Menu

Tagalog Sermon Tungkol sa Pananampalataya: Ano ang Tunay na Pananampalataya

Tala ng Patnugot:

Ano ang tunay na pananampalataya? Paano natin patatatagin ang ating pananampalataya sa Diyos sa mga mahihirap na sandali? Ang tagalog sermon tungkol sa pananampalataya na ito ay magpapakita sa iyo ng daan.

Ang hinihingi ng Diyos sa bawat isa sa atin bilang mga Kristiyano ay ang magtaglay ng tunay na pananampalataya. Napakaraming halimbawa ang nakatala sa Biblia ng mga taong nagawang makita ang kamangha-manghang mga gawa ng Diyos at biniyayaan Niya dahil sa kanilang pananampalataya. May pananampalataya si Moises sa Diyos at sa pamamagitan ng gabay Niya, ay nagawang malampasan ang napakaraming balakid at limitasyon ng Pharaoh, matagumpay na ginabayan ang mga Israelita sa kanilang pag-alis sa Ehipto. May pananampalataya si Abraham sa Diyos at handang isakripisyo ang nag-iisa niyang anak na si Isaac sa Diyos, at sa huli ay biniyayaan siya ng Diyos, pinahihintulutan na magparami ang kanyang mga inapo at maging malalaking bansa. May pananampalataya si Job sa Diyos at nagawang magpatotoo para sa Diyos sa pamamagitan ng dalawang pagsubok; higit pa siyang biniyayaan ng Diyos, at nagpakita sa kanya at kinausap siya mula sa bagyo. Ang babaeng taga-Canaan sa Mateo ay may pananampalataya sa Panginoong Jesus at naniwala na magagawa Niyang paalisin ang masamang espiritu mula sa anak niya. Nakiusap siya sa Panginoong Jesus at gumaling ang sakit ng kanyang anak. Bilang mga Kristiyano, mahalagang maunawaan natin ang katotohanang patungkol sa kung ano ang tunay na pananampalataya nang sa gayon ay anumang paghihirap ang makasagupa natin sa ating mga buhay—pagkabigo sa negosyo, dagok sa buhay, hindi magagandang pangyayari sa pamilya—magagawa nating umasa sa ating pananampalataya at walang pag-aalinlangang susunod sa Diyos, nagiging umaalingawngaw na patotoo para sa Kanya at sa huli ay natatamo ang Kanyang pagsang-ayon.

Mayroon ba Tayong Tunay na Pananampalataya sa Panginoon?

Maaaring may ilang mga kapatid na, kapag naririnig ang pag-uusap tungkol sa pananampalataya, ay tiwalang ipapahayag na may pananampalataya nga sila. “Mayroon akong 100% na pananampalataya sa Diyos. Kinikilala ko ang Diyos sa lahat ng sandali, at pinatutunayan nito na isa akong tao na may pananampalataya.” “Naniniwala ako na ang Panginoong Jesus ang ating Tagapag-ligtas, at ipinako Siya sa krus upang tubusin ang ating mga kasalanan. Hangga’t nagdarasal at nangungumpisal tayo sa Panginoon, patatawarin Niya ang ating mga kasalanan. Hindi ba’t iyon ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Panginoon?” “Isa akong mananampalataya sa mga nakalipas na taon; isinuko ko ang aking karera, ang aking pamilya, at ang trabaho ko upang gugulin ang sarili ko at gumawa para sa Panginoon. Nagtayo ako ng mga iglesia sa iba’t ibang lugar at nagdusa nang husto nang walang reklamo. Lahat ng mga ito ay pagpapahayag ng pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos.” Hindi maikakailang naniniwala tayo na mayroong Diyos at totoo na masigasig tayong gumagawa at ginugugol ang ating mga sarili para sa Panginoon, na nagdurusa at nagbabayad tayo para sa Kanya. Ngunit ang mga bagay na ito ba ay nangangahulugan na mayroon tayong tunay na pananampalataya sa Diyos? Ang isyu na ito ay nagkakahalaga sa ating lahat, mga kapatid na tunay na nananampalataya sa Panginoon at nauuhaw sa katotohanan, tumutuklas at kalaunan ay nagbabahagi.

Gawin mo na lamang akong halimbawa. Mula nang maging Kristiyano ay palagi na akong lumalahok sa mga pagtitipon, ibinabahagi ang ebanghelyo sa iba, at nag-aalok ng tulong sa mga kapatid na nakararanas ng kahinaan. Walang paghihirap ang nakapigil sa akin mula sa paggawa ng mga bagay na ito. Mas gusto ko pa na isantabi ang kaginhawahan sa buhay upang masigasig na maglingkod sa Panginoon, kaya ang tingin ko sa sarili ko ay isang taong nagmamahal sa Panginoon, na tapat sa Kanya, at may pananampalataya sa Kanya. Gayunman, nang magkasakit ako at ang aking pamilya at hindi gumanda ang aming kalagayan kahit pa matapos akong manalangin nang matagal. Nawalan ako ng pag-asa at nakaramdam ng pagkabigo sa Diyos, at nagreklamo pa ako sa Kanya tungkol sa hindi pagprotekta sa akin o sa aking pamilya. Ang inihantad ng masakit na katotohanan ay naging dahilan upang makita ko na kulang talaga ako sa tunay na pananampalataya, at na ang pananampalataya ko ay nakabase lamang sa pundasyon ng pagkakaisa sa aking pamilya at pagiging malaya mula sa pagkakasakit o kalamidad. Gayunman, naihantad ang tunay na tayog ko nang may hindi kanais-nais na nangyari. Noon ko lamang nakita na ang pananampalataya ko sa Diyos ay napakaliit na ito ay kalunus-lunos—hindi talaga iyon isang bagay na maaaring ipagmalaki. Kung titingnan ang mga kapatid sa paligid ko, karamihan sa kanila ay ganoon din. Ang iba ay tumitigil sa pagdalo sa paglilingkod sa iglesia kapag nataong mayroong problema sa kanilang tahanan o buhay sa trabaho upang hindi maapektuhan ang sarili nilang mga interes. Ang iba ay nagagawang manalangin sa Panginoon at humingi sa Kanya ng daan palabas noong una silang napigilan sa kanilang pagtatangka na humanap ng trabaho o sa ibang mga aspeto, ngunit kapag nagpatuloy iyon na maging isyu na hindi nalulutas, nagagalit sila sa Panginoon at maaari pang lalong mawalan ng pag-asa at mabigo. Nag-uumpisa silang umasa sa mga kaibigan sa paligid nila na tila mga makapangyarihan at may awtoridad, o maaari silang kumilos base sa sarili nilang iniisip. Mayroon ding mga kapatid na masigasig na lumalahok sa lahat ng aspeto ng gawain sa iglesia kapag nakatanggap sila ng biyaya ng Panginoon, ngunit kapag may masamang nangyari sa kanilang bahay o kapag nahaharap sila sa pagkabigo sa negosyo, namumuhay sila sa hindi pag-unawa at pagrereklamo sa Panginoon, o kahit pa ang lumayo sa Kanya.

Makikita natin sa mga ipinahahayag natin at kung paano tayo mamuhay sa araw-araw na ang pananampalataya natin ay hindi makakayanan ang pagsubok ng realidad. Kinikilala lang natin na ang Panginoong Jesus ay ang tunay na Diyos at naniniwala na Siya ang ating Tagapag-ligtas, ngunit hindi iyon nangangahulugan na mayroon tayong tunay na pananampalataya sa Diyos. Partikular na hindi iyon nangangahulugan na hindi natin kailanman itatatwa o tatalikuran ang Diyos, anumang uri ng kapaligiran natin makita ang ating mga sarili. Iyon ay dahil ang ating pananampalataya ay hindi itinatag sa pundasyon ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, ngunit sa halip ay sa pundasyon ng kung matatamo ba natin o hindi ang mga biyaya ng Diyos at pangako, at kung may mapapakinabangan ba tayo o wala. Kaya naman ang ating pananampalataya sa Diyos ay hindi tunay. Kung ganoon, ano ang tunay na pananampalataya at paano nga ba inihahayag ang pagkakaroon ng tunay na pananampalataya?

Ano nga Talaga ang Tunay na Pananampalataya

Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Hindi alintana kung paano man gumagawa ang Diyos o kung anumang uri ng kapaligiran ka naroroon, kung magagawa mong habulin ang buhay, hanaping isagawa ang gawain ng Diyos sa loob mo, at habulin ang katotohanan, at kung mayroon kang pagkaunawa sa mga pagkilos ng Diyos at kaya mong kumilos alinsunod sa katotohanan, sa gayon ito ang iyong dalisay na pananampalataya at ipinakikita nito na hindi ka nawalan ng pag-asa sa Diyos. Tanging kung kaya mo pa ring habulin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpipino, kaya mong tunay na ibigin ang Diyos at hindi mabuuan ng mga alinlangan sa Kanya, kung maging anuman ang Kanyang ginagawa, isinasagawa mo pa rin ang katotohanan upang mapalugod Siya at kaya mong hanapin nang taos-puso ang Kanyang kalooban at maging mapagsaalang-alang sa Kanyang kalooban, sa gayon ito ay nangangahulugang mayroon kang tunay na pananampalataya sa Diyos”. Maiintindihan natin mula sa mga salita ng Diyos na ang tunay na pananampalataya ay tumutukoy sa kung magagawa bang mapanatili ang pusong may paggalang at pagpapasakop sa Diyos sa anumang kapaligiran na maaari nating harapin. Kung magagawa nating harapin ang mga paghihirap at pagpipino, balakid at kabiguan, at kahit gaano pa man kalaki ang pagdurusa ng ating katawan o espiritu. Dapat ay magawa nating saliksikin ang katotohanan, maunawaan ang kalooban ng Diyos, at patuloy na maging tapat sa Kanya sa gitna ng kapaligiran na itinakda Niya. Ang ganoong uri lamang ng tao ang maaaring tawaging tao na may tunay na pananampalataya. Ngayon ay tingnan natin ang mga karanasan nina Abraham at Job upang higit pa nating maunawaan kung ano ang tunay na pananampalataya.

1. Pananampalataya ni Abraham

Pananampalataya ni Abraham

Noong isang siglong taon na si Abraham, nangako ang Diyos na bibigyan siya ng anak—si Isaac. Ngunit habang lumalaki si Isaac, sinabi ng Diyos kay Abraham na kailangan niya itong gawing alay. Maraming tao marahil ang nakararamdam na ang paggawa ng Diyos sa ganitong paraan ay masyadong malayo sa imahinasyon ng mga tao, o maaari pa nilang maramdaman na kung mangyayari sa atin ang ganoong uri ng pagsubok, tiyak na susubukan nating makipagtalo sa Diyos. Gayunman, nang mangyari ito kay Abraham ay ibang-iba ang naging reaksiyon niya kaysa sa inaasahan natin. Hindi lamang siya basta hindi nakipagtalo sa Diyos, ngunit nagawa niyang tunay na magpasakop sa Kanya, tunay at tapat na ibinabalik si Isaac sa Diyos. Gaya ng nakatala sa Biblia, “At si Abraham ay bumangong maaga, at inihanda ang kaniyang asno, at ipinagsama ang dalawa sa kaniyang mga alila, at si Isaac na kaniyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at naparoon sa dakong sinabi sa kaniya ng Dios. … At sila’y dumating sa dakong sa kaniya’y sinabi ng Dios; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kaniyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. At iniunat ni Abraham ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak” (Genesis 22:3, 9–10). Lahat ng mga tao ay may katawan—lahat tayo ay emosyonal, at kapag nahaharap tayo sa ganito ay tiyak na magdurusa tayo, makararamdam ng sakit. Ngunit ang dahilan kung bakit nagawa ni Abraham na hindi subukang makipagkasundo sa Diyos at nagawa niyang sundin ang utos ng Diyos ay dahil alam niya na ang Diyos ang nagkaloob kay Isaac sa kanya, at noon siya kinukuha ng Diyos. Tama ang pagiging masunurin niya, at iyon ang pananampalataya ni Abraham sa Diyos. Tunay siyang nanampalataya sa Diyos at ganap na nagpasakop sa Kanya—kahit na nangangahulugan pa iyon na mawawalay siya sa pinaka-iniingatan niya, nag-alay pa rin siya upang ibalik si Isaac sa Diyos. Sa huli, ang tunay na pananampalataya ni Abraham at kanyang pagsunod sa Diyos ay nakamit ang Kanyang pagsang-ayon at mga pagpapala. Hinayaan siya ng Diyos na maging ninuno ng napakaraming bansa. Ang kanyang mga inapo ay nagtagumpay at nagparami at naging malalaking bansa.

2. Pananampalataya ni Job

Sinasabi sa atin ng Biblia na si Job ay mayroong napakayamang pamilya gayundin ang sampung anak at maraming tagasilbi. Labis siyang nirerespeto at mataas ang pagtingin sa kanya ng kanyang mga kaibigan. Gayunman, sa pamamagitan ng mga tukso at mga pag-atake ni Satanas, nawala kay Job lahat ng mga ari-arian niya at kanyang mga anak sa isang araw lamang, at pagkatapos noon ay tuluyang binalot ng mga bukol. Ang pagsubok na iyon ang naging dahilan upang si Job ay maging pinaka-dukhang tao sa Orient mula sa pagiging pinaka-dakilang tao sa Orient, at hinusgahan at inatake din siya ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Kahit na nahaharap sa ganoon kalaking pagsubok, hindi kailanman nagsalita ni isang salita ng reklamo si Job sa Diyos. At nagpatirapa pa siya sa pagsamba sa Diyos, sinasabing, “Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon: si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nagalis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21), at “tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Dios, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Sa pamamagitan ng pagsubok niya ay nagawa ni Job na pigilan ang sarili sa pagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga salita, ganoon din ang lumapit sa Diyos sa pagdarasal. Ipinakita nito na may lugar sa puso niya ang Diyos, na may tunay siyang pananampalataya sa Diyos, na naniniwala siyang ang lahat ng mga pangyayari at lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at lahat ng mga kondisyong hinarap niya ay may pagsang-ayon ng Diyos at hindi kagagawan ng tao. Ang isang bagay pa na labis na naranasan ni Job sa ilang dekada ng buhay niya ay na ang lahat ng bagay na mayroon siya ay nagmula sa pamumuno at pagsasaayos ng Diyos. Lahat ng kanyang kayamanan ay nagmula sa Diyos at hindi nagmula sa sarili niyang pagsisikap. Kaya naman, kung nais ng Diyos na kunin ang ipinagkaloob Niya, natural at tama lamang iyon at bilang isang nilikhang nilalang, dapat siyang magpasakop sa pagbawi ng Diyos sa mga bagay na iyon. Hindi dapat siya makipagtalo sa Diyos at lalo nang hindi siya dapat magreklamo sa Diyos—kahit na kunin pa sa kanya ang kanyang buhay, alam niyang hindi siya magsasalita ni isang reklamo. Labis na ipinahiya ng patotoo ni Job si Satanas at matapos iyon, nagpakita ang Diyos kay Job mula sa gitna ng bagyo at ipinagkalooban siya ng higit pang biyaya.

Mas pinagpapala ng Diyos si Job

Makikita natin mula sa mga karanasan nina Abraham at Job na upang makamit natin ang tunay na pananampalataya sa Diyos, dapat muna tayong magkaroon ng tunay na pang-unawa sa tuntunin ng Diyos. Dapat tayong maniwala na ang lahat ng bagay at pangyayari ay nasa mga kamay ng Diyos. Dapat din nating malaman ang tunay nating lugar bilang mga nilikhang nilalang at magkaroon ng kaisipan na dapat na taglayin ng mga nilalang. Kahit gaano pa man kalaki ang ating mga pagsubok o paghihirap, hindi natin maaaring sisihin o ipagkanulo ang Diyos, ngunit dapat tayong magpatuloy upang saliksikin ang kalooban ng Diyos at tumayo sa Kanyang tabi, at walang pag-aalinlangang sundin Siya. Gaano pa man kalaki ang paghihirap na tinitiis natin, dapat ay magawa pa rin nating matatag na magpatotoo para sa Diyos. Tanging ang mga nakagagawa lamang nito ang nagtataglay ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Isipin na lamang ang mga kapatid na dinakip at inusig ng ateista na Partido Komunista ng Tsina at nagdusa pa sa brutal na pagpapahirap at ikinulong nang ilang taon, ngunit kailanman ay hindi nila itinatwa o ipinagkanulo ang Diyos—iyon ang tunay na pananampalataya sa Diyos. May mga kapatid na tinalikuran ng kanilang mga pamilya at kaibigan matapos maging mananampalataya, o may masasamang bagay ang nangyari sa kanilang mga pamilya, ngunit kailanman ay hindi sila nagreklamo sa Diyos, at nagawang magpatuloy sumunod sa Diyos at igugol ang kanilang mga sarili para sa Kanya—isa rin itong pagpapahayag ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Kung ihahambing natin ang ating mga sarili sa mga testimonyang ito, masasabi nga ba natin na tunay nga tayong mga tao na may tunay na pananampalataya sa Diyos? Para sa karamihan sa atin, ang ating pananampalataya ay naaayon sa walang katiyakang pagsang-ayon na mayroong Diyos, at ang magdusa nang kaunti at magbayad ng maliit na halaga sa paggawa upang ipakalat ang ebanghelyo para sa Panginoon. Gayunman, hindi iyon masasabing tunay na pananampalataya.

Paano Bumuo ng Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Kung nais nating magtaglay ng tunay na pananampalataya, dapat tayong magsaliksik upang makilalala ang tuntunin ng Diyos sa lahat ng mga tao, pangyayari, at mga bagay na nakakasalamuha natin araw-araw, at kung ang mga kapaligiran na isinasaayos ng Diyos ay naaayon ba sa sarili nating paniniwala o hindi, o kung paimbabaw lamang ang pakinabang natin sa kanila o hindi. Dapat nating malaman ang ating lugar bilang mga nilikhang nilalang at hanapin ang kalooban ng Diyos, taglay ang pusong may paggalang. Kailangan nating maintindihan ang maingat, tapat na hangarin ng Diyos sa likod ng mga kapaligirang isinasaayos Niya para sa atin upang may matamo tayo mula sa lahat ng pinagdadaanan natin, at makikita natin ang mga gawa ng Diyos sa lahat ng isinasaayos Niya. Pagkatapos, ang pananampalataya natin sa Diyos ay unti-unting magiging tunay. Gaya iyon ng pananampalataya ni Job—hindi iyon isang bagay na taglay niya pagkapanganak, ngunit unti-unting lumaki sa pmamagitan ng tuntunin ng Diyos sa lahat nang nangyari sa kanyang buhay at pagsasaliksik sa kaalaman ng Diyos. Kung magagawa nating sundin ang halimbawa ni Job, nakatutok sa pagdanas at tunay na pag-unawa sa tuntunin ng Diyos sa ating mga buhay, sa gayon ay natatamo ang tunay na kaalaman ng Diyos, noon lamang tayo magkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos. At pagkatapos, kahit ano pa mang uri ng paghihirap o pagsubok ang dumating sa atin at gaano pa man kalaki ang pagdurusa ng ating katawan o espiritu, magagawa natin iyong maharap ng tama sa pamamagitan ng ating pananampalataya, aktibong hinahanap ang kalooban ng Diyos at Kanyang mga hinihingi sa atin, magpapasakop sa Kanyang tuntunin at mga pagsasaayos, at magpapatotoo para sa Kanya.

Salamat sa paglilinaw at gabay ng Diyos. Amen!

Mag-iwan ng Tugon