Ano naman kaya ang tungkol sa pagdurusa na nararanasan ng Diyos nang nagkakatawang-tao Siya at namumuhay kasama ng sangkatauhan? Ano ang pagdurusang ito? Nauunawaan ba talaga ng sinuman? Sinasabi ng ilang tao na ang Diyos ay nagdurusa nang husto, na bagaman Siya ang Diyos Mismo, hindi nauunawaan ng mga tao ang Kanyang diwa, bagkus ay waring palagi Siyang itinuturing na gaya ng isang tao, na nagpapadama sa Kanya na naagrabyado at nagawan ng mali—sinasabi nila na, sa mga kadahilanang ito, talagang matindi ang pagdurusa ng Diyos. Ang ibang mga tao naman ay nagsasabi na ang Diyos ay inosente at walang sala, subalit nagdurusa Siyang gaya ng sangkatauhan, na dumaranas Siya ng pag-uusig, paninirang-puri, at mga pang-iinsulto sa piling ng sangkatauhan; sinasabi nilang tinitiis din Niya ang maling mga pagkaunawa at ang pagsuway ng Kanyang mga tagasunod—kaya, sinasabi nila na talagang hindi masusukat ang pagdurusa ng Diyos. Ngayon, tila ba hindi ninyo talaga nauunawaan ang Diyos. Sa katunayan, ang pagdurusang ito na inyong sinasabi ay hindi ibinibilang na tunay na pagdurusa para sa Diyos, sapagkat may mas malaking pagdurusa kaysa rito. Kung gayon ay ano ang tunay na pagdurusa para sa Diyos Mismo? Ano ang tunay na pagdurusa para sa katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao? Para sa Diyos, hindi ibinibilang na pagdurusa ang hindi pagkaunawa sa Kanya ng sangkatauhan, at hindi rin ibinibilang na pagdurusa ang pagkakaroon ng mga tao ng ilang maling pagkaunawa sa Diyos at ang hindi pagtingin sa Kanya bilang Diyos. Gayunpaman, madalas na nadarama ng mga tao na ang Diyos ay tiyak na dumanas ng napakalaking kawalang-katarungan, na sa panahong nasa katawang-tao ang Diyos, hindi Niya maipakikita ang Kanyang persona sa sangkatauhan at tulutan ang mga tao na makita ang Kanyang kadakilaan, at na ang Diyos ay buong kababaang-loob na nagtatago sa isang walang halagang laman, at na tiyak na napakatinding pagpapahirap ito para sa Kanya. Isinasapuso ng mga tao kung ano ang nauunawaan nila at kung ano ang nakikita nila sa pagdurusa ng Diyos, at nagpapakita ng lahat ng uri ng simpatya sa Diyos at madalas mag-aalay pa nga ng kaunting papuri para sa Kanyang pagdurusa. Sa realidad, mayroong pagkakaiba; mayroong agwat sa pagitan ng kung ano ang nauunawaan ng mga tao sa pagdurusa ng Diyos at ng kung ano ang Kanyang tunay na nararamdaman. Sinasabi Ko sa inyo ang katotohanan—para sa Diyos, maging ito man ang Espiritu ng Diyos o ang katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi tunay na pagdurusa ang pagdurusang isinalarawan sa itaas. Kung gayon ay ano ba ang tunay na dinaranas ng Diyos? Pag-usapan natin ang tungkol sa pagdurusa ng Diyos mula lamang sa pananaw ng Diyos na nagkatawang-tao.
Nang nagkakatawang-tao ang Diyos, nagiging isang karaniwan, normal na tao, namumuhay kapiling ng mga taong kabilang sa sangkatauhan, hindi ba Niya makikita at mararamdaman ang mga pamamaraan, mga kautusan, at mga pilosopiya ng mga tao para mabuhay? Ano ang ipinadarama sa Kanya ng mga pamamaraan at mga kautusang ito para mabuhay? Nakadarama ba Siya ng pagkasuklam sa Kanyang puso? Bakit Siya masusuklam? Anu-ano ba ang mga pamamaraan at mga kautusan ng sangkatauhan para mabuhay? Sa anong mga prinsipyo ba ang mga ito nag-uugat? Ano ang batayan ng mga ito? Ang mga pamamaraan, mga kautusan, at ang iba pa ng sangkatauhan na yamang nauugnay sa paraan para mabuhay—ang lahat ng ito ay nilikha batay sa lohika, kaalaman, at pilosopiya ni Satanas. Ang mga taong nabubuhay sa ilalim ng ganitong uri ng mga kautusan ay walang pagkatao, walang katotohanan—sinasalungat nilang lahat ang katotohanan at mga laban sa Diyos. Kung titingnan natin ang diwa ng Diyos, makikita natin na ang Kanyang diwa ay ang eksaktong kabaligtaran ng lohika, kaalaman, at pilosopiya ni Satanas. Ang Kanyang diwa ay puno ng pagiging matuwid, katotohanan, at kabanalan, at iba pang mga realidad ng lahat ng positibong bagay. Ano ang nararamdaman ng Diyos, na taglay ang diwang ito at namumuhay kasama ng gayong sangkatauhan? Ano ang nararamdaman Niya sa Kanyang puso? Hindi ba ito puno ng kirot? Nasasaktan ang Kanyang puso, isang kirot na walang sinumang tao ang makauunawa o makararanas. Sapagkat ang lahat ng Kanyang kinakaharap, nasasagupa, naririnig, nakikita, at nararanasan ay lahat katiwalian, kasamaan ng sangkatauhan, at ang kanilang pagsuway at paglaban sa katotohanan. Ang lahat ng nanggagaling sa mga tao ay ang pinagmumulan ng Kanyang pagdurusa. Ibig sabihin, sapagkat ang Kanyang diwa ay hindi katulad ng mga taong tiwali, ang katiwalian ng mga tao ang nagiging sanhi ng Kanyang pinakamalaking pagdurusa. Nang nagiging tao ang Diyos, nagagawa ba Niyang makahanap ng isang tao na may wikang tulad ng sa Kanya? Hindi masusumpungan ang gayong tao sa sangkatauhan. Walang masusumpungan na kayang makipagtalastasan o kayang magkaroon ng ganitong pakikipagpalitan sa Diyos—anong uri ng damdamin ang masasabi mong mayroon ang Diyos ukol dito? Ang mga bagay-bagay na tinatalakay ng mga tao, iniibig, hinahangad at inaasam ay lahat may kinalaman sa kasalanan at masasamang hilig. Kapag kinakaharap ng Diyos ang lahat ng ito, hindi ba ito parang isang patalim sa Kanyang puso? Yamang nahaharap sa ganitong mga bagay, magagawa ba Niyang magkaroon ng kagalakan sa Kanyang puso? Makasusumpong ba Siya ng kaaliwan? Yaong namumuhay kasama Niya ay mga taong puno ng pagiging-mapanghimagsik at kasamaan—paanong hindi magdurusa ang Kanyang puso? Gaano ba talaga kalaki ang pagdurusang ito, at sino ang may pakialam dito? Sino ang nagbibigay-pansin? At sino ang makapagpapahalaga rito? Walang paraan upang maunawaan ng mga tao ang puso ng Diyos. Ang Kanyang pagdurusa ay isang bagay na partikular na hindi magagawang pahalagahan ng mga tao, at ang pagiging-malamig at manhid ng sangkatauhan ang lalo pang nagpapasidhi ng pagdurusa ng Diyos.
Mayroong ilang tao na madalas nakikisimpatya sa kalagayan ni Cristo sapagkat may isang talata sa Bibliya na nagsasabing: “May mga lungga ang mga sora, at may mga pugad ang mga ibon; datapuwat ang Anak ng tao ay walang mapaghimlayan ng Kanyang ulo.” Kapag naririnig ito ng mga tao, isinasapuso nila ito at naniniwala na ito ang pinakamalaking pagdurusa na tinitiis ng Diyos, at ang pinakamalaking pagdurusa na tinitiis ni Cristo. Ngayon, kung titingnan ito mula sa pananaw ng mga katunayan, ganoon nga ba? Hindi; hindi naniniwala ang Diyos na ang mga paghihirap na ito ay pagdurusa. Hindi Siya kailanman nagsumigaw laban sa kawalang-katarungan dahil sa Kanyang mga paghihirap sa katawang-tao, at hindi Niya kailanman hiningi sa mga tao na magbayad o gantimpalaan Siya ng anumang bagay. Gayunpaman, nang Kanyang nasasaksihan ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan at ang tiwaling mga buhay at ang kasamaan ng mga taong tiwali, nang Kanyang nasasaksihan na ang sangkatauhan ay nasa hawak ni Satanas at ibinilanggo ni Satanas at hindi makatatakas, na ang mga taong namumuhay sa kasalanan ay hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, hindi Niya kayang kunsintihin ang lahat ng kasalanang ito. Ang Kanyang pagkasuklam sa mga tao ay nadaragdagan araw-araw, ngunit kailangan Niyang tiisin ang lahat ng ito. Ito ang matinding pagdurusa ng Diyos. Hindi lubusang maipahahayag ng Diyos kahit na ang tinig ng Kanyang puso o ang Kanyang mga emosyon sa Kanyang mga tagasunod, at walang sinuman sa Kanyang mga tagasunod ang tunay na nakakaunawa sa Kanyang pagdurusa. Walang sinuman ang nagtatangka man lamang na unawain o aliwin ang Kanyang puso, na tinitiis ang pagdurusang ito araw-araw, taun-taon, at nang paulit-ulit. Ano ang inyong nakikita sa lahat ng ito? Hindi humihingi ang Diyos sa mga tao ng anumang kapalit para sa kung ano ang Kanyang naibigay na, ngunit dahil sa diwa ng Diyos, tiyak na hindi Niya magagawang kunsintihin ang kasamaan, katiwalian, at kasalanan ng sangkatauhan, bagkus ay nakararamdam ng ibayong pagkasuklam at pagkamuhi, na nagdudulot sa puso ng Diyos at sa Kanyang katawang-tao ng pagtitiis sa walang katapusang pagdurusa. Nakita na ba ninyo ito? Malamang, walang nakakikita sa inyo nito, sapagkat walang sinuman sa inyo ang tunay na nakauunawa sa Diyos. Sa paglipas ng panahon, dapat na unti-unting maranasan ninyo mismo ito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III