Nagawa nang tiwali ni Satanas ang laman ng tao, at lubusan na itong binulag, at matinding pininsala. Ang pinakapangunahing dahilan kung bakit gumagawa ang Diyos nang personal sa katawang-tao ay dahil ang tao, na mula sa laman, ang layon ng Kanyang pagliligtas, at dahil ginagamit din ni Satanas ang laman ng tao upang gambalain ang gawain ng Diyos. Ang pakikipaglaban kay Satanas ang talagang gawain ng panlulupig sa tao, at kasabay nito, ang tao rin ang layon ng pagliligtas ng Diyos. Sa ganitong paraan, napakahalaga ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ginawang tiwali ni Satanas ang laman ng tao, at naging sagisag ni Satanas ang tao, at naging layon na gagapiin ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang gawain ng pakikipaglaban kay Satanas at pagliligtas sa buong sangkatauhan ay nagaganap sa lupa, at dapat maging tao ang Diyos upang makipaglaban kay Satanas. Ito ang gawain na sukdulang praktikal. Kapag gumagawa ang Diyos sa katawang-tao, tunay Siyang nakikipaglaban kay Satanas sa katawang-tao. Kung gumagawa Siya sa katawang-tao, ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa espirituwal na dako, at ginagawa Niyang tunay sa lupa ang kabuuan ng Kanyang gawain sa espirituwal na dako. Tao ang nalulupig, tao na hindi masunurin sa Kanya, at ang nagagapi ay ang pinakalarawan ni Satanas (mangyari pa, ito ay tao rin), na nakikipag-alitan sa Kanya, at tao rin ang naliligtas sa dakong huli. Sa ganitong paraan, higit pang kinakailangan para sa Diyos na maging isang tao na may panlabas na anyo ng isang nilalang, upang magawa Niya ang tunay na pakikipaglaban kay Satanas, upang malupig ang tao, na mapanghimagsik sa Kanya at nag-aangkin ng panlabas na kaanyuan na katulad ng sa Kanya, at upang mailigtas ang tao, na may panlabas na kaanyuan na tulad Niya at napinsala na ni Satanas. Tao ang Kanyang kaaway, tao ang pakay ng Kanyang paglupig, at tao, na nilikha Niya, ang layon ng Kanyang pagliligtas. Kaya’t dapat Siyang maging tao, at sa ganitong paraan, nagiging higit na madali ang Kanyang gawain. Nagagawa Niyang gapiin si Satanas at lupigin ang sangkatauhan, at, higit pa rito, nagagawang iligtas ang sangkatauhan. Bagama’t karaniwan at tunay ang katawang-tao na ito, hindi Siya pangkaraniwang katawang-tao: Hindi Siya katawang-tao na tao lamang, ngunit katawang-tao na kapwa tao at Diyos. Ito ang pagkakaiba Niya sa tao, at ito ang tatak ng pagkakakilanlan ng Diyos. Tanging katawang-tao na tulad nito ang makakayang gumawa ng mga gawaing ninanais Niyang gawin, at matupad ang ministeryo ng Diyos sa katawang-tao, at ganap na makumpleto ang Kanyang gawain sa gitna ng mga tao. Kung hindi ito ganoon, laging magiging hungkag at may kapintasan ang Kanyang gawain sa gitna ng mga tao. Bagama’t makakaya ng Diyos na makipaglaban sa espiritu ni Satanas at lumitaw na matagumpay, hindi malulutas kailanman ang lumang kalikasan ng tiwaling tao, at yaong mga hindi masunurin sa Kanya at sumasalungat sa Kanya ay hindi kailanman totoong magiging sakop ng Kanyang kapamahalaan, na ang ibig sabihin, hindi Niya kailanman makakayang lupigin ang sangkatauhan, at hindi kailanman makakayang kamtin ang buong sangkatauhan. Kung hindi makakayang lutasin ang Kanyang gawain sa lupa, kung ganoon ay hindi kailanman matatapos ang Kanyang pamamahala, at hindi magagawa ng buong sangkatauhan na pumasok sa kapahingahan. Kung hindi makakaya ng Diyos na pumasok sa kapahingahan kasama ang lahat ng Kanyang mga nilikha, kung ganoon ay walang kalalabasan kailanman sa ganoong gawain ng pamamahala, at kasunod na mawawala ang kaluwalhatian ng Diyos. Bagama’t walang awtoridad ang Kanyang katawang-tao, makakamit na ang epekto ng gawain na Kanyang ginagawa. Ito ang di-maiiwasang tunguhin ng Kanyang gawain. Nagtataglay man o hindi ng awtoridad ang Kanyang katawang-tao, hangga’t kaya Niyang gawin ang gawain ng Diyos Mismo, Siya ay ang Diyos Mismo. Gaano man kakaraniwan o kaordinaryo ang katawang-tao na ito, makakaya Niyang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin, dahil Diyos at hindi tao lamang ang katawang-tao na ito. Ang dahilan na magagawa ng katawang-taong ito ang gawain na hindi kaya ng tao ay sapagkat ang Kanyang panloob na diwa ay hindi katulad ng sa sinumang tao, at ang dahilan na kaya Niyang iligtas ang tao ay sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay naiiba sa sinumang tao. Napakahalaga sa sangkatauhan ng katawang-tao na ito sapagkat Siya ay tao at lalong higit ay Diyos, sapagkat nakakaya Niyang gawin ang mga gawain na hindi kaya ng karaniwang katawan ng tao, at dahil nakakaya Niyang magligtas ng tiwaling tao, na namumuhay kasama Niya sa lupa. Bagama’t Siya ay kawangis ng tao, ang Diyos na nagkatawang-tao ay higit na mahalaga sa sangkatauhan kaysa sa sinumang tao na may halaga, dahil nakakaya Niya ang gawain na hindi makakayang gawin ng Espiritu ng Diyos, higit na may kakayahan kaysa sa Espiritu ng Diyos na magpatotoo sa Diyos Mismo, at higit na may kakayahan kaysa sa Espiritu ng Diyos na lubos na makamtan ang sangkatauhan. Bilang bunga, bagama’t karaniwan at ordinaryo ang katawang-tao na ito, ang ambag Niya sa sangkatauhan at ang kahalagahan Niya sa pag-iral ng sangkatauhan ay lubos na ginagawa Siyang napakahalaga, at hindi masusukat ng sinumang tao ang tunay na halaga at kabuluhan ng katawang-tao na ito. Bagama’t hindi makakayang tuwirang puksain si Satanas ng katawang-tao na ito, makakaya Niyang gamitin ang Kanyang gawain upang lupigin ang sangkatauhan at gapiin si Satanas, at gawin si Satanas na lubos na magpasakop sa Kanyang kapamahalaan. Dahil ang Diyos ay nagkatawang-tao na kaya’t makakaya Niyang talunin si Satanas at magagawang iligtas ang sangkatauhan. Hindi Niya tuwirang pinupuksa si Satanas, bagkus ay nagkakatawang-tao upang gawin ang gawain na lupigin ang sangkatauhan, na nagawang tiwali ni Satanas. Sa ganitong paraan, higit na mahusay Niyang magagawang magpatotoo sa Sarili Niya sa gitna ng Kanyang mga nilalang, at higit na mahusay na magagawang iligtas ang tiwaling tao. Ang paglupig kay Satanas ng Diyos na nagkatawang-tao ay magdudulot ng higit na malaking patotoo, at higit na mapanghikayat, kaysa sa tuwirang pagpuksa ng Espiritu ng Diyos kay Satanas. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay higit na magagawang tumulong sa tao para kilalanin ang Lumikha, at higit na magagawang magpatotoo sa Sarili Niya sa gitna ng mga nilalang Niya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao