Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 42

1,868 2020-06-29

Tinukso ni Satanas si Job sa Unang Pagkakataon (Ninakaw ang Kanyang mga Alagang Hayop at Sumapit ang Kalamidad sa Kanyang mga Anak) (Mga piling sipi)

Ang Reaksyon ni Job

Job 1:20–21 Nang magkagayo’y bumangon si Job, at pinunit ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba; At sinabi niya, “Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon: si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova.”

Nanggaling sa Kanyang Takot sa Diyos ang Kusang Pagbabalik ni Job ng Lahat ng Kanyang Pag-aari

Matapos sabihin ng Diyos kay Satanas na, “Lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay,” umalis si Satanas, at matapos noon ay sumailalim na si Job sa biglaan at mababangis na pag-atake: Una, ninakaw ang kanyang mga baka at mga asno at pinatay ang ilan sa mga tagapaglingkod niya; sumunod, sinunog ang ilan sa kanyang mga tupa at mga tagapaglingkod; matapos noon, kinuha ang mga kamelyo niya at pinatay pa ang mga tagapaglingkod niya; sa huli, namatay ang mga anak niyang lalaki at babae. Ang sunud-sunod na pag-atake na ito ay ang paghihirap na dinanas ni Job sa unang tukso. Ayon sa iniutos ng Diyos, ang mga ari-arian at mga anak lamang ni Job ang pinuntirya ni Satanas sa panahon ng mga pag-atake, at hindi niya sinaktan si Job. Gayunman, mula sa pagiging isang mayamang tao na nagmamay-ari ng malaking kayamanan, si Job ay biglang naging isang tao na wala kahit na anong ari-arian. Walang sinuman ang may kakayahang matagalan ang mga kagila-gilalas na biglaang pag-atake na ito o tumugon sa mga ito nang maayos, ngunit si Job ay nagpakita ng kanyang pambihirang kakayahan. Nagbibigay ang Kasulatan ng sumusunod na salaysay: “Nang magkagayo’y bumangon si Job, at pinunit ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba.” Ito ang unang reaksyon ni Job pagkatapos niyang marinig na nawala sa kanya ang kanyang mga anak at lahat ng kanyang ari-arian. Higit sa lahat, hindi siya mukhang nagulat, o natakot, at lalong hindi siya nagpahayag ng galit o poot. Nakikita mo, sa gayon, na nakilala na niya sa kanyang puso na ang mga sakunang ito ay hindi isang aksidente, o gawa ng kamay ng tao, at lalong hindi dala ng paghihiganti o kaparusahan. Sa halip, dumating sa kanya ang mga pagsubok ni Jehova; si Jehova ang nagnais na kunin ang kanyang ari-arian at mga anak. Napaka-mahinahon at malinaw ng pag-iisip ni Job noon. Ang kanyang perpekto at matuwid na pagkatao ang tumulong sa kanya upang makagawa ng mga makatwiran at likas na tumpak na mga paghatol at pagpapasya tungkol sa mga sakunang dumating sa kanya, at dahil dito, nagawa niyang kumilos nang may pambihirang kahinahunan: “Nang magkagayo’y bumangon si Job, at pinunit ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba.” Ang “pinunit ang kanyang balabal” ay nangangahulugan na wala siyang suot, at walang pagmamay-ari; ang “inahitan ang kanyang ulo” ay nangangahulugang bumalik siya sa Diyos bilang isang bagong silang na sanggol; ang “nagpatirapa sa lupa at sumamba” ay nangangahulugang dumating siya sa mundo nang hubad, at wala pa ring pag-aari sa ngayon, ibinalik siya sa Diyos na tila isang bagong silang na sanggol. Ang saloobin ni Job sa lahat ng sinapit niya ay hindi maaaring makamit ng anumang nilalang ng Diyos. Ang kanyang pananampalataya kay Jehova ay hindi kapani-paniwala; ganito ang kanyang takot sa Diyos, pagiging masunurin sa Diyos, at hindi lamang siya nagpasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya, ngunit pati na rin sa pagkuha mula sa kanya. Higit pa rito, nagawa niyang ibalik sa Diyos ang lahat ng kanyang pag-aari, kasama na ang kanyang buhay.

Ang takot at pagiging masunurin ni Job sa Diyos ay isang halimbawa sa sangkatauhan, at ang kanyang pagka-perpekto at ang pagkamatuwid ay ang rurok ng pagkatao na dapat taglayin ng tao. Kahit hindi niya nakita ang Diyos, natanto niya na tunay na umiiral ang Diyos, at dahil sa pagkatantong ito ay nagkaroon siya ng takot sa Diyos, at dahil sa takot niya sa Diyos, nagawa niyang sundin ang Diyos. Binigyan niya ang Diyos ng kalayaan na kunin ang lahat ng kanyang pag-aari, subalit hindi siya nagreklamo, at nagpakumbaba siya sa harap ng Diyos at sinabi sa Kanya, sa oras na ito, na kahit na kunin ng Diyos ang kanyang laman, masaya niyang hahayaan na gawin ito ng Diyos, nang walang reklamo. Ang kanyang buong asal ay dahil sa kanyang perpekto at matuwid na pagkatao. Ibig sabihin nito, bunga ng kanyang kawalang-sala, katapatan, at kabaitan, si Job ay naging matatag sa kanyang natanto at karanasan na tungkol sa pag-iral ng Diyos, at mula sa saligang ito inatasan niya ang kanyang sarili at gumawa ng pamantayan sa kanyang pag-iisip, pag-uugali, asal, at mga prinsipyo sa pagkilos sa harap ng Diyos na naaayon sa patnubay ng Diyos sa kanya at sa mga gawa ng Diyos na nakita niya sa lahat ng bagay. Sa paglipas ng panahon, ang kanyang mga karanasan ay nagdulot sa kanya ng tunay at totoong takot sa Diyos at nagawa niyang layuan ang kasamaan. Ito ang pinagmulan ng integridad na mahigpit na pinanghawakan ni Job. Si Job ay may isang matapat, walang sala, at mabait na pagkatao, at siya ay mayroong tunay na karanasan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, pagsunod sa Diyos, at paglayo sa kasamaan, pati na rin ang kaalaman na “si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis.” Dahil sa mga bagay na ito lamang niya nagawang tumayo nang matatag sa kanyang patotoo sa gitna ng mapaminsalang pag-atake ni Satanas, at dahil sa mga ito lamang niya nagawang hindi biguin ang Diyos at magbigay ng kasiya-siyang sagot sa Diyos nang dumating ang Kanyang mga pagsubok. Kahit na ang asal ni Job sa unang tukso ay lubos na tapat, ang mga sumunod na henerasyon ay hindi nagkaroon ng katiyakan na may kakayahan din silang magkamit ng ganitong katapatan kahit pa matapos ang kanilang habambuhay na mga pagsisikap, at hindi rin nangangahulugan na taglay nila ang asal ni Job na inilarawan sa itaas. Ngayon, nakikita mo ang tapat na asal ni Job, at kung ihahambing ito sa mga sigaw at determinasyon ng “lubos na pagiging masunurin at katapatang hanggang sa kamatayan” na ipinapakita sa Diyos ng mga taong nagsasabing naniniwala sa Diyos at sumusunod sa Diyos, kayo ba ay nakakaramdam o hindi nakakaramdam nang lubos na kahihiyan?

Kung babasahin mo sa mga kasulatan ang lahat ng pinagdusahan ni Job at ng kanyang pamilya, ano ang iyong reaksyon? Napapatuon ba rito ang isip mo na hindi mo na mapapansin ang mga nangyayari sa paligid? Nagulat ka ba? Masasabi bang ang mga pagsubok na dumating kay Job ay “kahindik-hindik”? Sa madaling salita, kakila-kilabot na basahin ang mga pagsubok ni Job na inilarawan sa mga kasulatan, ano pa kaya ang sa tunay na buhay. Tulad ng nakikita mo, ang naranasan ni Job ay hindi isang “pagsasanay,” ngunit isang tunay na “labanan,” na nagtatampok ng tunay na “mga baril” at “mga bala.” Ngunit kaninong kamay ang naglagay sa kanya sa mga pagsubok na ito? Ang mga ito ay tunay ngang isinagawa ni Satanas, personal na isinagawa ang mga ito ni Satanas. Sa kabila nito, ang mga ito ay pinahintulutan ng Diyos. Sinabi ba ng Diyos kay Satanas kung sa anong mga paraan niya dapat tuksuhin si Job? Hindi Niya ito sinabi. Nagbigay lang ang Diyos ng isang kondisyon na dapat sundin ni Satanas, at pagkatapos nito ay dumating na ang panunukso kay Job. Nang dumating ang tukso kay Job, binigyan nito ang mga tao ng kabatiran tungkol sa kasamaan at kapangitan ni Satanas, sa mga masasamang hangarin at pagkamuhi nito sa tao, at sa pagkapoot nito sa Diyos. Makikita natin dito na hindi maaaring ilarawan ng mga salita kung gaano kalupit ang tuksong ito. Masasabing ang malisyosong kalikasan na ginamit ni Satanas upang pagmalupitan ang tao at ang pangit nitong mukha ay ganap na naibunyag noong mga sandaling ito. Ginamit ni Satanas ang pagkakataong ito, ang pagkakataong ibinigay ng pahintulot ng Diyos, upang isailalim si Job sa nag-iinit at walang awang pagmamalupit, ang paraan at antas ng kalupitan ay parehong hindi mailarawan at ganap na hindi mapag-titiisan ng mga tao ngayon. Sa halip na sabihing tinukso ni Satanas si Job, at naging matatag siya sa kanyang pagpapatotoo sa panahon ng tuksong ito, mas mabuting sabihin na sa mga pagsubok na itinakda para sa kanya ng Diyos, si Job ay nakipagpaligsahan kay Satanas upang ingatan ang kanyang pagka-perpekto at pagkamatuwid, at ipagtanggol ang daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Sa paligsahang ito, nawala kay Job ang gabundok na mga tupa at baka, nawala sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian, at nawala sa kanya ang kanyang mga anak na lalaki at babae. Gayunman, hindi niya tinalikuran ang kanyang pagka-perpekto, pagkamatuwid, o takot sa Diyos. Sa madaling salita, sa paligsahang ito laban kay Satanas, mas ginusto pa ni Job na mawala ang kanyang ari-arian at mga anak sa halip na mawala ang kanyang pagka-perpekto, pagkamatuwid, at takot sa Diyos. Pinili niyang manatili sa ugat ng kahulugan ng pagiging tao. Ang Kasulatan ay nagbibigay ng isang maikling salaysay ng buong pamamaraan kung paano nawala kay Job ang kanyang mga ari-arian, at nakatala rin dito ang asal at saloobin ni Job. Ang mga makahulugan at malinaw na mga salaysay na ito, ay nagbibigay ng pakiramdam na halos mahinahon si Job sa pagharap sa tuksong ito, ngunit kung ang tunay na nangyari ay mangyayari uli—idagdag pa ang katunayan ng malisyosong kalikasan ni Satanas—ang mga bagay ay hindi magiging kasing-simple o kasindali ng inilarawan sa mga pangungusap na ito. Ang realidad ay higit na mas malupit. Ganoon ang antas ng pagkasira at poot na ginamit ni Satanas sa pagtrato sa sangkatauhan at sa lahat ng sinasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi sinabi ng Diyos kay Satanas na huwag saktan si Job, walang duda na papatayin siya ni Satanas nang walang pag-aatubili. Hindi nais ni Satanas na may sinumang sumamba sa Diyos, at hindi rin nito nais na magpatuloy sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan ang mga taong makatarungan sa mga mata ng Diyos at ang mga perpekto at matuwid. Upang ang mga tao ay magkaroon ng takot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, nangangahulugan na dapat nilang layuan at talikuran si Satanas, at dahil dito, sinamantala ni Satanas ang pahintulot ng Diyos upang ibuhos ang lahat ng poot at galit nito kay Job nang walang awa. Ngayon ay nakikita mo kung gaano kalaki ang paghihirap na pinagdusahan ni Job, mula sa isip hanggang sa laman, mula sa labas hanggang sa loob. Sa ngayon, hindi natin nakikita kung paano ito noong panahong iyon, at mula sa mga salaysay ng Bibliya, ang nakikita lamang natin ay isang maikling sulyap sa mga damdamin ni Job nang sumailalim siya sa mga paghihirap noong panahong iyon.

Ang Hindi Natitinag na Integridad ni Job ay Nagdadala ng Kahihiyan kay Satanas at Nagiging Sanhi ng Pagtakas Nito nang may Pagkasindak

At ano ang ginawa ng Diyos noong sumasailalim si Job sa pagpapahirap na ito? Ang Diyos ay nagmasid, at nanood, at naghintay ng magiging kalalabasan nito. Habang nagmamasid at nanonood ang Diyos, ano ang nadama Niya? Tiyak na nakadama Siya ng pighati. Ngunit, bilang resulta ng Kanyang pighati, pinagsisihan kaya Niya ang Kanyang pagpapahintulot kay Satanas na tuksuhin si Job? Ang sagot ay, Hindi, hindi Niya ito pinagsisihan. Sapagkat matatag ang Kanyang paniniwala na perpekto at matuwid si Job, na siya ay may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Binigyan lang ng Diyos si Satanas ng pagkakataon na patunayan ang pagiging matuwid ni Job sa harap ng Diyos, at ibunyag ang sarili nitong kasamaan at kasuklam-suklam na kalagayan. Bukod dito, pagkakataon ito upang patunayan ni Job ang kanyang pagiging matuwid at takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan sa harap ng mga tao sa mundo, kay Satanas, at maging sa mga taong sumusunod sa Diyos. Pinatunayan ba ng kinalabasan sa huli na ang pagsusuri ng Diyos kay Job ay tama at walang pagkakamali? Talaga bang nangibabaw si Job kay Satanas? Dito ay mababasa natin ang mga huwarang salita na sinabi ni Job, mga salitang patunay na napagtagumpayan niya si Satanas. Sinabi niya: “Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon.” Ganito ang saloobin ng pagiging masunurin ni Job sa Diyos. Kasunod nito, sinabi niya: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova.” Ang mga salitang ito na sinabi ni Job ay patunay na pinagmamasdan ng Diyos ang kailaliman ng puso ng tao, na nakikita Niya ang nasa isip ng tao, at pinatutunayan ng mga ito na ang Kanyang pagsang-ayon kay Job ay walang pagkakamali, na ang taong ito na inaprubahan ng Diyos ay matuwid. “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova.” Ang mga salitang ito ay patotoo ni Job sa Diyos. Ang mga pangkaraniwang salitang ito ang nagpasuko kay Satanas, nagdala rito ng kahihiyan at naging dahilan ng pagtakas nito nang may pagkasindak, at, higit pa rito, nagkadena kay Satanas at nag-iwan dito nang walang mga kaparaanan. Gayundin, ang mga salitang ito ang nagparamdam kay Satanas ng pagiging kamangha-mangha at kapangyarihan ng mga gawa ng Diyos na si Jehova, at nagpahintulot dito na makita ang pambihirang pagkabighani ng isang tao na ang puso ay pinamamahalaan ng daan ng Diyos. Bukod pa rito, pinatunayan ng mga ito kay Satanas ang pambihirang sigla na ipinakita ng isang maliit at hamak na tao bunga ng kanyang pagsunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Dahil dito, natalo si Satanas sa unang paligsahan. Sa kabila ng kanyang “pagkatuto mula rito,” walang balak si Satanas na pakawalan si Job, at wala ring anumang pagbabago sa malisyosong kalikasan nito. Sinikap ni Satanas na patuloy na lusubin si Job, at minsan pang tumayo sa harap ng Diyos …

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Mag-iwan ng Tugon