Menu

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 174 Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 174
00:00/ 00:00

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 174

00:00
00:00

Ang gawain ng tao ay nagpapahiwatig ng kanyang karanasan at kanyang pagkatao. Ang ibinibigay at ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanya. Ang kabatiran, pangangatwiran, lohika, at mayamang imahinasyon ng tao ay kasamang lahat sa kanyang gawain. Ang karanasan ng tao ay mas naipapahiwatig ang kanyang gawain, at ang mga karanasan ng isang tao ay nagiging mga bahagi ng kanyang gawain. Ang gawain ng tao ay maaaring magpahayag ng kanyang karanasan. Kapag negatibo ang karanasan ng ilang tao, karamihan sa pananalita ng kanilang pagbabahagi ay binubuo ng mga negatibong elemento. Kung positibo ang kanilang karanasan sa loob ng ilang panahon at lalo silang may isang landas sa positibong aspeto, lubhang nakakasigla ang kanilang ibinabahagi, at maaaring magtamo ng positibong mga panustos ang mga tao mula sa kanila. Kung ang isang manggagawa ay nagiging negatibo sa loob ng ilang panahon, laging magdadala ng negatibong mga elemento ang kanyang pagbabahagi. Nakakalungkot ang ganitong uri ng pagbabahagi, at hindi sinasadyang nalulumbay ang iba pagkatapos niyang magbahagi. Nagbabago ang kalagayan ng mga tagasunod batay sa kalagayan ng pinuno. Anuman ang nasa kalooban ng manggagawa, iyon ang kanyang ipinapahayag, at kadalasan ay nagbabago ang gawain ng Banal na Espiritu ayon sa kalagayan ng tao. Siya ay gumagawa ayon sa karanasan ng mga tao at hindi Niya sila pinipilit, ngunit humihingi Siya sa mga tao ayon sa normal na takbo ng kanilang karanasan. Ang ibig sabihin nito ay na ang pagbabahagi ng tao ay naiiba sa salita ng Diyos. Ipinararating ng ibinabahagi ng tao ang kanilang indibidwal na mga kabatiran at karanasan, ipinapahayag ang kanilang mga kabatiran at karanasan batay sa gawain ng Diyos. Ang kanilang responsibilidad ay alamin, pagkatapos gumawa o magsalita ang Diyos, kung ano ang kailangan nilang isagawa o pasukin, at pagkatapos ay ihatid ito sa mga tagasunod. Samakatuwid, ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanyang pagpasok at pagsasagawa. Mangyari pa, ang ganitong gawain ay may kahalong mga aral at karanasan ng tao o ilang saloobin ng tao. Paano man gumagawa ang Banal na Espiritu, sa tao man o sa Diyos na nagkatawang-tao, laging ipinapahayag ng mga manggagawa kung ano sila. Kahit ang Banal na Espiritu ang gumagawa, ang gawain ay nakasalig sa kung ano ang likas sa tao, dahil hindi gumagawa ang Banal na Espiritu nang walang pundasyon. Sa madaling salita, ang gawain ay hindi nagmumula sa wala, kundi ginagawa nang naaayon sa aktwal na mga pangyayari at tunay na mga kundisyon. Sa ganitong paraan lamang mababago ang disposisyon ng tao at ang kanyang dating mga kuru-kuro at dating saloobin. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang nakikita, nararanasan, at naiisip, at kaya itong abutin ng pag-iisip ng tao, kahit ito ay doktrina o mga kuru-kuro. Hindi malalampasan ng gawain ng tao ang saklaw ng karanasan ng tao, ni ng nakikita ng tao, ni ng kayang isipin o akalain ng tao, gaano man kalaki ang gawaing iyon. Lahat ng ipinapahayag ng Diyos ay kung ano Siya Mismo, at hindi ito kayang abutin ng tao—ibig sabihin, hindi ito kayang abutin ng pag-iisip ng tao. Ipinapahayag Niya ang Kanyang gawaing pamunuan ang buong sangkatauhan, at wala itong kaugnayan sa mga detalye ng karanasan ng tao, kundi sa halip ay may kinalaman ito sa Kanyang sariling pamamahala. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang karanasan, samantalang ang ipinapahayag ng Diyos ay ang Kanyang pagiging Diyos, na Kanyang likas na disposisyon, na hindi kayang abutin ng tao. Ang karanasan ng tao ay ang kanyang kabatiran at kaalamang nakamtan batay sa pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang pagiging Diyos. Ang ganitong kabatiran at kaalaman ay tinatawag na pagkatao ng tao, at ang batayan ng pagpapahayag ng mga iyon ay ang likas na disposisyon at kakayahan ng tao—kaya nga tinatawag din ang mga iyon na pagkatao ng tao. Nagagawang ibahagi ng tao ang kanyang nararanasan at nakikita. Walang sinumang maaaring makapagbahagi ng anumang hindi pa nila naranasan, hindi pa nila nakita, o hindi kayang abutin ng kanilang pag-iisip, dahil ang mga bagay na iyon ay wala sa kanilang kalooban. Kung ang ipinapahayag ng tao ay hindi nagmumula sa kanyang karanasan, imahinasyon niya iyon o doktrina. Sa madaling salita, walang realidad sa kanyang mga salita. Kung hindi ka pa kailanman nakipag-ugnayan sa mga bagay ng lipunan, hindi mo magagawang ibahagi nang malinaw ang kumplikadong mga ugnayan ng lipunan. Kung wala kang pamilya, kapag nag-usap-usap ang ibang mga tao tungkol sa mga problema sa pamilya, hindi mo mauunawaan ang karamihan sa sinabi nila. Kaya, ang ibinabahagi ng tao at ang gawaing kanyang ginagawa ay kumakatawan sa kanyang kalooban. Kung ibinahagi ng sinuman ang kanyang pagkaunawa tungkol sa pagkastigo at paghatol, ngunit wala kang karanasan doon, hindi ka mangangahas na tanggihan ang kanyang kaalaman, lalo nang hindi ka mangangahas na siyento-por-siyentong magtiwala roon. Ito ay dahil ang kanilang ibinabahagi ay isang bagay na hindi mo pa naranasan kailanman, isang bagay na hindi mo pa nalaman kailanman, at hindi iyon kayang isipin ng isip mo. Mula sa kanilang kaalaman, lahat ng matututuhan mo ay isang landas tungo sa pagdaan sa pagkastigo at paghatol sa hinaharap. Ngunit ang landas na ito ay maaaring maging isa lamang doktrinal na kaalaman; hindi ito makakapalit sa iyong sariling pagkaunawa, lalo na sa iyong karanasan. Marahil ay iniisip mo na ang sinasabi nila ay medyo tama, ngunit sa sarili mong karanasan, alam mo na hindi iyon praktikal sa maraming paraan. Marahil pakiramdam mo ay lubos na hindi praktikal ang ilan sa naririnig mo; nagkikimkim ka ng mga kuru-kuro tungkol doon sa oras na iyon, at bagama’t tinatanggap mo iyon, nag-aatubili ka pa rin. Ngunit sa sarili mong karanasan, ang kaalamang pinagmulan ng iyong mga kuru-kuro ang nagiging paraan mo ng pagsasagawa, at habang lalo kang nagsasagawa, lalo mong nauunawaan ang tunay na halaga at kahulugan ng mga salitang iyong narinig. Matapos magkaroon ng sarili mong karanasan, maaari mo nang banggitin ang kaalamang dapat mong taglayin tungkol sa naranasan mo. Dagdag pa rito, maaari mo ring tukuyin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong tunay at praktikal ang kaalaman at ng mga taong ang kaalaman ay batay sa doktrina at walang halaga. Kaya, naaayon man sa katotohanan ang kaalamang sinasabi mo ay lubhang nakasalalay sa kung ikaw ay may praktikal na karanasan doon. Kapag may katotohanan sa iyong karanasan, magiging praktikal at mahalaga ang iyong kaalaman. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, magtatamo ka rin ng paghiwatig at kabatiran, mapapalalim mo ang iyong kaalaman, at madaragdagan ang iyong karunungan at sentido kumon tungkol sa kung paano ka dapat kumilos. Ang kaalamang ipinapahayag ng mga taong walang taglay na katotohanan ay doktrina, gaano man iyon katayog. Ang ganitong uri ng tao ay maaaring napakatalino pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa laman ngunit hindi matukoy ang mga kaibhan pagdating sa mga espirituwal na gawain. Iyan ay dahil ang gayong mga tao ay wala ni isang karanasan man lamang sa mga espirituwal na bagay. Sila ang mga taong hindi naliliwanagan sa mga espirituwal na gawain at hindi nauunawaan ang mga espirituwal na bagay. Anumang uri ng kaalaman ang ipahayag mo, basta’t tungkol iyon sa iyong pagkatao, iyon ay iyong personal na karanasan, iyong tunay na kaalaman. Ang tinatalakay ng mga taong nagsasalita lamang ng doktrina—yaong mga taong walang taglay na katotohanan ni realidad—ay maaari ding tawaging kanilang pagkatao, dahil nakarating sila sa kanilang doktrina sa pamamagitan lamang ng malalim na pagninilay-nilay at ito ang bunga ng kanilang malalim na pagbubulay-bulay. Subalit ito ay doktrina lamang, walang iba kundi imahinasyon!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Mag-iwan ng Tugon