Jonas 3 At ang salita ni Jehova ay dumating kay Jonas na ikalawa, na nagsasabi, “Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at ipangaral mo ang pangaral na Aking iniutos sa iyo.” Sa gayo’y bumangon si Jonas, at naparoon sa Ninive, ayon sa salita ni Jehova. Ang Ninive nga ay totoong malaking bayan, na tatlong araw na lakarin. At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsabi, “Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.” At ang bayan ng Ninive ay naniwala sa Diyos; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadaki-dakilaan sa kanila hanggang sa kaliit-liitan sa kanila. At ang salita ay dumating sa hari ng Ninive, at siya’y tumindig sa kanyang luklukan, at hinubad niya ang kanyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kanyang inihayag at iniatas sa buong Ninive sa pasya ng hari at ng kanyang mga maharlika, na sinasabi, “Huwag tumikim maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anumang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; kundi mangagbalot ng kayong magaspang ang tao at gayon din ang hayop, at manangis sila nang malakas sa Diyos: oo, talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung mapanunumbalik ang Diyos at magsisisi, at tatalikod sa Kanyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay.” At nakita ng Diyos ang kanilang mga gawa, na sila’y tumalikod sa kanilang masamang gawi; at binawi ng Diyos ang masama, na Kanyang sinabing Kanyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa.
Nakikita ng Diyos ang Tapat na Pagsisisi sa Kaibuturan ng mga Puso ng mga Taga-Ninive
Pagkatapos mapakinggan ang pagpapahayag ng Diyos, ang hari ng Ninive at ang kanyang mga nasasakupan ay nagsagawa ng serye ng mga pagkilos. Ano ang kalikasan ng kanilang asal at mga gawa? Sa madaling salita, ano ang diwa ng kabuuan ng kanilang pag-uugali? Bakit nila ginawa ang kanilang ginawa? Sa mga mata ng Diyos, tapat silang nagsisisi, hindi lamang dahil nagsumamo sila sa Diyos at ikinumpisal ang kanilang mga kasalanan sa harap Niya, kundi dahil na rin sa iniwan na nila ang kanilang masamang pag-uugali. Kumilos sila sa ganitong paraan dahil matapos nilang marinig ang mga salita ng Diyos, labis silang natakot at naniwala na gagawin Niya ang Kanyang sinabi. Sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagdadamit ng magaspang at pag-upo sa mga abo, ninais nilang ipahayag ang kanilang kahandaang baguhin ang kanilang mga pamamaraan at tumigil na sa kasamaan, at nanalangin sila sa Diyos na si Jehova na pigilin ang Kanyang galit, nagsusumamo sa Kanya na bawiin ang Kanyang pasya, gayundin ang malaking kapahamakan na malapit nang dumating sa kanila. Kung susuriin natin ang lahat ng kanilang inasal, makikita natin na naunawaan na nila na ang kanilang nakaraang masasamang gawa ay kasuklam-suklam sa Diyos na si Jehova at makikita rin natin na naunawaan nila ang dahilan kung bakit malapit na Niya silang puksain. Ito ang dahilan kung bakit ninais nilang lahat na lubusang magsisi, talikuran ang kanilang masasamang gawa, at iwan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling salita, nang maunawaan na nila ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang bawat isa sa kanila ay nakadama ng takot sa kanilang mga puso; hindi na nila ipinagpatuloy ang kanilang masamang pag-uugali at hindi na nagpatuloy na gawin ang mga gawaing labis na kinamumuhian ng Diyos na si Jehova. Dagdag pa rito, nagsumamo sila sa Diyos na si Jehova na patawarin ang kanilang mga nakaraang kasalanan at huwag silang pakitunguhan batay sa kanilang mga nakaraang ginawa. Nakahanda silang hindi na kailanman muling makisangkot sa kasamaan at kikilos na sila ayon sa mga tagubilin ng Diyos na si Jehova, kung maaari lamang ba na hindi na nila kailanman muling mapasiklab ang galit ng Diyos na si Jehova. Tapat at ganap ang kanilang pagsisisi. Galing ito sa kaibuturan ng kanilang mga puso at hindi nagkukunwari, ni hindi ito pansamantala.
Sa sandaling nalaman ng mga taga-Ninive, mula sa hari hanggang sa mga karaniwang tao, na nagagalit sa kanila ang Diyos na si Jehova, malinaw at lantad na nakita ng Diyos ang bawat isa sa kanilang mga sumunod na pagkilos at ang kanilang buong asal, maging ang bawat pagpapasya at pagpili nila. Nagbago ang puso ng Diyos ayon sa kanilang pag-uugali. Ano ang kundisyon ng pag-iisip ng Diyos noong mga sandaling iyon? Masasagot ng Bibliya ang tanong na iyan para sa iyo. Nakatala ang mga sumusunod na salita sa mga kasulatan: “At nakita ng Diyos ang kanilang mga gawa, na sila’y tumalikod sa kanilang masamang gawi; at binawi ng Diyos ang masama, na Kanyang sinabing Kanyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa” (Jonas 3:10). Bagaman nagbago ang isip ng Diyos, walang anumang magulo sa kundisyon ng Kanyang kaisipan. Mula sa pagpapahayag ng Kanyang galit ay pinakalma lamang Niya ang Kanyang galit, at pagkatapos ay nagpasya na huwag nang dalhin ang malaking kapahamakan sa lungsod ng Ninive. Ang dahilan kung bakit napagpasyahan ito—ang iligtas ang mga taga-Ninive mula sa malaking kapahamakan—ng Diyos nang napakabilis ay napagmasdan ng Diyos ang puso ng bawat tao sa Ninive. Nakita Niya kung ano ang pinanghahawakan nila mula sa kalaliman ng kanilang mga puso: ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, ang kanilang tapat na paniniwala sa Kanya, ang kanilang malalim na kabatiran kung paanong ang kanilang masasamang gawa ay lubos na nagpagalit sa Kanyang disposisyon, at ang naidulot na takot sa nalalapit na kaparusahan ng Diyos na si Jehova. At gayundin naman, narinig din ng Diyos na si Jehova ang kanilang mga panalangin mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso na nagsusumamo sa Kanya na huwag nang magalit sa kanila upang makaiwas sila sa paparating na malaking kapahamakan. Nang mapansin ng Diyos ang lahat ng pangyayaring ito, unti-unting naglaho ang Kanyang galit. Kahit gaano kalaki ang Kanyang galit noon, nang makita Niya ang tapat na pagsisisi sa kaibuturan ng mga puso ng mga taong ito, nabagbag nito ang Kanyang puso, kaya’t hindi Niya makayang dalhin ang malaking kapahamakan sa kanila, at humupa na ang Kanyang galit sa kanila. Sa halip, patuloy Niyang pinalawig ang Kanyang awa at pagpapaubaya sa kanila at patuloy silang ginabayan at tinustusan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II