Ang mga Taong Iyon na Hindi Kinikilala ng Diyos
Mayroong ilang tao na ang paniniwala ay hindi kailanman kinikilala sa puso ng Diyos. Sa madaling salita, hindi kinikilala ng Diyos na mga tagasunod Niya sila, dahil hindi Niya pinupuri ang kanilang paniniwala. Para sa mga taong ito, ilang taon man nila nasunod ang Diyos, hindi kailanman nagbago ang kanilang mga ideya at pananaw; para silang mga hindi mananampalataya, sumusunod sa mga prinsipyo at paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ng mga hindi mananampalataya at sa mga batas ng pananatiling buhay at pananampalataya. Hindi nila kailanman tinanggap ang salita ng Diyos bilang kanilang buhay, hindi kailanman naniwala na ang salita ng Diyos ay katotohanan, hindi kailanman nilayon na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, at hindi kailanman kinilala ang Diyos bilang kanilang Diyos. Ang tingin nila sa paniniwala sa Diyos ay libangan ng baguhan, na tinatrato Siya bilang isang espirituwal na pagkain lamang; sa gayon, hindi nila iniisip na mahalagang subukan at unawain ang disposisyon o diwa ng Diyos. Masasabi na lahat ng tumutugma sa tunay na Diyos ay walang kinalaman sa mga taong ito; hindi sila interesado, ni hindi sila mag-aabalang makinig. Ito ay dahil sa kaibuturan ng kanilang puso, mayroong isang malakas na tinig na laging nagsasabi sa kanila, “Ang Diyos ay hindi nakikita at hindi nahihipo, at hindi umiiral.” Naniniwala sila na ang pagsisikap na unawain ang ganitong uri ng Diyos ay pagsasayang ng kanilang pagsisikap, at na niloloko lamang nila ang kanilang sarili sa paggawa nito. Naniniwala sila na sa pamamagitan lamang ng pagkilala sa Diyos sa mga salita nang walang anumang tunay na paninindigan o pamumuhunan ng kanilang sarili sa anumang tunay na mga kilos, medyo matalino sila. Ano ang tingin ng Diyos sa gayong mga tao? Ang tingin Niya sa kanila ay mga hindi mananampalataya. Tinatanong ng ilang tao, “Maaari bang basahin ng mga hindi mananampalataya ang mga salita ng Diyos? Maaari ba nilang tuparin ang kanilang mga tungkulin? Maaari ba nilang sambitin ang mga salitang, ‘Mabubuhay ako para sa Diyos’?” Ang madalas makita ng mga tao ay ang pagkukunwaring ipinapakita ng mga tao sa panlabas; hindi nila nakikita ang diwa ng mga tao. Gayunman, hindi tinitingnan ng Diyos ang mga paimbabaw na mga pagpapakitang ito; ang tanging nakikita Niya ay ang diwa sa kanilang kalooban. Sa gayon, ito ang klase ng saloobin at paglalarawan ng Diyos sa mga taong ito. Sinasabi ng mga taong ito, “Bakit ito ginagawa ng Diyos? Bakit iyon ginagawa ng Diyos? Hindi ko ito maunawaan; hindi ko iyon maunawaan; hindi ito naaayon sa mga kuru-kuro ng tao; kailangan Mong ipaliwanag iyan sa akin….” Para sagutin ito, ang tanong Ko: Kailangan ba talagang ipaliwanag ang mga bagay na ito sa iyo? May kaugnayan ba talaga ang mga bagay na ito sa iyo? Sino ka ba sa tingin mo? Saan ka nanggaling? Karapat-dapat ka ba talagang magbigay ng mga punto sa Diyos? Naniniwala ka ba sa Kanya? Kinikilala ba Niya ang iyong pananampalataya? Yamang walang kinalaman sa Diyos ang iyong pananampalataya, ano ang pakialam mo sa Kanyang mga ginagawa? Hindi mo alam kung ano ang katayuan mo sa puso ng Diyos, kaya paano ka magiging karapat-dapat na makipag-usap sa Kanya?
Mga Salita ng Payo
Hindi ba kayo nababalisa matapos ninyong marinig ang mga pahayag na ito? Bagamat maaaring ayaw ninyong makinig sa mga ito o ayaw ninyong tanggapin ang mga ito, totoo ang lahat ng ito. Dahil ang yugtong ito ng gawain ay isasagawa ng Diyos, kung wala kang pakialam sa Kanyang mga layunin, wala kang pakialam tungkol sa Kanyang saloobin, at hindi mo nauunawaan ang Kanyang diwa at disposisyon, sa huli, ikaw ang matatalo. Huwag sisihin ang Aking mga salita na mahirap dinggin, at huwag sisihin ang mga ito sa pagkawala ng inyong kasigasigan. Sinasabi Ko ang katotohanan; hindi Ko layunin na pahinain ang loob ninyo. Anuman ang hingin Ko sa inyo, at paano man ninyo kinakailangang gawin ito, sana ay tumatahak kayo sa tamang landas at sumusunod sa daan ng Diyos, at hindi kayo lumilihis mula sa tamang landas kailanman. Kung hindi ka magpapatuloy alinsunod sa salita ng Diyos o sumusunod sa Kanyang daan, walang duda na naghihimagsik ka laban sa Diyos at lumihis ka na sa tamang landas. Sa gayon, palagay Ko ay may ilang bagay Akong kailangang linawin para sa inyo, at na kailangan Ko kayong paniwalain nang ganap, malinaw, at walang bahid ng kawalang-katiyakan, at ipaunawa sa inyo nang malinaw ang saloobin ng Diyos, ang Kanyang mga layunin, paano Niya ginagawang perpekto ang mga tao, at sa anong paraan Niya ipinapasya ang kahihinatnan ng mga tao. Kung sakaling dumating ang araw na hindi mo magawang tumahak sa landas na ito, wala Akong pananagutan, sapagkat naipahayag na sa iyo nang napakalinaw ang mga salitang ito. Patungkol sa kung paano mo pakikitunguhan ang sarili mong kahihinatnan, ito ay isang bagay na lubos na nakasalalay sa iyo. Hinggil sa kahihinatnan ng iba-ibang uri ng mga tao, may iba’t ibang saloobin ang Diyos, mayroon Siyang sarili Niyang mga paraan sa pagtimbang sa kanila, pati na sarili Niyang pamantayan ng mga kinakailangan sa kanila. Ang Kanyang pamantayan sa pagtimbang sa kahihinatnan ng mga tao ay makatarungan para sa lahat—walang duda iyan! Samakatuwid, hindi kailangang matakot ang ilang tao. Naginhawahan na ba kayo ngayon?
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain