Daily Devotion Tagalog: 4 na Paraan Upang Mapanatili ang Isang Malapit na Relasyon sa Diyos
Sinasabi ng Bibliya, “Magsilapit kayo sa Dios, at siya’y lalapit sa inyo” (Santiago 4:8). Bilang mga Kristiyano, sa pamamagitan lamang ng paglapit sa Diyos at pagkakaroon ng isang tunay na pakikipag-ugnayan sa Kanya at saka natin mapananatili ang isang normal na relasyon sa Diyos at matamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Katulad lang ito ng dalawang taong nakikipag-ugnayan sa bawat isa, na mapananatili lamang nila ang kanilang malapit na relasyon sa mahabang panahon sa pamamagitan ng pagiging bukas sa isa’t isa, madalas na pakikipag-usap kapag nahaharap sila sa mga isyu, at sa pamamagitan ng pag-unawa at paggalang sa isa’t isa. Nguni’t sa panahong ito na ang lahat ay napakabilis, ang sobrang daming trabaho, kumplikadong mga relasyon at masasamang kalakarang panlipunan ang humahatak sa atin at madalas na sumasakop sa ating panahon. Ang ating mga puso ay madaling mabagabag ng mga tao, mga pangyayari at mga bagay sa sanlibutan, at pinipigilan tayong mapanatili ang normal na relasyon sa Diyos. Ito ang nagdadala sa atin palayo nang palayo sa Diyos, at kapag nahaharap tayo sa mga isyu, nagiging mas mahirap para sa atin na mapanatag ang ating mga sarili sa harapan ng Diyos, na lumapit sa Diyos at hanapin ang kaliwanagan at gabay ng Banal na Espiritu. Kapag gumagawa tayo ng mga bagay, kadalasan ginagawa natin ang mga ito nang walang ano mang tamang direksyon o layunin, at ang ating mga espiritu ay patuloy na nasa kalagayan ng kahungkagan at pagkabalisa. Kaya’t paano natin tiyak na mapananatili ang isang malapit na relasyon sa Diyos? Kailangan lang nating maunawaan ang apat na puntos sa ibaba, at ang ating relasyon sa Diyos ay siguradong mas magiging malapit.
- Quick Navigation
- 1. Manalangin sa Diyos nang may Katapatan sa Puso at Hayaang Makilusan ng Banal na Espiritu
- 2. Kapag Nagbabasa ng mga Salita ng Diyos, Pagnilayan Mo ang mga Ito sa Iyong Puso at Mauunawaan Mo ang Kanilang Tunay na Kahulugan
- 3. Hanapin ang Katotohanan at Isabuhay ang mga Salita ng Diyos sa Lahat ng Bagay
- 4. Lumapit sa Diyos at Araw-araw na Magmuni-muni sa Sarili, at Panatilihin ang Iyong Malapit na Relasyon sa Diyos
1. Manalangin sa Diyos nang may Katapatan sa Puso at Hayaang Makilusan ng Banal na Espiritu
Ang panalangin ay daan kung paano tayo nakikipag-usap sa Diyos. Sa pamamagitan ng panalangin, mas magiging panatag ang ating mga puso sa harapan ng Diyos, upang pagnilayan ang salita ng Diyos, upang hanapin ang kalooban ng Diyos at magtatag ng isang normal na relasyon sa Diyos. Nguni’t sa buhay, dahil sa abala tayo sa trabaho o mga gawaing-bahay, kadalasan nananalangin lang tayo para lang gawin ito, at tinatrato natin ang Diyos na tila wala tayong interes sa pamamagitan ng pag-usal ng ilang mga salitang hindi pinag-isipan. Kapag abala agad tayo sa umaga, halimbawa, pagpunta sa trabaho o pagiging abala sa ibang mga bagay, nananalangin tayo nang madalian: “O Diyos! Ipinagkakatiwala ko sa Inyong mga kamay ang gawain ko ngayong araw, at ipinagkakatiwala ko sa Inyo ang aking mga anak at magulang. Ipinagkakatiwala ko ang lahat ng bagay sa Inyong mga kamay, at hinihiling ko na pagpalain at protektahan Mo ako. Amen!” Tinatrato natin ang Diyos nang ganun lang sa pamamagitan ng pag-usal ng ilang mga salita na walang tiyak na layunin. Walang katahimikan ang ating mga puso, gayun din at wala tayong tunay na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Minsan, umuusal tayo ng panalangin sa Diyos gamit ang mga salitang may tunog na nakalulugod, at ilang mga salitang hungkag, may pagmamataas, at hindi natin sinasabi sa Diyos kung ano ang nasa ating mga puso. O kung minsan, kapag tayo’y nananalangin, binibigkas natin ang ilang mga kabisadong salita, at inuusal natin iyong parehong lipas na at lumang mga salita, at ito ang nagiging isang ganap na relihiyosong ritwal na panalangin. Maraming mga ganitong panalangin ang naiusal natin sa ating mga buhay—mga panalanging nakakapit sa mga panuntunan, at mga panalangin kung saan hindi natin binubuksan ang ating mga puso o hinahanap ang kalooban ng Diyos. Namumuhi ang Diyos kapag nananalangin tayong wala naman talagang kahulugan sa atin, sapagka’t ang ganitong uri ng panalangin ay tumutukoy sa panlabas na anyo at relihiyosong ritwal, at walang tunay na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa ating espiritu. Ang mga taong nananalangin nang ganito ay walang tunay na interes kung tratuhin ang Diyos at nililinlang ang Diyos. Kung kaya ang mga panalanging ito ay hindi dinidinig ng Diyos at napakahirap para sa mga taong ito na nananalangin sa ganitong paraan na makilusan ng Banal na Espiritu. Kapag nanalangin sila nang ganito, hindi nila nararamdaman ang presensiya ng Diyos, madilim at mahina ang kanilang mga espiritu, at palayo nang palayo ang kanilang relasyon sa Diyos.
Sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan” (Juan 4:24). Ang Diyos ang Lumikha na nagpupuno sa langit at lupa. Nasa tabi natin Siya sa lahat ng sandali, binabantayan ang ating bawat salita at kilos, ang ating bawat isipan at ideya. Ang Diyos ang kataas-taasan, lubos na marangal, at kapag nanalangin tayo sa Diyos, sinasamba natin ang Diyos, at dapat tayong lumapit sa Diyos na may tapat na puso. Kaya’t kapag nanalangin tayo sa Diyos, dapat tayong magkaroon ng pusong may takot sa Diyos, nagsasalita sa Diyos ng taos sa puso at matapat, dinadala sa harapan ng Diyos ang ating tunay na kalagayan, ang ating mga kahirapan at mga tiisin at inilalahad sa Kaniya ang tungkol dito, at kinakailangan nating hanapin ang kalooban ng Diyos at hanapin ang daan upang maipamuhay, sapagka’t sa ganitong paraan lamang aayon sa kalooban ng Diyos ang ating mga panalangin. Halimbawa, mahaharap tayo sa mga kahirapan sa buhay, o matatagpuan natin ang ating mga sarili sa isang sitwasyon kung saan palagi tayong nagkakasala at nangungumpisal, at nahihirapan tayo. At sa gayon, binubuksan natin ang ating mga puso sa Diyos, inilalahad sa Diyos ang tungkol sa ating mga problema at hinahanap ang kalooban ng Diyos, at makikita ng Diyos ang ating katapatan at pakikilusin Niya tayo. Bibigyan Niya tayo ng pananampalataya, o paliliwanagan Niya tayo upang maunawaan ang Kanyang kalooban. Sa ganitong paraan, mauunawaan natin ang katotohanan at magpapatuloy tayo. Halimbawa, kapag totoong nakilala natin na ang ating mga panalangin ay nakakapit lang sa mga panuntunan at inuusal lang bilang isang seremonya, o nagsasalita tayo nang may pagmamataas o kahungkagan, at wala naman tayong tunay na pakikipag-ugnayan sa Diyos, magiging ganito ang paraan ng ating panalangin: “O Diyos! Nang manalangin ako noon, wala akong interes sa Iyo. Lahat ng sinabi ko ay nasabi ko upang dayain Ka at nagsasalita ako nang walang katapatan; May pagkakautang ako sa Iyo. Mula sa araw na ito, nais kong manalangin mula sa aking puso. Sasabihin ko sa Iyo ang ano mang nasa aking puso, at sasambahin Kita nang tapat sa aking puso at hihingi ng Iyong paggabay.” Kapag naging bukas tayo sa Diyos katulad nito mula sa kaibuturan ng ating puso, makakaramdam ang ating mga puso. Makikita natin kung gayon kung gaano tayo naghimagsik laban sa Diyos, at hahangarin nating mas higit pa na magsisi nang tunay sa harapan ng Diyos at makipag-usap sa kanyang nang taos sa puso. Sa panahong ito, mararamdaman natin na ang relasyon sa Diyos ay labis na malapit, na tila nakaharap sa Kanya. Ito ang bunga ng pagbubukas ng ating puso sa Diyos.
Ang pagbubukas ng ating puso sa Diyos ay hindi nakasalalay sa kung gaano karami ang nais nating sabihin sa Kanya, o dili kaya’y gumamit tayo ng mga mabulaklak na salita o magarbong wika. Hangga’t binubuksan natin ang ating mga puso sa Diyos at sinasabi sa Kanya ang tunay nating katayuan, hanapin ang Kanyang paggabay at kaliwanagan, pakikinggan tayo ng Diyos kahit na kaunti at simpleng mga salita lamang ang ating sasabihin. Kapag lumapit tayo sa Diyos nang madalas sa ganitong paraan, sa pagtitipon man o maging sa panahon ng espirituwal na debosyon, o kapag tayo ay naglalakad sa kalye o nakaupo sa bus o sa trabaho, ang ating mga puso ay tahimik na magbubukas sa Diyos sa panalangin. Hindi na natin mamamalayan, ang mga puso natin ay mas magiging panatag sa harapan ng Diyos, mas mauunawaan natin ang kalooban ng Diyos, at kapag nahaharap tayo sa mga isyu, malalaman natin kung paano isasabuhay ang katotohanan upang masiyahan ang Diyos. Sa ganitong paraan, ang relasyon natin sa Diyos ay higit na mas magiging normal.
2. Kapag Nagbabasa ng mga Salita ng Diyos, Pagnilayan Mo ang mga Ito sa Iyong Puso at Mauunawaan Mo ang Kanilang Tunay na Kahulugan
Ginagawa ng mga Kristiyano ang espirituwal na debosyon at araw-araw na pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Paano tayo magbabasa ng salita ng Diyos sa paraang makakamit natin ang parehong magandang resulta at makatutulong upang maging mas malapit pa ang relasyon natin sa Diyos? Sinasabi ng salita ng Diyos: “Ang mga tao ay naniniwala sa Diyos, iniibig ang Diyos, at napalulugod ang Diyos sa pamamagitan ng pag-antig sa Espiritu ng Diyos gamit ang kanilang mga puso, sa gayon ay nakakamtan ang Kanyang kaluguran; kapag nakikibahagi sa mga salita ng Diyos sa kanilang puso, sila sa gayon ay kinikilusan ng Espiritu ng Diyos” . Sinasabi sa atin ng salita ng Diyos, kapag nagbasa tayo ng Kanyang salita, kailangan nating magnilay-nilay at maghanap kasama ang ating mga puso, kailangan nating makamtan ang kaliwanagan at pagpapaliwanag ng Banal na Espiritu, at kailangan nating maunawaan ang kalooban ng Diyos at kung ano ang kinakailangan Niya sa atin. Sa pamamagitan lamang ng pagbabasa sa salita ng Diyos sa ganitong paraan magkakaroon ng bunga ang ating mga pagsisikap at mapapalapit tayo sa Diyos. Kapag nagbabasa tayo ng mga salita ng Diyos, kapag binigyan lamang natin ang mga ito ng sulyap at hindi pinagtuunan ng pansin, kapag nakatuon lang tayo sa pag-unawa sa ilang mga letra at doktrina upang magpasikat lang at hindi natin binibigyan ng atensyon upang maunawaan ang tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos, kung gayon gaano man karami ang mababasa nating mga salita Niya, hindi tayo makakaayon sa Kanyang kalooban, lalo na ang pagkakaroon ng kakayahang magtatag ng isang normal na relasyon sa Diyos.
Kaya’t kapag nagbasa tayo ng mga salita ng Diyos, kailangang panatag at gamitin natin ang ating mga puso upang pag-isipan kung bakit sinabi ng Diyos ang gayong mga bagay, kung ano ang kalooban ng Diyos at ano ang mga bunga na nais ng Diyos na makamit kasama natin sa pagsasabi ng mga gayong bagay. Sa pamamagitan lamang ng malalim na pagninilay-nilay sa Kanyang mga salita at saka natin mauunawaan ang kalooban ng Diyos at magiging mas higit na umayon sa Kanyang puso, at ang ating relasyon sa Diyos ay mas magiging normal. Halimbawa, nakikita natin na sinasabi ng Panginoong Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit” (Mateo 18:3). Mauunawaan nating lahat ang mababaw na kahulugan ng pahayag na ito, na nais ng Diyos na tayo’y maging mga tapat na mga tao. Nguni’t ang mga isyu katulad ng kahalagahan ng pagiging tapat na mga tao, bakit mahal ng Diyos ang mga tapat na tao at paano ba talaga magiging tapat na mga tao, ay mga isyu na kailangan nating pagnilay-nilayan nang husto. Sa pamamagitan ng pabasang-panalangin at pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, mauunawaan natin na ang likas na katangian ng Diyos ay pagiging matapat, at walang kasinungalingan o panlilinlang sa anomang bagay na sinasabi o ginagawa ng Diyos, at kung gayon mahal ng Diyos ang mga tapat na tao at kinamumuhian ang mga mapanlinlang na mga tao. Hinihingi ng Diyos na dapat tayong maging mga tapat na tao, dahil sa pamamagitan lamang ng pagiging matapat na tao ayon sa hinihingi ng Diyos maaari tayong pangunahan ng Diyos tungo sa Kanyang kaharian. Kaya’t paano ba talaga tayo magiging mga tapat na tao? Una, huwag tayong magsalita ng kasinungalingan, bagkus dapat tayong maging dalisay at bukas at sabihin kung ano ang nasa ating mga puso; ikalawa, huwag tayong kumilos nang may pandaraya, dapat nating talikuran ang ating mga sariling interes, at huwag maging mapanlinlang sa Diyos man o sa tao; ikatlo, dapat walang panlilinlang sa ating mga puso, dapat walang personal na motibo o pakay sa ating mga kilos, sa halip dapat kumilos lang tayo upang magsagawa ng katotohanan at masiyahan ang Diyos. Pagkatapos matanggap ang liwanag sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, pagnilayan natin ang ating mga pagkilos at pag-uugali at makikita natin na nagtataglay pa rin tayo ng mga pagpapahayag na may panlilinlang: Kapag tayo’y nakikitungo sa ibang tao, kadalasan hindi natin napipigil ang ating mga sarili na magsinungaling at mandaya upang pangalagaan ang ating mga sariling interes, reputasyon at estado. Kapag ipinagamit natin ang ating mga sarili para sa Diyos, maaari nating sabihin sa panalangin na nais nating mahalin at pasayahin ang Diyos, nguni’t kapag dumating ang mga pagsubok, katulad ng pagkakasakit ng ating mga anak o pagkakasakit natin o kapag ang isang miyembro ng pamilya ay nawalan ng trabaho, mabilis tayong magreklamo sa Diyos, hanggang sa nais pa nating isuko ang ating gawain sa iglesya; sa ganito, makikita natin na ang pagpapagamit natin sa ating mga sarili para sa Diyos ay nadumihan, at parang nakikipagkasundo tayo sa Diyos. Ipinapagamit natin ang ating mga sarili sa Diyos upang makinabang tayo sa Diyos, at hindi lamang para magbigay kasiyahan sa Diyos. Ito ay ilan lamang sa mga halimbawa ng ating mga pagpapahayag ng panlilinlang. Mula sa mga pagpapahayag na ito, makikita natin na hindi talaga tayo mga tapat na tao. Kapag nakita na natin nang malinaw ang ating mga sariling kakulangan at kapintasan, magkakaroon tayo ng matibay na pagpapasya na mauhaw para sa katotohanan at maghahanap tayo upang maisagawa ang mga salita ng Diyos sa ating mga buhay. Ito ang bunga na makakamit natin mula sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos.
Siyempre, ang bungang ito ay hindi makakamit sa pamamagitan ng isang beses lang na pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, at sa halip ay sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa Kanyang mga salita nang maraming beses. Dagdag dito, kailangang sadya nating isabuhay ang mga salita ng Diyos kapag nahaharap tayo sa mga isyu. Sa maikling salita, hangga’t hindi tayo tumitigil sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos sa ating mga puso sa ganitong paraan, sa gayon, matatamo natin ang kaliwanagan at paliwanag ng Banal na Espiritu. Isang araw, magkakamit tayo ng kaunting kaliwanagan, at sa susunod na araw mas madadagdagan ang kaliwanagan, at sa paglipas ng panahon, mas mauunawaan na natin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, ang daan sa pagsasabuhay ay mas magiging malinaw, unti-unting susulong ang ating mga buhay, at mas magiging malapit ang ating relasyon sa Diyos.
3. Hanapin ang Katotohanan at Isabuhay ang mga Salita ng Diyos sa Lahat ng Bagay
Ang pinakapangunahing mga bagay sa mga Kristiyano para mapanatili ang isang normal na relasyon sa Diyos ay ang hanapin ang katotohanan kapag nakaranas sila ng mga isyu at isabuhay ito ayon sa Kanyang salita. Nguni’t sa buhay, kapag nakararanas tayo ng mga isyu, kadalasan umaasa tayo sa ating sariling mga karanasan o gumagamit tayo ng mga sariling paraan para ayusin ang mga ito, o hinaharap natin ang mga ito ayon sa ating mga sariling kagustuhan. Madalang nating pinapatahimik ang ating mga sarili sa harapan ng Diyos at hinahanap ang katotohanan, o hinaharap ang isyu sang-ayon sa kalooban ng Diyos. Ito ang nagiging dahilan upang mawalan tayo ng maraming pagkakataon na maisabuhay ang katotohanan, at napapalayo nang napapalayo tayo sa Diyos. Sinasabi ng salita ng Diyos, “Ano man ang ’yong ginagawa, kahit gaano kalaking bagay man ’yon, at sa kabila ng kung ikaw man ay tumutupad sa ’yong tungkulin sa pamilya ng Diyos, o kung ito man ay pansarili mong kapakanan, dapat mong isaalang-alang kung ang bagay na ito ay sumasang-ayon sa kalooban ng Diyos, kung ang bagay na ito ba ay isang bagay na dapat gawin ng isang taong may pagkatao, at kung ang ginagawa mo ba ay makakapagpasaya sa Diyos o hindi. Dapat pag-isipan mo ang mga bagay na ito. Kapag ginawa mo ito, samakatuwid isa kang taong naghahanap sa katotohanan at isang taong tunay na sumasampalataya sa Diyos” . “Kung kayo’y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo’y tunay nga kayong mga alagad ko” (Juan 8:31). Ipinapakita ng mga salita ng Diyos ang isang malinaw na daan. Gumagawa man tayo ng gawain ng iglesya o inaayos natin ang mga isyu na nararanasan natin sa ating mga buhay, dapat palagi nating hanapin ang katotohanan at unawain ang kalooban ng Diyos, tingnan kung paano hahawakan ang mga bagay sa paraang matutugunan ang mga pangangailangan ng Diyos, gamitin ang katotohanan upang malutas ang lahat ng mga problema na ating kahaharapin at mapanatili ang ating normal na relasyon sa Diyos.
Tingnan mo halimbawa kung paano tayo hahanap sa katotohanan kapag namimili tayo ng magiging asawa. Kapag naghahanap tayo ng makakapareha, palagi nating sinusunod ang ating sariling kagustuhan at nakatuon lang tayo sa panlabas na anyo at pag-uugali ng tao, at hinahanap natin ang isang matangkad, mayaman, at guwapong lalaki, o maputi, mayaman, magandang dalaga, sa paniniwalang magkakaroon lamang tayo ng masayang pag-aasawa kapag nagpakasal tayo sa ganoong tao, at tayo ay mamumuhay nang may kaalwan, kaginhawahan at kasiyahan, at kaiinggitan tayo ng iba. Subali’t naisip man lang ba natin na ang paghahanap ba sa ganoong kapareha ay magiging mabuti sa ating mga paniniwala sa Diyos at sa pagsulong ng ating mga buhay? Kung ang ating kapareha ay hindi naniniwala sa Diyos at tinatangka nila tayong pigilin sa ating paniniwala sa Diyos, ano na ang magiging kalalabasan nito? Sinasabi ng Bibliya, “Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di nagsisisampalataya” (2 Corinto 6:14). Mula dito, makikita natin na ang mga naisin ng mga mananampalataya at mga di mananampalataya ay hindi magkatugma at hindi pa angkop sa isa’t isa. Sa kanilang pagharap sa pananampalataya at mga panlipunang kalakaran, mayroon silang magkahiwalay na pananaw at naghahanap ng magkaibang mga bagay: Ang Kristiyano ay magnanais na sundin ang paraan na may takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, samantalang ang di mananampalataya ay magnanais na sumunod sa mga masasamang kalakaran ng sanlibutan. Kapag tayo’y nakipag-isa sa di mananampalataya, tiyak na maiimpluwensiyahan nila tayo, at mapipigil ang pag-sulong ng ating buhay. Kung kaya, kapag pumipili ng isang kapareha, kailangan nating isaalang-alang ang katauhan at katangian ng tao at isaalang-alang kung ang pakikipag-ugnayan o hindi sa kanila ay makabubuti sa ating paniniwala sa Diyos, kung pareho o hindi tayo ng pananaw, kung ang hangarin natin ay magkaayon o hindi. Kapag hindi natin isinaalang-alang ang mga bagay na ito, at nakatuon lamang tayo sa panlabas na anyo ng tao at sa kanilang sitwasyon sa pamilya, magkagayon, pagkatapos nating ikasal, darating ang kasakitan dahil hindi tayo magkapareho ng pananaw. Kapag pinilit tayo ng ating kapareha at pinigil tayo sa ating paniniwala sa Diyos, ito ang mas wawasak sa ating mga espirituwal na buhay. Kaya’t makikita ngayon na kahit ano mang isyu ang makakaharap natin sa buhay, tanging sa pamamagitan lamang ng paghahanap sa katotohanan, pag-unawa sa kalooban ng Diyos at pagkilos ayon sa kalooban ng Diyos tayo makakapamuhay sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at tanging sa paraang iyon lang natin mapananatili ang ating normal na relasyon sa Diyos.
4. Lumapit sa Diyos at Araw-araw na Magmuni-muni sa Sarili, at Panatilihin ang Iyong Malapit na Relasyon sa Diyos
Sinabi ni Jehovah: “Gunitain ninyo ang inyong mga lakad” (Hagai 1:7). Mula sa salita ng Diyos, makikita natin na ang pagmumuni-muni ay mahalaga para sa pagpasok natin sa buhay! Sa pamamagitan ng pagmumuni-muni, makikita natin na marami tayong mga kakulangan at hindi natin naabot ang hinihinging pamantayan ng Diyos. Kung gayon nagkakaroon tayo ng motibasyon sa paghanap sa katotohanan, dumarating tayo sa pagpapasya na talikuran ang laman at ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang maisabuhay ito ayon sa salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, nag-iingat tayo sa pagkilos ayon sa kinakailangan ng Diyos sa ating praktikal na karanasan, isinasabuhay ang salita ng Diyos, at ang relasyon natin sa Diyos ay mas nagiging normal. Halimbawa, tayong mga nagsisilbing mga pinuno sa iglesya ay nakikita na sinasabi sa Bibliya: “Pangalagaan ninyo ang kawan ng Dios na nasa inyo, na magsigamit kayo ng pagpupuno, na hindi sapilitan, kundi may kasayahan, na ayon sa kalooban ng Dios; ni hindi dahil sa mahalay na kapakinabangan, kundi sa handang pagiisip; ni hindi din naman ang gaya ng kayo’y may pagkapanginoon sa pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo’y maging mga uliran ng kawan” (1 Pedro 5:2–3). Kung kaya, dapat nating gawin ang pagmumuni-muni kapag tayo’y umaakay sa ating mga kapatiran, at tanungin natin ang ating mga sarili: Nag-iingat ba tayo upang magpatotoo sa mga salita ng Panginoon at sa Kanyang kalooban, at pinangungunahan ang ating mga kapatiran sa harapan ng Diyos, o nagpapahayag ba tayo ng mga bagay na tunog-mahalaga, walang kahulugang mga bagay kapag nagbabahagi tayo ng mga sermon upang magpakita, at nangangaral ng mga letra at doktrina upang tingalain at sambahin tayo ng ating mga kapatiran? Kapag ang mga kapatiran ay nagbibigay ng mga makatwirang mungkahi sa atin, pinag-iisipan ba natin ang ating sariling mga problema o tinatanggihan natin ang kanilang mga mungkahi, hanggang sa punto na gumagawa na tayo ng mga dahilan at pinipilit na bigyang-matwid ang ating mga sarili? Sa pamamagitan ng pagmumuni-muni, makikita natin na marami pang bahagi ng ating serbisyo sa Diyos kung saan tayo ay naghihimagsik, at tayo’y nagtataglay pa rin ng maraming tiwaling disposisyon na kinakailangang patuloy tayong maghanap sa katotohanan upang ang mga ito ay malutas. Sa ganitong paraan, makakakilos tayo ng may kababaang-loob, mas mahahanap natin ang kalooban ng Diyos sa ating trabaho, at mapapangunahan natin ang ating mga kapatiran ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kung hindi tayo madalas na lumalapit sa Diyos at magmuni-muni, mabibigo tayong kilalanin ang ating mga sariling katiwalian at mga kakulangan at aakalain pa rin nating patuloy tayo na naghahangad sa katotohanan. Magiging kuntento tayo kung gayon na tumayo na lang at tumangging kumilos tungo sa pag-unlad at mas magiging mapagmataas tayo at makasarili, paniniwalaan ang sariling tayo’y ayon sa puso ng Diyos. Subali’t ang totoo, ang ating mga kilos at pag-uugali ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos, at kasusuklaman tayo ng Diyos. Makikita kung gayon na ang madalas na pagmumuni-muni ay napakahalaga at ang pagsasabuhay sa katotohanan ay nakatayo sa pundasyon ng pagkilala sa sarili. Tanging sa pamamagitan lamang ng tunay na kaalaman sa ating sariling katiwalian at kakulangan at saka tayo darating sa pagsisisi, at magiging handang hanapin ang katotohanan at isabuhay ang mga salita ng Diyos. Ang pagmumuni-muni ay napakahalaga para sa pagpapatuloy natin sa buhay, at ito ang susing kailangang-kailangan upang mas mapalapit tayo sa Diyos.
Maraming paraan upang magmuni-muni sa ating mga sarili: Maaari tayong magmuni-muni sa ilalim ng liwanag ng mga salita ng Diyos; maaari tayong magmuni-muni sa mga maling nagawa natin sa ating pang-araw-araw na buhay; ang paglahad ng ibang tao sa ating mga kakulangan at katiwalian ay higit na napakagandang pagkakataon upang tayo ay makapagmuni-muni sa ating mga sarili; dagdag pa, kapag nakita natin ang mga kamalian na nagawa ng mga nasa paligid natin, maaari din tayong magmuni-muni sa ating mga sarili, tingnan ang kanilang mga kamalian bilang isang babala, matuto ng mga aral at makinabang sa mga ito, at iba pa. Ang pagmumuni-muni ay hindi lamang ginagawa sa araw o sa gabi. Ano mang oras at saan mang lugar, maaari tayong manalangin sa Diyos mula sa ating mga puso, magmuni-muni at alamin ang ating mga sariling katiwalian, at maaari nating hanapin ang kalooban ng Diyos at mga kinakailangan na makikita sa Kanyang mga salita, at agad na magsisi. Gayunman, bago tayo matulog sa gabi, dapat tayong magmuni-muni at ibuod ang lahat ng ating ginawa sa buong araw, at doon tayo magkakaroon ng mas malinaw na pag-unawa sa ating kalagayan at malaman ang mga bagay na hindi pa natin nagagawa nang tama. Kapag nasimulan nating gawin ito, ang ating mga hangarin ay mas magkakaroon ng direksyon at mas kapaki-pakinabang sa pagtatatag ng isang normal na relasyon sa Diyos.
Mga kapatid, ang apat na puntos sa itaas ay ang mga daan sa pagsasabuhay upang mas maging malapit tayo sa Diyos. Hangga’t isinasabuhay natin ang mga gawaing ito, ang ating relasyon sa Diyos ay mas magiging malapit, magkakaroon tayo ng isang daan sa pagsasabuhay sa mga isyu na ating kahaharapin, at ipagkakaloob sa atin ng Diyos ang kapayapaan at kagalakan at makakapamuhay tayo sa ilalim ng Kanyang pagpapala. Kaya bakit hindi tayo magsimula ngayon?
Inirekomendang pagbabasa: