Ang lahat ng tao ay kailangang maunawaan ang mga layunin ng Aking gawain sa daigdig, iyon ay, ang nais Kong makamit sa huli at kung anong antas ang dapat Kong makamit sa gawaing ito bago ito magiging ganap. Kung, pagkaraang maglakad na kasama Ko hanggang sa araw na ito, ang mga tao ay hindi pa nakakaunawa kung tungkol saan ang Aking gawain, hindi ba walang kabuluhan ang paglalakad nilang kasama Ko? Kung sumusunod ang mga tao sa Akin, dapat alam nila ang Aking kalooban. Gumagawa na Ako sa lupa sa loob ng libu-libong taon, at hanggang sa araw na ito, ay ginagawa Ko pa rin ang Aking gawain sa paraang ito. Bagaman maraming proyekto ang nilalaman ng Aking gawain, ang layunin ng gawaing ito ay nananatiling hindi nagbabago; halimbawa, kahit na Ako ay puno ng paghatol at pagkastigo sa tao, ang Aking ginagawa ay alang-alang pa rin sa pagliligtas sa kanya, at alang-alang sa mas mainam na pagpapalaganap ng Aking ebanghelyo at pagpapalawak pa ng Aking gawain sa lahat ng bansang Hentil sa sandaling ang tao ay nagawa nang ganap. Kaya ngayon, sa panahon kung kailan maraming tao ang matagal nang lubhang lugmok sa pagkabigo, patuloy pa rin Ako sa Aking gawain, ipinagpapatuloy ang gawain na dapat Kong gawin upang hatulan at kastiguhin ang tao. Sa kabila ng katotohanang ang tao ay puno na sa Aking sinasabi, at wala siyang pagnanasang makialam sa Aking gawain, isinasakatuparan Ko pa rin ang Aking tungkulin, sapagkat ang layunin ng Aking gawain ay nananatiling hindi nagbabago, at ang Aking orihinal na plano ay hindi masisira. Ang silbi ng Aking paghatol ay ang bigyang-kakayahan ang tao na maging mas mahusay sa pagsunod sa Akin, at ang silbi ng Aking pagkastigo ay ang tulutan ang tao na mas mabisang mabago. Bagaman ang Aking ginagawa ay alang-alang sa Aking pamamahala, hindi Ako kailanman nakagawa ng anumang bagay na walang pakinabang sa tao, dahil nais Kong gawin ang lahat ng bansa sa labas ng Israel na kasing masunurin ng mga Israelita, at gawin silang tunay na mga tao, nang sa gayon ay may panghahawakan Ako sa mga lupain sa labas ng Israel. Ito ang Aking pamamahala; ito ang gawain na Aking tinutupad sa mga bansang Hentil. Kahit ngayon, maraming tao ang hindi pa rin nakakaunawa sa Aking pamamahala, sapagkat wala silang interes sa mga bagay na ito, kundi may pakialam lamang sa kanilang mga sariling kinabukasan at hantungan. Kahit ano ang Aking sabihin, ang mga tao ay wala pa ring malasakit sa gawaing Aking ginagawa, sa halip ay nakatuon lamang sa kanilang mga hantungan sa hinaharap. Kung ang mga bagay-bagay ay magpapatuloy sa ganitong paraan, paano mapapalawak ang Aking gawain? Paano mapapalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong mundo? Dapat ninyong malaman na kapag ang Aking gawain ay lumawak, ikakalat Ko kayo, at hahampasin Ko kayo, gaya ng paghampas ni Jehova sa bawat tribo ng Israel. Ang lahat ng ito ay gagawin upang mapalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong daigdig, para makarating ito sa mga bansang Hentil, nang sa gayon ang Aking pangalan ay dadakilain ng kapwa matatanda at mga bata, at ang Aking banal na pangalan ay dadakilain ng bibig ng mga tao mula sa lahat ng tribo at bansa. Ito ay upang sa huling kapanahunang ito, dadakilain ang Aking pangalan sa mga bansang Hentil, upang makita ng mga Hentil ang Aking mga gawa at tatawagin nila Akong ang Makapangyarihan sa lahat dahil sa Aking mga gawa, at upang ang Aking mga salita ay maaaring matupad sa lalong madaling panahon. Ipaaalam Ko sa lahat ng tao na hindi lamang Ako Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng bansa ng mga Hentil, kahit na yaong Aking isinumpa. Hahayaan Kong makita ng lahat ng tao na Ako ang Diyos ng buong sangnilikha. Ito ang Aking pinakadakilang gawain, ang layunin ng Aking plano sa paggawa para sa mga huling araw, at ang tanging gawain na tutuparin sa mga huling araw.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao