Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 410

363 2021-07-31

Sa paniniwala sa Diyos, kailangan mong ilagay sa wastong kaayusan ang iyong mga layunin at pananaw; kailangan kang magkaroon ng tamang pagkaunawa at tamang pagtrato sa mga salita ng Diyos at sa gawain ng Diyos, sa lahat ng sitwasyong isinasaayos ng Diyos, sa taong pinatototohanan ng Diyos, at sa praktikal na Diyos. Hindi ka dapat magsagawa ayon sa sarili mong mga ideya o magplano ng sarili mong mga hamak na pakana. Anuman ang gawin mo, kailangan mong magawang hangarin ang katotohanan at, sa iyong posisyon bilang isang nilikha, magpasakop sa buong gawain ng Diyos. Kung gusto mong patuloy na sikapin na magawang perpekto ng Diyos at makapasok sa tamang landas ng buhay, kailangang mabuhay palagi ang puso mo sa presensya ng Diyos. Huwag magpakasama, huwag sundan si Satanas, huwag bigyan si Satanas ng anumang mga pagkakataong isagawa ang gawain nito, at huwag hayaang kasangkapanin ka ni Satanas. Kailangan mong ibigay nang lubusan ang sarili mo sa Diyos at hayaang pamahalaan ka ng Diyos.

Handa ka bang maging lingkod ni Satanas? Handa ka bang pagsamantalahan ni Satanas? Naniniwala ka ba sa Diyos at patuloy mo ba Siyang sinusundan upang magawa ka Niyang perpekto, o upang ikaw ay maging isang hambingan para sa gawain ng Diyos? Mas gugustuhin mo ba ang isang makabuluhang buhay kung saan inaangkin ka ng Diyos, o ang isang walang-kuwenta at hungkag na buhay? Mas gusto mo bang kasangkapanin ka ng Diyos, o pagsamantalahan ni Satanas? Mas gusto mo bang hayaang mapuspos ka ng mga salita at katotohanan ng Diyos, o hayaang puspusin ka ng kasalanan at ni Satanas? Isiping mabuti ang mga bagay na ito. Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kailangan mong maunawaan kung alin ang mga salitang sasabihin mo at ang mga bagay na maaaring magsanhi ng abnormalidad sa iyong kaugnayan sa Diyos, at pagkatapos ay ituwid ang iyong sarili at pumasok sa tamang paraan. Sa lahat ng pagkakataon, suriin ang iyong mga salita, ang iyong mga kilos, ang iyong bawat hakbang, at lahat ng iyong saloobin at ideya. Magtamo ng wastong pagkaunawa tungkol sa iyong tunay na kalagayan at pumasok sa landas ng gawain ng Banal na Espiritu. Ito lamang ang paraan para magkaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos. Sa pagsusuri kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, magagawa mong itama ang iyong mga layunin, maunawaan ang likas na pagkatao at diwa ng tao, at tunay na maunawaan ang iyong sarili, at, sa paggawa nito, magagawa mong makapasok sa mga tunay na karanasan, talikdan ang iyong sarili sa isang tunay na paraan, at sadyaing magpasakop. Habang dinaranas mo ang mga bagay na ito tungkol sa kung ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal o hindi, makakahanap ka ng mga pagkakataong magawang perpekto ng Diyos at magagawa mong maunawaan ang maraming kalagayan ng Banal na Espiritu. Magagawa mo ring makita ang marami sa mga panloloko ni Satanas at matalos ang mga pakikipagsabwatan nito. Ang landas na ito lamang ang humahantong sa pagpeperpekto ng Diyos. Itama mo ang iyong kaugnayan sa Diyos, upang makapagpasakop ka nang lubusan sa Kanyang mga plano, at makapasok ka nang mas malalim sa tunay na karanasan at makatanggap ng mas marami pang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag isinagawa mo ang pagkakaroon ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kadalasan, magtatagumpay ka sa pamamagitan ng pagtalikod sa laman at tunay na pakikipagtulungan sa Diyos. Dapat mong maunawaan na “kung wala ang pusong nakikipagtulungan, mahirap tanggapin ang gawain ng Diyos; kung hindi nagdurusa ang laman, walang mga pagpapala mula sa Diyos; kung hindi nagpupunyagi ang espiritu, hindi mapapahiya si Satanas.” Kung isinasagawa mo ang mga prinsipyong ito at lubos mong nauunawaan ang mga ito, maitatama ang mga pananaw ng iyong paniniwala sa Diyos. Sa inyong kasalukuyang pagsasagawa, kailangan ninyong alisin sa inyong isipan ang pananaw na “lahat ay ginagawa ng Banal na Espiritu at hindi nagagawang makialam ng mga tao.” Iniisip ng lahat ng nagsasabi nito, “Magagawa ng mga tao ang anumang nais nila, at pagdating ng panahon, gagawin ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain. Hindi na kailangang pigilan ng mga tao ang laman o makipagtulungan; ang mahalaga ay maantig sila ng Banal na Espiritu.” Ang mga opinyong ito ay kakatwang lahat. Sa ilalim ng gayong sitwasyon, hindi nakakagawa ang Banal na Espiritu. Ito ang uri ng pananaw na lubos na nakakahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu. Kadalasan, ang gawain ng Banal na Espiritu ay natatamo sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga tao. Yaong mga hindi nakikipagtulungan at walang matibay na pagpapasiya, subalit nais magtamo ng pagbabago sa kanilang disposisyon at tumanggap ng gawain ng Banal na Espiritu at ng kaliwanagan at pagpapalinaw mula sa Diyos, ay talagang maluho ang mga saloobin. Ito ay tinatawag na “pagpapaluho sa sarili at pagpapatawad kay Satanas.” Ang gayong mga tao ay walang normal na kaugnayan sa Diyos. Dapat kang makakita ng maraming pagbubunyag at pagpapakita ng napakasamang disposisyon sa iyong kalooban at makakita ng anumang mga pagsasagawa mo na salungat sa mga kinakailangan ng Diyos ngayon. Magagawa mo na bang talikdan si Satanas ngayon? Dapat kang magtamo ng normal na kaugnayan sa Diyos, kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at maging isang bagong tao na may bagong buhay. Huwag mong palaging isipin ang mga dating paglabag; huwag kang masyadong malungkot; manindigan at makipagtulungan sa Diyos, at tuparin ang mga tungkuling dapat mong gampanan. Sa ganitong paraan, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay magiging normal.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?

Mag-iwan ng Tugon