Mag-subscribe

Menu

Ang Talinghaga ng Nawalang Tupa

Mateo 18:12–14 Ano ang akala ninyo? Kung ang isang tao ay may isang daang tupa, at maligaw ang isa sa mga yaon, hindi baga iiwan niya ang siyamnapu’t siyam, at pasasa kabundukan, at hahanapin ang naligaw? At kung mangyaring masumpungan niya, ay katotohanang sinasabi Ko sa inyo, na magagalak ng higit dahil dito kaysa sa siyamnapu’t siyam na hindi nangaligaw. Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.

Talinghaga ng Nawalang Tupa

Ang siping ito ay isang talinghaga—ano ang ipinadarama nito sa mga tao? Ang paraan ng pagpapahayag—ang talinghaga—na ginamit dito ay isang tayutay sa wika ng tao, at sa gayon ay nakapaloob sa saklaw ng kaalaman ng tao. Kung nagsalita ang Diyos ng kaparehong bagay sa Kapanahunan ng Kautusan, maaaring nadama ng mga tao na ang gayong mga salita ay hindi tunay na alinsunod sa kung sino ang Diyos, nguni’t nang ipinahayag ng Anak ng tao ang mga salitang ito sa Kapanahunan ng Biyaya, ito ay nakaaaliw, nakasisigla, at malapit sa mga tao. Nang naging tao ang Diyos, nang nagpakita Siya sa anyo ng isang tao, ginamit Niya ang isang lubhang naaangkop na talinghaga na nagmula sa sarili Niyang pagkatao, upang ipahayag ang tinig ng Kanyang puso. Kinatawan ng tinig na ito ang sariling tinig ng Diyos at ang gawain na ninais Niyang gawin sa kapanahunang iyon. Kinatawan din nito ang isang saloobin na mayroon ang Diyos tungo sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Kung titingin mula sa pananaw ng saloobin ng Diyos tungo sa mga tao, inihambing Niya ang bawa’t isang tao sa isang tupa. Kung mawala ang isang tupa, gagawin Niya ang lahat upang mahanap ito. Kinatawan nito ang isang prinsipyo ng gawain ng Diyos sa panahong iyon kasama ng sangkatauhan, nang Siya ay nasa katawang-tao. Ginamit ng Diyos ang talinghagang ito upang isalarawan ang Kanyang kapasiyahan at saloobin sa gawaing iyon. Ito ang kabutihan ng pagkakatawang-tao ng Diyos: Mapakikinabangan Niya ang kaalaman ng sangkatauhan at magagamit ang wika ng tao upang magsalita sa mga tao, at upang ipahayag ang Kanyang kalooban. Ipinaliwanag Niya o “isinalin” sa tao ang Kanyang malalim, maka-Diyos na wika na nahihirapan ang mga taong maunawaan sa wika ng tao, sa paraan ng tao. Nakatulong ito sa mga tao na maunawaan ang Kanyang kalooban at malaman kung ano ang nais Niyang gawin. Nagagawa rin Niyang makipag-usap sa mga tao mula sa pananaw ng tao, gamit ang wika ng tao, at magbigay-alam sa mga tao sa paraang nauunawaan nila. Nagagawa pa nga Niyang magsalita at gumawa gamit ang wika at kaalaman ng tao nang maaaring maramdaman ng mga tao ang kagandahang-loob at pagiging malapit ng Diyos, nang maaaring makita nila ang Kanyang puso. Ano ang nakikita ninyo rito? Mayroon bang anumang pagbabawal sa mga salita at mga pagkilos ng Diyos? Sa tingin ng mga tao, hindi posible na magamit ng Diyos ang pantaong kaalaman, wika, o mga pamamaraan ng pananalita upang pag-usapan ang tungkol sa kung ano ang ninais sabihin ng Diyos Mismo, ang gawain na ninais Niyang gawin, o upang ipahayag ang sarili Niyang kalooban. Subali’t maling pag-iisip ito. Ginamit ng Diyos ang ganitong uri ng talinghaga upang maramdaman ng mga tao ang pagiging totoo at ang katapatan ng Diyos, at makita ang Kanyang saloobin tungo sa mga tao sa yugto ng panahong iyon. Ginising ng talinghagang ito mula sa isang panaginip ang mga tao na nabubuhay sa ilalim ng kautusan nang mahabang panahon, at binigyang-inspirasyon din nito ang sali’t saling lahi ng mga tao na nabuhay sa Kapanahunan ng Biyaya. Sa pagbabasa ng siping ito ng talinghaga, nalalaman ng mga tao ang katapatan ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan at nauunawaan ang bigat at halagang ukol sa sangkatauhan sa puso ng Diyos.

Tingnan natin ang huling pangungusap sa siping ito: “Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.” Sariling mga salita ba ito ng Panginoong Jesus, o mga salita ng Ama sa langit? Sa unang tingin, tila ba ang Panginoong Jesus ang nagsasalita, nguni’t kinakatawan ng Kanyang kalooban ang kalooban ng Diyos Mismo, kaya sinabi Niyang: “Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.” Tanging ang Ama sa langit ang kinilala ng mga tao sa panahong iyon bilang Diyos, at naniwalang ang taong ito na kanilang nakita sa harap ng kanilang mga mata ay isinugo lang Niya, at hindi maaaring kumatawan sa Ama sa langit. Iyon ang dahilan kung bakit kinailangan ng Panginoong Jesus na idagdag ang pangungusap na ito sa hulihan ng talinghagang ito, upang tunay na maramdaman ng mga tao ang kalooban ng Diyos sa sangkatauhan at maramdaman ang pagiging-tunay at katumpakan ng Kanyang sinabi. Kahit na isang simpleng bagay ang pangungusap na ito para sabihin, sinabi ito nang may pagmamalasakit at pag-ibig at ibinunyag ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Panginoong Jesus. Naging tao man ang Diyos o gumawa man Siya sa espirituwal na dako, Siya ang nakakilala nang pinakamabuti sa puso ng tao, at nakaunawa nang pinakamahusay sa kung anong kinailangan ng mga tao, nakaalam sa kung anong ikinababahala ng mga tao, at kung anong nakalilito sa kanila, at kaya idinagdag Niya ang pangungusap na ito. Itinampok ng pangungusap na ito ang isang suliraning nakatago sa sangkatauhan: Nag-alinlangan ang mga tao sa sinabi ng Anak ng tao, na ang ibig sabihin, nang nagsasalita ang Panginoong Jesus kinailangan Niyang idagdag ang: “Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak,” at tanging sa saligang ito makapamumunga ang Kanyang mga salita, upang papaniwalain ang mga tao sa katumpakan ng mga ito at pagbutihin ang kredibilidad ng mga ito. Ipinakikita nito na noong naging karaniwang Anak ng tao ang Diyos, nagkaroon ang Diyos at ang sangkatauhan ng isang di-mapalagay na ugnayan, at na ang kalagayan ng Anak ng tao ay talagang nakahihiya. Ipinakikita rin nito kung gaano kahamak ang katayuan ng Panginoong Jesus sa gitna ng mga tao sa panahong iyon. Nang sinabi Niya ito, ito ay upang sabihin talaga sa mga tao na: Makatitiyak kayo—hindi kinakatawan ng mga salitang ito kung ano ang nasa sarili Kong puso, bagkus ang mga ito ay ang kalooban ng Diyos na nasa inyong mga puso. Para sa sangkatauhan, hindi ba ito isang kakatwang bagay? Bagaman ang Diyos na gumagawa sa katawang-tao ay maraming kalamangan na wala sa Kanya sa Kanyang persona, kinailangan Niyang tiisin ang kanilang mga alinlangan at pagtanggi gayundin ang kanilang kamanhiran at kapurulan. Masasabi na ang proseso ng gawain ng Anak ng tao ay ang proseso ng pagdanas ng pagtanggi ng sangkatauhan at pagdanas ng kanilang pakikipagtunggali laban sa Kanya. Higit pa roon, ito ang proseso ng paggawa upang patuloy na makuha ang tiwala ng sangkatauhan at malupig ang sangkatauhan sa pamamagitan ng kung anong mayroon at kung ano Siya, sa pamamagitan ng Kanyang sariling diwa. Hindi naman talaga naglunsad ang Diyos na nagkatawang-tao ng digmaan sa lupa laban kay Satanas; mas masasabi na naging isang karaniwang tao ang Diyos at nagsimula ng isang pakikibaka kasama ang mga sumusunod sa Kanya, at sa pakikibakang ito ay natapos ng Anak ng tao ang Kanyang gawain sa Kanyang pagpapakumbaba, sa kung anong mayroon at kung ano Siya, at sa Kanyang pag-ibig at karunungan. Natamo Niya ang mga taong ninais Niya, nakuha ang pagkakakilanlan at katayuan na nararapat sa Kanya, at “bumalik” sa Kanyang luklukan.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon