Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 7

1,260 2020-06-07

Ang tatlong yugto ng gawain ay isang tala ng buong gawain ng Diyos; ang mga ito ay isang tala ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi kathang-isip ang mga ito. Kung nais ninyo talagang maghangad ng kaalaman tungkol sa buong disposisyon ng Diyos, kailangan ninyong malaman ang tatlong yugto ng gawaing isinakatuparan ng Diyos, at bukod pa riyan, hindi ninyo dapat laktawan ang anumang yugto. Ito ang pinakamaliit na kailangang makamit ng mga naghahangad na makilala ang Diyos. Hindi kaya ng tao mismo na maggawa-gawa ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi ito isang bagay na kayang isipin ng tao mismo, ni hindi ito bunga ng espesyal na pabor na ipinagkaloob ng Banal na Espiritu sa iisang tao. Sa halip, ito ay isang kaalamang dumarating matapos maranasan ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ay isang kaalaman tungkol sa Diyos na dumarating lamang matapos maranasan ang mga katunayan ng gawain ng Diyos. Ang gayong kaalaman ay hindi makakamtan nang basta-basta, at ni hindi ito isang bagay na maaaring ituro. Lubos itong may kaugnayan sa personal na karanasan. Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ang buod ng tatlong yugtong ito ng gawain, subalit kasama sa loob ng gawain ng pagliligtas ang ilang pamamaraan ng paggawa at ilang kaparaanan ng pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Ito ang pinakamahirap matukoy ng tao, at ito ang mahirap maunawaan ng tao. Ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga kapanahunan, mga pagbabago sa gawain ng Diyos, mga pagbabago sa lokasyon ng gawain, mga pagbabago sa mga tatanggap ng gawaing ito, at iba pa—lahat ng ito ay kasama sa tatlong yugto ng gawain. Lalo na, ang pagkakaiba sa paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu, gayundin ang mga pagbabago sa disposisyon, anyo, pangalan, pagkakakilanlan, o ang iba pang mga pagbabago ng Diyos, ay bahaging lahat ng tatlong yugto ng gawain. Ang isang yugto ng gawain ay maaari lamang kumatawan sa isang bahagi, at limitado sa loob ng isang tiyak na saklaw. Hindi kasama rito ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga kapanahunan, o mga pagbabago sa gawain ng Diyos, lalo nang hindi kasama ang iba pang mga aspeto. Ito ay isang malinaw na halatang katunayan. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang buong gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kailangang malaman ng tao ang gawain ng Diyos at ang disposisyon ng Diyos sa gawain ng pagliligtas; kung wala ang katunayang ito, ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay mga hungkag na salita lamang, walang iba kundi mabulaklak na pananalita. Ang gayong kaalaman ay hindi makakakumbinsi ni makakalupig sa tao; taliwas ito sa realidad, at hindi ito ang katotohanan. Maaaring napakarami nito at kaiga-igayang pakinggan, ngunit kung taliwas ito sa likas na disposisyon ng Diyos, hindi ka palalampasin ng Diyos. Hindi lamang Niya hindi pupurihin ang iyong kaalaman, kundi gagantihan ka rin Niya sa iyong pagiging isang makasalanan na lumapastangan sa Kanya. Ang mga salita ng pagkakilala sa Diyos ay hindi binibigkas nang basta-basta. Bagama’t maaaring matabil ka at makatang magsalita, at bagama’t napakatuso ng iyong mga salita kaya nakakaya mong mangumbinsi na ang itim ay puti at ang puti ay itim, nahihirapan ka pa ring makaunawa pagdating sa kaalaman tungkol sa Diyos. Ang Diyos ay hindi isang taong mahuhusgahan mo nang padalus-dalos o mapupuri nang basta-basta, o maliliitin na parang balewala. Pinupuri mo ang kahit sino at lahat, subalit nahihirapan kang hanapin ang tamang mga salita upang ilarawan ang kataas-taasang biyaya ng Diyos—ito ang natatanto ng bawat talunan. Kahit maraming dalubhasa sa wika na may kakayahang ilarawan ang Diyos, ang katumpakan ng kanilang paglalarawan ay ikasandaang bahagi lamang ng katotohanang sinasabi ng mga taong nabibilang sa Diyos, mga taong kahit limitado lamang ang bokabularyo, ay maraming karanasang mapagpupulutan. Sa gayon ay makikita na ang kaalaman tungkol sa Diyos ay nakasalalay sa katumpakan at katunayan, at hindi sa tusong paggamit ng mga salita o mayamang bokabularyo, at ang kaalaman ng taong iyon at ang kaalaman tungkol sa Diyos ay ganap na walang kaugnayan. Ang aral sa pagkilala sa Diyos ay mas mataas kaysa alinman sa mga sangay na siyensya ng sangkatauhan patungkol sa pisikal na mundo. Ito ay isang aral na makakamtan lamang ng lubhang kakaunting bilang ng mga naghahangad na makilala ang Diyos, at hindi makakamtan ng kung sino lamang na may talento. Kaya, hindi ninyo dapat ituring ang pagkilala sa Diyos at paghahangad sa katotohanan na para bang mga bagay ang mga ito na maaaring makamtan ng isang bata lamang. Marahil ay ganap kang naging matagumpay sa iyong buhay-pamilya, o sa iyong propesyon, o sa iyong pag-aasawa, ngunit pagdating sa katotohanan at sa aral tungkol sa pagkilala sa Diyos, wala kang maipakita at wala kang natamo. Masasabi na ang pagsasagawa ng katotohanan ay napakahirap para sa inyo, at ang pagkilala sa Diyos ay mas malaki pang problema. Ito ang mahirap para sa inyo, at ito rin ang hirap na kinakaharap ng buong sangkatauhan. Sa mga nagkaroon na ng ilang pagtatagumpay sa pagkakilala sa Diyos, halos walang isa mang umaabot sa pamantayan. Hindi alam ng tao ang kahulugan ng pagkilala sa Diyos, o kung bakit kailangang makilala ang Diyos, o kung anong antas ang kailangang marating ng isang tao upang makilala ang Diyos. Ito ang lubhang nagpapalito sa sangkatauhan, at ito talaga ang pinakamalaking palaisipang kinakaharap ng sangkatauhan—walang mayroong kakayahang sagutin ang tanong na ito, ni sinumang handang sumagot sa tanong na ito, dahil, hanggang ngayon, walang isa man sa sangkatauhan ang nagtagumpay na sa pag-aaral sa gawaing ito. Marahil, kapag naipaalam na sa sangkatauhan ang palaisipan ng tatlong yugto ng gawain, sunud-sunod na lilitaw ang isang grupo ng mga taong may talento na nakakakilala sa Diyos. Siyempre pa, sana’y gayon nga, at, bukod pa riyan, nasa proseso Ako ng pagsasakatuparan ng gawaing ito, at inaasam Kong makita ang paglitaw ng mas maraming gayong tao na may talento sa nalalapit na hinaharap. Sila yaong mga magpapatotoo sa katunayan ng tatlong yugtong ito ng gawain, at, siyempre pa, sila rin ang unang magpapatotoo sa tatlong yugtong ito ng gawain. Ngunit wala nang iba pang mas nakakabalisa at nakakahinayang kaysa kung hindi lumitaw ang gayong mga taong may talento sa araw ng pagtatapos ng gawain ng Diyos, o kung mayroon lamang isa o dalawang ganoong tao na personal na tumanggap na magawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayunman, ito lamang ang pinakamalalang mangyayari. Anuman ang mangyari, inaasam Ko pa rin na matamo ng mga tunay na naghahangad ang pagpapalang ito. Noon pa mang unang panahon, hindi pa nagkaroon ng gawaing tulad nito kailanman; ang gayong pagsasagawa ay hindi pa nangyari sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao kailanman. Kung talagang maaari kang maging isa sa mga unang nakakakilala sa Diyos, hindi ba ito ang pinakamataas na karangalan sa lahat ng nilalang? May iba pa bang nilalang sa sangkatauhan na mas pupurihin ng Diyos? Ang gayong gawain ay hindi madaling matamo, ngunit sa huli ay aani pa rin ito ng mga gantimpala. Anuman ang kanilang kasarian o lahi, lahat ng may kakayahang magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos ay tatanggap, sa huli, ng pinakamalaking parangal ng Diyos, at sila lamang ang magtataglay ng awtoridad ng Diyos. Ito ang gawain sa ngayon, at ito rin ang gawain sa hinaharap; ito ang huli at pinakamataas na gawaing isasagawa sa 6,000 taon ng gawain, at ito ay isang paraan ng paggawa na naghahayag sa bawat kategorya ng tao. Sa pamamagitan ng gawain ng pagsasanhing makilala ng tao ang Diyos, inihahayag ang iba’t ibang ranggo ng tao: Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at ng Kanyang mga pangako, samantalang yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at tanggapin ang Kanyang mga pangako. Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay mga kaniig ng Diyos, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi matatawag na mga kaniig ng Diyos; ang mga kaniig ng Diyos ay maaaring tumanggap ng anuman sa mga pagpapala sa Diyos, ngunit yaong mga hindi Niya kaniig ay hindi karapat-dapat sa anuman sa Kanyang gawain. Mga kapighatian man ito, pagpipino, o paghatol, lahat ng bagay na ito ay para tulutan ang tao na magkamit sa huli ng kaalaman tungkol sa Diyos, at nang sa gayon ay magpasakop ang tao sa Diyos. Ito ang tanging epektong makakamtan sa huli. Wala sa tatlong yugto ng gawain ang nakatago, at makakabuti ito sa kaalaman ng tao tungkol sa Diyos, at tinutulungan nito ang tao na magtamo ng mas ganap at lubos na kaalaman tungkol sa Diyos. Lahat ng gawaing ito ay kapaki-pakinabang sa tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Mag-iwan ng Tugon