Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 397

460 2020-11-17

Ang pinakamahalaga sa pagsunod sa Diyos ay na dapat alinsunod ang lahat sa mga salita ng Diyos ngayon: Maging ikaw man ay naghahangad ng pagpasok sa buhay o ng katuparan ng kalooban ng Diyos, ang lahat ay dapat nakasentro sa mga salita ng Diyos ngayon. Kung ang iyong pakikipagniig at hinahangad ay hindi nakasentro sa mga salita ng Diyos ngayon, isa kang estranghero sa mga salita ng Diyos, at ganap na nawalan ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang gusto ng Diyos ay ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga yapak. Gaano man kahanga-hanga at kadalisay ang naunawaan mo noon, ayaw ito ng Diyos, at kung hindi mo magagawang isantabi ang gayong mga bagay, ang mga ito ay magiging napakalaking hadlang sa iyong pagpasok sa hinaharap. Lahat niyaong nagagawang sumunod sa kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinunod din ng mga tao sa mga kapanahunang lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila nakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga nagagawang sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, na sumusunod sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila pupurihin. Sa ngayon, lahat niyaong sumusunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga salita ng Diyos ngayon ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi pupurihin ng Diyos. Ang paglilingkod na hiwalay sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga palagay, at imposible itong maging alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong palagay, wala silang magagawang anuman na akma sa kalooban ng Diyos, at bagama’t naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa kalagitnaan ng kanilang mga guni-guni at mga palagay, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundin ang gawain ng Banal na Espiritu ang kalooban ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na kaayon ng Kanyang sariling puso; ayaw Niya sa paglilingkod na mula sa mga palagay at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundin ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabubuhay sa gitna ng mga palagay. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakaantala at nakakagambala, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundin ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundin ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at mga walang kakayahan na maging kaayon ng Diyos. Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa kasalukuyan, ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, ang magawang sumunod at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at pagpasok alinsunod sa pinakabagong mga pagpapahayag ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kakayahan na matanggap ang papuri ng Diyos at makita ang Diyos, kundi malalaman din nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at malalaman din ang mga palagay at pagsuway ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan. Ang mga taong inaalis ng gawain ng Banal na Espiritu ay mga tao na walang kakayahan na sundin ang pinakabagong gawain ng Diyos, at mga naghihimagsik laban sa pinakabagong gawain ng Diyos. Ang gayong mga tao ay hayagang kinakalaban ang Diyos sapagkat ang Diyos ay gumawa ng bagong gawain, at sapagkat ang imahe ng Diyos ay hindi kagaya ng sa kanilang mga palagay—bilang resulta nito, hayagan nilang kinakalaban ang Diyos at hinahatulan ang Diyos, na humahantong na sila ay kasuklaman at tanggihan ng Diyos. Ang pagtataglay ng kaalaman tungkol sa pinakabagong gawain ng Diyos ay hindi madaling bagay, ngunit kung gusto ng mga tao na sumunod sa gawain ng Diyos at hangarin ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakataon na makita ang Diyos, at magkakaroon ng pagkakataon na kamtin ang pinakabagong paggabay ng Banal na Espiritu. Yaong mga sinasadyang kalabanin ang gawain ng Diyos ay hindi makakatanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu o ng paggabay ng Diyos. Kaya, kung matatanggap man o hindi ng mga tao ang pinakabagong gawain ng Diyos ay nakasalalay sa biyaya ng Diyos, nakasalalay ito sa kanilang paghahangad, at nakasalalay ito sa kanilang mga layunin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Mag-iwan ng Tugon