Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Pagkakatawang-tao | Sipi 139

315 2020-08-07

Ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring manatili sa piling ng tao magpakailanman dahil marami pang ibang gawaing gagawin ang Diyos. Hindi Siya maaaring nakatali sa katawang-tao; kailangan Niyang hubarin ang katawang-tao upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin, kahit ginagawa Niya ang gawaing iyon sa larawan ng katawang-tao. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, hindi Niya hinihintay na maabot Niya ang anyong dapat maabot ng isang normal na tao bago mamatay at lisanin ang sangkatauhan. Gaano man katanda ang Kanyang katawan, kapag natapos na ang Kanyang gawain, umaalis Siya at iniiwan ang tao. Walang kuwenta sa Kanya ang edad, hindi Niya binibilang ang Kanyang mga araw ayon sa haba ng buhay ng tao; sa halip, tinatapos Niya ang Kanyang buhay sa katawang-tao alinsunod sa mga hakbang ng Kanyang gawain. Maaaring may mga taong nakadarama na ang Diyos, sa pagpasok sa katawang-tao, ay kailangang magkaedad, kailangang mahusto ang gulang, tumanda, at lumisan lamang kapag bumigay na ang katawan. Ito ay imahinasyon ng tao; hindi ganyan ang Diyos. Siya ay nagkakatawang-tao upang gawin lamang ang gawaing dapat Niyang gawin, at hindi upang mamuhay ng buhay ng isang normal na tao na isilang sa mga magulang, lumaki, bumuo ng pamilya at magkatrabaho, magkaroon at magpalaki ng mga anak, o maranasan ang mga tagumpay at kabiguan sa buhay—lahat ng aktibidad ng isang normal na tao. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, ito ang Espiritu ng Diyos na nagbibihis ng katawang-tao, nagkakaroon ng katawang-tao, ngunit ang Diyos ay hindi namumuhay ng buhay ng isang normal na tao. Pumaparito lamang Siya upang tuparin ang isang bahagi ng Kanyang plano ng pamamahala. Pagkatapos niyan ay lilisanin Niya ang sangkatauhan. Kapag Siya ay nagkakatawang-tao, hindi ginagawang perpekto ng Espiritu ng Diyos ang normal na pagkatao ng katawan. Sa halip, sa panahong naitakda na ng Diyos, ang pagka-Diyos ang tuwirang gumagawa. Pagkatapos, matapos gawin ang lahat ng kailangan Niyang gawin at lubos nang natapos ang Kanyang ministeryo, tapos na ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa yugtong ito, kung kailan nagtatapos din ang buhay ng Diyos na nagkatawang-tao, naisabuhay man ng Kanyang katawang-taong may laman ang haba ng buhay nito. Ibig sabihin, anumang yugto ng buhay ang abutin ng katawang may laman, gaano man katagal itong nabuhay sa lupa, lahat ay ipinapasya ng gawain ng Espiritu. Wala itong kinalaman sa itinuturing ng tao na normal na pagkatao. Ipaghalimbawa natin si Jesus. Nabuhay Siya sa katawang-tao sa loob ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon. Patungkol sa haba ng buhay ng katawan ng tao, hindi Siya dapat na namatay sa edad na iyon, at hindi Siya dapat lumisan. Ngunit hindi ito problema ng Espiritu ng Diyos. Dahil tapos na ang Kanyang gawain, sa puntong iyon ay inalis na ang katawan, na nawala kasama ng Espiritu. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa katawang-tao. Kaya nga, sa madaling salita, hindi ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao ang pinakamahalaga. Inuulit Ko, pumaparito Siya sa lupa hindi upang ipamuhay ang buhay ng isang normal na tao. Hindi muna Siya nagtatatag ng isang normal na buhay ng tao at pagkatapos ay nagsisimulang gumawa. Sa halip, basta’t isinilang Siya sa isang normal na pamilya ng tao, nagagawa Niya ang banal na gawain, gawaing walang bahid-dungis ng mga layon ng tao, na hindi panlaman, na tiyak na hindi ginagaya ang mga paraan ng lipunan o nagkakaroon ng mga kaisipan o kuru-kuro ng tao, at bukod pa riyan, hindi kasali riyan ang mga pilosopiya ng tao para sa pamumuhay. Ito ang gawaing layong gawin ng Diyos na nagkatawang-tao, at ito rin ang praktikal na kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Ang Diyos ay nagkakatawang-tao una sa lahat upang gawin ang isang yugto ng gawain na kailangang gawin sa katawang-tao, nang hindi nagdaraan sa iba pang mga walang-kuwentang proseso, at, tungkol naman sa mga karanasan ng isang normal na tao, wala Siya ng mga iyon. Hindi kabilang sa gawaing kailangang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga karanasan ng normal na tao. Kaya ang Diyos ay nagkakatawang-tao para isakatuparan ang gawaing kailangan Niyang tuparin sa katawang-tao. Ang nalalabi ay walang kinalaman sa Kanya; Hindi Siya dumaraan sa napakaraming walang-kuwentang proseso. Kapag natapos na ang Kanyang gawain, natatapos na rin ang kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Ang pagtatapos sa yugtong ito ay nangangahulugan na nagtapos na ang gawaing kailangan Niyang gawin sa katawang-tao, at kumpleto na ang ministeryo ng Kanyang katawang-tao. Ngunit hindi Siya maaaring patuloy na gumawa sa katawang-tao nang walang katapusan. Kailangan Niyang sumulong sa isa pang lugar upang gumawa, isang lugar sa labas ng katawang-tao. Sa ganitong paraan lamang lubos na maisasagawa ang Kanyang gawain, at sumulong nang may mas matinding epekto. Gumagawa ang Diyos ayon sa Kanyang orihinal na plano. Kung anong gawain ang kailangan Niyang gawin at anong gawain ang natapos na Niya, alam na alam Niya nang kasinglinaw ng palad ng Kanyang kamay. Inaakay ng Diyos ang bawat indibiduwal na lumakad sa landas na napagpasyahan na Niya noon pa man. Walang sinumang makakatakas dito. Yaon lamang mga sumusunod sa patnubay ng Espiritu ng Diyos ang makakapasok sa kapahingahan. Maaaring, sa gawain sa hinaharap, hindi ang Diyos ang mangungusap sa katawang-tao upang gabayan ang tao, kundi isang Espiritung may anyong mahahawakan na gumagabay sa buhay ng tao. Saka lamang makakaya ng tao na talagang mahawakan ang Diyos, mamasdan ang Diyos, at mas lubos na makapasok sa realidad na kinakailangan ng Diyos, upang magawang perpekto ng praktikal na Diyos. Ito ang gawaing layon ng Diyos na tuparin, at matagal na Niyang ipinlano. Mula rito, dapat ninyong makitang lahat ang landas na dapat ninyong tahakin!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Mahalagang Kaibhan sa Pagitan ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng mga Taong Kinakasangkapan ng Diyos

Mag-iwan ng Tugon