Makikita mula sa karanasan na isa sa pinakamahahalagang isyu ay ang pagpapatahimik ng puso ng isang tao sa harap ng Diyos. Ito ay isang isyung may kinalaman sa espirituwal na buhay ng mga tao, at sa kanilang paglago sa buhay. Kung payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, saka lamang magkakaroon ng bunga ang pagsisikap mong matamo ang katotohanan at magbago ang iyong disposisyon. Dahil humaharap ka sa Diyos nang may pasanin, at dahil palagi mong nadarama na nagkukulang ka sa napakaraming paraan, na maraming katotohanan kang kailangang malaman, maraming realidad kang kailangang maranasan, at na dapat mong ingatan nang husto ang kalooban ng Diyos—nasa isip mo palagi ang mga bagay na ito. Para bang dinadaganan ka ng mga ito nang husto na hindi ka na makahinga, at sa gayon ay napakalungkot mo (bagama’t hindi ka negatibo). Ang mga tao lamang na kagaya nito ang karapat-dapat na tumanggap ng kaliwanagan ng mga salita ng Diyos at antigin ng Espiritu ng Diyos. Ito ay dahil sa kanilang pasanin, dahil napakalungkot nila, at, masasabing, dahil sa halagang kanilang ibinayad at pahirap na kanilang tiniis sa harap ng Diyos, tumatanggap sila ng Kanyang kaliwanagan at pagpapalinaw. Sapagkat hindi binibigyan ng Diyos ng espesyal na pagtrato ang sinuman. Lagi Siyang patas sa pagtrato Niya sa mga tao, ngunit hindi rin Siya nagbibigay sa mga tao nang basta-basta o walang kundisyon. Ito ay isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Sa totoong buhay, hindi pa nakakamit ng karamihan sa mga tao ang kalagayang ito. Ano’t anuman, hindi pa nakakabaling nang husto ang kanilang puso sa Diyos, at sa gayon ay wala pa ring anumang malaking pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ito ay dahil sa nabubuhay lamang sila sa biyaya ng Diyos at hindi pa nila natatamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga pamantayang kailangang matugunan ng mga tao para makasangkapan ng Diyos ay ang mga sumusunod: Bumaling ang kanilang puso sa Diyos, pasanin nila ang bigat ng mga salita ng Diyos, magkaroon sila ng pusong nasasabik, at magpasya silang sikaping matamo ang katotohanan. Ang ganitong klaseng mga tao lamang ang maaaring magtamo ng gawain ng Banal na Espiritu at madalas na nagtatamo ng kaliwanagan at paglilinaw. Sa tingin ay parang di-makatwiran at walang normal na kaugnayan sa iba ang mga taong kinakasangkapan ng Diyos, bagama’t magalang silang magsalita, hindi sila nagsasalita nang walang ingat, at kaya nilang patahimikin palagi ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Ito mismo ang klase ng tao na sapat upang kasangkapanin ng Banal na Espiritu. Ang “di-makatwirang” taong ito na tinutukoy ng Diyos ay tila walang normal na kaugnayan sa iba, at wala silang pagpapahalaga sa pagpapakita ng pagmamahal o mga panlabas na pagsasagawa, ngunit kapag nagpaparating sila ng mga espirituwal na bagay nagagawa nilang buksan ang kanilang puso at bigyan ang iba ng paglilinaw at kaliwanagang natamo nila mula sa kanilang totoong karanasan sa harap ng Diyos nang hindi iniisip ang kanilang sarili. Ganito nila ipinapahayag ang kanilang pagmamahal sa Diyos at pinalulugod ang kalooban ng Diyos. Kapag ang lahat ng iba pa ay sinisiraan at nililibak sila, naiiwasan nilang makontrol ng mga tao, pangyayari, o bagay sa labas, at kaya pa rin nilang manatiling tahimik sa harap ng Diyos. Ang gayong tao ay tila may sariling kakaibang mga kabatiran. Anuman ang ginagawa ng iba, hindi iniiwan ng puso nila ang Diyos kailanman. Kapag masayang nag-uusap at nagbibiruan ang iba, nananatili pa rin ang kanilang puso sa harap ng Diyos, binubulay-bulay ang salita ng Diyos o tahimik na nananalangin sa Diyos sa puso nila, hinahanap ang mga layon ng Diyos. Hindi nila pinahahalagahan kailanman ang pagpapanatili ng normal na kaugnayan sa ibang tao. Ang gayong tao ay tila walang pilosopiya sa pamumuhay. Sa tingin, ang taong ito ay masigla, kaibig-ibig, at inosente, ngunit mayroon ding diwa ng kahinahunan. Ito ang wangis ng klase ng taong kinakasangkapan ng Diyos. Ang mga bagay na gaya ng pilosopiya sa pamumuhay o “normal na katwiran” ay sadyang hindi gumagana sa ganitong klaseng tao; ito ang klase ng taong itinalaga na ang kanyang buong puso sa salita ng Diyos, at tila Diyos lamang ang nasa kanyang puso. Ito ang klase ng taong tinutukoy ng Diyos na “walang katwiran,” at ito mismo ang klase ng taong kinakasangkapan ng Diyos. Ang tanda ng isang taong kinakasangkapan ng Diyos ay: Kailan man o saan man, ang kanilang puso ay palaging nasa harap ng Diyos, at gaano man kasama ang iba, gaano man sila nagpapalayaw sa pagnanasa at tawag ng laman, hindi iniiwan ng puso ng taong ito ang Diyos kailanman, at hindi sila sumusunod sa karamihan. Ang ganitong klaseng tao lamang ang angkop na kasangkapanin ng Diyos, at ang ganitong klaseng tao lamang ang ginagawang perpekto ng Banal na Espiritu. Kung hindi mo kayang matamo ang mga bagay na ito, hindi ka karapat-dapat na matamo ng Diyos at maperpekto ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos