Ang mga Alituntunin sa Kapanahunan ng Kautusan
Ang Sampung Utos
Ang mga Prinsipyo para sa Paggawa ng mga Altar
Mga Alituntunin para sa Pakikitungo sa mga Tagapaglingkod
Mga Alituntunin para sa Pagnanakaw at Kabayaran
Pagpapanatili ng Taon ng Sabbath at ang Tatlong Pista
Mga Alituntunin para sa Araw ng Sabbath
Mga Alituntunin para sa mga Handog
Mga Sinunog na Handog
Mga Handog na Harina
Mga Handog para sa Kapayapaan
Mga Handog para sa Kasalanan
Mga Handog para sa Pagkakasala
Mga Alituntunin para sa mga Handog ng mga Saserdote (Si Aaron at ang Kanyang mga Anak na Lalaki ay Inutusang Sumunod)
Mga Sinunog na Handog ng mga Saserdote
Mga Handog na Harina ng mga Saserdote
Mga Handog para sa Kasalanan ng mga Saserdote
Mga Handog para sa Pagkakasala ng mga Saserdote
Mga Handog para sa Kapayapaan ng mga Saserdote
Mga Alituntunin para sa Pagkain ng Handog ng mga Saserdote
Malinis at Hindi Malinis na mga Hayop (Ang mga Maaari at Hindi Maaaring Kainin)
Mga Alituntunin para sa Pagpapadalisay sa mga Babae Matapos Manganak
Mga Pamantayan para sa Pagsusuri ng Ketong
Mga Alituntunin Para sa mga Pinagaling mula sa Ketong
Mga Alituntunin para sa Paglilinis ng mga Nahawaang Bahay
Mga Alituntunin para sa mga Naghihirap Mula sa Hindi Pangkaraniwang Pagtagas
Ang Araw ng Pagbabayad-puri na Dapat Maganap Isang Beses sa Isang Taon
Mga Panuntunan para sa Pagpatay ng mga Baka at Tupa
Ang Pagbabawal sa Pagsunod sa mga Kasuklam-suklam na Gawain ng mga Hentil (Hindi Pakikiapid sa Kadugo at Iba pa)
Mga Alituntunin na Dapat Sundin ng mga Tao (“Kayo’y magpakabanal; sapagkat Akong si Jehova ninyong Diyos ay banal” (Levitico 19:2))
Ang Pagbibitay sa mga Nagsakripisyo ng Kanilang mga Anak kay Molec
Mga Alituntunin para sa Kaparusahan sa Krimen ng Pakikiapid
Mga Panuntunan na Dapat Sundin ng mga Saserdote (Mga Panuntunan para sa Kanilang Pang-araw-araw na Pag-uugali, Panuntunan para sa Paggamit ng Banal na Bagay, Panuntunan para sa Paggawa ng Handog, at Iba pa)
Mga Kapistahan na Dapat Ganapin (Ang Araw ng Sabbath, Paskua, Pentecostes, ang Araw ng Pagbabayad-puri, at Iba pa)
Iba pang mga Alituntunin (Pagsusunog ng mga Lampara, ang Taon ng Jubileo, ang Pagtubos ng Lupa, Paggawa ng mga Panata, ang Paghahandog ng Ikapu, at Iba pa)
Ang mga Alituntunin ng Kapanahunan ng Kautusan ay ang Tunay na Katibayan ng Pamamahala ng Diyos sa Buong Sangkatauhan
Totoo ngang nabasa ninyo ang mga alituntunin at prinsipyo ng Kapanahunan ng Kautusan, hindi ba? Malawak ba ang saklaw ng mga alituntuning ito? Una, sinasakop nito ang Sampung Utos, matapos ay ang mga alituntunin kung paano bumuo ng mga dambana, at iba pa. Ang mga ito ay sinundan ng mga alituntunin para sa pagpapanatili ng Sabbath at pagdiriwang ng tatlong pista, matapos ay ang mga alituntunin tungkol sa mga handog. Nakita ba ninyo kung ilang uri ng handog ang mayroon? May mga handog na susunugin, handog na harina, handog para sa kapayapaan, handog para sa kasalanan, at iba pa. Ang mga ito ay sinundan ng mga alituntunin para sa mga handog ng mga saserdote, kabilang ang mga handog na susunugin at mga handog na harina ng mga saserdote, at iba pang mga uri ng mga handog. Ang ikawalong alituntunin ay para sa pagkain ng mga handog ng mga saserdote. At pagkatapos ay may mga alituntunin para sa kung ano ang dapat sundin sa panahon ng pamumuhay ng mga tao. May mga pagtatakda para sa maraming aspeto ng mga buhay ng mga tao, tulad ng mga alituntunin para sa kung ano ang kanilang maaari o hindi maaaring kainin, para sa pagpapadalisay ng mga babae matapos manganak, at para sa mga taong pinagaling sa ketong. Sa mga alituntunin na ito, ang Diyos ay lubhang nagsalita ng patungkol sa mga sakit, at mayroon pang mga panuntunan para sa pagpatay ng mga tupa at mga baka, at iba pa. Ang mga tupa at mga baka ay nilikha ng Diyos, at dapat mong patayin ang mga ito sa kung paano sa iyo sabihin ng Diyos; walang pagdududa na mayroong dahilan ang mga salita ng Diyos, at walang duda na tama lang na kumilos nang naaayon sa atas ng Diyos, at tiyak na kapaki-pakinabang sa mga tao! Mayroon ding mga kapistahan at mga panuntunan na dapat ganapin, tulad ng Araw ng Sabbath, Paskua, at marami pa—sinabi ng Diyos ang lahat ng ito. Tingnan natin ang mga nahuhuli: iba pang mga alituntunin—pagsusunog ng mga lampara, ang taon ng jubileo, ang pagtubos ng lupa, paggawa ng mga panata, ang paghahandog ng ikapu, at iba pa. Malawak ba ang saklaw nito? Ang unang bagay na dapat pag-usapan ay ang usapin tungkol sa handog ng mga tao, pagkatapos ay ang mga alituntunin para sa pagnanakaw at kabayaran, at ang pagsunod sa araw ng Sabbath…; bawat isang bahagi ng buhay ay kasama. Ibig sabihin, nang nagsimula ang Diyos sa opisyal na gawain ng Kanyang plano ng pamamahala, naglatag Siya ng maraming alituntunin na dapat sundin ng tao. Ang mga alituntunin na ito ay hinayaan ang tao na magkaroon ng normal na buhay sa mundo, isang pangkaraniwang buhay ng tao na hindi maihihiwalay sa Diyos at sa Kanyang patnubay. Unang sinabi ng Diyos sa tao kung paano gumawa ng mga dambana, paano ilagay ang mga dambana. Pagkatapos, sinabi Niya sa tao kung paano gumawa ng mga handog, at itinatag kung paano dapat mabuhay ang tao—kung ano ang dapat niyang bigyang-pansin sa buhay, kung ano ang dapat niyang sundin, kung ano ang dapat at hindi niya dapat gawin. Ang ibinigay ng Diyos para sa tao ay sumasakop sa lahat, at sa mga kaugalian, alituntunin, at mga prinsipyo na ito ay nagbigay Siya ng mga pamantayan para sa pag-uugali ng mga tao, ginabayan Niya ang kanilang mga buhay, ginabayan ang kanilang pagtanggap sa mga kautusan ng Diyos, ginabayan sila sa paglapit sa harap ng dambana ng Diyos, pinatnubayan sila sa pagkakaroon ng buhay sa gitna ng lahat ng bagay na ginawa ng Diyos para sa tao nang may kaayusan, regularidad, at pagka-katamtaman. Unang ginamit ng Diyos ang mga simpleng alituntunin at mga prinsipyo upang magtakda ng mga hangganan para sa tao, upang sa lupa ay magkaroon ang tao ng isang normal na buhay na sumasamba sa Diyos, magkaroon ng normal na buhay ng tao; ito ang tiyak na nilalaman ng panimula ng Kanyang anim-na-libong-taon na plano ng pamamahala. Ang mga alituntunin at mga panuntunan ay sumasakop sa napakalawak na nilalaman, ang mga ito ay mga detalye ng paggabay ng Diyos sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Kautusan, sila ay kailangang tanggapin at sundin ng mga tao na dumating bago pa man ang Kapanahunan ng Kautusan, ang mga ito ay isang talaan ng mga gawain na ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan, at ang mga ito ay tunay na katibayan ng pamumuno at patnubay ng Diyos sa lahat ng sangkatauhan.
Ang Sangkatauhan ay Habambuhay na Hindi Maihihiwalay Mula sa mga Katuruan at Panustos ng Diyos
Sa mga alituntuning ito nakikita natin na ang saloobin ng Diyos sa Kanyang gawain, sa Kanyang pamamahala, at sa sangkatauhan ay lubhang seryoso, matapat, mahigpit, at responsable. Ginagawa Niya ang gawain na dapat Niyang gawin sa sangkatauhan ayon sa Kanyang mga hakbang, nang walang kahit na maliit na pagkakaiba-iba, pinapahayag ang mga salita na dapat Niyang sabihin sa sangkatauhan nang walang katiting na pagkakamali o pagkukulang, na nagpapahintulot sa tao na makita na siya ay hindi maaaring ihiwalay mula sa pamumuno ng Diyos, at pinakikita lamang sa kanya kung gaano kahalaga ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos sa sangkatauhan. Kung ano man ang tao sa susunod na kapanahunan, sa pinakasimula—sa Kapanahunan ng Kautusan—ginawa ng Diyos ang mga simpleng bagay na ito. Sa Diyos, ang mga konsepto ng tao tungkol sa Kanya, sa mundo, at sa sangkatauhan sa kapanahunang iyon ay mahirap unawain at malabo, at kahit na sila ay nagkaroon ng ilang may kamalayang mga ideya at intensyon, ang lahat ng ito ay hindi malinaw at hindi tama, at dahil dito, ang sangkatauhan ay hindi maaaring mahiwalay mula sa mga katuruan ng Diyos at mga pantustos para sa kanila. Ang pinakaunang sangkatauhan ay walang nalalaman, at dahil dito, kinailangang simulan ng Diyos ang pagtuturo sa kanila mula sa pinakamababaw at mga pangunahing prinsipyo para patuloy na mabuhay at mga alituntuning kinakailangan para sa pamumuhay, pinupuspos ang mga bagay na ito sa puso ng tao nang paunti-unti, at binibigyan ang tao ng unti-unting pagkaunawa sa Diyos, isang unti-unting pagpapahalaga at pag-unawa sa pamumuno ng Diyos, at isang pangunahing konsepto ng ugnayan sa pagitan ng tao at Diyos, sa pamamagitan ng mga alituntuning ito, at sa pamamagitan ng mga panuntunang ito, na binubuo ng mga salita. Pagkatapos makamit ang epektong ito, saka lamang nakapagsimula ang Diyos, unti-unti, na gawin ang gawaing gagawin Niya sa bandang huli, at dahil dito ang mga alituntuning ito at gawaing ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan ay ang saligan ng Kanyang gawain sa pagliligtas sa sangkatauhan, at ang unang yugto ng gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos. Bagama’t bago ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, ang Diyos ay nagsabi kay Adan, Eba, at sa kanilang mga inapo, na ang mga utos at mga aral na ito ay hindi masyadong sistematiko o tiyak na kailangang sabihin nang paisa-isa sa tao, at hindi nakasulat ang mga ito, at hindi naging mga alituntunin ang mga ito. Ito ay sa dahilang noong panahong iyon, ang plano ng Diyos ay hindi pa ganoon kalawak; kapag nagabayan na ng Diyos ang tao sa hakbang na ito, saka lamang Niya maaaring simulan na sabihin ang mga alintuntunin ng Kapanahunan ng Kautusan, at magsimulang ipagawa ang mga ito sa mga tao. Ito ay isang kinakailangang proseso, at ang kalalabasan ay hindi maiiwasan. Ang mga simpleng kaugalian at alituntunin na ito ay nagpapakita sa tao ng mga hakbang ng gawain ng pamamahala ng Diyos at ang karunungan ng Diyos na naibunyag sa Kanyang plano ng pamamahala. Alam ng Diyos kung ano ang nilalaman at mga paraan na gagamitin upang magsimula, kung ano ang mga paraang gagamitin upang magpatuloy, at kung anong paraan ang gagamitin upang tapusin ito, para makamtan Niya ang grupo ng mga tao na magpapatotoo sa Kanya, at para makamtan ang grupo ng mga tao na may pag-iisip na katulad ng sa Kanya. Alam Niya kung ano ang nasa loob ng tao, at alam Niya kung ano ang kulang sa tao, alam Niya kung ano ang dapat Niyang ibigay, at kung paano Siya dapat mamuno sa tao, at alam din Niya kung ano ang dapat at hindi dapat gawin ng tao. Ang tao ay parang isang papet: Kahit na siya ay walang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, hindi niya mapipigilan ang mapamunuan ng gawain ng pamamahala ng Diyos, sa bawat hakbang, hanggang sa araw na ito. Walang kalabuan sa puso ng Diyos tungkol sa kung ano ang dapat Niyang gawin; sa Kanyang puso ay mayroong isang napakalinaw at matingkad na plano, at isinagawa Niya ang gawain na Siya Mismo ang nagnais na gawin ayon sa Kanyang mga hakbang at sa Kanyang plano, sumusulong mula sa mababaw hanggang sa malalim. Kahit na hindi Niya ipinahiwatig ang gawain na dapat Niyang gawin sa susunod, ang Kanyang kasunod na gawain ay patuloy pa ring naisasagawa at sumusulong nang lubos alinsunod sa Kanyang plano, na isang pagpapamalas ng kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano ang Diyos, at ito rin ang awtoridad ng Diyos. Anumang yugto ng Kanyang plano ng pamamahala ang ginagawa Niya, ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang diwa ay kumakatawan sa Kanya Mismo. Ito ay lubusang totoo. Anuman ang kapanahunan, o ang yugto ng gawain, kung anong uri ng mga tao ang mahal ng Diyos, kung anong uri ng mga tao ang kinapopootan Niya, ang Kanyang disposisyon at lahat ng kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya ay hindi kailanman magbabago. Kahit na ang mga alituntunin at prinsipyong ito na itinatag ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan ay tila napakasimple at mababaw sa mga tao ngayon, at kahit na ang mga ito ay madaling maunawaan at makamit, mayroon pa ring karunungan ng Diyos sa mga ito, at naroon pa rin ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya. Sa loob ng mga tila simpleng alituntuning ito ay naipahayag ang responsibilidad ng Diyos at pag-aalaga sa sangkatauhan, at ang katangi-tanging diwa ng Kanyang mga pag-iisip, na nagpapahintulot sa tao na lubos na maunawaan ang katunayan na ang Diyos ang namamahala sa lahat ng bagay at ang lahat ng bagay ay kontrolado ng Kanyang kamay. Gaano man kadalubhasa sa kaalaman ang sangkatauhan, o kung gaano karaming teorya o misteryo ang kanyang nauunawaan, sa Diyos, wala sa mga ito ang may kakayahan na palitan ang Kanyang panunustos at pamumuno sa sangkatauhan; hindi kailanman maihihiwalay ang sangkatauhan mula sa patnubay ng Diyos at personal na gawain ng Diyos. Ganito ang hindi mapaghihiwalay na kaugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos. Kung nagbibigay man sa iyo ang Diyos ng isang utos, o alituntunin, o nagbibigay ng katotohanan upang iyong maunawaan ang Kanyang kalooban, kahit na ano ang ginagawa Niya, ang layon ng Diyos ay ang gabayan ang tao tungo sa isang magandang kinabukasan. Ang mga salitang binigkas ng Diyos at ang gawain na ginagawa Niya ay parehong mga pagpapahayag ng isang aspeto ng Kanyang diwa, at ang mga pagpapahayag ng isang aspeto ng Kanyang disposisyon at ng Kanyang karunungan, ito ay mga kinakailangang hakbang sa Kanyang plano ng pamamahala. Ito ay hindi dapat makaligtaan! Ang kalooban ng Diyos ay nasa anumang ginagawa Niya; ang Diyos ay hindi natatakot sa mga hindi angkop na pananalita, at hindi rin Siya natatakot sa anumang mga kuru-kuro o pag-iisip ng tao tungkol sa Kanya. Ginagawa lamang Niya ang Kanyang gawain, at nagpapatuloy sa Kanyang pamamahala, alinsunod sa Kanyang plano ng pamamahala, na hindi mapipigilan ng sinumang tao, o anumang bagay.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II