Menu

Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos

Upang magpatotoo sa Diyos at upang hiyain ang malaking pulang dragon, dapat mayroong prinsipyo ang isang tao, at dapat matugunan niya ang isang kondisyon: Dapat niyang mahalin ang Diyos sa puso niya at pumasok sa mga salita Niya. Kung hindi ka papasok sa mga salita ng Diyos, wala kang magiging paraan upang hiyain si Satanas. Sa pamamagitan ng paglago sa buhay mo, itinatakwil mo ang malaking pulang dragon at dinadalhan ito ng lubos na kahihiyan; tanging ito lamang ang tunay na makapagpapahiya sa malaking pulang dragon. Habang mas handa kang isagawa ang mga salita ng Diyos, mas lumalaki ang katibayan ng pagmamahal mo sa Diyos at ng pagkamuhi mo sa malaking pulang dragon; habang mas sinusunod mo ang mga salita ng Diyos, mas lumalaki ang katibayan ng pananabik mo sa katotohanan. Ang mga taong hindi nananabik sa mga salita ng Diyos ay mga taong walang buhay. Ang ganitong mga tao ay yaong mga nasa labas ng mga salita ng Diyos, na kasapi sa relihiyon. Ang mga taong tunay na naniniwala sa Diyos ay may mas malalim na kaalaman sa mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita Niya. Kung hindi mo pinananabikan ang mga salita ng Diyos, hindi mo tunay na makakain at maiinom ang mga salita Niya, at kung wala kang kaalaman sa mga salita ng Diyos, wala kang paraan upang magpatotoo sa Diyos o magbigay-kasiyahan sa Diyos.

Sa paniniwala sa Diyos, paano dapat makilala ng isang tao ang Diyos? Dapat niyang makilala ang Diyos batay sa mga salita at sa gawain ng Diyos ngayon, nang walang paglihis o kamalian, at, bago ang lahat, dapat niyang mabatid ang gawain ng Diyos. Ito ang pundasyon ng pagkakilala sa Diyos. Lahat yaong iba’t ibang kamaliang salat sa dalisay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos ay mga relihiyosong kuru-kuro; ang mga ito ay lihis at maling mga pagkaunawa. Ang pinakamalaking kasanayan ng mga kilalang tao sa relihiyon ay ang pagkuha sa mga salita ng Diyos na naintindihan noong nakaraan at pagkumpara ng mga salita ng Diyos ngayon sa mga ito. Kung, habang pinaglilingkuran ang Diyos ng ngayon, kumakapit ka sa mga bagay na ibinunyag ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu noong nakaraan, magdudulot ang paglilingkod mo ng paggambala, at magiging lipas na sa panahon ang pagsasagawa mo, walang iba kundi seremonyang pangrelihiyon. Kung naniniwala kang yaong mga pinaglilingkuran ang Diyos ay dapat mapagpakumbaba at matiisin sa panlabas, bukod sa iba pang mga katangian, at kung isasagawa mo ang ganitong uri ng kaalaman ngayon, ang ganitong kaalaman ay isang relihiyosong kuru-kuro; ang ganitong pagsasagawa ay naging mapagkunwaring pagtatanghal. Tumutukoy sa mga bagay na lipas na ang pariralang “mga relihiyosong kuru-kuro” (kabilang ang pagkaunawa sa mga salitang sinabi na dati ng Diyos at ang liwanag na tuwirang ibinunyag ng Banal na Espiritu), at kung isasagawa ang mga ito ngayon, gagambalain ng mga ito ang gawain ng Diyos at hindi magdadala ng pakinabang sa tao. Kung hindi magagawang alisin ng mga tao mula sa mga sarili nila yaong mga bagay na kabilang sa mga relihiyosong kuru-kuro, magiging matinding sagabal ang mga bagay na ito sa paglilingkod nila sa Diyos. Ang mga taong may mga relihiyosong kuru-kuro ay walang paraan upang makasabay sa mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu—nahuhuli sila nang isang hakbang, pagkatapos ay dalawa. Ito ay dahil ang mga relihiyosong kuru-kuro na ito ay nagdudulot sa tao na maging sobrang mapagmagaling at mapagmataas. Walang nararamdamang pangungulila ang Diyos para sa sinabi at ginawa Niya noong nakaraan; kung lipas na ang isang bagay, inaalis Niya ito. Tunay bang hindi mo kayang bitawan ang mga kuru-kuro mo? Kung kumakapit ka sa mga salitang sinabi ng Diyos noong nakaraan, pinatutunayan ba nito na nababatid mo ang gawain ng Diyos? Kung hindi mo kayang tanggapin ang liwanag ng Banal na Espiritu ngayon, at sa halip ay kumakapit ka sa liwanag ng nakalipas, mapatutunayan ba nito na sinusundan mo ang mga yapak ng Diyos? Hindi mo pa rin ba kayang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro? Kung gayon, magiging isa kang taong sumasalungat sa Diyos.

Kung kayang bitawan ng mga tao ang mga relihiyosong kuru-kuro, hindi nila gagamitin ang mga isip nila para sukatin ang mga salita at gawain ng Diyos ngayon, at sa halip ay tuwirang susunod. Bagamat ang gawain ng Diyos ngayon ay maliwanag na hindi katulad ng sa nakaraan, hindi mo pa rin magawang bitawan ang mga pananaw ng nakalipas at tuwirang sumunod sa gawain ng Diyos ngayon. Kung may kakayahan kang maunawaan na dapat mong bigyan ng kataas-taasang posisyon ang gawain ng Diyos ngayon, paano man Siya gumawa noong nakaraan, isa kang tao na nabitawan na ang mga kuru-kuro niya, na sumusunod sa Diyos, at na kayang sumunod sa gawain at mga salita ng Diyos at sundan ang mga yapak Niya. Sa ganito, magiging isa kang taong tunay na sumusunod sa Diyos. Hindi mo sinusuri o masusing sinisiyasat ang gawain ng Diyos; ito ay para bang nakalimutan na ng Diyos ang dati Niyang gawain, at nakalimutan mo na rin ito. Ang kasalukuyan ay ang kasalukuyan, at ang nakaraan ay ang nakaraan, at yamang ngayon, isinantabi na ng Diyos ang ginawa Niya noong nakalipas, hindi ka dapat manahan dito. Tanging ang ganitong tao lamang ang taong lubos na sumusunod sa Diyos at tuluyang bumitiw na sa mga relihiyosong kuru-kuro niya.

Sapagkat palaging mayroong mga bagong pagsulong sa gawain ng Diyos, may gawaing nagiging lipas na at luma sa pag-usbong ng bagong gawain. Ang magkakaibang uring ito ng gawain, luma at bago, ay hindi magkakasalungat, kundi magkakatugma; ang bawat hakbang ay sumusunod sa nauna. Sapagkat may bagong gawain, mangyari pa, dapat alisin ang mga lumang bagay. Halimbawa, ang ilan sa mga matatagal nang itinatag na pagsasagawa at nakaugaliang mga kasabihan ng tao, kaakibat ng maraming taong karanasan at mga aral ng tao, ay bumuo ng lahat ng uri at anyo ng mga kuru-kuro sa isip ng tao. Na hindi pa ganap na ibinubunyag ng Diyos ang tunay Niyang mukha at likas na disposisyon sa tao, kasama ng pagkalat, sa loob ng maraming taon, ng mga tradisyunal na teorya mula sa mga sinaunang panahon ay hindi pa mas nababagay sa pagbuo ng tao ng ganitong mga kuru-kuro. Maaaring sabihin na, sa buong panahon ng paniniwala ng tao sa Diyos, ang impluwensya ng iba’t ibang mga kuru-kuro ay humantong sa patuloy na pagkabuo at ebolusyon ng lahat ng mga uri ng mga kuru-kurong pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, na nagdulot sa maraming relihiyosong taong naglilingkod sa Diyos na maging kaaway Niya. Kaya, habang mas lumalakas ang mga relihiyosong kuru-kuro ng mga tao, mas lalo nilang sinasalungat ang Diyos, at mas lalo silang mga kaaway ng Diyos. Palaging bago at hindi kailanman luma ang gawain ng Diyos; hindi ito kailanman bumubuo ng doktrina, sa halip ay patuloy na nagbabago at pinananariwa sa mas malaki o sa mas maliit na saklaw. Ang paggawa sa paraang ito ay isang pagpapahayag ng likas na disposisyon ng Diyos Mismo. Ito rin ang likas na prinsipyo ng gawain ng Diyos, at isa sa mga paraan kung paano nagagawa ng Diyos ang pamamahala Niya. Kung hindi gumawa ang Diyos sa ganitong paraan, hindi magbabago ang tao o magagawang makilala ang Diyos, at hindi matatalo si Satanas. Kaya naman, sa gawain Niya, patuloy na nangyayari ang mga pagbabago na mukhang paiba-iba, ngunit sa katotohanan ay pana-panahon. Subalit, ang paraan kung paano naniniwala ang tao sa Diyos ay lubos na naiiba. Kumakapit siya sa luma at pamilyar na mga doktrina at mga kaparaanan, at habang mas luma ang mga ito, mas kasiya-siya ang mga ito sa kanya. Paanong tatanggapin ng hangal na isip ng tao, na isang isip na kasintigas ng bato, ang napakaraming di-maarok na bagong gawain at mga salita ng Diyos? Kinasusuklaman ng tao ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma; ang gusto niya lamang ay ang lumang Diyos, na matanda na, puti ang buhok, at hindi umaalis sa lugar. Kaya naman, sapagkat may kanya-kaniyang mga gusto ang Diyos at ang tao, naging kaaway ng Diyos ang tao. Umiiral pa rin ang marami sa mga pagkakasalungatang ito kahit ngayon, sa panahong gumagawa na ng bagong gawain ang Diyos sa loob ng halos anim na libong taon. Kung gayon, hindi na malulunasan ang mga ito. Marahil dahil ito sa katigasan ng ulo ng tao, o ang pagiging hindi nalalabag ninuman ng mga atas administratibo ng Diyos—ngunit kumakapit pa rin sa mga inaamag na lumang libro at mga papel yaong mga lalaki at babaeng pastor, habang nagpapatuloy ang Diyos sa hindi pa nakukumpletong gawain Niya ng pamamahala, na parang wala Siyang kasama sa tabi Niya. Bagaman ang mga pagkakasalungatang ito ay ginagawang magkaaway ang Diyos at ang tao, at ni hindi pa maaaring lutasin, hindi binibigyang pansin ng Diyos ang mga ito, na para bang sabay silang nandoon at wala roon. Gayunman, nananatili pa rin ang tao sa mga paniniwala at mga kuru-kuro niya, at hindi kailanman binibitawan ang mga ito. Subalit isang bagay ang maliwanag: Bagamat hindi lumilihis ang tao sa paninindigan niya, palaging gumagalaw ang mga paa ng Diyos, at palagi Niyang binabago ang paninindigan Niya ayon sa kapaligiran. Sa huli, ang tao ang siyang matatalo nang walang laban. Ang Diyos, samantala, ay ang pinakamatinding kaaway ng lahat ng mga kalabang tinalo Niya, at Siya rin ang kampeon ng sangkatauhan, ng parehong natalo at hindi natalo. Sino ang maaaring makipagpaligsahan sa Diyos at maging matagumpay? Tila mula sa Diyos ang mga kuru-kuro ng tao sapagkat nabuo ang marami sa mga ito kasunod ng gawain ng Diyos. Gayunman, hindi pinapatawad ng Diyos ang tao dahil dito, at, bukod dito, hindi rin Siya nagbubuhos ng papuri sa tao sa paggawa ng mga bungkos ng mga produktong “para sa Diyos” kasunod ng gawain Niya, na nasa labas ng gawain Niya. Sa halip, labis Siyang nasusuklam sa mga kuru-kuro at mga luma at relihiyosong paniniwala ng tao, at hindi man lamang naiisip na kilalanin ang petsa kung kailan unang lumitaw ang mga kuru-kuro na ito. Hindi Niya tinatanggap ni katiting na dulot ng gawain Niya ang mga kuru-kuro na ito, sapagkat ang mga kuru-kuro ng tao ay ipinalalaganap ng tao; ang pinagmulan ng mga ito ay ang mga saloobin at isip ng tao—hindi ng Diyos, kundi ni Satanas. Ang layunin ng Diyos ay palaging para ang gawain Niya ay maging bago at buhay, hindi luma at patay, at kung ano ang pinasusunod Niya sa tao ay nag-iiba alinsunod sa kapanahunan at panahon, at hindi walang-hanggan at di-nagbabago. Ito ay dahil isa Siyang Diyos na nagdudulot sa tao na mabuhay at maging bago, sa halip na isang diyablo na nagdudulot sa tao na mamatay at tumanda. Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito? May mga kuru-kuro ka tungkol sa Diyos at wala kang kakayahang bitawan ang mga ito dahil sarado ang isip mo. Hindi ito dahil may napakakaunting katuturan sa gawain ng Diyos, ni dahil humihiwalay ang gawain ng Diyos sa mga pantaong hangarin, ni, bukod dito, dahil sa palaging pabaya ang Diyos sa mga tungkulin Niya. Hindi mo mabitawan ang mga kuru-kuro mo dahil masyado kang salat sa pagsunod, at sapagkat wala ka ni katiting na wangis ng isang nilikhang nilalang; hindi ito dahil ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo. Ikaw ang nagsanhi ng lahat ng ito, at wala itong kaugnayan sa Diyos; nilikha ng tao ang lahat ng pagdurusa at kasawian. Palaging mabuti ang mga saloobin ng Diyos: Hindi Niya nais na magdulot sa iyo na bumuo ng mga kuru-kuro, kundi nagnanais na magbago ka at mapanariwa sa paglipas ng mga kapanahunan. Subalit hindi mo alam kung ano ang mabuti para sa iyo, at palagi kang masusing nagsisiyasat o nagsusuri. Hindi sa ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo, kundi wala kang paggalang sa Diyos, at napakatindi ng pagsuway mo. Isang maliit na nilikhang nilalang, na nangangahas na kunin ang ilang walang-kuwentang bahagi ng dati nang ibinigay ng Diyos, pagkatapos ay babaling at gagamitin ito upang salakayin ang Diyos—hindi ba ito ang pagsuway ng tao? Patas sabihin na ang mga tao ay lubos na hindi karapat-dapat na magpahayag ng mga pananaw nila sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila karapat-dapat na ipangalandakan ang kanilang walang halaga, mabaho, bulok, at mabulaklak na wika nang ayon sa nais nila—bukod pa sa yaong inaamag na mga kuru-kuro. Hindi ba sila mas lalo pang walang halaga?

Ang isang taong tunay na pinaglilingkuran ang Diyos ay isang taong kaayon ng puso ng Diyos, na angkop para gamitin ng Diyos, at na nagagawang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro. Kung nais mong maging mabisa ang pagkain at pag-inom mo ng mga salita ng Diyos, dapat mong bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro mo. Kung nais mong paglingkuran ang Diyos, mas lalong kinakailangang bitawan mo muna ang mga relihiyosong kuru-kuro at sundin ang mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang dapat na taglay ng isang taong pinaglilingkuran ang Diyos. Kung salat ka sa kaalamang ito, sa sandaling maglingkod ka, magdudulot ka ng paggambala at mga kaguluhan, at kung kumakapit ka sa mga kuru-kuro mo, walang pagsalang patutumbahin ka ng Diyos, at hindi na kailanmang babangon pa. Tingnan mo ang kasalukuyan, bilang halimbawa: Marami sa mga pagbigkas at gawain sa ngayon ang di-kaayon sa Biblia at sa gawaing dating ginawa ng Diyos, at kung wala kang pagnanais na sumunod, maaari kang bumagsak anumang oras. Kung nais mong maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos, dapat bitawan mo muna ang mga relihiyosong kuru-kuro at iwasto ang sarili mong mga pananaw. Marami sa mga sasabihin ay magiging di-kaayon ng sinabi noong nakalipas, at kung ngayon ay salat ka na sa kaloobang sumunod, hindi mo magagawang lakarin ang landas na hinaharap. Kung ang isa sa mga kaparaanan ng paggawa ng Diyos ay nag-ugat na sa loob mo at hindi mo kailanman binitawan ito, ang kaparaanang ito ang magiging relihiyosong kuru-kuro mo. Kung nag-ugat na sa loob mo ang kung ano ang Diyos, nakamit mo na ang katotohanan, at kung ang mga salita at katotohanan ng Diyos ay may kakayahang maging buhay mo, hindi ka na magkakaroon pa ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Yaong mga nagtataglay ng tunay na pagkakilala sa Diyos ay hindi magkakaroon ng mga kuru-kuro at hindi susunod sa doktrina.

Itanong ang mga katanungang ito upang mapanatili mong mapagmatyag ang sarili mo:

1. Humahadlang ba sa paglilingkod mo sa Diyos ang kaalamang nasa loob mo?

2. Gaano karaming mga pagsasagawang pangrelihiyon ang nasa araw-araw mong pamumuhay? Kung nag-aanyong maka-Diyos ka lamang, ibig bang sabihin nito na lumago at nagkagulang na ang buhay mo?

3. Kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, nagagawa mo bang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro mo?

4. Kapag nananalangin ka, nagagawa mo bang alisin ang seremonyang pangrelihiyon?

5. Isa ka bang taong angkop para gamitin ng Diyos?

6. Gaano karami sa pagkakilala mo sa Diyos ang naglalaman ng mga relihiyosong kuru-kuro?

Mag-iwan ng Tugon