Ang mga Salita ni Jesus sa Kanyang mga Disipulo Pagkatapos ng Kanyang Muling Pagkabuhay
Juan 20:26–29 At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang Kanyang mga disipulo, at kasama nila si Tomas: tapos dumating si Jesus, habang nakasara ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.” Nang magkagayo’y sinabi Niya kay Tomas, “Idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang Aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo ito sa Aking tagiliran: at huwag kang mawalan ng pananampalataya, kundi maniwala.” Sumagot si Tomas, at sa Kanya’y sinabi, “Panginoon ko at Diyos ko.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tomas, sapagkat Ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya.”
Juan 21:16–17 Sinabi Niya sa kanya muli sa ikalawang pagkakataon, “Simon anak ni Juan, Iniibig mo baga Ako?” Sinabi niya sa Kanya, “Oo, Panginoon; nalalaman mo na Kita’y iniibig.” Sinabi Niya sa kanya, “Alagaan mo ang Aking mga tupa.” Sinabi Niya sa kanya sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga Ako?” Nalumbay si Pedro sapagkat sa kaniya’y sinabi nang ikatlong ulit, “Iniibig mo baga Ako?” At sinabi niya sa Kanya, “Panginoon, nalalaman Mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman Mo na Kita’y iniibig.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakanin mo ang Aking mga tupa.”
Ang isinasalaysay ng mga talatang ito ay ang ilang bagay na ginawa at sinabi ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga disipulo pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. Una, tingnan natin ang anumang mga pagkakaiba na maaaring mayroon sa Panginoong Jesus bago at pagkatapos ng muling pagkabuhay. Siya pa rin ba ang parehong Panginoong Jesus ng nakaraang mga araw? Nilalaman ng mga kasulatan ang sumusunod na linyang naglalarawan sa Panginoong Jesus pagkatapos ng muling pagkabuhay: “Dumating si Jesus, habang nakasara ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, ‘Kapayapaan ang sumainyo.’” Napakalinaw na ang Panginoong Jesus sa panahong iyon ay hindi na nananahan sa isang makalamang katawan, bagkus ay nasa isang espirituwal na katawan na Siya ngayon. Ito ay dahil nahigitan na Niya ang mga limitasyon ng katawang-tao; kahit na nakasara ang pinto, makalalapit pa rin Siya sa mga tao at hahayaan silang makita Siya. Ito ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng Panginoong Jesus pagkatapos ng muling pagkabuhay at ng Panginoong Jesus na nabubuhay sa katawang-tao bago ang muling pagkabuhay. Bagaman walang pagkakaiba sa pagitan ng kaanyuan ng espirituwal na katawan sa sandaling iyon at ng kaanyuan ng Panginoong Jesus dati, ang Panginoong Jesus sa sandaling iyon ay naging parang isang estranghero sa mga tao, sapagkat naging espirituwal na katawan Siya pagkatapos na muling mabuhay mula sa kamatayan, at kung ihahambing sa Kanyang nakaraang katawang-tao, ang espirituwal na katawang ito ay lalong palaisipan at nakalilito sa mga tao. Lumikha rin ito ng mas malaking agwat sa pagitan ng Panginoong Jesus at ng mga tao, at nadama ng mga tao sa kanilang mga puso na ang Panginoong Jesus sa sandaling iyon ay naging higit na mahiwaga. Ang mga pagkaunawa at damdaming ito sa panig ng mga tao ay biglang nagdala sa kanila pabalik sa isang kapanahunan ng paniniwala sa isang Diyos na hindi nakikita o nahahawakan. Kaya, ang unang bagay na ginawa ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay ay tulutan ang lahat na makita Siya, na matiyak na umiiral Siya, at na matiyak ang katotohanan ng Kanyang muling pagkabuhay. Bukod pa rito, pinanumbalik ng pagkilos na ito ang Kanyang kaugnayan sa mga tao na tulad noong gumagawa pa Siya sa katawang-tao, noong Siya pa ang Cristo na nakikita at nahahawakan nila. Isang kinalabasan nito ay na walang pagdududa o anupaman ang mga tao na muling nabuhay ang Panginoong Jesus mula sa kamatayan pagkatapos na maipako sa krus, at wala rin silang pagdududa sa gawain ng Panginoong Jesus na tubusin ang sangkatauhan. Isa pang kinalabasan ay na ang katunayan ng pagpapakita ng Panginoong Jesus sa mga tao pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay at ang pagpapahintulot sa mga tao na makita at mahawakan Siya ay mahigpit na nagpatatag sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya, tinitiyak na, mula sa panahong ito, hindi na babalik ang mga tao sa nakaraang Kapanahunan ng Kautusan dahil sa ipinagpalagay na batayang “naglaho” ang Panginoong Jesus o na Siya ay “lumisan nang walang pasabi.” Sa gayon ay tiniyak Niyang magpapatuloy silang pasulong, na sinusunod ang mga turo ng Panginoong Jesus at ang gawain na Kanyang ginawa. Kaya, isang bagong yugto sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya ang pormal na nabuksan, at mula sa sandaling iyon, ang mga taong matagal nang namumuhay sa ilalim ng kautusan ay pormal nang lumabas mula sa kautusan at pumasok sa isang bagong kapanahunan, sa isang bagong pasimula. Ito ang sari-saring mga kahulugan ng pagpapakita ng Panginoong Jesus sa sangkatauhan pagkatapos ng muling pagkabuhay.
Yamang nanahan ngayon ang Panginoong Jesus sa isang espirituwal na katawan, paanong nahahawakan Siya at nakikita Siya ng mga tao? Ito ay may kinalaman sa kahalagahan ng pagpapakita ng Panginoong Jesus sa sangkatauhan. Mayroon ba kayong napansing anuman sa mga talata ng kasulatan na kababasa lang natin? Sa pangkalahatan, hindi nakikita o nahahawakan ang espirituwal na mga katawan, at pagkatapos ng muling pagkabuhay, ang gawaing isinabalikat ng Panginoong Jesus ay natapos na. Kaya sa teorya, talagang hindi na Niya kinailangang bumalik sa kalagitnaan ng mga tao sa Kanyang orihinal na larawan upang makipagkita sa kanila, ngunit ang pagpapakita ng espirituwal na katawan ng Panginoong Jesus sa mga taong gaya ni Tomas ang lalong nagpatatag sa kahalagahan ng Kanyang pagpapakita, upang tumagos ito nang mas malalim sa mga puso ng mga tao. Nang Siya ay lumapit kay Tomas, hinayaan Niya ang mapagdudang si Tomas na hawakan ang Kanyang kamay, at sinabi sa kanya: “Idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo ito sa Aking tagiliran: at huwag kang mawalan ng pananampalataya, kundi maniwala.” Ang mga salita at mga pagkilos na ito ay hindi mga bagay na ninais lang sabihin at gawin ng Panginoong Jesus pagkatapos na Siya ay muling mabuhay; sa katunayan, ito ang mga bagay na nais Niyang sabihin at gawin bago pa man Siya ipinako sa krus, dahil hindi lang noon nagsimula ang mga pagdududa ni Tomas, bagkus ay taglay na niya sa buong panahon na sumusunod siya sa Panginoong Jesus. Maliwanag na, bago Siya ipinako sa krus, mayroon nang pagkaunawa ang Panginoong Jesus sa mga taong gaya ni Tomas. Kaya ano ang ating makikita mula rito? Siya pa rin ang dating Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. Hindi nagbago ang Kanyang diwa. Gayunpaman, narito ang Panginoong Jesus na muling nabuhay mula sa kamatayan at nagbalik mula sa espirituwal na daigdig nang may orihinal Niyang larawan, nang may orihinal Niyang disposisyon, at nang may pagkaunawa Niya sa sangkatauhan mula sa panahon Niya sa katawang-tao, kaya nagpunta muna Siya kay Tomas at pinahintulutan si Tomas na mahawakan ang Kanyang tadyang, upang hindi lang hayaan si Tomas na makita ang Kanyang espirituwal na katawan pagkatapos na muling mabuhay, bagkus ay upang hayaan si Tomas na mahawakan at maramdaman ang pag-iral ng Kanyang espirituwal na katawan, at tuluyang alisin ang mga pagdududa nito. Bago ipinako sa krus ang Panginoong Jesus, palaging nagdududa si Tomas na Siya ang Cristo, at hindi magawang maniwala. Ang kanyang pananampalataya sa Diyos ay naitatag lang sa batayan ng kung ano ang kanyang nakikita sa kanyang sariling mga mata, kung ano ang kanyang nahahawakan sa kanyang sariling mga kamay. May mabuting pagkaunawa ang Panginoong Jesus sa pananampalataya ng ganitong uri ng tao. Naniniwala lang sila sa Diyos na nasa langit, at hindi talaga naniwala sa Isa na ipinadala ng Diyos, o sa Cristo na nasa katawang-tao, at hindi rin nila matatanggap Siya. Upang kilalanin at paniwalaan ni Tomas ang pag-iral ng Panginoong Jesus at na tunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, pinahintulutan Niya si Tomas na idaiti ang kanyang kamay at hawakan ang Kanyang tadyang. May pinagkaiba ba sa pagdududa ni Tomas bago at pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus? Palagi siyang nagdududa, at maliban sa personal na pagpapakita sa kanya ng espirituwal na katawan ng Panginoong Jesus at pagpapahintulot sa kanya na mahawakan ang mga bakas ng pako sa katawan ng Panginoong Jesus, walang paraan na malulutas ng sinuman ang kanyang mga pagdududa at mapangyaring alisin niya ang mga ito. Kaya, mula sa sandaling pinahintulutan ng Panginoong Jesus si Tomas na hawakan ang Kanyang tadyang at hayaan itong mahipo na mayroong mga bakas ng pako, naglaho ang pagdududa ni Tomas, at tunay na nalaman niya na ang Panginoong Jesus ay muling nabuhay, at kinilala at pinaniwalaan niya na ang Panginoong Jesus ang tunay na Cristo at ang Diyos na nagkatawang-tao. Bagaman sa sandaling ito ay hindi na nagduda si Tomas, nawala niya magpakailanman ang pagkakataon na makatagpo si Cristo. Nawala niya magpakailanman ang pagkakataon na makasama Siya, na sumunod sa Kanya, na makilala Siya. Nawala niya ang pagkakataon na magawa siyang perpekto ni Cristo. Ang pagpapakita ng Panginoong Jesus at ang Kanyang mga salita ay nagbigay ng katapusan at ng hatol sa pananampalataya niyaong puno ng mga pagdududa. Ginamit Niya ang Kanyang aktwal na mga salita at mga pagkilos upang sabihin sa mga mapagduda, upang sabihin sa mga naniwala lang sa Diyos sa langit ngunit hindi naniwala kay Cristo: Hindi pinuri ng Diyos ang kanilang paniniwala, ni pinuri Niya ang mga ito para sa kanilang pagsunod sa Kanya habang nagdududa sa Kanya. Ang araw na lubos silang naniwala sa Diyos at kay Cristo ay ang araw lang na natapos na ng Diyos ang Kanyang dakilang gawain. Mangyari pa, ang araw na iyon ay ang araw rin na nabuo ang hatol sa kanilang pagdududa. Ang kanilang saloobin tungo kay Cristo ang tumukoy sa kanilang kapalaran, at nangahulugan ang kanilang matigas na pagdududa na hindi nagbunga ang kanilang pananampalataya, at nangangahulugan ang kanilang katigasan na nawalan ng saysay ang kanilang mga pag-asa. Sapagkat bunga ng mga ilusyon ang kanilang paniniwala sa Diyos sa langit, at ang kanilang pagdududa tungo kay Cristo ay ang kanila talagang tunay na saloobin tungo sa Diyos, kahit na nahawakan nila ang mga bakas ng pako sa katawan ng Panginoong Jesus, wala pa ring silbi ang kanilang pananampalataya at mailalarawan lang ang kanilang kahihinatnan bilang pagsalok ng tubig gamit ang isang basket na kawayan—lahat ay walang saysay. Ang sinabi ng Panginoong Jesus kay Tomas ay napakalinaw rin na Kanyang paraan ng pagsasabi sa bawat isang tao: Ang Panginoong Jesus na muling nabuhay ay ang Panginoong Jesus, na gumugol ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na gumagawa sa gitna ng sangkatauhan. Bagaman napako Siya sa krus at naranasan ang lambak ng anino ng kamatayan, at bagaman naranasan Niya ang muling mabuhay, hindi Siya sumailalim sa anumang pagbabago sa anumang aspeto. Bagaman mayroon na Siya ngayong mga bakas ng pako sa Kanyang katawan, at bagaman muli Siyang nabuhay at lumabas mula sa libingan, ang Kanyang disposisyon, ang Kanyang pagkaunawa sa sangkatauhan, at ang Kanyang mga layunin tungo sa sangkatauhan ay hindi nagbago kahit na kaunti. Gayundin, sinasabi Niya sa mga tao na bumaba Siya mula sa krus, napagtagumpayan ang kasalanan, napagtagumpayan ang mga paghihirap, at napagtagumpayan ang kamatayan. Ang mga bakas ng pako ay ang katunayan lang ng Kanyang tagumpay kay Satanas, katunayan ng pagiging isang handog para sa kasalanan upang matagumpay na matubos ang buong sangkatauhan. Sinasabi Niya sa mga tao na inako na Niya ang mga kasalanan ng sangkatauhan at natapos na Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos. Nang bumalik Siya upang makita ang Kanyang mga disipulo, sinabi Niya sa kanila ang mensaheng ito sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita: “Ako ay buhay pa rin, umiiral pa rin Ako; sa araw na ito ay talagang nakatayo Ako sa inyong harapan nang makita at mahawakan ninyo Ako. Ako ay palaging sasainyo.” Ninais din ng Panginoong Jesus na gamitin ang kaso ni Tomas bilang isang babala para sa mga tao sa hinaharap: Bagaman hindi mo nakikita ni nahahawakan ang Panginoong Jesus sa iyong pananampalataya sa Kanya, pinagpala ka dahil sa iyong tunay na pananampalataya, at makikita mo ang Panginoong Jesus dahil sa iyong tunay na pananampalataya, at pinagpala ang ganitong uri ng tao.
Ang mga salitang ito na naitala sa Bibliya na sinabi ng Panginoong Jesus nang Siya ay magpakita kay Tomas ay malaking tulong sa lahat ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang Kanyang pagpapakita kay Tomas at ang mga salitang sinabi Niya rito ay mayroong malaking epekto sa sumunod na mga salinlahi, taglay ng mga ito ang walang hanggang kahalagahan. Kumakatawan si Tomas sa isang uri ng tao na naniniwala sa Diyos subalit pinagdududahan ang Diyos. Sila ay likas na mapagduda, may masasamang puso, mga mapandaya, at hindi naniniwala sa mga bagay na kayang gawin ng Diyos. Hindi sila naniniwala sa walang hanggang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at hindi rin sila naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayunpaman, ang muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus ay tahasang sumasalungat sa mga katangiang ito na mayroon sila, at nagbigay rin ito ng pagkakataon sa kanila upang matuklasan ang kanilang sariling pagdududa, upang makilala ang kanilang sariling pagdududa, at upang makilala ang kanilang sariling kataksilan, sa gayon ay tunay na maniwala sa pag-iral at sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. Ang nangyari kay Tomas ay isang babala at isang pag-iingat para sa susunod na mga salinlahi upang mas maraming tao ang makapagbababala sa kanilang mga sarili na huwag maging mapagduda gaya ni Tomas, at na kung punuin nila ang kanilang mga sarili ng pagdududa, lulubog sila sa kadiliman. Kung sumusunod ka sa Diyos, ngunit gaya lang ni Tomas, na laging ninanais na mahawakan ang tadyang ng Panginoon at madama ang Kanyang mga bakas ng pako upang makatiyak, upang mapatunayan, upang magpalagay kung umiiral ba o hindi ang Diyos, tatalikdan ka ng Diyos. Kaya, hinihingi ng Panginoong Jesus sa mga tao na huwag maging gaya ni Tomas, pinaniniwalaan lang kung ano ang kanilang nakikita sa kanilang sariling mga mata, bagkus ay maging dalisay, tapat na tao, na huwag magkimkim ng mga pagdududa tungo sa Diyos, bagkus ay manampalataya at sumunod lang sa Kanya. Pinagpala ang mga taong gaya nito. Isang napakaliit na hinihingi ito ng Panginoong Jesus sa mga tao, at isang babala ito para sa Kanyang mga tagasunod.
Ang nasa itaas ay ang saloobin ng Panginoong Jesus tungo sa mga puno ng pagdududa. Kung gayon ay ano naman ang sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus sa mga nagagawang tapat na maniwala at sumunod sa Kanya? Ito ang susunod nating titingnan, sa pamamagitan ng isang pag-uusap sa pagitan ng Panginoong Jesus at ni Pedro.
Sa pag-uusap na ito, paulit-ulit na tinanong ng Panginoong Jesus si Pedro ng isang bagay: “Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga Ako?” Ito ay mas mataas na pamantayang hiningi ng Panginoong Jesus mula sa mga taong gaya ni Pedro pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay na, na tunay na naniniwala kay Cristo at nagsisikap na ibigin ang Panginoon. Ang tanong na ito ay isang uri ng pagsisiyasat at pag-uusisa, ngunit higit pa rito, ito ay isang hinihingi at inaasahan sa mga taong gaya ni Pedro. Ginamit ng Panginoong Jesus ang pamamaraang ito ng pagtatanong nang makapagbulay-bulay ang mga tao sa kanilang mga sarili at masuri ang kanilang mga sarili at magtanong: Ano ang mga hinihingi ng Panginoong Jesus sa mga tao? Mahal ko ba ang Panginoon? Isa ba akong tao na umiibig sa Diyos? Paano ko dapat ibigin ang Diyos? Kahit na itinanong lang ng Panginoong Jesus ang katanungang ito kay Pedro, ang totoo ay sa Kanyang puso, sa pamamagitan ng pagtatanong kay Pedro ng mga katanungang ito, ninais Niyang gamitin ang pagkakataong ito upang itanong ang ganitong parehong uri ng katanungan sa mas maraming tao na naghahangad na ibigin ang Diyos. Pinagpala nga lang si Pedro na magsilbing kinatawan ng ganitong uri ng tao, na tumanggap ng pagtatanong na ito mula sa sariling bibig ng Panginoong Jesus.
Kung ihahambing sa sumusunod na mga salita, na sinabi ng Panginoong Jesus kay Tomas pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay: “Idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo ito sa Aking tagiliran: at huwag kang mawalan ng pananampalataya, kundi maniwala,” ang Kanyang tatlong ulit na pagtatanong kay Pedro: “Simon anak ni Juan, Iniibig mo baga Ako?” ay nagpapahintulot sa mga tao na madama nang mas mabuti ang pagiging istrikto ng saloobin ng Panginoong Jesus, at ang pagmamadali na Kanyang nadama sa panahon ng Kanyang pagtatanong. Pagdating sa mapagdudang si Tomas, dahil sa kanyang mapanlinlang na kalikasan, pinahintulutan siya ng Panginoong Jesus na idaiti ang kanyang kamay at hawakan ang mga bakas ng pako sa Kanyang katawan, na nagtulot sa kanyang maniwala na ang Panginoong Jesus ay ang Anak ng tao na muling nabuhay, at kilalanin ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus bilang Cristo. At bagaman hindi mabagsik na pinagsabihan ng Panginoong Jesus si Tomas, at hindi rin Niya ipinahayag sa salita ang anumang malinaw na paghatol sa kanya, gayunman ay gumamit Siya ng praktikal na mga pagkilos upang ipabatid kay Tomas na naunawaan Niya siya, habang ipinakikita rin ang Kanyang saloobin at pagpapasya sa gayong uri ng tao. Ang mga hinihingi at mga inaasahan ng Panginoong Jesus sa gayong uri ng tao ay hindi makikita mula sa sinabi Niya, sapagkat ang mga taong gaya ni Tomas ay wala talaga ni katiting na tunay na pananampalataya. Ang mga hinihingi ng Panginoong Jesus sa kanila ay hanggang doon lang, ngunit ang saloobin na Kanyang inihayag sa mga taong gaya ni Pedro ay lubos na naiiba. Hindi Niya hiningi na idaiti ni Pedro ang kanyang kamay at hawakan ang Kanyang mga marka ng pako, ni sinabi Niya kay Pedro: “Huwag kang mawalan ng pananampalataya, kundi maniwala.” Sa halip, paulit-ulit Niyang itinanong ang iisang katanungan kay Pedro. Nakapupukaw ng kaisipan at makahulugan ang katanungan, isang katanungan na hindi maiiwasang magdulot, sa bawat tagasunod ni Cristo na makadama ng pagsisisi at ng takot, subalit para maramdaman din ang balisa, malungkot na lagay ng loob ng Panginoong Jesus. At kapag sila ay nasa matinding kalungkutan at pagdurusa, magagawa nilang mas maunawaan ang pag-aalala ng Panginoong Jesucristo at ang Kanyang pagmamalasakit; kanilang mapagtatanto ang Kanyang taimtim na aral at ang mahigpit na mga hinihingi sa dalisay, tapat na mga tao. Ang katanungan ng Panginoong Jesus ang nagpahintulot sa mga tao na madama na ang mga inaasahan ng Panginoon sa mga tao na nahayag sa simpleng mga salitang ito ay hindi lang upang sumampalataya at sumunod sa Kanya, bagkus ay matamo ang pagkakaroon ng pag-ibig, na iniibig ang iyong Panginoon at ang iyong Diyos. Ang ganitong uri ng pag-ibig ay mapagmalasakit at mapagpasakop. Ito ay mga taong nabubuhay para sa Diyos, namamatay para sa Diyos, iniaalay ang lahat sa Diyos, at gumugugol at ibinibigay ang lahat para sa Diyos. Ang ganitong uri ng pag-ibig ay nagbibigay rin ng kaaliwan sa Diyos, nagtutulot sa Kanya na matamasa ang patotoo at makapagpahinga. Ito ang kabayaran ng sangkatauhan sa Diyos, ang pananagutan, obligasyon at tungkulin ng tao, at ito ay isang daan na dapat sundan ng mga tao sa buong buhay nila. Ang tatlong katanungang ito ay isang hinihingi at isang pagpapayo na ginawa ng Panginoong Jesus kay Pedro at sa lahat ng tao na gagawing perpekto. Ang tatlong katanungang ito ang umakay at nag-udyok kay Pedro na sundin ang kanyang landas sa buhay hanggang sa huli, at ang mga katanungang ito sa paglisan ng Panginoong Jesus ang umakay kay Pedro na simulan ang kanyang landas ng pagiging nagawang perpekto, na umakay sa kanya, dahil sa kanyang pag-ibig para sa Panginoon, upang magmalasakit sa puso ng Panginoon, upang sundin ang Panginoon, upang maghandog ng kaaliwan sa Panginoon, at upang ihandog ang kanyang buong buhay at ang kanyang buong sarili dahil sa pag-ibig na ito.
Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang gawain ng Diyos ay pangunahing para sa dalawang uri ng mga tao. Ang una ay ang uri ng tao na sumampalataya at sumunod sa Kanya, na makasusunod sa Kanyang mga utos at makapagpapasan ng krus, at kayang kumapit sa daan tungo sa Kapanahunan ng Biyaya. Makakamit ng ganitong uri ng tao ang pagpapala ng Diyos at matatamasa ang biyaya ng Diyos. Ang ikalawang uri ng tao ay gaya ni Pedro, isang tao na magagawang perpekto. Kaya, pagkatapos na muling mabuhay ng Panginoong Jesus, ginawa Niya muna ang dalawang pinaka-makahulugang bagay na ito. Ang isa ay ginawa kay Tomas, ang isa ay kay Pedro. Ano ang kinakatawan ng dalawang bagay na ito? Kinakatawan ba ng mga ito ang tunay na mga layunin ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan? Kinakatawan ba ng mga ito ang sinseridad ng Diyos tungo sa sangkatauhan? Ang gawain na ginawa Niya kay Tomas ay upang balaan ang mga tao na huwag maging mapagduda, bagkus ay maniwala lang. Ang gawain na ginawa Niya kay Pedro ay upang patatagin ang pananampalataya ng mga taong gaya ni Pedro, at upang linawin ang mga hinihingi Niya sa ganitong uri ng tao, upang ipakita kung anong mga mithiin ang dapat nilang hangarin.
Pagkatapos na muling mabuhay ng Panginoong Jesus, nagpakita Siya sa mga taong inisip Niyang kinakailangan, nakipag-usap sa kanila, at gumawa ng mga hinihingi sa kanila, isinantabi ang Kanyang mga layunin at mga inaasahan sa mga tao. Ibig sabihin, bilang Diyos na nagkatawang-tao, hindi nagbago kailanman ang Kanyang malasakit sa sangkatauhan at ang mga hinihingi sa mga tao; nanatili itong pareho noong nasa katawang-tao pa Siya at noong nasa espirituwal na katawan na Siya matapos mapako sa krus at muling mabuhay. Nag-aalala Siya sa mga disipulong ito bago Siya itinaas sa krus, at sa Kanyang puso ay malinaw sa Kanya ang kalagayan ng bawat isang tao at naunawaan Niya ang pagkukulang ng bawat isang tao at, mangyari pa, ang Kanyang pagkaunawa sa bawat isang tao pagkatapos Niyang mamatay, muling mabuhay, at maging isang espirituwal na katawan ay gaya pa rin ng dati nang Siya ay nasa katawang-tao pa. Alam Niya na ang mga tao ay hindi lubos na nakatitiyak sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Cristo, ngunit sa Kanyang panahon sa katawang-tao hindi Siya gumawa ng mahigpit na mga hinihingi sa mga tao. Gayunpaman, pagkatapos Niyang muling mabuhay, nagpakita Siya sa kanila, at ginawa Niya silang lubusang nakatitiyak na ang Panginoong Jesus ay nagmula sa Diyos at na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, at ginamit Niya ang katunayan ng Kanyang pagpapakita at ng Kanyang muling pagkabuhay bilang pinakadakilang pangitain at motibasyon sa habambuhay na paghahangad ng sangkatauhan. Ang Kanyang muling pagkabuhay mula sa kamatayan ay hindi lang nagpatibay sa lahat ng sumunod sa Kanya, bagkus ay ganap ding ipinatupad nito ang Kanyang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya sa gitna ng sangkatauhan, at sa gayon ang ebanghelyo ng pagliligtas ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay unti-unting lumaganap sa bawat sulok ng sangkatauhan. Masasabi mo ba na may anumang kahalagahan ang pagpapakita ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay? Kung ikaw ay si Tomas o si Pedro sa panahong iyon, at nakaharap mo ang isang bagay na ito sa iyong buhay na totoong napakamakahulugan, anong uri ng epekto ang idudulot nito sa iyo? Makikita mo ba ito bilang pinakamaganda at pinakadakilang pangitain sa iyong buhay ng paniniwala sa Diyos? Makikita mo ba ito bilang isang puwersa na nagtutulak sa iyo sa iyong pagsunod sa Diyos, sa pagsisikap na mapalugod Siya, at sa paghahangad na ibigin ang Diyos sa buong buhay mo? Gugugol ka kaya ng isang habambuhay na pagsisikap upang ipalaganap ang pinakadakilang pangitaing ito? Tatanggapin mo kaya ang pagpapalaganap ng pagliligtas ng Panginoong Jesus bilang isang tagubiling mula sa Diyos? Kahit na hindi pa ninyo nararanasan ito, ang dalawang halimbawa nina Tomas at Pedro ay sapat na para sa makabagong mga tao na magkamit ng isang malinaw na pagkaunawa sa Diyos at sa Kanyang kalooban. Masasabi na matapos maging tao ng Diyos, matapos Niyang personal na maranasan ang buhay sa gitna ng sangkatauhan at personal na maranasan ang buhay ng tao, at matapos Niyang makita ang kabulukan ng sangkatauhan at ang kalagayan ng buhay ng tao sa panahong iyon, naramdaman nang mas mabuti ng Diyos sa katawang-tao kung gaano kawalang-kaya, kahapis-hapis, at kahabag-habag ang sangkatauhan. Nagkaroon ang Diyos ng higit pang pakikiramay para sa kalagayan ng tao dahil sa Kanyang pagkatao na taglay Niya habang nabubuhay sa katawang-tao, dahil sa likas na pag-uugali ng Kanyang katawang-tao. Ito ang umakay sa Kanya upang magkaroon ng mas malaking malasakit para sa Kanyang mga tagasunod. Ang mga ito marahil ay mga bagay na hindi ninyo nauunawaan, ngunit mailalarawan Ko itong pangamba at pagmamalasakit na nadama ng Diyos sa katawang-tao para sa bawat isa sa Kanyang mga tagasunod gamit lang ang dalawang salita: “matinding pagmamalasakit.” Kahit na nanggagaling ang terminong ito mula sa wikang pantao, at bagaman talagang pantao ito, tunay nitong ipinapahayag at inilalarawan ang mga damdamin ng Diyos para sa Kanyang mga tagasunod. Tungkol naman sa matinding malasakit ng Diyos para sa mga tao, sa pagdaan ng panahon ng inyong mga karanasan ay unti-unti ninyong madarama at mararanasan ito. Gayunpaman, matatamo lang ito sa unti-unting pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos sa batayan ng paghahangad ng pagbabago sa sariling disposisyon. Nang ginawa ng Panginoong Jesus ang pagpapakitang ito, naging sanhi ito na magkatotoo ang Kanyang matinding pagmamalasakit para sa Kanyang mga tagasunod sa pagkatao at maipasa sa Kanyang espirituwal na katawan, o masasabi, sa Kanyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagpapakita ang nagpahintulot sa mga tao na minsan pang maranasan at madama ang malasakit at pangangalaga ng Diyos samantalang pinatutunayan din nang buong kapangyarihan na ang Diyos ay ang Isa na nagpapasimula ng isang kapanahunan, na nagbubukas sa isang kapanahunan, at Siya ring nagtatapos sa isang kapanahunan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita, pinatibay Niya ang pananampalataya ng lahat ng tao at pinatunayan sa mundo ang katotohanan na Siya ang Diyos Mismo. Ibinigay nito sa Kanyang mga tagasunod ang walang hanggang pagpapatibay, at sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita ay sinimulan din Niya ang isang yugto ng Kanyang gawain sa bagong kapanahunan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III