Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 418

2,304 2021-01-11

Ang pinakamahalagang kaalaman tungkol sa panalangin:

1. Huwag pikit-matang sabihin ang anumang pumasok sa isipan. Kailangan ay may pasanin sa puso mo, ibig sabihin, kailangan ay mayroon kang layunin kapag nagdarasal ka.

2. Ang panalangin ay kailangang maglaman ng mga salita ng Diyos; kailangan ay nakasalig ito sa mga salita ng Diyos.

3. Kapag nagdarasal, hindi mo kailangang ulit-ulitin ang lipas nang mga isyu. Dapat mong iugnay ang iyong mga panalangin sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at kapag nagdarasal ka, sabihin mo sa Diyos ang nasasaloob mo.

4. Ang panalangin ng grupo ay kailangang may isang bagay na pinagtutuunan, na kinakailangan ay ang kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu.

5. Kailangang matutuhan ng lahat ng tao ang panalangin ng pamamagitan. Isang paraan din ito ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos.

Ang buhay ng panalangin ng indibiduwal ay batay sa pagkaunawa sa kabuluhan ng panalangin at sa pangunahing kaalaman tungkol sa panalangin. Sa pang-araw-araw na buhay, kailangang madalas na ipagdasal ang sarili mong mga pagkukulang, ipagdasal na magkaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, at magdasal batay sa iyong kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos. Dapat magtatag ang bawat tao ng kanilang sariling buhay ng panalangin, dapat silang manalangin para malaman ang mga salita ng Diyos, at dapat silang manalangin upang maghangad ng kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos. Ihayag ang iyong personal na sitwasyon sa harap ng Diyos at magpakatotoo nang hindi nababahala sa paraan ng iyong pagdarasal, at ang pinakamahalaga ay magtamo ng tunay na pagkaunawa, at magtamo ng tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos. Ang isang taong nagsisikap na makapasok sa espirituwal na buhay ay kailangang manalangin sa maraming iba’t ibang paraan. Tahimik na panalangin, pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos, pag-alam sa gawain ng Diyos—lahat ng ito ay mga halimbawa ng makabuluhang gawain ng espirituwal na pagbabahagi para makapasok sa normal na espirituwal na buhay, na laging nagpapainam sa mga kalagayan ng isang tao sa harap ng Diyos at nagtutulak sa kanya na mas umunlad sa buhay. Sa madaling salita, lahat ng ginagawa mo, kumakain at umiinom ka man ng mga salita ng Diyos, o tahimik na nagdarasal, o nagpapahayag nang malakas, ay para malinaw mong makita ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang gawain, at ang nais Niyang matamo sa iyo. Ang mas mahalaga, lahat ng ginagawa mo ay ginagawa para maabot ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos at mas bumuti ang buhay mo. Ang pinakamaliit na hinihingi ng Diyos sa tao ay na magawa niyang buksan ang kanyang puso sa Kanya. Kung ibinibigay ng tao ang kanyang tunay na puso sa Diyos at sinasabi sa Diyos ang tunay na nilalaman ng puso niya, handa ang Diyos na gumawa sa kanya. Ang gusto ng Diyos ay hindi ang baluktot na puso ng tao, kundi ang isang dalisay at tapat na puso. Kung hindi magsasalita ang tao sa Diyos mula sa kanyang puso, hindi aantigin ng Diyos ang kanyang puso o gagawa sa kanya. Kaya naman, ang pinakabuod ng panalangin ay ang kausapin ang Diyos mula sa iyong puso, na sinasabi sa Kanya ang iyong mga pagkukulang o ang tungkol sa iyong mapanghimagsik na disposisyon, ganap na ihinahayag ang iyong sarili sa Kanyang harapan; saka lamang magiging interesado ang Diyos sa iyong mga dalangin, kung hindi, itatago Niya ang Kanyang mukha mula sa iyo. Ang pinakamababang saligan para sa panalangin ay kailangan mong mapanatiling tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at hindi ito dapat lumayo mula sa Diyos. Maaaring sa panahong ito ay hindi ka nagtatamo ng mas bago o mas mataas na kabatiran, ngunit sa gayon ay kailangan mong manalangin upang mapanatili ang iyong katayuan—hindi ka dapat bumalik sa dati. Ito ang pinakamababang kailangan mong makamtan. Kung kahit ito ay hindi mo kayang isakatuparan, pinatutunayan nito na ang iyong espirituwal na buhay ay wala sa tamang landas. Dahil dito, hindi mo magagawang kapitan ang una mong pananaw, mawawalan ka ng pananampalataya sa Diyos, at sa bandang huli ay mapapawi ang iyong kapasyahan. Ang isang tanda kung nakapasok ka na sa espirituwal na buhay o hindi pa ay ang tingnan kung ang iyong mga panalangin ay nasa tamang landas. Kailangang pasukin ng lahat ng tao ang realidad na ito; kailangan nilang lahat na sadyang sanayin ang kanilang sarili sa pagdarasal, hindi sa paghihintay nang walang kibo, kundi sadyang hangarin na maantig ng Banal na Espiritu. Saka lamang sila magiging mga tao na tunay na naghahangad sa Diyos.

Kapag nagsimula kang manalangin, huwag kang magmalabis at umasang makamit ang lahat nang sabay-sabay. Hindi ka maaaring humiling nang sobra-sobra, na umaasa na sa sandaling ibuka mo ang iyong bibig ay aantigin ka ng Banal na Espiritu, o na tatanggap ka ng kaliwanagan at pagtanglaw, o na pagkakalooban ka ng Diyos ng biyaya. Hindi mangyayari iyan; hindi gumagawa ang Diyos ng mga bagay na mahimala. Ipinagkakaloob ng Diyos ang mga panalangin ng mga tao sa Kanyang sariling panahon, at kung minsan ay sinusubok Niya ang iyong pananampalataya upang makita kung ikaw ay tapat sa Kanyang harapan. Kapag nagdarasal ka kailangan ay mayroon kang pananampalataya, pagtitiyaga, at pagpapasya. Karamihan sa mga tao, kapag nagsisimula pa lamang silang magsanay, ay pinanghihinaan ng loob dahil hindi sila naaantig ng Banal na Espiritu. Hindi ito maaari! Kailangan kang magtiyaga; kailangan kang magtuon sa pagdama sa pag-antig ng Banal na Espiritu at sa paghahanap at pagsasaliksik. Kung minsan, ang landas ng iyong pagsasagawa ay hindi tama, at kung minsan, ang iyong personal na mga motibo at kuru-kuro ay hindi mo mapanindigan sa harap ng Diyos, kaya hindi ka naaantig ng Espiritu ng Diyos. Sa ibang mga pagkakataon, tinitingnan ng Diyos kung ikaw ay tapat o hindi. Sa madaling salita, sa pagsasanay, dapat kang maglaan ng higit na pagsisikap. Kung matuklasan mo na lumilihis ka ng landas sa iyong pagsasagawa, maaari mong baguhin ang paraan ng iyong pagdarasal. Hangga’t taos-puso kang naghahangad at nasasabik na tumanggap, tiyak na dadalhin ka ng Banal na Espiritu sa ganitong realidad. Kung minsan nagdarasal ka nang taos-puso ngunit parang hindi mo nadarama na naantig ka talaga. Sa mga panahong kagaya nito kailangan mong umasa sa pananampalataya, na nagtitiwala na nakabantay ang Diyos sa iyong mga dalangin; kailangan mong magtiyaga sa iyong mga panalangin.

Maging matapat ka; manalangin ka sa Diyos na alisin ang panlilinlang sa puso mo. Dalisayin mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng panalangin sa lahat ng oras, maantig ka ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin, at unti-unting magbabago ang iyong disposisyon. Ang tunay na espirituwal na buhay ay isang buhay ng panalangin—ito ay isang buhay na inaantig ng Banal na Espiritu. Ang proseso ng pag-antig ng Banal na Espiritu ay ang proseso ng pagbabago ng disposisyon ng tao. Ang buhay na hindi inaantig ng Banal na Espiritu ay hindi isang espirituwal na buhay, kundi isang buhay lamang ng relihiyosong ritwal. Yaon lamang mga madalas inaantig ng Banal na Espiritu, at naliliwanagan at tinatanglawan ng Banal na Espiritu, ang nakapasok na sa espirituwal na buhay. Ang disposisyon ng tao ay patuloy na nagbabago habang siya ay nagdarasal. Kapag lalo siyang inaantig ng Espiritu ng Diyos, lalo siyang nagiging aktibo at masunurin. Kaya unti-unti ring madadalisay ang kanyang puso, at unti-unting magbabago ang kanyang disposisyon. Ganyan ang epekto ng tunay na panalangin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Mag-iwan ng Tugon