Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 36

702 2021-03-30

Dapat Wasakin ng Diyos ang Sodoma (Mga piling sipi)

Genesis 18:26 At sinabi ni Jehova, “Kung makasumpong Ako sa Sodoma ng limampung banal sa loob ng bayan, patatawarin Ko ang buong dakong iyon, alang-alang sa kanila.”

Genesis 18:29 At siya’y muling nagsalita pa sa Kanya, at nagsabi, “Marahil ay may masusumpungang apatnapu.” At sinabi Niya, “hindi Ko gagawin.”

Genesis 18:30 At sinabi niya sa Kanya, “kung sakaling may masusumpungan doong tatlumpu.” At sinabi Niya, “hindi Ko gagawin.”

Genesis 18:31 At kanyang sinabi, “kung sakaling may masusumpungan doong dalawampu.” At sinabi Niya, “hindi Ko lilipulin.”

Genesis 18:32 At sinabi niya, “kung sakaling may masusumpungan doong sampu.” At sinabi Niya, “hindi Ko lilipulin.”

Pinagtutuunan Lamang ng Pansin ng Diyos ang mga Nakakasunod sa Kanyang mga Salita at Sumusunod sa Kanyang mga Utos

Naglalaman ng ilang pangunahing salita ang mga sipi sa itaas: mga numero. Una, sinabi ni Jehova na kung may matagpuan Siyang limampung matuwid sa lungsod, patatawarin Niya kung gayon ang buong lugar, na nangangahulugang hindi Niya wawasakin ang lungsod. Mayroon nga ba talagang limampung matuwid sa Sodoma? Wala. Pagkatapos na pagkatapos, ano ang sinabi ni Abraham sa Diyos? Sinabi niya, marahil ay may makikitang apatnapu? At sinabi ng Diyos, hindi Ko ito gagawin. Pagkatapos, sinabi ni Abraham, marahil ay may makikitang tatlumpu roon? At sinabi ng Diyos, hindi Ko ito gagawin. At marahil dalawampu? Hindi Ko ito gagawin. Sampu? Hindi Ko ito gagawin. Mayroon nga ba talagang sampung matuwid sa lungsod? Walang sampu—ngunit mayroong isa. At sino ang isang ito? Ito ay si Lot. Sa panahong iyon, may iisa lamang na taong matuwid sa Sodoma, ngunit masyado bang mahigpit o mapagwasto ang Diyos pagdating sa bilang na ito? Hindi, hindi Siya ganoon! At nang paulit-ulit na nagtatanong ang tao, “Paano kung apatnapu?” “Paano kung tatlumpu?” hanggang sa napunta siya sa “Paano kung sampu?” Sinabi ng Diyos, “Kahit na may sampu lamang, hindi Ko wawasakin ang lungsod; patatawarin Ko iyon at papatawarin ang ibang tao bukod sa sampung ito.” Kung mayroon lamang sampu, kaawa-awa talaga iyon, ngunit sa totoo, wala man lang ganoon karaming matuwid na tao sa Sodoma. Kung gayon, nakikita mo na sa mga mata ng Diyos na ang kasalanan at kasamaan ng mga tao sa lungsod ay ganoon na lamang na wala nang iba pang magagawa ang Diyos kundi ang wasakin sila. Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang hindi Niya wawasakin ang lungsod kung may limampung matuwid? Ang mga numerong ito ay hindi mahalaga sa Diyos. Ang mahalaga ay kung naglalaman o hindi ang lungsod ng matuwid na nais Niya. Kung may isa lang na matuwid na tao sa lungsod, hindi hahayaan ng Diyos na mapahamak siya sa pagwasak Niya sa lungsod. Ibig sabihin nito, wasakin man o hindi ng Diyos ang lungsod, at gaano man karami ang matuwid doon, para sa Diyos ang makasalanang lungsod na ito ay napakasama at kasuklam-suklam, at dapat lang na wasakin, dapat maglaho mula sa mga mata ng Diyos, habang ang matuwid ay dapat na manatili. Anuman ang kapanahunan, anuman ang yugto ng pag-unlad ng sangkatauhan, ang saloobin ng Diyos ay hindi nagbabago: Kinamumuhian Niya ang kasamaan, at nagmamalasakit sa mga matuwid sa Kanyang mga mata. Itong malinaw na saloobin ng Diyos ay tunay rin na pahayag ng diwa ng Diyos. Dahil iisa lamang ang matuwid na tao sa loob ng lungsod, hindi na nag-atubili pa ang Diyos. Ang katapusang resulta ay ang hindi maiiwasang pagkawasak ng Sodoma. Ano ang nakikita ninyo rito? Sa kapanahunang iyon, hindi wawasakin ng Diyos ang isang lungsod kung mayroong limampung matuwid sa loob nito, at hindi rin kung may sampu, na nangangahulugan na ang Diyos ay magpapasya na magpatawad at magiging mapagparaya sa sangkatauhan, o gagawin ang gawain ng pagpatnubay, dahil sa iilang tao na kaya Siyang igalang at sambahin. Malaki ang tiwala ng Diyos sa matutuwid na gawa ng tao, malaki ang tiwala Niya sa mga sumasamba sa Kanya, at malaki ang tiwala Niya sa mga nakagagawa ng mabubuting gawa sa Kanyang harapan.

Mula sa sinaunang panahon hanggang ngayon, nabasa na ba ninyo sa Bibliya ang Diyos na nagpapahayag ng katotohanan, o nagsasalita tungkol sa daan ng Diyos, sa sinumang tao? Hindi, hindi kailanman. Ang mga salita ng Diyos sa tao na nababasa natin ay nagsasabi lamang sa mga tao kung ano ang kanilang gagawin. Ang ilan ay pumunta at ginawa ito, ang ilan ay hindi; ang ilan ay naniwala, at ang ilan ay hindi. Iyan lamang ang naroon. Kaya ang matuwid noong kapanahunang iyon—ang matuwid sa mga mata ng Diyos—ay iyon lamang mga makakarinig sa mga salita ng Diyos at makakasunod sa mga utos ng Diyos. Sila ang mga lingkod na nagpatupad ng mga salita ng Diyos sa tao. Matatawag ba ang mga taong ito na nakakakilala sa Diyos? Matatawag ba silang mga taong ginawang perpekto ng Diyos? Hindi. Samakatuwid, anuman ang kanilang bilang, sa mga mata ng Diyos, karapat-dapat bang tawagin ang matutuwid na taong ito bilang mga pinagkakatiwalaan ng Diyos? Maaari ba silang tawaging mga saksi ng Diyos? Tiyak na hindi! Sila ay tiyak na hindi karapat-dapat tawaging mga pinagkakatiwalaan at saksi ng Diyos. Kung gayon ano ang itinawag ng Diyos sa mga naturang tao? Sa Bibliya, hanggang sa mga talata ng kasulatan na kakabasa lang natin, maraming pagkakataon na tinatawag sila ng Diyos bilang “Aking lingkod.” Na ibig sabihin, sa panahong iyon, sa mga mata ng Diyos, ang matutuwid na taong ito ay mga lingkod ng Diyos, sila ang mga taong naglingkod sa Kanya sa lupa. At paano naisip ng Diyos ang katawagang ito? Bakit Niya sila tinawag nang ganoon? Mayroon bang mga pamantayan ang Diyos sa Kanyang puso sa kung ano ang mga itinatawag Niya sa tao? Tiyak na mayroon. May mga pamantayan ang Diyos, tawagin man Niya ang tao na matuwid, perpekto, tapat, o mga lingkod. Kapag tinawag Niya na Kanyang lingkod ang isang tao, matibay ang Kanyang paniniwala na kayang matanggap ng taong ito ang Kanyang mga sugo, sundin ang Kanyang mga utos, at isagawa ang iniuutos ng mga sugo. At ano ang isinasagawa ng taong ito? Isinasagawa niya ang mga iniuutos ng Diyos na gawin at isakatuparan ng tao sa mundo. Sa panahong iyon, ang iniuutos ng Diyos na gawin at isakatuparan ng tao sa lupa ay matatawag bang daan ng Diyos? Hindi. Dahil sa panahong iyon, ang hiningi lamang ng Diyos ay ang gumawa ang tao ng ilang simpleng bagay; nagbigkas Siya ng ilang simpleng utos, na nagsasabi sa tao na gawin lamang ito o iyon, at wala nang iba pa. Ang Diyos ay gumawa ayon sa Kanyang plano. Dahil, sa panahong iyon, maraming kondisyon ang hindi pa nangyari, hindi pa hinog ang panahon, at mahirap sa sangkatauhang pasanin ang daan ng Diyos, kung kaya’t ang daan ng Diyos ay hindi pa nagsimulang lumabas mula sa puso ng Diyos. Nakita ng Diyos ang mga matuwid na taong sinabi Niya, na nakita natin dito—kahit na tatlumpu o dalawampu—bilang Kanyang mga lingkod. Kapag pinuntahan ng mga sugo ng Diyos ang mga lingkod na ito, magagawa nilang tanggapin sila, at sundin ang kanilang mga utos, at kumilos alinsunod sa kanilang mga salita. Ito mismo ang dapat na ginawa, at natamo, ng mga lingkod sa mga mata ng Diyos. Ang Diyos ay makatarungan sa Kanyang mga katawagan para sa mga tao. Tinawag Niya sila na Kanyang mga lingkod hindi dahil sila ay tulad ninyo ngayon—hindi dahil marami ang kanilang narinig na pangangaral, nakakaalam kung ano ang gagawin ng Diyos, maraming nauunawaan tungkol sa kalooban ng Diyos, at naiintindihan ang Kanyang plano ng pamamahala—subalit dahil sila ay naging tapat sa kanilang pagkatao at nagawa nilang sumunod sa mga salita ng Diyos; nang inutusan sila ng Diyos, isinantabi nila ang kanilang ginagawa at isinakatuparan kung ano ang inutos ng Diyos. Kung kaya’t para sa Diyos, ang iba pang aspeto ng kahulugan sa katawagan na lingkod ay ang pakikipagtulungan nila sa Kanyang gawain sa lupa, at kahit na hindi sila mga sugo ng Diyos, sila ang mga tagapagpaganap at tagapagpatupad ng mga salita ng Diyos sa lupa. Makikita ninyo na ang mga lingkod o matutuwid na tao na ito ay may malaking halaga sa puso ng Diyos. Ang gawain na sinimulan ng Diyos sa lupa ay hindi maaaring gawin nang wala ang mga taong tumulong sa Kanya, at ang papel na ginampanan ng mga lingkod ng Diyos ay hindi mapapalitan ng mga sugo ng Diyos. Ang bawat gawain na iniutos ng Diyos sa mga lingkod na ito ay malaki ang kahalagahan sa Kanya, kung kaya’t hindi Niya sila kayang mawala. Kung wala ang pakikipagtulungan na ito ng mga lingkod sa Diyos, maaaring mahinto ang Kanyang gawain sa sangkatauhan, at dahil dito, ang plano ng pamamahala ng Diyos at ang mga inaasam ng Diyos ay maaaring mauwi sa wala.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Mag-iwan ng Tugon