Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 85

589 2020-06-30

Sa Pangatlong Araw, Nagbigay ng Buhay sa Lupa at sa mga Karagatan ang mga Salita ng Diyos, at Nagdulot ang Awtoridad ng Diyos sa Mundo ng Nag-uumapaw sa Sigla

Basahin natin ang unang pangungusap sa Genesis 1:9–11: “At sinabi ng Diyos, ‘Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako,’ at lumitaw ang tuyong lupain.” Ano ang mga pagbabagong naganap matapos lamang sabihin ng Diyos ang, “Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang tuyong lupain”? At ano ang nasa espasyong ito bukod sa liwanag at sa kalawakan? Sa mga Kasulatan, nasusulat ito: “At tinawag ng Diyos ang tuyong lupain na Lupa, at ang kapisanan ng tubig ay tinawag Niyang mga Dagat: at nakita ng Diyos na mabuti.” Ibig sabihin, nagkaroon na ngayon ng lupa at mga karagatan sa espasyong ito, at napaghiwalay na ang lupa at karagatan. Ang paglitaw ng mga bagong bagay na ito ay sumunod sa utos mula sa bibig ng Diyos, “at nagkagayon.” Inilalarawan ba sa Kasulatan na naging abala ang Diyos habang ginagawa Niya ito? Inilalarawan ba nito na Siya ay pisikal na gumagawa? Kaya, paano ba ito ginawa ng Diyos? Paano ba nagawa ng Diyos na mabuo ang mga bagong bagay na ito? Malinaw na gumamit ang Diyos ng mga salita para makamit ang lahat ng ito, para likhain ang kabuuan nito.

Magpatuloy tayo sa huling pangungusap ng talatang ito: “At sinabi ng Diyos, ‘Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kanyang pagkakahoy, na taglay ang kanyang binhi sa ibabaw ng lupa,’ at nagkagayon.” Habang nagsasalita ang Diyos, ang lahat ng bagay na ito ay nagkaroon ng buhay alinsunod sa mga iniisip ng Diyos, at sa isang iglap, ang iba’t ibang uri ng mga napakakomplikadong maliliit na anyo ng buhay ay walang tigil sa pag-usli ng kanilang mga ulo palabas ng lupa, at bago pa man nila maipagpag ang maliliit na dumi mula sa kanilang mga katawan, sabik na silang kumakaway sa bawat isa para bumati, tumatango at ngumingiti sa mundo. Pinasalamatan nila ang Lumikha sa buhay na Kanyang ibinigay sa kanila, at inihayag sa mundo na bahagi sila ng lahat ng bagay, at ang bawat isa sa kanila ay maglalaan ng kanilang mga buhay sa pagpapakita ng awtoridad ng Lumikha. Habang binibigkas ang mga salita ng Diyos, naging malago at berde ang lupa, tumubo at umusbong mula sa lupa ang lahat ng uri ng mga halaman na maaaring tamasahin ng tao, at ang mga bundok at kapatagan ay nagkaroon ng napakaraming puno at kagubatan…. Itong tigang na mundo, na walang anumang bakas ng kasiglahan, ay mabilis na natakpan ng mga masaganang damo, mga halaman at mga puno at umaapaw sa kaberdehan…. Ang samyo ng damo at ang halimuyak ng lupa ay kumalat sa hangin, at nagsimula ang mga uri ng halaman na huminga kasabay ng sirkulasyon ng hangin, at nagsimula sa proseso ng paglaki. Kasabay nito, salamat sa mga salita ng Diyos at alinsunod sa mga iniisip ng Diyos, ang lahat ng halaman ay nagsimula ng tuluy-tuloy na siklo ng buhay kung saan sila ay lumalago, namumulaklak, namumunga, at dumarami. Nagsimula silang sumunod nang mahigpit sa kani-kanilang mga landas ng buhay at nagsimulang gampanan ang kani-kanilang mga tungkulin sa gitna ng lahat ng bagay…. Isinilang silang lahat, at nabuhay, dahil sa mga salita ng Lumikha. Tatanggap sila ng walang-humpay na panustos at pagpapakain mula sa Lumikha, at laging makapagpapatuloy na mabuhay nang may katatagan sa bawat sulok ng lupain para maipakita ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha, at lagi nilang ipapakita ang pwersa ng buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha …

Katangi-tangi ang buhay ng Lumikha, katangi-tangi ang Kanyang mga iniisip, at katangi-tangi ang Kanyang awtoridad, at kaya kapag binigkas ang Kanyang mga salita, ang huling resulta ay “at nagkagayon.” Malinaw na, hindi kailangan ng Diyos na gumawa gamit ang Kanyang mga kamay kapag Siya ay kumikilos; ginagamit Niya lamang ang Kanyang mga iniisip para mag-utos at ang Kanyang mga salita para mag-atas, at sa ganitong paraan, nakakamit ang mga bagay-bagay. Sa araw na ito, tinipon ng Diyos ang mga katubigan sa iisang lugar, at pinalitaw ang tuyong lupa, pagkatapos ay pinausbong ng Diyos ang damo mula sa lupa, at tumubo roon ang mga halaman na nagbibigay ng mga buto, at ang mga puno na namumunga, at pinagsama-sama ng Diyos ang bawat isa sa mga iyon ayon sa uri, at nagsanhi sa bawat isa na magkaroon ng sarili nitong buto. Nangyari ang lahat ng ito ayon sa mga iniisip ng Diyos at sa mga utos ng mga salita ng Diyos, at lumitaw ang bawat isa nang magkakasunod, dito sa bagong mundo.

Nang hindi pa Niya nasisimulan ang Kanyang gawain, mayroon nang larawan ang Diyos sa Kanyang isipan kung ano ang nilalayon Niyang makamit, at nang simulan ng Diyos ang pagsasakatuparan ng mga bagay na ito, na kung kailan din ay ibinuka ng Diyos ang Kanyang bibig para bigkasin ang nilalaman ng larawang ito, nagsimulang mangyari ang mga pagbabago sa lahat ng bagay, salamat sa awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Kung paano man ito ginawa ng Diyos, o ginamit ang Kanyang awtoridad, ang lahat ay isa-isang nakamit nang naaayon sa plano ng Diyos at dahil sa mga salita ng Diyos, at nang paisa-isang hakbang, nangyari ang mga pagbabago sa pagitan ng langit at lupa, salamat sa mga salita at awtoridad ng Diyos. Ipinakita ng lahat ng pagbabago at pangyayaring ito ang awtoridad ng Lumikha, at ang pagiging di-karaniwan at kadakilaan ng kapangyarihan ng buhay ng Lumikha. Ang Kanyang mga iniisip ay hindi mga simpleng ideya, o isang blankong larawan, kundi isang awtoridad na nagtaglay ng kasiglahan at pambihirang lakas, at ang mga iyon ang kapangyarihang nagsasanhi para ang lahat ng bagay ay mabago, sumigla, mapanibago, at mawala. Dahil dito, gumagana ang lahat ng bagay dahil sa Kanyang mga iniisip, at, kasabay nito ay nakakamit dahil sa mga salita mula sa Kanyang bibig …

Bago lumitaw ang lahat ng bagay, matagal nang nabuo sa isipan ng Diyos ang isang kumpletong plano, at matagal nang nagawa ang isang bagong mundo. Bagama’t sa pangatlong araw noon lumitaw ang lahat ng uri ng mga halaman sa lupa, walang dahilan ang Diyos para pigilan ang mga hakbang ng Kanyang paglikha sa mundong ito; sinadya Niyang magpatuloy sa pagbigkas sa Kanyang mga salita, para magpatuloy na maisagawa ang paglikha ng bawat bagong bagay. Magsasalita Siya, ibibigay ang Kanyang mga utos, at gagamitin ang Kanyang awtoridad at ipapakita ang Kanyang kapangyarihan, at inihanda Niya ang lahat ng bagay na Kanyang naiplano na para ihanda ang lahat ng bagay at ang sangkatauhan na nilalayon Niyang likhain …

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Mag-iwan ng Tugon