang Tao ang Dakilang Kapangyarihan ng Lumikha

Kung ang kapanganakan at paglaki ay ang “panahon ng paghahanda” para sa paglalakbay sa buhay ng isang tao na naglalatag ng panulukang-bato ng kapalaran ng isang tao, kung gayon ang pagsasarili ng isang tao ay ang pambungad na pakikipag-usap sa sarili sa kanyang kapalaran sa buhay. Kung ang kapanganakan at paglaki ng isang tao ay kayamanan na kanilang naimpok para sa kanilang kapalaran sa buhay, kung gayon ang pagsasarili ng isang tao ay kapag sinisimulan na nilang gastusin o dagdagan ang yamang iyon. Kapag ang isang tao ay nililisan ang kanyang mga magulang at nagsasarili, ang panlipunang mga kondisyon na kakaharapin niya, at ang uri ng trabaho o karera na makukuha niya ay kapwa iniaatas ng kapalaran at walang kinalaman sa kanyang mga magulang. May ilang tao na pumipili ng isang magandang kurso sa kolehiyo at pagkatapos ay nakakatagpo ng isang kasiya-siyang trabaho pagkaraang makapagtapos at gumagawa ng matagumpay na unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay. May ilang tao na natututo at nagiging dalubhasa sa maraming iba’t ibang kasanayan ngunit kailanman ay hindi makahanap ng trabaho na angkop sa kanila o hindi kailanman makahanap ng posisyon, lalo na ng isang karera; sa simula ng kanilang paglalakbay sa buhay, natatagpuan nila ang kanilang mga sarili na nahahadlangan sa bawat liko, dinadagsa ng mga ligalig, madilim ang hinaharap at walang katiyakan ang kanilang mga buhay. Ang ilang tao ay masigasig sa kanilang pag-aaral, ngunit halos napapalampas ang lahat ng kanilang mga pagkakataon na makatanggap ng mas mataas na pinag-aralan; tila itinadhanang kailanma’y hindi magtamo ng tagumpay at ang kanilang kauna-unahang hangarin sa paglalakbay sa kanilang buhay ay nililipad ng hangin. Hindi alam kung ang daraanan ay patag o mabato, nararamdaman nila sa kauna-unahang pagkakataon kung gaano kapuno ng mga pagbabago ang tadhana ng tao, kung kaya’t itinuturing ang buhay nang may pag-asa at pangamba. May ilang tao, kahit hindi gaanong nakapag-aral, ay nakapagsusulat ng mga aklat at nakapagtatamo ng kaunting katanyagan; ang ilan, bagaman halos ganap na walang pinag-aralan, ay kumikita ng pera mula sa negosyo at dahil doon ay nasusuportahan ang kanilang mga sarili…. Anumang trabaho ang pinipili ng isang tao, paano man siya naghahanap-buhay: may anumang kontrol ba ang mga tao kung gumagawa man sila ng tamang pagpili o maling pagpili sa mga bagay na ito? Sumasang-ayon ba ang mga bagay na ito sa kanilang mga pagnanais at kapasyahan? Karamihan sa mga tao ay nagnanais ng mga sumusunod: na mabawasan ang kanilang pagtatrabaho at kumita nang mas malaki, na hindi magtrabaho sa ilalim ng araw at ng ulan, manamit nang maganda, magningning at kuminang sa lahat ng dako, pangibabawan ang iba, at magdala ng karangalan sa kanilang mga ninuno. Umaasam ang mga tao na maging perpekto, subalit kapag ginawa na nila ang mga unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay, unti-unti nilang naiintindihan kung gaano kaimperpekto ang tadhana ng tao, at sa kauna-unahang pagkakataon ay tunay nilang nauunawaan ang katotohanan na, bagaman maaaring makagawa ang isang tao ng mapangahas na mga plano para sa sariling kinabukasan at bagaman ang isang tao’y maaaring magtanim sa isip ng mapangahas na mga pantasya, walang sinuman ang may kakayahan o may kapangyarihan na isakatuparan ang kanyang sariling mga pangarap, at walang sinuman ang nasa posisyon na kontrolin ang kanyang sariling kinabukasan. Palaging magkakaroon ng ilang agwat sa pagitan ng mga pangarap ng isang tao at ng mga realidad na dapat niyang harapin; ang mga bagay ay hindi kailanman ayon sa ninanais ng isang tao, at sa harap ng ganoong mga realidad ay hindi kailanman makakamit ng mga tao ang kasiyahan o katiwasayan. May ilang tao pa nga na gagawin ang anumang maaaring gawin, magpupunyagi nang husto at gagawa ng malalaking sakripisyo para sa kapakanan ng kanilang mga hanapbuhay at hinaharap, sa pagtatangka na baguhin ang kanilang sariling kapalaran. Subalit sa katapusan, kahit na matupad nila ang kanilang mga pangarap at ninanais sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap, hindi nila kailanman mababago ang kanilang mga kapalaran, at gaano man kasidhi nilang subukin, hindi nila kailanman malalampasan ang naitakda na sa kanila ng tadhana. Kahit ano pa ang mga pagkakaiba sa kakayahan, talino, at determinasyon, ang mga tao ay pantay-pantay na lahat sa harap ng tadhana, na hindi tumitingin sa pagkakaiba ng malaki o maliit, ng mataas o mababa, ng pinaparangalan o hinahamak. Ang pinagsisikapang hanapbuhay, ang ginagawa ng isang tao upang kumita, at kung gaano karami ang natitipong kayamanan ng isang tao sa buhay ay hindi napapagpasyahan ng sariling mga magulang, ng sariling mga talento, ng sariling mga pagpupunyagi o sariling mga ambisyon, at sa halip ay itinadhana ng Lumikha.

2. Pag-iwan sa Sariling mga Magulang at Seryosong Pag-uumpisa na Gampanan ang Sariling Papel sa Teatro ng Buhay

Kapag umabot ang isang tao sa hustong edad, naiiwanan na niya ang kanyang mga magulang at nakakapagsarili na, at dito sa puntong ito tunay na nakakapag-umpisang gampanan ng isang tao ang sariling papel, na ang sarili niyang misyon sa buhay ay hindi na malabo at unti-unting nagiging maliwanag. Sa pangalan ay nananatili pa ring may malapit na ugnayan ang isang tao sa sariling mga magulang, subalit dahil ang sariling misyon at ang papel na ginagampanan niya ay walang kinalaman sa sarili niyang ina at ama, nangangahulugan ito na ang malapit na bigkis ay dahan-dahang napapatid habang unti-unting nagsasarili ang isang tao. Mula sa perspektibo ng biyolohiya, hindi pa rin maiiwasan ng mga tao ang umasa sa kanilang mga magulang nang hindi namamalayan, subalit sa patas na pananalita, kapag sila’y malaki na, mayroon na silang mga buhay na ganap na nakahiwalay mula sa kanilang mga magulang, at gagampanan nila ang mga papel na kanilang natanggap nang nagsasarili. Maliban sa pagsisilang at pagpapalaki ng anak, ang tungkulin ng mga magulang sa buhay ng isang bata ay ang bigyan lang sila ng isang pormal na kapaligiran na kalalakihan nila, sapagkat walang makaiimpluwensya sa kapalaran ng tao maliban sa itinadhana ng Lumikha. Walang sinuman ang makakakontrol sa uri ng magiging kinabukasan ng isang tao; ito ay nauna nang naitadhana, at hindi mababago kahit na ng sariling mga magulang ang kapalaran ng isang tao. Kaugnay naman sa kapalaran, ang bawat isa ay nagsasarili, at bawat isa ay may sariling kapalaran. Kung kaya walang magulang ang makakapagpaiwas sa kapalaran sa buhay ng isang tao o makakaimpluwensya sa papel na gagampanan ng isang tao sa buhay. Maaaring sabihin na ang pamilya kung saan naitadhanang maisilang ang isang tao, at ang kapaligiran na kinalalakihan niya, ay mga paunang kondisyon lamang upang matupad niya ang sarili niyang misyon sa buhay. Hindi tinutukoy ng mga ito sa anumang paraan ang kapalaran ng isang tao sa buhay o ang uri ng tadhana kung saan ay matutupad ng isang tao ang kanyang misyon. Kung kaya’t walang magulang ang makakatulong sa kanyang anak na matupad ang misyon niya sa buhay, at gayundin, walang kaanak ninuman ang makakatulong sa kanya na akuin ang sarili niyang papel sa buhay. Kung paano isinasagawa ng isang tao ang sariling misyon at sa anong uri ng pamumuhay sa kapaligiran niya ginagampanan ang sarili niyang papel ay ganap na itinatadhana ng sariling kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, walang iba pang patas na mga kondisyon ang makakaimpluwensya sa misyon ng isang tao na itinadhana ng Lumikha. Ang lahat ng tao ay nagkakahustong pag-iisip ayon sa kanilang sariling kinalakhang mga kapaligiran; pagkatapos, unti-unti, sa bawat hakbang, tumutungo sila sa kanilang sariling mga landas sa buhay at tinutupad ang mga tadhana na binalak para sa kanila ng Lumikha. Sa likas na paraan at nang hindi sinasadya ay pumapasok sila sa malawak na karagatan ng sangkatauhan at inaako ang sarili nilang mga papel sa buhay, kung saan ay sinisimulan nila ang pagtupad sa kanilang mga katungkulan bilang mga nilalang para sa kapakanan ng pagtatadhana ng Lumikha, para sa kapakanan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan.

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon