Ang paghahangad na mabuhay ay hindi isang bagay na maaaring madaliin; ang paglago sa buhay ay hindi nangyayari sa loob lamang ng isa o dalawang araw. Ang gawain ng Diyos ay normal at praktikal, at may isang proseso itong kailangang pagdaanan. Kinailangan ni Jesus na nagkatawang-tao ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon upang makumpleto ang Kanyang gawaing maipako sa krus—kaya paano naging napakahirap na gawin itong pagdadalisay sa tao at pagbabago ng kanyang buhay? Hindi madaling gumawa ng isang normal na tao na ipinapamalas ang Diyos. Totoo ito lalo na para sa mga taong isinisilang sa bansa ng malaking pulang dragon, na mahina ang kakayahan at nangangailangan ng matagal na panahon ng mga salita at gawain ng Diyos. Kaya huwag kang mainip na makakita ng mga resulta. Kailangan kang maging maagap sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at higit na magsikap sa mga salita ng Diyos. Kapag natapos mong basahin ang Kanyang mga salita, kailangan mong tunay na maisagawa ang mga iyon, lumago sa kaalaman, kabatiran, paghiwatig, at karunungan sa mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan nito, magbabago ka nang hindi mo namamalayan. Kung nagagawa mong tanggapin bilang prinsipyo mo ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pagbasa sa mga ito, pag-alam sa mga ito, maranasan ito, at pagsasagawa ng mga ito, lalago ka nang hindi mo namamalayan. May mga nagsasabi na hindi nila naisasagawa ang mga salita ng Diyos kahit matapos nila itong basahin. Bakit ka nagmamadali? Kapag naabot mo ang isang tiyak na tayog, magagawa mong isagawa ang Kanyang mga salita. Masasabi ba ng isang apat- o limang-taong-gulang na bata na hindi nila magawang suportahan o bigyang-dangal ang kanilang mga magulang? Dapat mong malaman kung gaano kataas ang iyong kasalukuyang tayog. Isagawa kung ano ang kaya mong isagawa, at iwasang maging isang tao na gumagambala sa pamamahala ng Diyos. Kainin at inumin lamang ang mga salita ng Diyos, at tanggapin iyon bilang iyong prinsipyo mula ngayon. Huwag kang mag-alala, sa ngayon, kung magagawa kang ganap ng Diyos. Huwag mo munang tuklasin iyon. Kumain at uminom lamang ng mga salita ng Diyos habang dumarating sa iyo ang mga iyon, at titiyakin ng Diyos na magawa kang ganap. Gayunman, may isang prinsipyong kailangan mong sundin sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita. Huwag mo itong gawin nang pikit-mata. Sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sa isang dako, hanapin ang mga salitang dapat mong malaman—ibig sabihin, yaong may kaugnayan sa mga pangitain—at sa kabilang dako, hangaring malaman yaong dapat mong aktwal na isagawa—ibig sabihin, kung ano ang dapat mong pasukin. Ang isang aspeto ay may kinalaman sa kaalaman, at ang isa pa ay sa pagpasok. Kapag naintindihan mo iyang pareho—kapag naintindihan mo kung ano ang dapat mong malaman at kung ano ang dapat mong isagawa—malalaman mo kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita