Mag-subscribe

Menu

Madalas sabihin sa atin ng mga pastor na bagaman sunod-sunod ang pagbagsak ng mga sakuna, hindi tayo dapat matakot, sapagkat sinasabi sa atin ng Biblia: “Isang libo ay mabubuwal sa iyong siping, at sangpung libo sa iyong kanan; nguni't hindi lalapit sa iyo” (Awit 91:7). Kung tayo ay may pananampalataya sa Panginoon, at patuloy na manalangin, magbasa ng Biblia, at magtipon, hindi sasapit sa atin ang sakuna. Ngunit may ilang mga pastor ng relihiyon at mga Kristiyano na namatay sa mga sakunang ito. Lahat sila ay nagbasa ng Biblia, nanalangin, at naglingkod sa Panginoon, kaya bakit hindi sila prinotektahan ng Diyos?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 7:21-23).

“Narito, ako’y madaling pumaparito; at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa’t isa ayon sa kaniyang gawa. Ako ang Alpha at ang Omega, at ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas. Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila’y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan. Nangasa labas ang mga aso, at ang mga manggagaway, at ang mga mapakiapid, at ang mga mamamatay-tao, at ang mga mapagsamba sa diosdiosan, at ang bawa’t nagiibig at gumagawa ng kasinungalingan” (Pahayag 22:12-15).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ngayon ang panahon na Aking inaalam ang katapusan ng bawat tao, hindi ang yugto na sinimulan Kong hubugin ang tao. Sinusulat Ko sa Aking talaang libro, isa-isa, ang mga salita at kilos ng bawat tao, maging ang kanilang daan sa pagsunod sa Akin, ang kanilang likas na mga katangian, at ang kanilang huling paggawa. Sa ganitong paraan, walang uri ng tao ang makakatakas sa kamay Ko at lahat ay makakasama ng kanilang kauri ayon sa itinalaga Ko. Ako ang nagpapasya sa hantungan ng bawat tao hindi batay sa edad, katandaan, laki ng paghihirap, at lalong hindi, ayon sa tindi ng kanilang pagiging kaawa-awa, kundi ayon sa kung may angkin silang katotohanan. Walang ibang mapipili kundi ito. Dapat ninyong matanto na lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos ay parurusahan. Ito ay hindi nababagong katotohanan. Samakatuwid, lahat niyaong pinaparusahan ay pinaparusahan nang gayon dahil sa katuwiran ng Diyos at bilang ganti sa kanilang maraming masasamang gawa.

Hinango mula sa “Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kundisyon sa mga kinakailangan Ko sa tao, at yaong Aking kailangan ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Hindi Ko alintana kung gaano kalawak o kung gaano kagalang-galang ang iyong mga kakayahan; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung lumalakad ka sa Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay pababagsakin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Ngayon, kung nakasunod ka sa mga salita na Aking binitiwan, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa anumang kalagayan, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makahulugan. Sinasabi mo rin, “Sa ano mang katayuan, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid: Nagdusa ako para sa Kanya, gumawa para sa Kanya, at inilaan ang aking sarili sa Kanya, at masigasig akong nakagawa kahit hindi tumatanggap ng anumang pagkilala; tiyak na aalalahanin Niya ako.” Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang pagkamakatuwiran na ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o pantaong pag-uugnayan. Ang lahat ng mapanghimagsik at kasalungat, at hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira! May ilang tao na nagsasabi, “Ngayon ay gumagawa ako para sa Iyo; kapag dumating ang katapusan, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?” Kaya tinatanong kita, “Nakatupad ka ba sa Aking mga salita?” Ang pagkamatuwid na iyong sinasalita ay nakasalig sa isang pag-uugnayan. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid, at hindi nagtatangi sa lahat ng tao, at ang lahat ng yaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at makakamtan ang Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na “lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas”: Lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan, sila yaong, pagkatapos Kong malupig, ay hinahanap ang katotohanan at ginagawang perpekto. Anong mga kalagayan ang iyong natamo? Ang nakamit mo lamang ay pagsunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay nakatugon sa Aking mga salita? Natupad mo ang isa sa Aking limang kailangan, gayunman ay wala kang hangarin na tuparin ang natitirang apat. Natagpuan mo ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at hinabol ito habang iniisip na ikaw ay mapalad. Sa gayong tao na katulad mo ang Aking matuwid na disposisyon ay isa ng pagkastigo at paghatol, ito ay isa ng matuwid na pagganti, at ito ay ang matuwid na kaparusahan sa lahat ng masasamang tao; lahat niyaong hindi lumalakad sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagkamatuwid ng Diyos.

Hinango mula sa “Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang gusto ng Diyos ay ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga yapak. Hindi alintana kung gaano man kahanga-hanga at kadalisay ang naunawaan mo noong una, ayaw ito ng Diyos, at kung hindi mo magagawang isantabi ang gayong mga bagay, kung gayon ang mga ito ay napakalaking hadlang sa iyong pagpasok sa hinaharap. Lahat niyaong nagagawang sumunod sa kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinunod din ng mga tao sa mga kapanahunang lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila nakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga maaaring sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, anupa’t sumusunod sila sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila pupurihin. Sa ngayon, lahat niyaong sumusunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga salita ng Diyos ngayon ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi pupurihin ng Diyos. Ang paglilingkod na hiwalay mula sa kasalukuyang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na ukol sa laman, at ukol sa mga pagkaintindi, at wala itong kakayahan na maging alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong pagkaintindi, kung gayon wala silang magagawang anuman na akma para sa kalooban ng Diyos, at bagama’t naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa kalagitnaan ng kanilang guni-guni at mga pagkaintindi, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundin ang gawain ng Banal na Espiritu ang kalooban ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na kaayon ng Kanyang sariling puso; ayaw Niya sa paglilingkod na ukol sa mga pagkaintindi at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundin ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon sila ay nabubuhay sa gitna ng mga pagkaintindi. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakaantala at nakakagambala, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundin ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundin ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at mga walang kakayahan ng pagiging kaayon ng Diyos. Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa kasalukuyan, ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, ang magawang sumunod at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at pagpasok alinsunod sa pinakabagong mga pagbigkas ng Diyos. Tanging ito ay ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kakayahan na tanggapin ang papuri ng Diyos at nakikita ang Diyos, nguni’t makakaya ring malaman ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakahuling gawain ng Diyos, at makakaya ring malaman ang mga pagkaintindi at pagsuway ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakahuling gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong sa tunay na daan. Ang mga taong inaalis sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu ay mga tao na walang kakayahan na sundin ang pinakahuling gawain ng Diyos, at mga naghihimagsik laban sa pinakahuling gawain ng Diyos. Na ang gayong mga tao ay hayagang kinakalaban ang Diyos sapagkat ang Diyos ay gumawa ng bagong gawain, at sapagkat ang larawan ng Diyos ay hindi kagaya ng sa kanilang mga pagkaintindi—bilang resulta nito hayagan nilang kinakalaban ang Diyos at hinahatulan ang Diyos, na humahantong na sila ay kasuklaman at itakwil ng Diyos. Ang pagtataglay ng kaalaman ukol sa pinakahuling gawain ng Diyos ay hindi magaan na bagay, ngunit kung pinipili ng mga tao na sumunod sa gawain ng Diyos at hangarin ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakataon na makita ang Diyos, at magkakaroon ng pagkakataon na kamtin ang pinakabagong paggabay ng Banal na Espiritu. Yaong mga sinasadyang kalabanin ang gawain ng Diyos ay hindi makakatanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu o ng paggabay ng Diyos. Kaya, matatanggap man o hindi ng mga tao ang pinakahuling gawain ng Diyos ay nakasalalay sa biyaya ng Diyos, nakasalalay ito sa kanilang paghahangad, at nakasalalay ito sa kanilang mga layunin.

Lahat niyaong nakakasunod sa kasalukuyang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi alintana kung paano sila dati, o kung paano dating gumawa ang Banal na Espiritu sa loob nila—yaong mga nagkamit na sa pinakahuling gawain ng Diyos ay ang mga pinakapinagpala, at yaong mga hindi nakakasunod sa pinakahuling gawain sa kasalukuyan ay inaalis.

Hinango mula sa “Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang mga naghahanap at ang mga hindi naghahanap ay dalawang magkaibang uri ng mga tao ngayon, at sila ay dalawang uri ng mga tao na may dalawang magkaibang hantungan. Yaong mga taong nagpapatuloy sa kaalaman ng katotohanan at isinasagawa ang katotohanan ay ang mga tao na ililigtas ng Diyos. Ang mga hindi nakakaalam sa tunay na daan ay mga demonyo at mga kaaway; sila ang mga inapo ng arkanghel at wawasakin. Kahit na ang mga taimtim na mananampalataya ng isang malabong Diyos—hindi ba mga demonyo rin sila? Ang mga taong nagtataglay ng mabubuting konsensya ngunit hindi tinatanggap ang tunay na daan ay mga demonyo; ang kanilang kakanyahan ay isang pagkalaban sa Diyos. Ang mga hindi tumatanggap sa tunay na daan ay ang mga lumalaban sa Diyos, at kahit na ang mga taong ito ay nagtitiis ng maraming paghihirap, sila pa rin ay wawasakin. Yaong mga ayaw lisanin ang mundo, na hindi kayang mahiwalay sa kanilang mga magulang, na hindi makayang alisin ang kanilang sarili sa kanilang sariling mga kasiyahan ng laman ay lahat suwail sa Diyos at lahat ay wawasakin. Sinuman na hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ay mala-demonyo; higit pa, sila ay wawasakin. Yaong mga naniniwala ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, yaong mga hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao, at ang mga hindi man lang naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay wawasakin. Sinuman na nakakayang manatili ay isang tao na napasailalim na sa kapaitan ng kapinuhan at nanindigang matatag; ito ay isang tao na tunay na napasailalim na sa mga pagsubok. Sinuman na hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; iyon ay, ang sinuman sa loob o labas ng agos na ito na hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay isang anticristo!

Hinango mula sa “Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Kapahingahan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Aking awa ay nahahayag sa mga nagmamahal sa Akin at nagtatakwil ng kanilang mga sarili. At ang kaparusahang sumapit sa masama ay tiyak na patunay ng Aking matuwid na disposisyon at, higit pa, patotoo sa Aking poot. Kapag dumarating ang sakuna, ang taggutom at salot ang sasapitin ng lahat niyaong sumasalungat sa Akin at sila ay tatangis. Silang nakagawa na ng lahat ng paraan ng kasamaan, subali’t nakasunod na sa Akin ng maraming taon, ay hindi makakatakas sa pagbabayad ng kanilang mga kasalanan; sila man, na nahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakita na sa milyon-milyong taon, ay darating sa pamumuhay sa palagiang kalagayan ng sindak at takot. At yaon lamang Aking mga tagasunod na nakapagpakita na ng katapatan sa Akin ang magagalak at magpupuri sa Aking kapangyarihan. Mararanasan nila ang di-mailarawang kapanatagan at mabubuhay sa isang kagalakan na kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong kayamanan ang mabubuting gawa ng mga tao at kinasusuklaman ang kanilang masasamang gawa. Mula nang una Kong sinimulang pangunahan ang sangkatauhan, umasa Ako nang husto na makamit ang isang grupo ng mga taong may kaisipang katulad ng sa Akin. Hindi Ko kailanman nalimutan yaong mga hindi Ko kaisa sa pag-iisip; nasuklam na Ako sa kanila sa Aking puso, naghihintay lamang ng pagkakataon para gantihan Ko sila, at matutuwa Kong makita iyon. Ang araw Ko ay dumating na ngayon sa wakas, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!

Hinango mula sa “Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ngunit hangga’t ang lumang mundo ay patuloy na umiiral, ihahagis Ko ang Aking galit sa mga bansa nito, hayagang ipoproklama ang Aking mga atas administratibo sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito:

Kapag humaharap Ako sa sansinukob upang magsalita, naririnig ng buong sangkatauhan ang Aking tinig, at sa gayon ay nakikita nila ang lahat ng Aking ginawa sa buong sansinukob. Yaong mga sumasalungat sa Aking kalooban, ibig sabihin, yaong mga tumututol sa Akin taglay sa mga gawa ng tao, ay babagsak sa ilalim ng Aking pagkastigo. Kukunin Ko ang napakaraming bituin sa kalangitan at paninibaguhin ang mga ito, at dahil sa Akin ang araw at ang buwan ay mapapanibago—ang kalangitan ay hindi na magiging gaya ng dati; ang di-mabilang na mga bagay sa lupa ay mapapanibago. Lahat ay magiging ganap sa pamamagitan ng Aking mga salita. Ang maraming mga bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahatiin at papalitan ng Aking kaharian, kaya ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman at lahat ay magiging isang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak, at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, lahat ng nauukol sa diyablo ay lilipulin; lahat ng sumasamba kay Satanas ay ilalapag sa Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang maraming bayan, yaong mga nasa relihiyosong daigdig, sa iba’t ibang lawak, ay bumabalik sa Aking kaharian, nalupig ng Aking mga gawain, dahil nakita na nila ang pagdating ng Banal na nakasakay sa puting ulap. Susunod ang buong sangkatauhan sa kanilang sariling uri, at makakatanggap ng mga pagkastigo na naiiba sa kung ano ang kanilang nagawa. Yaong mga kumalaban sa Akin ay malilipol na lahat; para naman sa mga yaon na hindi Ako isinama sa kanilang mga gawa sa lupa, dahil sa paraan nila ng pagpapawalang-sala sa kanilang sarili, patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at ng Aking bayan. Ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming tao at sa napakaraming bansa, na nagpapahayag ng Aking sariling tinig sa ibabaw ng lupa upang ipahayag ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain para makita ng buong sangkatauhan sa sarili nilang mga mata.

Hinango mula sa “Kabanata 26” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao