Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 542

765 2020-11-02

Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas bibigat ang iyong pasanin, at kapag mas mabigat ang iyong pasanin, mas yayaman ang iyong karanasan. Kapag isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, bibigyan ka ng Diyos ng isang pasanin, at pagkatapos ay liliwanagan ka tungkol sa mga gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag ibinigay ng Diyos ang pasaning ito sa iyo, papansinin mo ang lahat ng nauugnay na katotohanan habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos. Kung mayroon kang pasanin na may kaugnayan sa kalagayan sa buhay ng iyong mga kapatid, ito ay isang pasanin na naipagkatiwala sa iyo ng Diyos, at palagi mong dadalhin ang pasaning ito sa iyong mga dalangin sa araw-araw. Ang ginagawa ng Diyos ay naipagkatiwala na sa iyo, at handa kang isakatuparan yaong nais gawin ng Diyos; ito ang ibig sabihin ng dalhin na parang iyo ang pasanin ng Diyos. Sa puntong ito, sa iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa ganitong klase ng mga isyu, at iisipin mo, Paano ko lulutasin ang mga problemang ito? Paano ko mabibigyan ng kakayahan ang aking mga kapatid na magkamit ng paglaya at makasumpong ng espirituwal na kasiyahan? Magtutuon ka rin sa paglutas ng mga problemang ito habang nakikibahagi, at habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa pagkain at pag-inom ng mga salitang nauugnay sa mga isyung ito. Magdadala ka rin ng isang pasanin habang kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita. Kapag naunawaan mo na ang mga hinihingi ng Diyos, magkakaroon ka ng mas malinaw na ideya tungkol sa landas na tatahakin. Ito ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu na dulot ng iyong pasanin, at ito rin ang patnubay na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo. Bakit Ko sinasabi ito? Kung wala kang pasanin, hindi ka magbibigay-pansin habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos; kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos habang nagdadala ng isang pasanin, mauunawaan mo ang diwa ng mga ito, mahahanap ang iyong daan, at isasaisip ang kalooban ng Diyos. Samakatuwid, sa iyong mga dalangin, dapat mong hilingin na dagdagan ng Diyos ang iyong mga pasanin at ipagkatiwala sa iyo ang mas mabibigat na gawain, para sa hinaharap, maaari kang magkaroon ng iba pang landas ng pagsasagawa; para ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay magkaroon ng mas matinding epekto; para maunawaan mo ang diwa ng Kanyang mga salita; at para mas makayanan mong maantig ng Banal na Espiritu.

Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pananalangin, pagtanggap ng pasanin ng Diyos, at pagtanggap ng mga gawaing ipinagkakatiwala Niya sa iyo—lahat ng ito ay para mayroong landas sa iyong harapan. Kapag mas mabigat ang pasaning ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, mas madali ka Niyang mapeperpekto. Ayaw makipagtulungan ng ilan sa iba sa paglilingkod sa Diyos, kahit natawag sila; tamad ang mga taong ito na nais lamang magsaya sa kaginhawahan. Kapag mas pinaglilingkod ka sa pakikipagtulungan sa iba, mas marami kang mararanasan. Dahil mas marami kang pasanin at karanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto. Samakatuwid, kung kaya mong paglingkuran nang tapat ang Diyos, isasaisip mo ang pasanin ng Diyos; dahil diyan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto ng Diyos. Ang gayong grupo lamang ng mga tao ang kasalukuyang pineperpekto. Kapag mas inaantig ka ng Banal na Espiritu, mas maraming panahon kang iuukol sa pagsasaisip sa pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, at mas makakamit ka Niya—hanggang, sa bandang huli, magiging isang tao ka na kinakasangkapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili? Kung ikaw ay isang tao na isinasaisip ang kalooban ng Diyos, makakabuo ka ng tunay na pasanin para sa iglesia. Sa katunayan, sa halip na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iglesia, mas mainam na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iyong sariling buhay, dahil ang layunin ng pasaning ito na binubuo mo para sa iglesia ay para magamit mo ang gayong mga karanasan upang maperpekto ka ng Diyos. Samakatuwid, sinuman ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin para sa iglesia, at sinuman ang nagdadala ng isang pasanin para makapasok sa buhay—sila ang magiging mga taong pineperpekto ng Diyos. Malinaw na ba ito sa iyo? Kung ang iglesiang kinabibilangan mo ay nakakalat na parang buhangin, ngunit hindi ka nag-aalala ni nababahala, at nagbubulag-bulagan ka pa kapag hindi normal na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang iyong mga kapatid, hindi ka nagdadala ng anumang mga pasanin. Ang gayong mga tao ay hindi ang klaseng kinatutuwaan ng Diyos. Ang klase ng mga taong kinatutuwaan ng Diyos ay nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran at isinasaisip ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, dapat ninyong isaisip ang pasanin ng Diyos, ngayon mismo; hindi ninyo dapat hintaying ihayag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa buong sangkatauhan bago ninyo isaisip ang pasanin ng Diyos. Hindi ba magiging huli na ang lahat sa oras na iyon? Ngayon ang magandang pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong makalagpas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay, gaya noong hindi nagawang pumasok ni Moises sa magandang lupain ng Canaan at pinagsisihan niya ito habambuhay, at namatay nang may taos na pagsisisi. Kapag naihayag na ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa lahat ng bayan, mapupuspos ka ng pagsisisi. Kahit hindi ka kastiguhin ng Diyos, kakastiguhin mo ang iyong sarili dahil sa sarili mong taos na pagsisisi. Hindi kumbinsido rito ang ilan, ngunit kung hindi ka naniniwala rito, maghintay ka lang at makikita mo. May ilang tao na ang tanging layunin ay tuparin ang mga salitang ito. Handa ka bang isakripisyo ang sarili mo para sa mga salitang ito?

Kung hindi ka naghahanap ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos, at kung hindi ka nagpupunyaging makaungos sa grupo sa paghahangad mong maperpekto, sa bandang huli ay mapupuspos ka ng pagsisisi. Ngayon ang pinakamainam na pagkakataong maperpekto; ngayon ay napakagandang panahon. Kung hindi mo marubdob na hinahangad na maperpekto ng Diyos, kapag nagwakas na ang Kanyang gawain, magiging huli na ang lahat—nalagpasan ka na ng pagkakataon. Gaano man kadakila ang iyong mga hangarin, kung hindi na gumaganap ng gawain ang Diyos, anuman ang gawin mo, hindi ka na kailanman mapeperpekto. Kailangan mong samantalahin ang pagkakataong ito at makipagtulungan habang ginagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang dakilang gawain. Kung makalagpas sa iyo ang pagkakataong ito, hindi ka na mabibigyan ng isa pa, anuman ang gawin mo. Ang ilan sa inyo ay tumatawag, “Diyos ko, handa akong isaisip ang Iyong pasanin, at handa akong palugurin ang Iyong kalooban!” Gayunman, wala kang landas upang magsagawa, kaya hindi magtatagal ang iyong mga pasanin. Kung may isang landas sa iyong harapan, magkakaroon ka ng karanasan nang paisa-isang hakbang, at ang iyong karanasan ay magiging planado at maayos. Kapag natapos na ang isang pasanin, bibigyan ka ng isa pa. Habang lumalalim ang iyong karanasan sa buhay, mas lalalim din ang iyong mga pasanin. Ang ilang tao ay nagdadala lamang ng isang pasanin kapag inantig ng Banal na Espiritu; pagkaraan ng kaunting panahon, kapag wala na silang landas ng pagsasagawa, tumitigil silang magdala ng anumang mga pasanin. Hindi ka magkakaroon ng mga pasanin sa pagkain at pag-inom lamang ng mga salita ng Diyos. Sa pag-unawa sa maraming katotohanan, magkakaroon ka ng paghiwatig, matututo kang lumutas ng mga problema gamit ang katotohanan, at magkakaroon ka ng mas tumpak na pagkaunawa tungkol sa mga salita at kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng dadalhing mga pasanin, at saka mo lamang magagawang gampanan ang gawain nang wasto. Kung mayroon kang isang pasanin, ngunit wala kang malinaw na pagkaunawa sa katotohanan, hindi rin maaari iyan; kailangan mong maranasan mismo ang mga salita ng Diyos at malaman kung paano isagawa ang mga ito. Matapos kang makapasok sa realidad, saka ka lamang maaaring maglaan para sa iba, manguna sa iba, at maperpekto ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto

Mag-iwan ng Tugon