Bagaman ang Diyos ay Nakatago Mula sa Tao, ang Kanyang mga Gawa sa Lahat ng Bagay ay Sapat na upang Makilala Siya ng Tao
Hindi nakita ni Job ang mukha ng Diyos, o narinig ang mga salita na sinabi ng Diyos, at lalong hindi niya personal na naranasan ang gawain ng Diyos, ngunit ang kanyang takot sa Diyos at patotoo sa panahon ng kanyang mga pagsubok ay nasaksihan ng lahat, at ang mga ito ay minahal, kinalugdan, at pinuri ng Diyos, at ang mga tao ay naiinggit at humahanga sa mga ito, at, higit pa rito, umaawit ng kanilang mga papuri. Walang katangi-tangi o di-pangkaraniwan sa kanyang buhay: Tulad ng karaniwang tao, pangkaraniwan lamang ang buhay niya, umaalis upang magtrabaho sa pagsikat ng araw at umuuwi upang magpahinga sa paglubog ng araw. Ang pagkakaiba ay noong panahon ng mga ilang pangkaraniwang dekada sa kanyang buhay, siya ay nagkamit ng isang kabatiran sa daan ng Diyos, at naunawaan at naintindihan niya ang malaking kakayahan at dakilang kapangyarihan ng Diyos, na hindi nagawa ng ibang tao. Hindi siya mas matalino kaysa sa ibang pangkaraniwang tao, ang kanyang buhay ay lalo nang hindi matatag, at, bukod dito, wala siyang nakatagong natatanging kakayahan. Subalit, ang taglay niya, ay personalidad na tapat, mabait, matuwid, isang personalidad na nagmahal sa katarungan at pagkamatuwid, at nagmahal ng mga positibong bagay—na hindi taglay ng karamihan sa mga karaniwang tao. Nakilala niya ang pagkakaiba ng pag-ibig at poot, may pagkaunawa sa katarungan, matibay at matiyaga, at maingat na nagbigay-pansin sa mga detalye sa kanyang pag-iisip. Dahil dito, sa kanyang pangkaraniwang panahon sa lupa, nakita niya ang lahat ng hindi pangkaraniwang mga bagay na ginawa ng Diyos, at nakita ang kadakilaan, kabanalan, at ang pagkamatuwid ng Diyos, nakita niya ang pagmamalasakit ng Diyos, kagandahang-loob, at pag-iingat para sa tao, at nakita niya ang kadakilaan at awtoridad ng kataas-taasang Diyos. Ang unang dahilan kung bakit nagawa ni Job na makuha ang mga bagay na ito, na higit pa sa kayang isipin ng pangkaraniwang tao, ay dahil nagkaroon siya ng isang dalisay na puso, at ang kanyang puso ay pag-aari ng Diyos, at pinangungunahan ng Lumikha. Ang ikalawang dahilan ay ang kanyang gawain: ang kanyang gawain na walang pagkakamali, at perpekto, at ang pagiging isang tao na sumunod sa kalooban ng Langit, na mahal ng Diyos, at na lumayo sa kasamaan. Si Job ay nagtaglay at naghanap ng mga bagay na ito kahit nang hindi nakikita ang Diyos o naririnig ang mga salita ng Diyos; bagaman hindi niya kailanman nakita ang Diyos, naintindihan niya kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay, at naintindihan din niya ang karunungan na pinapairal ng Diyos. Kahit hindi niya kailanman narinig ang mga salita na sinabi ng Diyos, alam ni Job na ang mga gawa ng paggantimpala sa tao at pagbawi mula sa tao ay nanggagaling lahat sa Diyos. Bagama’t ang mga taon ng kanyang buhay ay hindi naiiba sa buhay ng mga pangkaraniwang tao, hindi niya hinayaan ang pagiging pangkaraniwan ng kanyang buhay na maapektuhan ang kanyang kaalaman sa dakilang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, o maapektuhan ang kanyang pagsunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Sa kanyang mga mata, ang mga batas ng lahat ng bagay ay puno ng mga gawa ng Diyos, at ang dakilang kapangyarihan ng Diyos ay maaaring makita sa anumang bahagi ng buhay ng isang tao. Hindi niya nakita ang Diyos, ngunit nagawa niyang maunawaan na ang mga gawa ng Diyos ay nasa lahat ng dako, at sa kanyang pangkaraniwang panahon sa lupa, sa bawat sulok ng kanyang buhay, nagawa niyang makita at maunawaan ang pambihira at kahanga-hangang mga gawa ng Diyos, at nagawa niyang makita ang nakamamanghang mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagkakatago at katahimikan ng Diyos ay hindi humadlang sa pagkaunawa ni Job sa mga gawa ng Diyos, at hindi rin nito naapektuhan ang kanyang kaalaman sa dakilang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang kanyang buong buhay ang naging katuparan ng dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, na nakatago sa gitna ng lahat ng bagay. Sa kanyang araw-araw na buhay narinig din niya at naintindihan ang tinig ng puso ng Diyos, at ang mga salita ng Diyos, na tahimik sa gitna ng lahat ng bagay, subalit nagpapahayag ng tinig ng Kanyang puso at ng Kanyang mga salita sa pamamagitan ng pamamahala sa mga kautusan sa lahat ng bagay. Kung gayon, nakikita mo na kung ang mga tao ay may pagkatao at paghahangad na katulad ng kay Job, maaari nilang makamit ang pagkaunawa at kaalaman na tulad ng kay Job, at maaari nilang makuha ang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa dakilang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, gaya ng nakuha ni Job. Ang Diyos ay hindi nagpakita kay Job o nagsalita sa kanya, ngunit nagawa ni Job na maging perpekto, at matuwid, at magkaroon ng takot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Sa madaling salita, kahit na hindi nagpakita o nangusap sa mga tao ang Diyos, ang mga gawa ng Diyos sa gitna ng lahat ng bagay at ang Kanyang dakilang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay sapat na upang ang tao ay magkaroon ng kamalayan sa pag-iral, kapangyarihan, at awtoridad ng Diyos, at ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay sapat na upang ang taong ito ay sumunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Dahil ang isang ordinaryong tao na tulad ni Job ay nakayanang magkaroon ng takot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, bawat pangkaraniwang tao na sumusunod sa Diyos ay dapat makagawa rin nito. Bagama’t ang mga salitang ito ay tila mga lohikal na konklusyon, hindi nito sinasalungat ang mga batas ng mga bagay. Ngunit ang katotohanan ay hindi tumugma sa mga inaasahan: Tila ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan ay pinangangalagaan ni Job at ni Job lamang. Sa pagbanggit ng “may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan,” iniisip ng mga tao na si Job lang ang dapat na gumawa nito, na para bang ang daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan ay tinatakan ng pangalan ni Job at walang kinalaman sa ibang tao. Ang dahilan nito ay malinaw: Dahil si Job lamang ang may taglay ng isang personalidad na tapat, mabait, at matuwid, at nagmahal sa pagkamakatarungan at pagkamatuwid at sa mga bagay na positibo, si Job lang ang maaaring sumunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Dapat ay naiintindihan ninyong lahat ang mga pahiwatig dito—dahil walang sinuman ang nagtataglay ng isang pagkatao na tapat, mabait, at matuwid, at nagmamahal sa pagkamakatarungan at pagkamatuwid at sa lahat ng positibo, walang sinuman ang nagkakaroon ng takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, at dahil dito, hindi kailanman makakamit ng mga tao ang kagalakan ng Diyos o kaya ay makatitindig ng matatag sa gitna ng mga pagsubok. Nangangahulugan din ito na maliban kay Job, ang lahat ng tao ay nakatali pa rin at nasa bitag ni Satanas; silang lahat ay pinararatangan, inaatake, at inaabuso nito. Sila ang mga sinusubukang lunukin ni Satanas, at silang lahat ay walang kalayaan, mga bilanggo na nabihag ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II