Si Jesus ay Kumain ng Tinapay at ipinaliwanag ang mga Kasulatan Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli
Si Jesus ay Kumain ng Tinapay at Ipinaliwanag ang mga Kasulatan Pagkatapos ng Kanyang Muling Pagkabuhay
Lucas 24:30–32 At nangyari, nang Siya’y nakaupo na kasalo nila sa dulang ng pagkain, ay Kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan; at ito’y pinagputol-putol, at ibinigay sa kanila. At nangabuksan ang kanilang mga mata, at Siya’y nakilala nila; at Siya’y nawala sa kanilang mga paningin. At sila-sila’y nangagsabihan, “Hindi baga nag-aalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo’y kinakausap Niya sa daan, at habang binubuksan Niya sa atin ang mga kasulatan?”
Binigyan ng mga Disipulo si Jesus ng Inihaw na Isda Upang Kainin
Lucas 24:36–43 At samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, Siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila’y nagsabi, “Kapayapaa’y sumainyo.” Datapuwat sila’y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu. At sinabi Niya sa kanila, “Bakit kayo’y nangagugulumihanan? At bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso? Tingnan ninyo ang Aking mga kamay at ang Aking mga paa, na Ako nga ito: hipuin ninyo Ako, at tingnan; sapagkat ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa Akin.” At pagkasabi Niya nito, ay ipinakita Niya sa kanila ang Kanyang mga kamay at ang Kanyang mga paa. At samantalang hindi pa sila nagsisisampalataya dahil sa galak, at nagsisipanggilalas, ay sinabi Niya sa kanila, “Mayroon baga kayo ritong anumang makakain? At binigyan nila Siya ng isang putol na isdang inihaw, at ng pulot-pukyutan.” At Kanyang inabot yaon, at kumain sa harap nila.
Sunod, titingnan natin ang mga talata ng kasulatan sa itaas. Ang unang sipi ay isang pagsasalaysay tungkol sa Panginoong Jesus na kumakain ng tinapay at ipinaliliwanag ang mga kasulatan pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, at ang ikalawang talata ay isang pagsasalaysay tungkol sa Panginoong Jesus na kumakain ng isdang inihaw. Paano nakatutulong ang dalawang talatang ito na makilala ang disposisyon ng Diyos? Maiisip ba ninyo ang uri ng larawan na makukuha ninyo mula sa mga paglalarawang ito sa Panginoong Jesus na kumakain ng tinapay at pagkatapos ay ng inihaw na isda? Maiisip ba ninyo, kung ang Panginoong Jesus ay nakatayo sa harapan ninyo na kumakain ng tinapay, ano kaya ang maaaring naramdaman ninyo? O kung Siya ay kumakaing kasama ninyo sa iisang mesa, kumakain ng isda at tinapay kasama ng mga tao, anong uri ng damdamin ang magkakaroon ka sa sandaling iyon? Kung mararamdaman mong napakalapit mo sa Panginoon, na Siya ay napakatalik sa iyo, tama ang pakiramdam na ito. Ito mismo ang bunga na ninais idulot ng Panginoong Jesus sa pagkain ng tinapay at ng isda sa harap ng mga taong nagtipon matapos Siyang muling mabuhay. Kung ang Panginoong Jesus ay nagsalita lang sa mga tao pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, kung hindi nila nadama ang Kanyang laman at mga buto, bagkus ay nadama na Siya ay isang hindi maabot na Espiritu, ano kaya ang naramdaman nila? Hindi ba sila mabibigo? Sa pagkadama ng pagkabigo, hindi ba madarama ng mga tao na sila ay iniwanan? Hindi ba nila madarama ang agwat sa pagitan ng kanilang mga sarili at ng Panginoong Jesucristo? Ano kayang uri ng negatibong epekto ang malilikha ng agwat na ito sa kaugnayan ng mga tao sa Diyos? Tiyak na natakot sana ang mga tao, na hindi sila nangahas na lumapit sa Kanya, at sa gayon ay nagkaroon sana sila ng saloobin na panatilihin Siya sa malayo. Magmula noon, pinutol na sana nila ang kanilang malapit na ugnayan sa Panginoong Jesucristo at nagbalik sa isang ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos na nasa itaas ng langit gaya ng dati bago ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang espirituwal na katawan na hindi nahahawakan o nadarama ng mga tao ay nagdulot sana ng paglalaho ng kanilang pagiging malapit sa Diyos, at naging sanhi rin sana ito na ang malapit na ugnayang iyon, na itinatag sa panahon na ang Panginoong Jesucristo ay nasa katawang-tao, na walang agwat sa pagitan Niya at ng mga tao, na tumigil sa pag-iral. Ang tanging mga bagay na napukaw sa mga tao ng espirituwal na katawan ay mga damdamin ng takot, pag-iwas, at isang walang imik na pagtitig. Hindi sana sila nangahas na lumapit o makipag-usap sa Kanya, lalo na ang sumunod, magtiwala, o tumingala sa Kanya. Hindi ninais ng Diyos na makita ang ganitong uri ng damdaming mayroon ang mga tao para sa Kanya. Ayaw Niyang makita ang mga tao na iniiwasan Siya o inilalayo ang kanilang mga sarili mula sa Kanya; ninais lang Niya na maunawaan Siya ng mga tao, na lumapit sa Kanya, at maging Kanyang pamilya. Kung ang iyong sariling pamilya, ang iyong mga anak, ay nakita ka ngunit hindi ka nakilala, at hindi nangahas na lumapit sa iyo bagkus ay palaging umiiwas sa iyo, kung hindi mo magawang makamit ang kanilang pagkaunawa sa lahat ng iyong ginawa para sa kanila, ano kaya ang mararamdaman mo? Hindi ba ito magiging masakit? Hindi ba madudurog ang iyong puso? Iyan mismo ang nadarama ng Diyos kapag iniiwasan Siya ng mga tao. Kaya, pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, nagpakita pa rin ang Panginoong Jesus sa mga tao sa Kanyang anyo ng laman at dugo, at kumain at uminom pa ring kasama nila. Itinuturing ng Diyos na pamilya ang mga tao, at nais din ng Diyos na makita Siya ng sangkatauhan bilang ang Isa na pinakamamahal nila; sa ganitong paraan lang tunay na makakamit ng Diyos ang mga tao, at sa ganitong paraan lang tunay na maiibig at masasamba ng mga tao ang Diyos. Ngayon, nauunawaan ba ninyo ang Aking layunin sa pagkuha sa dalawang talatang ito ng kasulatan kung saan ang Panginoong Jesus ay kumakain ng tinapay at ipinaliliwanag ang mga kasulatan pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, at kung saan binigyan Siya ng mga disipulo ng inihaw na isda para kainin?
Masasabi na taimtim na kaisipan ang inilagak sa sunud-sunod na mga bagay na sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. Ang mga bagay na ito ay puno ng kabutihan at pagmamahal na pinanghawakan ng Diyos tungo sa sangkatauhan, at puno rin ng pagtatangi at mabusising pangangalaga na mayroon Siya para sa malapit na ugnayang naitatag Niya sa sangkatauhan sa panahong nasa katawang-tao pa Siya. Bukod pa rito, puno ang mga ito ng pananabik sa nakaraan at ng pag-aasam na nadama Niya para sa Kanyang buhay na kumakain at namumuhay kasama ng Kanyang mga tagasunod sa panahong nasa katawang-tao pa Siya. Kaya, hindi nais ng Diyos na makadama ang mga tao ng distansya sa pagitan ng Diyos at ng tao, ni ninais Niyang ilayo ng sangkatauhan ang kanilang mga sarili mula sa Diyos. Higit pa rito, hindi Niya nais na madama ng sangkatauhan na ang Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay ay hindi na ang Panginoon na naging napakalapit sa mga tao, na hindi na Siya kasama ng sangkatauhan sapagkat nagbalik na Siya sa espirituwal na daigdig, nagbalik na sa Ama na hindi kailanman makikita o maabot ng mga tao. Ayaw Niyang madama ng mga tao na may anumang umusbong na pagkakaiba sa katayuan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan. Kapag nakikita ng Diyos ang mga tao na nais sumunod sa Kanya ngunit pinananatili Siya sa malayo, nagdurusa ang Kanyang puso sapagkat nangangahulugan iyon na napakalayo ng kanilang mga puso sa Kanya at na magiging napakahirap para sa Kanya na makamit ang kanilang mga puso. Kaya kung Siya ay nagpakita sa mga tao sa isang espirituwal na katawan na hindi nila nakikita o nahahawakan, muli sana nitong inilayo ang tao mula sa Diyos, at maaaring umakay ito sa sangkatauhan na magkamaling makita si Cristo pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay bilang naging napakatayog, na naiiba ang uri kaysa sa mga tao, at isang hindi na makikisalo sa mesa at kakain kasama ng tao sapagkat ang mga tao ay makasalanan, marumi, at hindi kailanman magiging malapit sa Diyos. Upang maalis ang ganitong maling mga pagkaunawa ng sangkatauhan, nagsagawa ang Panginoong Jesus ng ilang bagay na dati Niyang ginagawa sa katawang-tao, gaya nang nakatala sa Bibliya: “Kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan; at ito’y pinagputol-putol, at ibinigay sa kanila.” Ipinaliwanag din Niya ang mga kasulatan sa kanila, gaya ng nakagawian Niya dati. Ang lahat ng ito na ginawa ng Panginoong Jesus ang nagpadama sa bawat taong nakakita sa Kanya na ang Panginoon ay hindi nagbago, na Siya pa rin ang dating Panginoong Jesus. Bagaman ipinako Siya sa krus at nakaranas ng kamatayan, Siya ay muling nabuhay, at hindi iniwanan ang sangkatauhan. Nagbalik Siya upang makasama ang mga tao, at walang nagbagong anuman sa Kanya. Ang Anak ng tao na nakatayo sa harapan ng mga tao ay ang dati pa ring Panginoong Jesus. Ang Kanyang pagkilos at ang Kanyang paraan ng pakikipag-usap sa mga tao ay napakapamilyar. Puno pa rin Siya ng kagandahang-loob, biyaya, at pagpaparaya—Siya pa rin ang dating Panginoong Jesus na minahal ang iba gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang sarili, na kayang magpatawad sa sangkatauhan ng pitumpu’t pitong ulit. Gaya ng dati, kumain Siyang kasalo ng mga tao, tinalakay ang mga kasulatan kasama nila, at higit pang mas mahalaga, gaya noong una, Siya ay binubuo ng laman at dugo at mahahawakan at makikita. Ang Anak ng tao na gaya ng dati ang nagpahintulot sa mga tao na madama ang matalik na ugnayan, na maging panatag, at na madama ang kagalakan ng muling pagkakamit ng isang bagay na matagal nang nawala. Nang may malaking kapanatagan, buong tapang at buong pagtitiwala silang nagsimulang umasa at tumingala sa Anak ng tao na ito na kayang magpatawad sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Nagsimula rin silang manalangin sa ngalan ng Panginoong Jesus nang walang pag-aalinlangan, na manalangin upang matamo ang Kanyang biyaya, ang Kanyang pagpapala, at upang matamo ang kapayapaan at ang kagalakang mula sa Kanya, upang makamit ang pangangalaga at pag-iingat mula sa Kanya, at nagsimula silang magpagaling ng may sakit at magpalayas ng mga demonyo sa ngalan ng Panginoong Jesus.
Sa panahong gumawa ang Panginoong Jesus sa katawang-tao, karamihan sa Kanyang mga tagasunod ay hindi magawang ganap na matiyak ang Kanyang pagkakakilanlan at ang mga bagay na sinabi Niya. Nang papalapit na Siya sa krus, ang saloobin ng Kanyang mga tagasunod ay ang magmasid. Pagkatapos, mula nang ipinako Siya sa krus hanggang sa inilagak Siya sa libingan, ang saloobin ng mga tao tungo sa Kanya ay pagkabigo. Sa panahong ito, nagsimula nang kumilos ang mga tao sa kanilang mga puso mula sa pagdududa sa mga bagay na sinabi ng Panginoong Jesus sa Kanyang panahon sa katawang-tao tungo sa lubusang pagkakaila sa mga ito. Pagkatapos, nang lumabas Siya mula sa libingan at nagpakita sa mga tao isa-isa, ang karamihan sa mga nakakita sa Kanya sa kanilang sariling mga mata o nakarinig sa balita ng Kanyang muling pagkabuhay ay unti-unting nagbago ng kanilang saloobin mula sa pagkakaila tungo sa pag-aalinlangan. Noon lang pinahintulutan ng Panginoong Jesus na ilagay ni Tomas ang kanyang kamay sa Kanyang tagiliran, at noong nagputol-putol Siya ng tinapay at kinain ito sa harap ng madla pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay at nagpatuloy upang kumain ng inihaw na isda sa harap nila, na tunay nilang natanggap ang katotohanan na ang Panginoong Jesus ang Cristo sa katawang-tao. Masasabi na parang ang espirituwal na katawang ito ng laman at dugo na nakatayo noon sa harap ng mga taong iyon ay ginigising ang bawat isa sa kanila mula sa isang panaginip: Ang Anak ng tao na nakatayo sa harapan nila ay ang Isa na umiiral na mula’t sapol. Mayroon Siyang anyo, at laman at mga buto, at namuhay at kumain na Siyang kasama ng sangkatauhan sa mahabang panahon…. Sa panahong ito, naramdaman ng mga tao na ang Kanyang pag-iral ay talagang totoo, at tunay na nakamamangha. Kasabay nito, sila rin ay talagang nagagalak at masaya, at puno ng emosyon. Ang Kanyang muling pagpapakita ang nagpahintulot sa mga tao na tunay na makita ang Kanyang pagpapakumbaba, na madama ang Kanyang pagiging malapit at pagkagiliw sa sangkatauhan, at na madama kung gaano Niya iniisip ang mga ito. Ang maigsing muling-pagkikitang ito ang nagdulot sa mga taong nakakita sa Panginoong Jesus na madama na parang isang habambuhay na ang nakalipas. Ang kanilang naliligaw, nalilito, natatakot, nababalisa, naghahangad at manhid na mga puso ay nakasumpong ng kaaliwan. Hindi na sila nagdududa o bigo, sapagkat naramdaman nila na ngayon ay mayroon nang pag-asa at isang bagay na maaasahan. Ang Anak ng tao na nakatayo noon sa kanilang harapan ay magiging kanilang bantay sa likuran magpakailanman; Siya ang kanilang magiging matibay na moog, kanilang kanlungan magpakailanman.
Bagaman muling nabuhay ang Panginoong Jesus, hindi iniwanan ng Kanyang puso at ng Kanyang gawain ang sangkatauhan. Sa pagpapakita sa mga tao, sinabi Niya sa kanila na sa anumang anyo Siya umiiral, sasamahan Niya ang mga tao, lalakad kasama nila, at sasakanila sa lahat ng oras at sa lahat ng dako. Sinabi Niya sa kanila na sa lahat ng oras at sa lahat ng dako ay magtutustos Siya sa sangkatauhan at magpapastol sa kanila, tutulutan silang makita at mahawakan Siya, at titiyakin na hindi na nila kailanman mararamdaman ang kawalang-pag-asa. Ninais din ng Panginoong Jesus na malaman ng mga tao na hindi sila nabubuhay nang mag-isa sa mundong ito. Ang sangkatauhan ay may pagmamalasakit ng Diyos; kasama nila ang Diyos. Palagi silang makaaasa sa Diyos, at Siya ay pamilya ng bawat isa sa Kanyang mga tagasunod. Nang may Diyos na masasandalan, hindi na magiging malungkot o mawawalang-pag-asa ang sangkatauhan, at yaong tumatanggap sa Kanya bilang kanilang handog para sa kasalanan ay hindi na matatali sa kasalanan. Sa mga mata ng tao, ang mga bahaging ito ng Kanyang gawain na isinakatuparan ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay ay masyadong maliliit na bagay, ngunit sa tingin Ko rito, ang bawat isang bagay na ginawa Niya ay lubhang makahulugan, napakahalaga, lubhang importante at punung-puno ng kahalagahan.
Bagaman ang panahon ng paggawa ng Panginoong Jesus sa katawang-tao ay puno ng mga paghihirap at pagdurusa, nagawa Niya nang ganap at perpekto ang Kanyang gawain sa panahong iyon sa katawang-tao na tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa Kanyang espirituwal na katawan ng laman at dugo. Sinimulan Niya ang Kanyang ministeryo sa pagiging-tao, at tinapos Niya ang Kanyang ministeryo sa pagpapakita sa sangkatauhan sa Kanyang anyo sa laman. Ipinahayag Niya ang Kapanahunan ng Biyaya, sinimulan ang bagong kapanahunan sa pamamagitan ng Kanyang pagkakakilanlan bilang Cristo. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkakakilanlan bilang Cristo, isinakatuparan Niya ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya at pinatibay at pinangunahan Niya ang lahat ng Kanyang mga tagasunod sa Kapanahunan ng Biyaya. Masasabi sa gawain ng Diyos na tinatapos Niya talaga ang sinisimulan Niya. May mga hakbang at isang plano, at ang gawain ay puno ng Kanyang karunungan, ng Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, ng Kanyang kamangha-manghang mga gawa, at ng Kanyang pag-ibig at habag. Mangyari pa, ang pinakadiwa na nagpapatakbo sa lahat ng gawain ng Diyos ay ang Kanyang pangangalaga sa sangkatauhan; ito ay nangingibabaw sa Kanyang mga damdamin ng pag-aalala na hindi Niya maisantabi kailanman. Sa mga talatang ito ng Bibliya, sa bawat isang bagay na ginawa ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, nabunyag ang hindi nagmamaliw na mga pag-asa at pag-aalala ng Diyos sa sangkatauhan, gayundin ang Kanyang mabusising pangangalaga at pagtatangi sa sangkatauhan. Walang anuman dito ang nagbago kailanman, hanggang sa kasalukuyan—nakikita ba ninyo ito? Kapag nakikita ninyo ito, hindi ba mas napapalapit ang inyong puso sa Diyos nang di-napapansin? Kung kayo ay nabuhay sa kapanahunang iyon at nagpakita sa inyo ang Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay na sa isang nahahawakang anyo para inyong makita, at kung maupo Siya sa harapan ninyo, kumain ng tinapay at isda at ipinaliwanag ang mga kasulatan sa inyo, at nakipag-usap sa inyo, ano kaya ang mararamdaman ninyo? Masisiyahan ba kayo? O makokonsensiya kayo? Ang nakaraang mga maling pagkaunawa at pag-iwas sa Diyos, ang mga pagsalungat at mga pagdududa sa Diyos—hindi ba basta na lang maglalaho ang lahat ng mga ito? Hindi ba magiging mas normal at angkop ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao?
Sa pagpapakahulugan sa limitadong mga kabanatang ito ng Bibliya, nakasumpong ba kayo ng anumang mga kapintasan sa disposisyon ng Diyos? Nakasumpong ba kayo ng anumang pagbabanto sa pag-ibig ng Diyos? Nakakita ba kayo ng anumang panlilinlang o kasamaan sa walang hanggang kapangyarihan o karunungan ng Diyos? Siguradong hindi! Ngayon masasabi ba ninyo nang may katiyakan na ang Diyos ay banal? Masasabi ba ninyo nang may katiyakan na ang bawat isa sa mga damdamin ng Diyos ay paghahayag ng Kanyang diwa at disposisyon? Umaasa Ako na pagkatapos ninyong mabasa ang mga salitang ito, ang pagkaunawang nakamit ninyo mula sa mga ito ay makatutulong sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mga pakinabang sa paghahangad ninyo ng pagbabago sa disposisyon at pagkatakot sa Diyos, at na magbubunga ang mga ito sa inyo, bunga na lumalago araw-araw, upang sa proseso ng paghahangad na ito ay mas mapapalapit nang mapapalapit kayo sa Diyos, mas mapapalapit nang mapapalapit sa pamantayang hinihingi ng Diyos. Hindi na kayo maiinip sa paghahangad ng katotohanan at hindi na mararamdaman na ang paghahangad sa katotohanan at sa pagbabago sa disposisyon ay isang napakagulo o isang kalabisang bagay. Sa halip, nang nauudyukan ng pagpapahayag ng tunay na disposisyon ng Diyos at ng banal na diwa ng Diyos, aasamin ninyo ang liwanag, aasamin ang katarungan, nanaisin na hangarin ang katotohanan, na hangarin ang pagpapalugod sa kalooban ng Diyos, at magiging isang taong nakamit ng Diyos, magiging isang totoong tao.
Tinalakay natin sa araw na ito ang tungkol sa ilang bagay na ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya nang Siya ay nagkatawang-tao sa unang pagkakataon. Mula sa mga bagay na ito, nakita na natin ang disposisyon na Kanyang ipinahayag at ibinunyag sa katawang-tao, gayundin ang bawat aspeto ng kung anong mayroon at kung ano Siya. Ang lahat ng aspetong ito ng kung anong mayroon at kung ano Siya ay tila talagang nagawang pantao, ngunit ang realidad ay na ang diwa ng lahat ng Kanyang ibinunyag at ipinahayag ay di-maihihiwalay sa Kanyang sariling disposisyon. Bawat pamamaraan at bawat aspeto ng Diyos na nagkatawang-tao na nagpapahayag ng Kanyang disposisyon sa pagkatao ay lubhang nauugnay sa Kanyang sariling diwa. Kaya, napakahalaga na ang Diyos ay dumating sa sangkatauhan sa paraan ng pagkakatawang-tao. Mahalaga rin ang gawain na ginawa Niya sa katawang-tao, subalit higit pang mas mahalaga sa bawat taong nabubuhay sa laman, sa bawat taong nabubuhay sa katiwalian, ay ang mga disposisyon na ibinunyag Niya at ang kalooban na ipinahayag Niya. Ito ba ay isang bagay na kaya ninyong maunawaan? Pagkatapos maunawaan ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano Siya, nakagawa na ba kayo ng anumang mga konklusyon kung paano ninyo dapat tratuhin ang Diyos? Sa wakas, bilang tugon sa katanungang ito, nais Kong bigyan kayo ng tatlong payo: Una, huwag subukin ang Diyos. Gaano man ang iyong nauunawaan tungkol sa Diyos, gaano man karami ang iyong nalalaman tungkol sa Kanyang disposisyon, huwag na huwag mo Siyang subukin. Ikalawa, huwag makipagtunggali para sa katayuan sa Diyos. Anumang uri ng katayuan ang ibinibigay sa iyo ng Diyos o anumang uri ng gawain ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo, anumang uri ng tungkulin ang itinataas ka Niya upang isagawa, at gaano man kadami ang iyong ginugol at isinakripisyo para sa Diyos, lubos na huwag makipagtunggali para sa katayuan sa Kanya. Ikatlo, huwag makipagpaligsahan sa Diyos. Nauunawaan mo man o nakapagpapasakop ka man sa kung ano ang ginagawa ng Diyos sa iyo, kung ano ang isinasaayos Niya para sa iyo, at ang mga bagay na ibinibigay Niya sa iyo, lubos na huwag makipagpaligsahan sa Diyos. Kung makasusunod ka sa tatlong payong ito, ikaw ay magiging bahagyang ligtas, at hindi mo basta-basta magagalit ang Diyos. Dito natin tatapusin ang pagbabahagi sa araw na ito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III