Hindi dumarating ang Diyos sa lupa para gawing perpekto ang Kanyang normal na pagkatao, ni hindi para isagawa ang gawain ng normal na pagkatao. Pumaparito Siya para lamang gawin ang gawain ng pagka-Diyos sa normal na pagkatao. Ang binabanggit ng Diyos na normal na pagkatao ay hindi katulad ng iniisip ng mga tao. Binibigyang-kahulugan ng tao ang “normal na pagkatao” bilang pagkakaroon ng asawa at mga anak, na mga patunay na ang isang tao ay isang normal na tao; gayunman, hindi ganito ang tingin ng Diyos dito. Ang tingin Niya sa normal na pagkatao ay pagkakaroon ng normal na kaisipan ng mga tao, normal na buhay ng mga tao, at maisilang sa normal na mga tao. Ngunit hindi kabilang sa Kanyang normalidad ang pagkakaroon ng asawa at mga anak sa paraan ng pagsasalita ng tao tungkol sa normalidad. Ibig sabihin, para sa tao, ang normal na pagkataong binabanggit ng Diyos ay kung ano ang ituturing ng tao na kawalan ng pagkatao, na halos walang emosyon at tila walang mga pangangailangan ng laman, katulad ni Jesus, na mayroon lamang panlabas na anyo ng isang normal na tao at kinuha ang anyo ng isang normal na tao, ngunit sa diwa ay hindi ganap na taglay ang lahat ng dapat taglayin ng isang normal na tao. Mula rito ay makikita na ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi sumasaklaw sa kabuuan ng normal na pagkatao, kundi sa isang bahagi lamang ng mga bagay na dapat taglayin ng mga tao, upang suportahan ang mga karaniwang gawain sa buhay ng normal na tao at panatilihin ang mga kakayahang mangatwiran ng normal na tao. Ngunit walang kinalaman ang mga bagay na ito sa itinuturing ng tao na normal na pagkatao. Ang mga ito ang dapat taglayin ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayunman, may mga naninindigan na ang Diyos na nagkatawang-tao ay masasabing nagtataglay lamang ng normal na pagkatao kung mayroon Siyang asawa, mga anak, isang pamilya; kung wala ang mga bagay na ito, sabi nila, hindi Siya isang normal na tao. Sa gayon ay tatanungin kita, “Mayroon bang asawang babae ang Diyos? Posible bang magkaroon ng asawang lalaki ang Diyos? Maaari bang magkaroon ng mga anak ang Diyos?” Hindi ba mali ang mga paniniwalang ito? Subalit ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring sumibol mula sa isang bitak sa pagitan ng mga bato o mahulog mula sa langit. Maaari lamang Siyang isilang sa isang normal na pamilya ng tao. Kaya nga mayroon Siyang mga magulang at mga kapatid na babae. Ito ang mga bagay na dapat magkaroon ang normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao. Ganito ang nangyari kay Jesus; si Jesus ay mayroong ama at ina, mga kapatid na babae at lalaki, at lahat ng ito ay normal. Ngunit kung nagkaroon Siya ng asawa at mga anak, ang Kanyang pagkatao ay hindi sana naging ang normal na pagkatao na nilayon ng Diyos na taglayin ng Diyos na nagkatawang-tao. Kung ganito ang nangyari, hindi sana Niya nakayang gumawa sa ngalan ng pagka-Diyos. Ito ay dahil mismo sa hindi Siya nagkaroon ng asawa o mga anak, subalit isinilang Siya sa normal na mga tao sa isang normal na pamilya, kaya Niya nagawa ang gawain ng pagka-Diyos. Para mas mapalinaw pa ito, ang itinuturing ng Diyos na normal na tao ay isang tao na isinilang sa isang normal na pamilya. Gayong tao lamang ang karapat-dapat na gumawa ng banal na gawain. Kung, sa kabilang dako, ang tao ay nagkaroon ng isang asawang babae, mga anak, o isang asawang lalaki, hindi magagawa ng taong iyon ang banal na gawain, dahil magtataglay lamang siya ng normal na pagkatao na kinakailangan ng mga tao ngunit hindi ang normal na pagkataong kinakailangan ng Diyos. Yaong pinaniniwalaan ng Diyos, at ang nauunawaan ng mga tao, ay madalas na may malaking kaibhan, malayung-malayo sa isa’t isa. Sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, marami ang salungat at malaki ang kaibhan sa mga kuru-kuro ng mga tao. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay ganap na binubuo ng pagka-Diyos na aktwal na gumagawa, na ang pagkatao ay gumaganap sa tungkuling sumuporta sa Kanya. Dahil dumarating ang Diyos sa lupa upang isagawa Mismo ang Kanyang gawain, sa halip na tulutan ang tao na gawin ito, nagkatawang-tao Siya Mismo (sa isang di-ganap na normal na tao) upang gawin ang Kanyang gawain. Ginagamit Niya ang pagkakatawang-taong ito upang iharap sa sangkatauhan ang isang bagong kapanahunan, upang sabihin sa sangkatauhan ang susunod na hakbang sa Kanyang gawain, at upang hilingan ang mga tao na magsagawa alinsunod sa landas na inilarawan sa Kanyang mga salita. Sa ganito nagtapos ang gawain ng Diyos sa katawang-tao; malapit na Niyang lisanin ang sangkatauhan, at hindi na mananahan sa katawan ng normal na pagkatao, kundi sa halip ay lalayo mula sa tao upang tumuloy sa isa pang bahagi ng Kanyang gawain. Pagkatapos, habang kinakasangkapan ang mga taong kaayon ng Kanyang sariling puso, ipinagpapatuloy Niya ang Kanyang gawain sa lupa sa gitna ng grupong ito ng mga tao, ngunit sa kanilang pagkatao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Mahalagang Kaibhan sa Pagitan ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng mga Taong Kinakasangkapan ng Diyos