Menu

Lubusang Winasak ang Sodoma Dahil sa Pagkakapuno sa Poot ng Diyos

Nang makita ng mga taga-Sodoma ang dalawang lingkod na ito, hindi nila itinanong kung ano ang kanilang dahilan sa pagdating, ni may isa man lang na nagtanong kung dumating ba sila upang ipalaganap ang kalooban ng Diyos. Bagkus, bumuo sila ng isang malaking pangkat ng mga tao at, dumating sila para dakpin ang dalawang lingkod na ito na gaya ng mga asong gubat o mababangis na mga lobo nang walang anumang paliwanag. Pinagmasdan ba ng Diyos ang mga bagay na ito habang nangyayari? Ano kaya ang iniisip ng Diyos sa Kanyang puso tungkol sa ganitong uri ng pag-uugali ng tao, sa ganitong klase ng pangyayari? Nagpasya ang Diyos na wasakin ang lungsod na ito; hindi na Siya mag-aatubili o maghihintay, ni magpapakita pa ng pasensya. Dumating na ang Kanyang araw, at kaya naman sinimulan na Niya ang gawaing ninais Niyang gawin. Sa gayon, ang sinasabi sa Genesis 19:24–25, “Nang magkagayo’y nagpaulan si Jehova sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy mula kay Jehova na buhat sa langit; at ginunaw Niya ang mga bayang yaon, at ang buong kapatagan at ang lahat ng nananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.” Sinasabi ng dalawang bersikulong ito ang paraan kung paano winasak ng Diyos ang lungsod na ito pati na rin kung ano ang winasak ng Diyos. Una, isinasalaysay ng Bibliya na sinunog ng Diyos ang lungsod sa pamamagitan ng apoy, at ang lawak ng apoy na ito ay sapat na upang malipol ang lahat ng tao at lahat ng nabubuhay sa lupa. Ibig sabihin, hindi lamang winasak ng apoy na nagmula sa langit ang lungsod; winasak din nito ang lahat ng tao at lahat ng nabubuhay na bagay sa loob nito, hanggang sa wala nang natira ni isang bakas. Pagkatapos mawasak ang lungsod, naiwan ang lupang walang anumang bagay na nabubuhay. Wala nang buhay, ni anumang palatandaan nito. Ang lungsod ay naging kaparangan, isang lugar na walang laman na napupuno ng nakabibinging katahimikan. Wala nang magagawang anumang masasamang gawa laban sa Diyos sa lugar na ito, wala nang patayan o pagdanak ng dugo.

Bakit ninais ng Diyos na sunugin ang lungsod na ito nang lubusan? Ano ang nakikita ninyo rito? Matitiis bang panoorin ng Diyos ang sangkatauhan at ang kalikasan, na Kanyang mga sariling nilikha, na mawasak nang ganito? Kung maunawaan mo ang galit ng Diyos na si Jehova mula sa apoy na pinaulan mula sa langit, hindi mahirap makita kung gaano katindi ang Kanyang poot, mula sa layon ng Kanyang pagwasak at sa tindi ng pagkawasak ng lungsod na ito. Kapag kinamumuhian ng Diyos ang isang lungsod, ibibigay Niya rito ang Kanyang kaparusahan. Kapag nasusuklam ang Diyos sa isang lungsod, padadalhan Niya ito ng paulit-ulit na babala upang ipabatid sa mga tao ang Kanyang galit. Ngunit kapag nagpasya ang Diyos na wakasan na at wasakin ang isang lungsod—iyon ay kapag napuno na ang Kanyang poot at pagiging maharlika—hindi na Siya magbibigay pa ng anumang mga kaparusahan o mga babala. Sa halip, tuluyan na Niya itong wawasakin. Lubusan na Niya itong paglalahuin. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Rekomendasyon:

Mag-iwan ng Tugon