Lulupigin Ko ang sangkatauhan dahil nilikha Ko ang mga tao at, bukod pa riyan, natamasa na nila ang lahat ng masaganang layon ng Aking paglikha. Ngunit tinanggihan na rin Ako ng mga tao; wala Ako sa kanilang puso, at ang tingin nila sa Akin ay pabigat Ako sa kanilang buhay, maging hanggang sa punto kung saan, dahil tunay nila Akong nakita, itinatakwil pa rin nila Ako, at pinipiga nila ang kanilang utak sa pag-iisip ng lahat ng posibleng paraan para talunin Ako. Hindi Ako hinahayaan ng mga tao na tratuhin sila nang seryoso o gumawa ng mahihigpit na kahilingan sa kanila, ni hindi nila Ako pinapayagang hatulan o kastiguhin ang kanilang pagiging hindi matuwid. Dahil ayaw Kong mag-abala rito, naiinis sila. Kaya nga ang Aking gawain ay kunin ang sangkatauhang kumakain, umiinom, at nagpapalayaw sa Akin ngunit hindi Ako kilala, at talunin sila. Aalisan Ko ng sandata ang sangkatauhan, at pagkatapos, dala ang Aking mga anghel, dala ang Aking kaluwalhatian, babalik Ako sa Aking tirahan. Sapagkat ang mga kilos ng mga tao ay matagal nang nakadurog sa Aking puso at nakawasak sa Aking gawain. Balak Kong bawiin ang kaluwalhatiang naagaw niyaong masama bago Ako lumakad nang masaya palayo, na hinahayaan ang sangkatauhan na patuloy na mabuhay, patuloy na “mamuhay at gumawa nang payapa at matiwasay,” patuloy na “linangin ang sarili nilang mga bukirin,” at hindi na Ako makikialam sa kanilang buhay. Ngunit ngayon ay layon Kong lubusang bawiin ang Aking kaluwalhatian mula sa kamay ng masama, bawiin ang kabuuan ng kaluwalhatiang inilakip Ko sa tao nang likhain Ko ang mundo. Hindi Ko na ito muling ipagkakaloob kailanman sa sangkatauhan sa lupa. Sapagkat hindi lamang nabigo ang mga tao na ingatan ang Aking kaluwalhatian, kundi ipinagpalit na nila ito sa larawan ni Satanas. Hindi pinahahalagahan ng mga tao ang Aking pagdating, ni hindi nila pinahahalagahan ang araw ng Aking kaluwalhatian. Hindi sila natutuwang tanggapin ang Aking pagkastigo, lalong ayaw nilang ibalik sa Akin ang Aking kaluwalhatian, ni ayaw nilang iwaksi ang lason ng masama. Patuloy Akong nililinlang ng sangkatauhan sa dating makalumang paraan, masaya ang ngiti at mukha ng mga tao sa dating makalumang paraan. Hindi nila namamalayan ang kalaliman ng dalamhating sasapit sa sangkatauhan pagkatapos silang lisanin ng Aking kaluwalhatian. Lalo na, hindi nila namamalayan na kapag sumapit ang Aking araw sa buong sangkatauhan, mas mahihirapan sila kaysa sa mga tao noong panahon ni Noe, sapagkat hindi nila alam kung gaano kadilim na ang Israel nang lisanin ito ng Aking kaluwalhatian, sapagkat nalilimutan ng tao sa madaling-araw kung gaano kahirap lampasan ang napakadilim na gabi. Kapag muling nagtago ang araw at bumaba ang kadiliman sa tao, muli siyang mananaghoy at magngangalit ang kanyang mga ngipin sa kadiliman. Nalimutan na ba ninyo, nang lisanin ng Aking kaluwalhatian ang Israel, kung gaano kahirap para sa mga Israelita na tiisin ang mga araw na iyon ng pagdurusa? Ngayon ang panahon kung kailan nakikita ninyo ang Aking kaluwalhatian, at ito rin ang panahon kung kailan nakikibahagi kayo sa araw ng Aking kaluwalhatian. Ang tao ay mananaghoy sa gitna ng kadiliman kapag nilisan ng Aking kaluwalhatian ang maruming lupain. Ngayon ang araw ng kaluwalhatian kung kailan ginagawa Ko ang Aking gawain, at ito ang araw kung kailan palalagpasin Ko ang sangkatauhan mula sa pagdurusa, sapagkat hindi Ko ibabahagi ang mga panahon ng pagpapahirap at pagdurusa sa kanila. Nais Ko lamang ganap na lupigin ang sangkatauhan, at ganap na talunin ang masama sa sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao