Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 43
Muling Tinukso ni Satanas si Job (Naglitawan ang Mahahapding Pigsa sa Buong Katawan ni Job) (Mga piling sipi)
a. Ang mga Salitang Binigkas ng Diyos
Job 2:3 At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan? At siya’y namamalagi sa kanyang integridad, bagaman Ako’y kinilos mo laban sa kanya, upang ilugmok siya ng walang kadahilanan.”
Job 2:6 At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Narito, siya’y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kanyang buhay.”
b. Ang mga Salitang Binigkas ni Satanas
Job 2:4–5 At si Satanas ay sumagot kay Jehova, at nagsabi, “Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kanyang buhay. Ngunit pagbuhatan Mo ngayon ng Iyong kamay, at galawin Mo ang kanyang buto at ang kanyang laman, at kanyang susumpain Ka ng mukhaan.”
c. Paano Kinakaharap ni Job ang Pagsubok
Job 2:9–10 Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, “Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka.” Ngunit sinabi niya sa kanya, “Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kanyang mga labi.
Job 3:3 Maparam nawa ang araw ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi.
Ang Pag-ibig ni Job sa Daan ng Diyos ay Nakahihigit sa Lahat
Itinala ng Kasulatan ang mga salita sa pagitan ng Diyos at ni Satanas sa mga sumusunod: “At sinabi ni Jehova kay Satanas, ‘Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan? At siya’y namamalagi sa kanyang integridad, bagaman Ako’y kinilos mo laban sa kanya, upang ilugmok siya ng walang kadahilanan’” (Job 2:3). Sa ganitong palitan, inuulit ng Diyos ang parehong tanong kay Satanas. Ito ay isang tanong na nagpapakita sa atin ng positibong pagsusuri ng Diyos na si Jehova sa ipinakita at isinabuhay ni Job sa unang pagsubok, at wala itong pinagkaiba sa pagsusuri ng Diyos kay Job bago pa man siya napasailalim sa panunukso ni Satanas. Ibig sabihin, bago pa man dumating ang tukso sa kanya, perpekto na si Job sa mga mata ng Diyos, at dahil dito, siya at ang kanyang pamilya ay pinangalagaan ng Diyos, at siya ay pinagpala; karapat-dapat siyang pagpalain sa mga mata ng Diyos. Pagkatapos ng panunukso, hindi nagkasala ang mga labi ni Job dahil nawala sa kanya ang kanyang mga ari-arian at pati na rin ang kanyang mga anak, bagkus patuloy niyang pinuri ang pangalan ni Jehova. Pinuri siya ng Diyos dahil sa kanyang ginawa, at binigyan siya ng matataas na marka dahil sa kanyang tunay na asal. Sa paningin ni Job, hindi sapat ang kanyang mga anak o ang kanyang mga ari-arian upang itakwil niya ang Diyos. Sa madaling salita, ang lugar ng Diyos sa kanyang puso ay hindi kayang palitan ng kanyang mga anak o anumang piraso ng ari-arian. Sa panahon ng unang tukso kay Job, ipinakita niya sa Diyos na walang kapantay ang kanyang pag-ibig para sa Kanya at ang kanyang pagmamahal sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang pagsubok na ito ay nagbigay lamang kay Job ng karanasan na makatanggap ng gantimpala mula sa Diyos na si Jehova at matanggalan Niya ng ari-arian at mga anak.
Para kay Job, ito ay isang tunay na karanasan na naglinis sa kanyang kaluluwa; ito ay isang pagbibinyag ng buhay na nakatupad sa kanyang pag-iral, at, higit pa rito, isa itong masaganang kapistahan na sumubok sa kanyang pagiging masunurin, at takot sa Diyos. Binago ng panunuksong ito ang katayuan ni Job mula sa pagiging isang mayamang tao, siya ay naging isang taong walang pag-aari, at ipinaranas din sa kanya ang pagmamalupit ni Satanas sa sangkatauhan. Hindi naging dahilan ang kanyang paghihikahos upang kapootan niya si Satanas, sa halip, sa mga mapang-alipustang gawain ni Satanas, nakita niya ang kapangitan at kasuklam-suklam na kalagayan ni Satanas, pati na rin ang poot at paghihimagsik ni Satanas sa Diyos, at mas hinikayat siya nito na habambuhay na panghawakan ang daan na may takot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Isinumpa niya na hindi niya kailanman tatalikuran ang Diyos at hindi niya kailanman tatalikuran ang daan ng Diyos dahil sa mga panlabas na kadahilanan gaya ng ari-arian, mga anak o mga kamag-anak, at hindi siya kailanman magiging alipin ni Satanas, ng ari-arian, o ng sinumang tao; bukod sa Diyos na si Jehova, walang iba pang maaaring maging Panginoon o Diyos niya. Iyon ang mga hangarin ni Job. Sa kabilang banda, nakakuha rin si Job ng isang bagay sa tuksong ito: Nagkamit siya ng malaking kayamanan sa gitna ng mga pagsubok na ibinigay sa kanya ng Diyos.
Sa kanyang buhay sa mga nakaraang ilang dekada, pinagmasdan ni Job ang mga gawa ni Jehova at nakamit ang mga biyaya ng Diyos na si Jehova para sa kanya. Mga biyaya ang mga ito na nagdulot sa kanya ng labis na pagkabalisa at pagkakaroon ng utang na loob, dahil naniwala siya na wala pa siyang ginagawa para sa Diyos, ngunit pinamanahan na siya ng maraming biyaya at nagtamasa na ng napakaraming pagpapala. Dahil dito, madalas siyang nanalangin sa kanyang puso, umaasa siya na makakabayad siya sa Diyos, umaasa na mabibigyan siya ng pagkakataon na magpatotoo sa mga gawa at kadakilaan ng Diyos, at umaasa na susubukin ng Diyos ang kanyang pagiging masunurin, at, higit pa rito, magiging dalisay ang kanyang pananampalataya, hanggang sa sang-ayunan ng Diyos ang kanyang pagiging masunurin at pananampalataya. At nang dumating ang pagsubok kay Job, naniwala siya na narinig ng Diyos ang kanyang mga panalangin. Pinahalagahan ni Job ang pagkakataong ito nang higit pa sa anumang bagay, at dahil dito hindi siya nangahas na ipagsawalang bahala ito, dahil ang kanyang pinakadakilang hangarin sa buhay ay maaari nang maganap. Nangahulugang sa pagdating ng pagkakataong ito, ang kanyang pagsunod at takot sa Diyos ay maaaring malagay sa pagsubok, at maaaring maging dalisay. Bukod pa rito, nangahulugan ito na may pagkakataon na si Job na makuha ang pagsang-ayon ng Diyos, at sa gayon ay mas mapapalapit siya sa Diyos. Sa panahon ng pagsubok, ang ganitong pananampalataya at paghahangad ang lalong nagpa-igting ng pagiging perpekto niya, at nagpatamo ng malalim na pagkaunawa ng kalooban ng Diyos. Lalo ring nagpasalamat si Job sa mga pagpapala at biyaya ng Diyos, nagbuhos siya ng mas maraming papuri sa mga gawa ng Diyos sa kanyang puso, at siya ay mas nagkaroon ng takot at paggalang sa Diyos, at naghangad pa lalo ng pagiging kaibig-ibig, kadakilaan, at kabanalan ng Diyos. Sa oras na ito, kahit na si Job ay isa pa ring tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa masama sa paningin ng Diyos, dahil sa kanyang mga karanasan, lalong lumago ang kanyang pananampalataya at kaalaman: Nadagdagan ang kanyang pananampalataya, nagkaroon ng matatag na pinanghahawakan ang kanyang pagiging masunurin, at lalong lumalim ang kanyang takot sa Diyos. Kahit binago ng pagsubok na ito ang espiritu at buhay ni Job, hindi nito napasiya si Job, at hindi rin nito pinabagal ang kanyang pag-unlad. Kasabay ng kanyang pagtatantiya sa napakinabangan niya mula sa pagsubok na ito, at habang iniisip niya ang kanyang sariling mga pagkukulang, tahimik siyang nanalangin, naghihintay sa pagdating ng susunod na pagsubok sa kanya, sapagkat naghahangad siya na tumaas pa ang kanyang pananampalataya, pagiging masunurin, at takot sa Diyos sa susunod na pagsubok ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II