Kapag kinakausap ng mga tao ang Diyos gamit ang kanilang mga puso, kapag nagagawa ng kanilang mga puso na ganap na bumaling sa Kanya, ito ang unang hakbang sa pag-ibig ng tao para sa Diyos. Kung nais mong ibigin ang Diyos, kailangan mo munang magawang ibaling ang iyong puso sa Kanya. Ano ang pagbaling ng iyong puso sa Diyos? Ito ay kapag ang lahat ng iyong hinahangad sa iyong puso ay para sa kapakanan ng pag-ibig at pagkakamit sa Diyos. Ipinakikita nito na ganap mo nang naibaling ang iyong puso sa Diyos. Maliban sa Diyos at sa Kanyang mga salita, halos wala nang ibang nasa iyong puso (pamilya, kayamanan, asawang lalaki, asawang babae, mga anak, atbp.). Kung mayroon man, hindi makakapanahan ang gayong mga bagay sa iyong puso, at hindi mo iniisip ang mga inaasahan mo sa iyong hinaharap kundi hinahangad lamang ang pag-ibig sa Diyos. Sa gayong pagkakataon ay naibaling mo na nang ganap ang iyong puso sa Diyos. Ipagpalagay mong gumagawa ka pa rin ng mga plano para sa iyong sarili sa iyong puso at palaging hinahangad ang pansariling pakinabang, palaging iniisip: “Kailan kaya ako makagagawa ng munting kahilingan sa Diyos? Kailan kaya yayaman ang aking pamilya? Paano kaya ako makakakuha ng ilang magagandang damit? …” Kung ikaw ay nabubuhay sa gayong kalagayan, ipinakikita nito na ang iyong puso ay hindi pa ganap na nakabaling sa Diyos. Kung taglay mo lamang ang mga salita ng Diyos sa iyong puso at nagagawa mong manalangin sa Diyos at maging malapit sa Kanya sa lahat ng pagkakataon—na parang napakalapit Niya sa iyo, na parang ang Diyos ay nasa loob mo at ikaw ay nasa loob Niya—kung ikaw ay nasa gayong uri kalagayan, nangangahulugan ito na ang iyong puso ay nasa presensya na ng Diyos. Kung ikaw ay nananalangin sa Diyos at kinakain at iniinom mo ang Kanyang mga salita araw-araw, palaging iniisip ang gawain ng iglesia, at kung nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, ginagamit ang iyong puso upang ibigin Siya nang tunay at bigyang-kaluguran ang Kanyang puso, ang iyong puso ay magiging pag-aari ng Diyos. Kung ang iyong puso ay pinananahanan ng maraming ibang bagay, ito ay pinananahanan pa rin ni Satanas at ito ay hindi pa tunay na nakabaling sa Diyos. Kapag ang puso ng isang tao ay tunay na nakabaling na sa Diyos, magkakaroon sila ng tunay at kusang pag-ibig sa Kanya at magagawang isaalang-alang ang gawain ng Diyos. Bagama’t maaari pa rin silang magkaroon ng mga sandali ng kahangalan at kawalan ng katwiran, nagpapakita sila ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng bahay ng Diyos, sa Kanyang gawain, at sa sarili nilang pagbabago ng disposisyon, at malinis ang intensyon nila. May mga taong palaging sinasabi na lahat ng ginagawa nila ay para sa iglesia gayong, ang totoo, gumagawa sila para sa sariling pakinabang. Ang mga taong tulad nito ay nagtataglay ng maling uri ng layunin. Sila ay buktot at mapanlinlang at karamihan sa mga bagay na kanilang ginagawa ay para sa kanilang sariling pakinabang. Hindi hinahangad ng ganitong uri ng tao ang pag-ibig sa Diyos; ang kanilang puso ay pag-aari pa rin ni Satanas at hindi makakabaling sa Diyos. Sa gayon, walang paraan ang Diyos upang matamo ang ganitong uri ng tao.
Kung nais mong ibigin nang tunay ang Diyos at makamit Niya, ang unang hakbang ay ang ganap na ibaling ang iyong puso sa Diyos. Sa bawat bagay na iyong ginagawa, siyasatin mo ang iyong sarili at itanong: “Ginagawa ko ba ito batay sa isang pusong may pag-ibig sa Diyos? Mayroon bang anumang pansariling hangarin sa likod nito? Ano ba ang aking tunay na layunin sa paggawa nito?” Kung nais mong ibigay ang iyong puso sa Diyos, kailangan mo munang supilin ang iyong sariling puso, bitiwan ang lahat ng iyong sariling hangarin, at tamuhin ang kalagayan ng pagiging ganap na para sa Diyos. Ito ang landas ng pagsasagawa ng pagbibigay ng iyong puso sa Diyos. Ano ang tinutukoy ng pagsupil sa sariling puso ng isang tao? Ito ay ang pagbitiw sa maluluhong pagnanasa ng laman ng tao, ang hindi pag-iimbot ng kaginhawahan o ng mga biyaya ng katayuan. Ito ay ang paggawa ng lahat upang bigyang-kaluguran ang Diyos, at ang paggawa sa puso ng isang tao na maging ganap na para sa Kanya, hindi para sa kanyang sarili. Sapat na ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Pag-ibig sa Diyos ay Kusa