Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Pagkakatawang-tao | Sipi 135

687 2020-09-02

Ngayon, nananatiling lubhang may kinikilingan ang kaalaman ng mga tao sa praktikal na Diyos, at kakatiting pa rin ang pagkaunawa nila sa kabuluhan ng pagkakatawang-tao. Sa katawang-tao ng Diyos, nakikita ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang gawain at mga salita na malaki ang saklaw ng Espiritu ng Diyos, na napakayaman Niya. Subalit anupaman, sa huli nagmumula sa Espiritu ng Diyos ang patotoo ng Diyos: kung ano ang ginagawa ng Diyos sa katawang-tao, sa kung aling mga prinsipyo Siya gumagawa, kung ano ang ginagawa Niya sa pagkatao, at kung ano ang ginagawa Niya sa pagka-Diyos. Kailangang may kaalaman ang mga tao tungkol dito. Ngayon, nagagawa mong sambahin ang personang ito, habang sa pinakadiwa sinasamba mo ang Espiritu, at iyan ang pinakamaliit na dapat matamo ng mga tao sa kanilang kaalaman sa Diyos na nagkatawang-tao: ang malaman ang diwa ng Espiritu sa pamamagitan ng katawang-tao, ang malaman ang gawain sa pagka-Diyos ng Espiritu sa katawang-tao at gawaing pantao sa katawang-tao, ang matanggap ang lahat ng salita at mga pahayag ng Espiritu sa katawang-tao, at ang makita kung paano pinangangasiwaan ng Espiritu ng Diyos ang katawang-tao at ipinakikita ang Kanyang kapangyarihan sa katawang-tao. Ito ay upang sabihin na makikilala ng tao ang Espiritu sa langit sa pamamagitan ng katawang-tao; ang pagpapakita ng praktikal na Diyos Mismo sa gitna ng tao ay nagwaksi sa malabong Diyos sa mga kuru-kuro ng mga tao. Nadagdagan ng pagsamba ng mga tao sa praktikal na Diyos Mismo ang kanilang pagsunod sa Diyos; at, sa pamamagitan ng gawain sa pagka-Diyos ng Espiritu ng Diyos sa katawang-tao at ng Kanyang gawaing pantao sa katawang-tao, tumatanggap ang tao ng pahayag at pinapastol siya, at natatamo ang mga pagbabago sa disposisyon sa buhay ng tao. Ito ang aktwal na kahulugan ng pagdating ng Espiritu sa katawang-tao, na ang pangunahing layunin ay upang makipag-ugnayan ang mga tao sa Diyos, umasa sa Diyos, at magkaroon ng kaalaman sa Diyos.

Sa pangunahin, anong saloobin dapat mayroon ang mga tao hinggil sa praktikal na Diyos? Ano ang alam mo sa pagkakatawang-tao, sa pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, sa pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao, sa mga gawa ng praktikal na Diyos? Ano ang mga pangunahing paksang pinag-uusapan ngayon? Ang pagkakatawang-tao, ang pagdating ng Salita sa katawang-tao, at ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao ay lahat mga usaping dapat maunawaan. Dapat ninyong unti-unting maunawaan ang mga usaping ito at magkaroon ng malinaw na kaalaman sa mga ito sa karanasan ninyo sa buhay, batay sa katayuan ninyo at batay sa kapanahunan. Ang pamamaraan kung paano nararanasan ng mga tao ang mga salita ng Diyos ay kapareho ng pamamaraan kung paano nila nababatid ang pagpapakita ng mga salita ng Diyos sa katawang-tao. Habang mas nararanasan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, mas lalo nilang nababatid ang Espiritu ng Diyos; sa pamamagitan ng pagdanas sa mga salita ng Diyos, nauunawaan ng mga tao ang mga prinsipyo ng gawain ng Espiritu at nakikilala ang praktikal na Diyos Mismo. Sa katunayan, kapag ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao at nakakamit sila, ipinaaalam Niya sa kanila ang mga gawa ng praktikal na Diyos; ginagamit Niya ang gawain ng praktikal na Diyos upang ipakita sa mga tao ang aktwal na kabuluhan ng pagkakatawang-tao, upang ipakita sa kanila na talagang nagpakita na sa tao ang Espiritu ng Diyos. Kapag ang mga tao ay nakamtan at nagawang perpekto ng Diyos, nalupig na sila ng mga pagpapahayag ng praktikal na Diyos; binago sila ng mga salita ng praktikal na Diyos at inihalo na ang Kanyang sariling buhay sa kanila, pinupunan sila ng kung ano Siya (maging ito man ay kung ano Siya sa Kanyang pagkatao o kung ano Siya sa Kanyang pagka-Diyos), pinupunan sila ng diwa ng Kanyang mga salita, at ipinasasabuhay sa mga tao ang Kanyang mga salita. Kapag kinakamit ng Diyos ang mga tao, pangunahing ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita at mga pagpapahayag ng praktikal na Diyos bilang isang paraan upang harapin ang mga kakulangan ng mga tao, at upang hatulan at ibunyag ang kanilang mapanghimagsik na disposisyon, na nagdudulot na makamit nila ang kanilang kinakailangan at ipinakikita sa kanila na ang Diyos ay dumating na sa gitna ng tao. Pinakamahalaga sa lahat, ang pagliligtas sa bawat tao mula sa impluwensya ni Satanas, pag-aalis sa kanila mula sa lupain ng karumihan, at pagwawaksi sa kanilang tiwaling disposisyon ang gawaing ginagawa ng praktikal na Diyos. Ang pinakamalalim na kabuluhan ng pagiging nakamit ng praktikal na Diyos ay ang kakayahang isabuhay ang normal na pagkatao, kasama ang praktikal na Diyos bilang halimbawa at huwaran, kakayahang magsagawa ayon sa mga salita at mga hinihingi ng praktikal na Diyos nang walang kahit katiting na paglihis o pag-alis, pagsasagawa sa anumang paraang sinasabi Niya, at kakayahang matamo ang anumang hinihingi Niya. Sa ganitong paraan, makakamit ka na ng Diyos. Kapag nakamit ka na ng Diyos, hindi mo lamang taglay ang gawain ng Banal na Espiritu; sa pangunahin, naisasabuhay mo ang mga hinihingi ng praktikal na Diyos. Ang pagkakaroon lamang ng gawain ng Banal na Espiritu ay hindi nangangahulugang mayroon ka nang buhay. Ang pinakamahalaga ay kung kaya mo bang kumilos ayon sa mga hinihingi ng praktikal na Diyos sa iyo, na kaugnay sa kung makakamit ka ba ng Diyos. Ito ang mga pinakadakilang kabuluhan ng gawain ng praktikal na Diyos sa katawang-tao. Ito ay upang sabihin na nakakamit ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao sa pamamagitan ng tunay at aktwal na pagpapakita sa katawang-tao at ng pagiging maliwanag at makatotohanan, pagiging nakikita ng mga tao, aktwal na paggawa sa gawain ng Espiritu sa katawang-tao, at sa pagkilos bilang isang halimbawa para sa mga tao sa katawang-tao. Ang pagdating ng Diyos sa katawang-tao ay pangunahin upang bigyang-daan ang mga tao na makita ang tunay na mga gawa ng Diyos, upang magbigay ng hugis ng katawang-tao sa walang hugis na Espiritu, at upang tulutan ang mga tao na makita at mahipo Siya. Sa ganitong paraan, yaong mga ginagawa Niyang ganap ay isasabuhay Siya, makakamit Niya, at magiging kaayon ng Kanyang puso. Kung sa langit lamang nagsalita ang Diyos at hindi aktwal na pumarito sa lupa, hindi pa rin makakaya ng mga tao na makilala ang Diyos; maipangangaral lamang nila ang mga gawa ng Diyos gamit ang hungkag na teorya at hindi tataglayin ang mga salita ng Diyos bilang realidad. Pumarito ang Diyos sa lupa pangunahin upang magsilbing isang halimbawa at huwaran para sa yaong mga kakamtin Niya; sa ganito lamang talagang makikilala ng mga tao ang Diyos, mahihipo ang Diyos, at makikita Siya, at saka lamang sila tunay na makakamit ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman na ang Praktikal na Diyos ay ang Diyos Mismo

Mag-iwan ng Tugon