Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 58

1,078 2020-06-14

Huwag Magkaroon ng Pangamba sa mga Pagsubok ng Diyos

Pagkatapos makatanggap ng patotoo mula kay Job kasunod ng pagwawakas ng kanyang mga pagsubok, nagpasiya ang Diyos na Siya ay makakakuha ng isang grupo—o higit pa sa isang grupo—ng mga tao na kagaya ni Job, ngunit nagpasiya Siya na hindi na kailanman muling payagan si Satanas na atakihin o abusuhin ang sinumang tao gamit ang mga paraan kung paano nito tinukso, inatake, at inabuso si Job, sa pamamagitan ng pakikipagpustahan sa Diyos; hindi na kailanman pinahintulutan ng Diyos si Satanas na muling gawin ang mga ganoong bagay sa tao, na mahina, hangal, at mangmang—sapat na ang panunukso ni Satanas kay Job! Ang hindi pagpapahintulot kay Satanas na abusuhin ang mga tao sa anumang paraan na nais nito ay ang awa ng Diyos. Para sa Diyos, sapat na ang pagdurusa ni Job sa tukso at pang-aabuso ni Satanas. Hindi na kailanman pinahintulutan ng Diyos si Satanas na muling gawin ang mga ganoong bagay, dahil ang mga buhay at lahat ng bagay sa mga taong sumunod sa Diyos ay pinamamahalaan at isinasaayos ng Diyos, at si Satanas ay walang karapatan na manipulahin ang mga hinirang ng Diyos sa anumang paraang gusto nito—dapat malinaw sa inyo ang puntong ito! Nagmamalasakit ang Diyos sa kahinaan ng tao, at nauunawaan ang kanyang kahangalan at kamangmangan. Bagama’t upang ang tao ay ganap na mailigtas, kailangan siyang ibigay ng Diyos kay Satanas, ayaw makita ng Diyos na pinaglalaruan na parang isang hangal at inaabuso ni Satanas ang tao, at hindi Niya nais na makita ang tao na laging nahihirapan. Ang tao ay nilalang ng Diyos, at itinakda ng Langit at kinilala ng lupa na ang Diyos ang mamamahala at magsasaayos sa lahat tungkol sa tao; ito ay ang responsibilidad ng Diyos, at ang awtoridad kung saan pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay! Hindi pinahihintulutan ng Diyos si Satanas na abusuhin at tratuhin ang tao nang masama kung kailan nito gusto, hindi Niya pinahihintulutan si Satanas na gumamit ng iba’t ibang paraan upang iligaw ang tao, at higit pa rito, hindi Niya pinahihintulutan si Satanas na makialam sa dakilang kapangyarihan ng Diyos sa tao, at hindi niya pinahihintulutan si Satanas na tapakan at sirain ang mga batas kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay, bukod pa sa dakilang gawain ng Diyos na pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan! Ang sinumang nais na iligtas ng Diyos, at ang mga taong nagawang magpatotoo sa Diyos, ay ang kaibuturan at tiyak na pagpapalinaw sa gawain ng anim na libong taon na plano ng pamamahala ng Diyos, pati na rin ang halaga ng Kanyang mga pagsusumikap sa Kanyang anim na libong taong gawain. Paano magagawa ng Diyos na basta na lamang ibigay ang mga taong ito kay Satanas?

Ang mga tao ay madalas na nag-aalala at natatakot sa mga pagsubok ng Diyos, gayunman, sa lahat ng oras sila ay nabubuhay sa bitag ni Satanas, at naninirahan sa mapanganib na teritoryo kung saan sila ay nilulusob at inaabuso ni Satanas—ngunit sila ay walang takot, at panatag. Ano ang nangyayari? Ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay limitado lamang sa mga bagay na kanyang makikita. Wala siya ni kaunting pagpapahalaga sa pagmamahal at pagmamalasakit ng Diyos para sa tao, o sa Kanyang pagmamahal at pagsasaalang-alang sa tao. Ngunit para sa isang maliit na pangamba at takot tungkol sa mga pagsubok, paghatol at pagkastigo ng Diyos, at sa Kanyang kadakilaan at poot, ang tao ay wala kahit kaunting pagkaunawa sa magagandang balak ng Diyos. Sa pagbanggit ng mga pagsubok, ang pakiramdam ng tao ay para bang mayroong mga natatagong layunin ang Diyos, at ang ilan ay naniniwala pa na may masamang layunin ang Diyos, walang kamalay-malay sa kung ano ang talagang gagawin ng Diyos sa kanila; dahil dito, kasabay ng pagsigaw na sumunod sa dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang pigilan at labanan ang dakilang kapangyarihan ng Diyos sa tao at mga pagsasaayos para sa tao, dahil naniniwala sila na kung hindi sila maingat sila ay ililigaw ng Diyos, na kung hindi nila mahigpit na mahahawakan ang kanilang sariling mga kapalaran, ang lahat ng mayroon sila ay maaaring kunin ng Diyos, at maging ang kanilang buhay ay maaaring magwakas. Ang tao ay nasa kampo ni Satanas, ngunit siya ay hindi kailanman nag-aalala tungkol sa pang-aabuso ni Satanas, at siya ay inaabuso ni Satanas ngunit hindi kailanman natatakot na mabihag ni Satanas. Palagi niyang sinasabi na tinatanggap niya ang kaligtasan ng Diyos, subalit hindi niya kailanman pinagkatiwalaan ang Diyos o pinaniwalaan na ang Diyos ay tunay na magliligtas sa tao mula sa mga kuko ni Satanas. Tulad ni Job, kung magagawa ng tao na magpasakop sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos, at magagawa niyang ibigay ang kanyang buong katauhan sa mga kamay ng Diyos, hindi ba’t ang katapusan ng tao ay magiging katulad ng naging katapusan ni Job—ang pagkatanggap ng mga biyaya ng Diyos? Kung magagawa ng tao na tanggapin at magpasakop sa pamamahala ng Diyos, anong maiwawala roon? Kaya naman, iminumungkahi Ko na maging maingat kayo sa inyong mga kilos, at maingat sa lahat ng bagay na parating sa inyo. Huwag maging pangahas o pabigla-bigla, at huwag tratuhin ang Diyos at ang mga tao, mga usapin, at mga bagay-bagay na inayos Niya para sa inyo ayon sa tindi ng inyong damdamin o inyong kalikasan, o ayon sa inyong mga guni-guni at kuru-kuro; dapat kayong maging maingat sa inyong mga kilos, at dapat kayong manalangin at magsumikap nang higit pa, upang maiwasan ninyo ang pag-udyok sa galit ng Diyos. Tandaan ito!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Mag-iwan ng Tugon