Ang tatlong yugto ng gawain ay ginawa ng isang Diyos; ito ang pinakadakilang pangitain, at ito ang tanging daan upang makilala ang Diyos. Ang tatlong yugto ay maaaring nagawa lamang ng Diyos Mismo, at walang taong maaaring makagawa ng gayong gawain para sa Kanya—na ibig sabihin ay ang Diyos lamang Mismo ang maaaring nakagawa ng Kanyang sariling gawain mula sa simula hanggang ngayon. Bagama’t ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay naisakatuparan sa magkaibang kapanahunan at lugar, at bagama’t ang gawain ng bawat isa ay magkaiba, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos. Sa lahat ng pangitain, ito ang pinakadakilang pangitaing dapat malaman ng tao, at kung ganap itong mauunawaan ng tao, magagawa niyang tumayo nang matatag. Ngayon, ang pinakamalaking problemang kinakaharap ng iba-ibang relihiyon at denominasyon ay na hindi nila alam ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi nila makita ang pagkakaiba sa pagitan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng hindi gawain ng Banal na Espiritu—dahil dito, hindi nila masabi kung ang yugto ng gawaing ito, tulad ng huling dalawang yugto ng gawain, ay ginawa rin ng Diyos na Jehova. Bagama’t sinusunod ng mga tao ang Diyos, karamihan ay hindi pa rin masabi kung ito ang tamang daan. Nag-aalala ang tao kung ang daang ito ang daan na personal na pinangunahan ng Diyos Mismo, at kung ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay totoo, at karamihan sa mga tao ay wala pa ring ideya kung paano mahihiwatigan ang gayong mga bagay. Yaong mga sumusunod sa Diyos ay hindi matukoy ang daan, kaya nga ang mga mensaheng binibigkas ay babahagya ang epekto sa mga taong ito, at hindi kayang maging lubos na epektibo, kaya nga ito ay nakakaapekto sa pagpasok sa buhay ng gayong mga tao. Kung nakikita ng tao sa tatlong yugto ng gawain na isinagawa ng Diyos Mismo ang mga iyon sa magkaibang panahon, sa magkaibang lugar, at sa iba’t ibang tao; kung nakikita ng tao na bagama’t iba ang gawain, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos, at na dahil ito ay gawaing ginawa ng isang Diyos, tiyak na ito ay tama at walang mali, at na bagama’t taliwas ito sa mga kuru-kuro ng tao, hindi maikakaila na gawain ito ng isang Diyos—kung tiyakang masasabi ng tao na gawain ito ng isang Diyos, ang mga kuru-kuro ng tao ay magiging maliliit na bagay lamang, na hindi karapat-dapat na banggitin. Dahil malabo ang mga pangitain ng tao, at dahil kilala lamang ng tao si Jehova bilang Diyos, at si Jesus bilang ang Panginoon, at nagdadalawang-isip sila tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon, maraming tao ang nananatiling tapat sa gawain nina Jehova at Jesus, at puno sila ng mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng ngayon, karamihan ng mga tao ay laging nagdududa, at hindi sineseryoso ang gawain ng ngayon. Walang mga kuru-kuro ang tao sa huling dalawang yugto ng gawain, na hindi nakikita. Iyan ay dahil hindi nauunawaan ng tao ang realidad ng huling dalawang yugto ng gawain, at hindi nasaksihan nang personal ang mga iyon. Ito ay dahil ang mga yugtong ito ng gawain ay hindi maaaring makita ayon sa iniisip ng tao ayon sa gusto niya; anuman ang maisip niya, walang mga katunayang magpapatunay sa gayong mga imahinasyon, at walang sinumang magtutuwid dito. Binibigyang-laya ng tao ang kanyang pag-uugali, nang hindi nag-iingat at hindi pinipigilan ang kanyang imahinasyon; walang mga katunayang magpapatotoo sa kanyang mga imahinasyon, kaya nga ang mga imahinasyon ng tao ay nagiging “katunayan,” may katunayan ang mga iyon o wala. Sa gayon ay naniniwala ang tao sa sarili niyang Diyos na nabuo sa kanyang isipan, at hindi hinahanap ang Diyos ng realidad. Kung ang isang tao ay may isang uri ng paniniwala, sa isandaang tao ay may isandaang uri ng paniniwala. Ang tao ay nagtataglay ng gayong mga paniniwala dahil hindi pa niya nakita ang realidad ng gawain ng Diyos, dahil narinig lamang ito ng kanyang mga tainga at hindi nakita ng kanyang mga mata. Nakarinig na ang tao ng mga alamat at kuwento—ngunit bihira siyang makarinig ng kaalaman tungkol sa mga katunayan ng gawain ng Diyos. Sa gayon ang mga taong naging mga mananampalataya sa loob lamang ng isang taon ay naniniwala sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kuru-kuro. Gayon din sa mga naniwala sa Diyos nang buong buhay nila. Yaong mga hindi nakakakita sa mga katunayan ay hindi makakatakas kailanman mula sa isang pananampalataya kung saan mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Naniniwala ang tao na napalaya na niya ang kanyang sarili mula sa pagkabihag ng kanyang mga lumang kuru-kuro, at nakapasok na sa bagong teritoryo. Hindi ba alam ng tao na ang kaalaman ng mga hindi makakita sa tunay na mukha ng Diyos ay walang iba kundi mga kuru-kuro at sabi-sabi? Iniisip ng tao na ang kanyang mga kuru-kuro ay tama at walang mali, at iniisip niya na ang mga kuru-kuro na ito ay nagmumula sa Diyos. Ngayon, kapag nasasaksihan ng tao ang gawain ng Diyos, malaya niyang ginagamit ang mga kuru-kuro na nabuo sa maraming taong nagdaan. Ang mga imahinasyon at ideya ng nakaraan ay naging hadlang sa gawain ng yugtong ito, at naging mahirap para sa tao na bitawan ang gayong mga kuru-kuro at pabulaanan ang gayong mga ideya. Ang mga kuru-kuro tungo sa paisa-isang hakbang ng gawaing ito ng marami sa mga nakasunod sa Diyos hanggang ngayon ay mas lalo pang tumindi, at ang mga taong ito ay unti-unting nakabuo ng matigas na pagkapoot sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang pinagmulan ng kapootang ito ay nasa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay naging kaaway ng gawain ng ngayon, gawaing taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Nangyari ito dahil mismo sa mga katunayang hindi nagtulot sa tao na bigyang-laya ang kanyang imahinasyon, at, bukod pa riyan, hindi ito madaling pabulaanan ng tao, at ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay hindi isinaalang-alang ang pag-iral ng mga katunayan, at, bukod pa riyan, dahil hindi iniisip ng tao ang pagiging tama at pagiging totoo ng mga katunayan, at desidido lamang siyang bigyang-laya ang kanyang mga kuru-kuro at gamitin ang kanyang sariling imahinasyon. Masasabi lamang na kagagawan ito ng mga kuru-kuro ng tao, at hindi masasabing kagagawan ng gawain ng Diyos. Maaaring wariin ng tao ang anumang nais niya, ngunit hindi niya maaaring tutulan ang anumang yugto ng gawain ng Diyos o anumang bahagi nito; ang katunayan ng gawain ng Diyos ay hindi masisira ng tao. Maaari mong bigyang-laya ang iyong imahinasyon, at ipunin pa ang magagandang kuwento tungkol sa gawain nina Jehova at Jesus, ngunit hindi mo maaaring pabulaanan ang katunayan ng bawat yugto ng gawain nina Jehova at Jesus; ito ay isang prinsipyo, at isa rin itong atas administratibo, at dapat ninyong maunawaan ang kahalagahan ng mga isyung ito. Naniniwala ang tao na ang yugtong ito ng gawain ay hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng tao, at na hindi ganito ang naunang dalawang yugto ng gawain. Sa kanyang imahinasyon, naniniwala ang tao na ang gawain ng naunang dalawang yugto ay siguradong hindi katulad ng gawain ng ngayon—ngunit naisip na ba ninyo na lahat ng prinsipyo ng gawain ng Diyos ay pare-pareho, na ang Kanyang gawain ay laging praktikal, at na, anuman ang kapanahunan, laging dadagsa ang mga taong lumalaban at kumokontra sa katunayan ng Kanyang gawain? Lahat ng lumalaban at kumokontra ngayon sa yugtong ito ng gawain ay walang-dudang kumontra na rin sa Diyos noong araw, sapagkat ang gayong mga tao ay laging magiging mga kaaway ng Diyos. Ituturing ng mga taong nakakaalam sa katunayan ng gawain ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain bilang gawain ng isang Diyos, at kalilimutan nila ang kanilang mga kuru-kuro. Ito ang mga taong kilala ang Diyos, at ang gayong mga tao ay yaong mga tunay na sumusunod sa Diyos. Kapag malapit nang magwakas ang buong pamamahala ng Diyos, ibubukod ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa uri. Ang tao ay ginawa ng mga kamay ng Lumikha, at sa huli ay kailangan Niyang ganap na ibalik ang tao sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan; ito ang katapusan ng tatlong yugto ng gawain. Ang yugto ng gawain sa mga huling araw, at ang naunang dalawang yugto sa Israel at Judea, ay plano ng pamamahala ng Diyos sa buong sansinukob. Walang sinumang makapagkakaila rito, at ito ang katunayan ng gawain ng Diyos. Bagama’t hindi pa naranasan o nasaksihan ng mga tao ang karamihan sa gawaing ito, ang mga katunayan ay mga katunayan pa rin, at hindi ito maikakaila ng sinumang tao. Ang mga taong naniniwala sa Diyos sa bawat lupain ng sansinukob ay tatanggaping lahat ang tatlong yugto ng gawain. Kung isang partikular na yugto lamang ng gawain ang alam mo, at hindi mo nauunawaan ang dalawa pang yugto ng gawain, hindi mo nauunawaan ang gawain ng Diyos noong nakalipas na mga panahon, hindi mo masasabi ang buong katotohanan ng buong plano ng pamamahala ng Diyos, at isang panig lamang ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, sapagkat sa iyong paniniwala sa Diyos hindi mo Siya kilala o nauunawaan, at hindi ka karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos. Malalim man o mababaw ang inyong kasalukuyang kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, sa huli, kailangan ninyong magkaroon ng kaalaman, at kailangang lubos kayong makumbinsi, at lahat ng tao ay makikita ang kabuuan ng gawain ng Diyos at magpapasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Sa pagtatapos ng gawaing ito, lahat ng relihiyon ay magiging isa, lahat ng nilalang ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, lahat ng nilalang ay sasambahin ang isang tunay na Diyos, at lahat ng masamang relihiyon ay mauuwi sa wala, hindi na muling lilitaw kailanman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos