Mula sa pagkakaiba sa mga kakanyahan nina Pedro at Pablo dapat mong maunawaan na lahat ng hindi naghahangad ng buhay ay gumagawa nang walang saysay! Naniniwala ka sa Diyos at sumusunod sa Kanya, kaya nga sa puso mo ay kailangan mong mahalin ang Diyos. Kailangan mong isantabi ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mong hangaring matupad ang naisin ng Diyos, at kailangan mong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos. Dahil naniniwala at sumusunod ka sa Diyos, dapat mong ialay ang lahat sa Kanya, at hindi ka dapat gumawa ng mga personal na pagpili o paghingi, at dapat mong makamit ang katuparan ng naisin ng Diyos. Dahil ikaw ay nilikha, dapat mong sundin ang Panginoong lumikha sa iyo, sapagkat ikaw ay likas na walang kapamahalaan sa iyong sarili, at walang kakayahang kontrolin ang sarili mong tadhana. Dahil isa kang taong naniniwala sa Diyos, dapat kang maghangad ng kabanalan at pagbabago. Dahil ikaw ay isang nilalang ng Diyos, dapat kang sumunod sa iyong tungkulin, at manatili sa iyong lugar, at huwag kang lumampas sa iyong tungkulin. Ito ay hindi upang pigilan ka, o supilin ka sa pamamagitan ng doktrina, kundi sa halip ay ang landas na makakatulong upang magampanan mo ang iyong tungkulin, at makakamit ito—at dapat makamit—ng lahat ng gumagawa ng katuwiran. Kung pagkukumparahin mo ang mga kakanyahan nina Pedro at Pablo, malalaman mo kung paano ka dapat maghangad. Sa mga landas na tinahak nina Pedro at Pablo, ang isa ay ang landas para magawang perpekto, at ang isa pa ay ang landas ng pag-aalis; sina Pedro at Pablo ay kumakatawan sa dalawang magkaibang landas. Bagama’t bawat isa ay tumanggap ng gawain ng Banal na Espiritu, at bawat isa ay nagtamo ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at bawat isa ay tinanggap yaong naipagkatiwala sa kanila ng Panginoong Jesus, hindi pareho ang naging bunga sa bawat isa: Ang isa ay totoong nagbunga, at ang isa pa ay hindi. Mula sa kanilang mga kakanyahan, sa gawaing kanilang ginawa, yaong ipinahayag nila nang tahasan, at sa kanilang naging katapusan, dapat mong maunawaan kung aling landas ang dapat mong tahakin, aling landas ang dapat mong piliing lakaran. Nilakaran nila ang dalawang malinaw na magkaibang landas. Sina Pablo at Pedro, sila ang perpektong halimbawa ng bawat landas, kaya nga mula pa sa simula ay itinalaga na sila upang sumagisag sa dalawang landas na ito. Ano ang mahahalagang punto ng mga karanasan ni Pablo, at bakit hindi siya nagtagumpay? Ano ang mahahalagang punto ng mga karanasan ni Pedro, at paano niya naranasan ang magawang perpekto? Kung pagkukumparahin mo kung ano ang pinahalagahan ng bawat isa sa kanila, malalaman mo kung anong klaseng tao talaga ang nais ng Diyos, ano ang kalooban ng Diyos, ano ang disposisyon ng Diyos, anong klaseng tao ang gagawing perpekto sa huli, at anong klaseng tao rin ang hindi gagawing perpekto; malalaman mo kung ano ang disposisyon ng mga gagawing perpekto, at ano ang disposisyon ng mga hindi gagawing perpekto—ang mga isyung ito ng kakanyahan ay makikita sa mga karanasan nina Pedro at Pablo. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya nga ginagawa Niyang sumailalim ang lahat ng nilikha sa Kanyang kapamahalaan at magpasakop sa Kanyang kapamahalaan; uutusan Niya ang lahat ng bagay, para lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay. Lahat ng nilikha ng Diyos, pati na ang mga hayop, halaman, sangkatauhan, kabundukan at mga ilog, at mga lawa—lahat ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Lahat ng bagay sa kalangitan at sa lupa ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Hindi sila maaaring magkaroon ng anumang pagpipilian at kailangang magpasakop ang lahat sa Kanyang mga pagsasaayos. Ito ay iniutos ng Diyos, at ito ang awtoridad ng Diyos. Inuutusan ng Diyos ang lahat, at inaayos at inihahanay ang lahat ng bagay, na bawat isa ay nakabukod ayon sa uri, at pinaglaanan ng sarili nilang posisyon, ayon sa kalooban ng Diyos. Gaano man iyon kalaki, walang anumang bagay ang makakahigit sa Diyos, lahat ng bagay ay nagsisilbi sa sangkatauhang nilikha ng Diyos, at walang anumang bagay ang nangangahas na sumuway sa Diyos o humingi ng anuman sa Diyos. Kaya ang tao, bilang isang nilalang ng Diyos, ay kailangan ding gampanan ang tungkulin ng tao. Siya man ang panginoon o tagapag-alaga ng lahat ng bagay, gaano man kataas ang katayuan ng tao sa lahat ng bagay, maliit na tao pa rin siya sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, at isang tao lamang na walang kabuluhan, isang nilalang ng Diyos, at hindi mangingibabaw sa Diyos kailanman. Bilang isang nilalang ng Diyos, dapat hangaring gampanan ng tao ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos, at hangaring mahalin ang Diyos nang hindi pumipili ng iba pa, sapagkat ang Diyos ay karapat-dapat sa pagmamahal ng tao. Yaong mga naghahangad na mahalin ang Diyos ay hindi dapat maghangad ng anumang personal na mga pakinabang o hangarin yaong personal nilang inaasam; ito ang pinakatamang paraan ng paghahangad. Kung hinahangad mo ang katotohanan, kung isinasagawa mo ang katotohanan, at kung nagtatamo ka ng pagbabago sa iyong disposisyon, tama ang landas na iyong tinatahak. Kung hinahangad mo ang mga pagpapala ng laman, at isinasagawa mo ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro, at kung walang pagbabago sa iyong disposisyon, at hindi ka masunurin kailanman sa Diyos na nasa katawang-tao, at nabubuhay ka pa rin sa kalabuan, siguradong dadalhin ka sa impiyerno ng iyong hinahangad, sapagkat ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan. Kung gagawin kang perpekto o aalisin ay depende sa iyong sariling paghahangad, na ibig ding sabihin ay ang tagumpay o kabiguan ay depende sa landas na tinatahak ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao